Seminary
Lesson 97—Pagsasanay sa Doctrinal Mastery 6: Pag-unawa sa Doktrina at Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman


“Lesson 97—Pagsasanay sa Doctrinal Mastery 6: Pag-unawa sa Doktrina at Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Pagsasanay sa Doctrinal Mastery 6,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 97: Doktrina at mga Tipan 84

Pagsasanay sa Doctrinal Mastery 6

Pag-unawa sa Doktrina at Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman

isang kabataang nagmamarka ng mga banal na kasulatan

Ang doctrinal mastery ay makatutulong sa mga estudyante na maitayo ang pundasyon ng kanilang buhay kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang mga katotohanang itinuro sa mga doctrinal mastery passage at matulungan silang malaman at maipamuhay ang mga banal na alituntunin para sa pagtatamo ng espirituwal na kaalaman.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pagrerebyu ng doctrinal mastery: Unawain

Upang matulungan ang mga estudyante na maging pamilyar sa mga doctrinal mastery passage sa mga natitirang bahagi ng Doktrina at mga Tipan, maaari mo silang bigyan ng ilang minuto para markahan ang mga passage na ito sa kanilang mga banal na kasulatan sa natatanging paraan. Makikita ng mga estudyante ang listahan ng mga doctrinal mastery reference at mahahalagang parirala ng banal na kasulatan sa Doctrinal Mastery Core Document (2023).

Pagkatapos ay maaari mong anyayahan ang mga estudyante na gawin ang sumusunod na aktibidad sa maliliit na grupo para madagdagan ang kanilang pag-unawa sa doktrinang itinuro sa mga passage na ito. Siguraduhin na ang pagmamarka ng mga banal na kasulatan at pagkumpleto sa aktibidad na ito ay tatagal lamang nang 10 hanggang 15 minuto. Bibigyan nito ng sapat na oras ang mga estudyante na magsanay sa paggamit ng mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman kalaunan sa lesson.

Gumawa ng listahan ng mga karaniwang problema na nararanasan ng mga tinedyer sa kanilang buhay sa araw-araw.

Maghanap ng mga doctrinal mastery passage sa Doktrina at mga Tipan na maaaring makatulong sa mga sitwasyong iyon. Basahin ang mga passage na pinili ninyo, at maghandang ibahagi sa klase ang inyong mga sagot sa mga sumusunod na tanong:

  • Gamit ang sarili ninyong mga salita, paano ninyo ipaliliwanag ang itinuturo ng mga passage na ito?

  • Paano makatutulong ang mga turo ni Jesucristo sa mga passage na ito sa mga tinedyer na may mga karaniwang problema na inilista ninyo?

Alamin at ipamuhay ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman

Bago ipaalam ang sumusunod na sitwasyon, maaaring makatulong sa mga estudyante na rebyuhin sandali ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. (Ang mga iminumungkahing aktibidad sa pagrerebyu ay kasama sa “Mga Aktibidad sa Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery” sa apendiks ng manwal na ito.)

Ang isang paraan para magrebyu ay ang pagsusulat ng bawat alituntunin sa pisara nang magkakahiwalay na may espasyong masusulatan sa ilalim ng mga ito. Anyayahan ang halos pantay na bilang ng mga estudyante na rebyuhin ang iba’t ibang alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman mula sa talata 5–12 sa Doctrinal Mastery Core Document (2023). Pagkatapos ay palapitin ang tatlong boluntaryo, isa para sa bawat alituntunin, sa pisara. Sabihin sa kanila na magsulat sa ilalim ng angkop na heading ng isang mahalagang parirala o konsepto mula sa mga talatang nirebyu nila. Ang mga parirala o konseptong ito ay gagamitin kalaunan sa lesson.

Basahin ang sumusunod na sitwasyon, at isipin kung paano makatutulong ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman:

Nalilito si Chris. Ang kanyang ate, na ikinasal na, ay nagsabi sa kanya kamakailan na nilisan na niya ang Simbahan at hindi na niya nais pang maging miyembro nito. Si Chris ay may iba pang kapamilya at kaibigan na dating matatag sa ebanghelyo ngunit tumigil na sa regular na pagsisimba. Mabubuti silang tao at mukhang masaya at matagumpay sa kanilang buhay. Palaging pinaplano ni Chris na manatiling aktibo sa Simbahan, ngunit nagsisimula na siyang mag-isip kung mahalaga pa bang manatiling aktibo sa Simbahan sa buong buhay niya.

Sabihin sa mga estudyante na bumuo ng mga grupong may tigtatatlong miyembro, kung maaari, na binubuo ng mga estudyanteng magkakaiba ang nirebyung alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Sabihin sa mga grupo na talakayin kung paano makatutulong kay Chris ang bawat isa sa mga parirala o konsepto sa pisara.

Kung may oras pa, maaari mong ulitin nang maraming beses ang nakaraang aktibidad sa pamamagitan ng pag-anyaya sa iba pang boluntaryo na magsulat ng iba’t ibang parirala o konsepto sa pisara sa ilalim ng bawat alituntunin. Para magkaroon ng pagkakaiba-iba, sa bawat round, maaaring bumuo ang mga estudyante ng magkakaibang grupong may tigtatatlong miyembro para talakayin ang mga bagong parirala o konsepto sa pisara.

Para tapusin ang aktibidad na ito, maaaring bumuo ang mga estudyante ng mga bagong grupo nang isa pang beses para talakayin ang sumusunod:

  • Alin sa mga doctrinal mastery passage sa Doktrina at mga Tipan ang pinakamakatutulong kay Chris na maunawaan kung ano ang ibinibigay ni Jesucristo sa mga nananatiling tapat sa Kanyang Simbahan?

  • Alin sa mga doctrinal mastery passage mula sa iba pang aklat ng banal na kasulatan ang makatutulong din sa kanya?

Matapos magkaroon ng sapat na oras ang mga estudyante na magsaliksik at magtalakayan sa kanilang mga grupo, anyayahan silang ibahagi sa klase kung alin sa mga passage ang sa palagay nila ay pinakamakatutulong at bakit. Hikayatin ang maraming grupo na magbahagi. (Kabilang sa mga passage na maaaring piliin ng mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 1:30; 84:20–22; Helaman 5:12; Josue 24:15; Isaias 58:13–14; Lucas 22:19–20; Efeso 2:19–20.)

Maaari mong tapusin ang lesson sa pagsasabi sa mga estudyante na sagutin ang ilan o lahat ng sumusunod na pahayag sa kanilang study journal:

Mula sa walang-hanggang pananaw, nais ng Ama sa Langit na manatili akong tapat kay Jesucristo at aktibo sa Kanyang Simbahan dahil .

Ang isang scripture passage na tumutulong sa aking naisin na manatiling tapat kay Jesucristo at aktibo sa Kanyang Simbahan ay .

Ang isang bagay na magagawa ko upang manatiling tapat kay Jesucristo at aktibo sa Kanyang Simbahan sa buong buhay ko ay .