Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 86, naghayag ang Tagapagligtas ng karagdagang kahulugan sa Kanyang orihinal na interpretasyon ng talinghaga tungkol sa trigo at mga agingay o damo (Mateo 13:36–43). Itinuro Niya ang tungkol sa Kanyang mga pagsisikap na tipunin ang matwid bilang paghahanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante sa kanilang mga pagsisikap na makibahagi sa Tagapagligtas sa pagtitipon ng Israel.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Tinitipon ng Tagapagligtas ang Kanyang mga tao
Sa inyong palagay, bakit gustong makasama ng mga tao ang Tagapagligtas?
Sa inyong palagay, bakit nais ng Tagapagligtas na matipon ang mga tao sa Kanya?
Isipin ang sarili ninyong mga hangarin na sumunod o matipon sa Tagapagligtas. Isipin din ang inyong mga hangarin na tumulong na tipunin ang iba sa Kanya. Sa inyong pag-aaral, alamin ang mga katotohanang makatutulong sa inyo na matukoy ang kahalagahan ng pagtitipon ng inyong sarili at ng iba kay Jesucristo.
Ang talinghaga tungkol sa trigo at mga agingay
Nang gawin nina Joseph Smith at Frederick G. Williams ang inspiradong pagsasalin ng Biblia, naghayag ang Tagapagligtas ng interpretasyon ng talinghaga tungkol sa trigo at mga agingay. Ang interpretasyong ito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 86.
2:15
Ano ang pinakanapansin ninyo mula sa talinghaga na ito?
Ano ang isinasagisag ng trigo at mga agingay o damo? (Tingnan sa Mateo 13:38.)
Ang Tagapagligtas ay nagbigay ng interpretasyon sa talinghaga
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 86:1–7, at alamin kung aling mga simbolo mula sa talinghaga ang naunawaan natin sa tulong ng Tagapagligtas.
Ano ang natutuhan ninyo mula sa talinghagang ito tungkol sa paghahandang ginagawa ng Panginoon para sa Kanyang Ikalawang Pagparito?
Paano makatutulong sa inyo ang kaalaman sa katotohanang ito para makadama kayo ng pag-asa at kapayapaan kapag iniisip ninyo ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo?
Paano magagabayan ng katotohanang ito ang mga desisyong ginagawa ninyo ngayon?
Ibinahagi ni Russell M. Nelson kung paano tayo makakabahagi sa Panginoon sa pagtitipon ng Israel ngayon.
18:51
Tinitipon ng Panginoon ang mga taong pipiliin ang Diyos na maging pinakamahalagang impluwensya sa kanilang buhay.
Sa loob ng maraming siglo, ipinropesiya ng mga propeta ang pagtitipong ito [tingnan sa Isaias 11:11–12; 2 Nephi 21:11–12; Mosias 15:11], at nagaganap na ito ngayon! Dahil kailangan itong mangyari bago ang Ikalawang Pagparito ng Panginoon, ito ang pinakamahalagang gawain sa mundo! …
Kapag sinasabi nating pagtitipon ng Israel sa magkabilang panig ng tabing, ibig sabihin ay gawaing misyonero, gawain sa templo at family history. Ito rin [ay] pagpapatatag ng pananampalataya at patotoo sa puso ng mga taong kasama natin sa buhay, katrabaho, at pinaglilingkuran natin. Sa tuwing gumagawa tayo ng kahit ano na makatutulong sa kahit sino—sa magkabilang panig ng tabing—para gawin at tuparin ang kanilang mga tipan sa Diyos, tumutulong tayo na tipunin ang Israel. (Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 92–93)
Ano ang natutuhan ninyo mula sa pahayag na ito tungkol sa kung paano ninyo matutulungan ang Panginoon na tipunin ang Israel?
“Isang ilaw sa mga Gentil”
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 86:11, at alamin ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa kung paano tayo makatutulong sa pagtitipon ng mga tao sa Kanya.
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng maging “ilaw sa mga Gentil”?
Ano ang ilang paraan na makatutulong kayo sa pagtitipon ng Israel sa pamamagitan ng pagbabahagi ng liwanag ng Tagapagligtas sa iba?
2:37
Gumawa ng plano na tipunin ang Israel sa Tagapagligtas
Ano ang isang bagay na pagsisikapan mong gawin para matipon sa Tagapagligtas?
Ano ang isang bagay na gagawin mo para matulungan ang Tagapagligtas sa pagtitipon ng Israel?
Isama ang mga detalye kung paano at kailan mo isasakatuparan ang iyong mithiin.