Seminary
Lesson 99—Doktrina at mga Tipan 87: Nagpropesiya si Joseph Smith tungkol sa Digmaan


“Lesson 99—Doktrina at mga Tipan 87: Nagpropesiya si Joseph Smith tungkol sa Digmaan,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 87,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 99: Doktrina at mga Tipan 85–87

Doktrina at mga Tipan 87

Nagpropesiya si Joseph Smith tungkol sa Digmaan

Si Joseph Smith habang nananalangin

Dahil sa kaguluhan sa pulitika sa Estados Unidos ng Amerika noong 1830s, nanalangin si Joseph Smith sa Diyos upang malaman ang Kanyang kalooban tungkol sa sitwasyon. Ang kasunod na paghahayag ay naglalaman ng propesiya tungkol sa digmaan na may partikular na mga detalye na tanging ang Diyos lang ang makakaalam noong panahong iyon. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan na lahat ng salita ng Panginoon sa Kanyang mga propeta ay matutupad.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Karanasan ni Orson Pratt

Upang matulungan ang mga estudyante na makapaghanda sa pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan 87, maaari mong ibuod o basahin ang sumusunod na mga karanasan ni Orson Pratt bilang misyonero.

Si Orson Pratt ay naunang miyembro ng Simbahan na naglingkod bilang isa sa mga orihinal na miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Tinawag siya upang maglingkod sa maraming misyon sa kanyang buhay upang ipangaral ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa buong Estados Unidos at Canada. Sa kanyang mga paglalakbay, dala-dala niya ang isang kopya ng isang partikular na paghahayag na natanggap ni Joseph Smith mula sa Panginoon noong 1832. Bagama’t hindi pa natutupad ang propesiyang nakapaloob sa paghahayag, madalas itong ibahagi ni Elder Pratt sa iba. Madalas siyang kutyain, at naaalala niyang sinabi ng mga tao na ang propesiya ay “walang kabuluhan” at na siya ay “nalinlang ng isang impostor” (Orson Pratt, Journal of Discourses, 18:224–25).

  • Kung kayo si Orson Pratt, paano kaya kayo maaapektuhan ng reaksyon ng mga tao?

Isang propesiya mula sa Panginoon

Ang propesiyang ibinahagi ni Orson Pratt sa iba ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 87. Maaaring makabuti sa mga estudyante na maunawaan ang mga detalye sa kasaysayan na nakapaloob sa section heading bago basahin ang propesiya.

icon ng trainingTulungan ang mga mag-aaral na tuklasin ang doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo: Para sa karagdagang pagsasanay rito, tingnan ang training na may pamagat na “Pag-aralan ang doktrina ni Jesucristo para sa iyong sarili” na matatagpuan sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro: Ituro ang Doktrina. Maaari mong praktisin ang kasanayan sa pamamagitan ng paggawa ng mga tanong na nanghihikayat ng pagsasaliksik na tutulong sa mga estudyante na matuklasan ang doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo para sa sarili nila at hindi naghihikayat ng partikular na sagot mula sa mga estudyante.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 87:1–4, at alamin kung ano ang ipinahayag ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang propeta.

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na “di magtatagal ay darating na”?

  • Ano ang maaari nating matutuhan tungkol sa Panginoon mula sa mga talatang ito?

Bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na magbahagi ng iba’t ibang katotohanan na kanilang nalaman tungkol kay Jesucristo. Bukod pa sa binanggit nila, tulungan silang maunawaan na maipapahayag ng Panginoon sa atin ang mga pangyayari sa hinaharap sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.

Basahin ang ilan o lahat ng sumusunod na banal na kasulatan para matulungan kayong mas maunawaan ang kaalaman ng Panginoon.

  • Ano ang natutuhan ninyo? Sa inyong palagay, bakit makatutulong ang pag-unawa sa mga bagay na ito tungkol kay Jesucristo?

  • Paano nakakaapekto ang kaalamang ito sa inyong pagtitiwala sa Kanya?

Pananampalataya sa Panginoon at sa Kanyang mga propesiya

Basahin o ibuod ang sumusunod na talata upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang nangyari matapos ipahayag ng Panginoon kay Joseph Smith ang mga pangyayaring ito sa hinaharap.

Noong unang bahagi ng 1833, hindi nagtagal matapos ibigay ang propesiya ni Joseph Smith, ang mga di-pagkakasunduan na tila nagbabadya na hindi magtatagal ay maaaring magkaroon ng digmaan sa Amerika, ay mapayapang nalutas.

  • Sa palagay ninyo, ano ang itatanong ninyo kung pamilyar na kayo sa propesiya ni Joseph Smith noong panahong iyon?

Inalala ni Orson Pratt ang mga naisip niya noong naging hindi malinaw kung paano o kailan matutupad ang propesiya.

Orson Pratt

Alam kong totoo ang propesiya, sapagkat nangusap sa akin ang Panginoon at binigyan ako ng paghahayag. Alam ko rin ang tungkol sa kabanalan ng gawaing ito. Maraming taon ang lumipas, bagama’t paminsan-minsan, ilan sa mga kakilala ko ay nagtatanong, “Ano ang mangyayari sa pagbabadyang iyon? Hindi ito kailanman matutupad.” Sabi ko, “Maghintay lang, ang Panginoon ay may itinakdang panahon.” (Orson Pratt, Journal of Discourses, 18:224–25)

  • Ano ang pinakamahalaga para sa inyo sa tugon ni Orson Pratt?

  • Paano niya piniling kumilos nang may pananampalataya at magkaroon ng walang-hanggang pananaw?

Pagpiling pumanig sa Panginoon

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na talakayin ang sumusunod na tanong sa kapartner o sa maliit na grupo bago nila ibahagi sa klase ang kanilang mga sagot.

  • Ano ang ilang sitwasyon na maaaring kinakailangang kumilos ang isang tao nang may pananampalataya bilang tugon sa mensahe ng propeta ngayon?

Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan kung gaano sila kahandang pumanig sa mga propeta ng Panginoon kapag nagtuturo sila ng mga bagay na hindi sinasang-ayunan ng iba.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 1:37–38 at 21:4–6. Maghanap ng mga turo na makatutulong sa inyo na manatiling matapat sa Panginoon at sa Kanyang mga propeta, kahit hindi sang-ayon ang iba sa kanilang mga salita.

  • Ano ang nalaman ninyo?

Upang matulungan ang mga estudyante na malaman na ang pananampalataya at pagtitiis ay kadalasang kinakailangan upang makita ang katuparan ng mga propesiya ng Panginoon, maaari mong ibahagi ang sumusunod na mga detalye ng kasaysayan.

Bagama’t hindi na nakita ni Joseph Smith ang katuparan ng propesiya, ang isang bahagi nito ay natupad halos 30 taon matapos itong ibigay. Nagsimula ang labanan sa South Carolina, at ang mga estado sa Timog at Hilaga ay nakipaglaban sa isa’t isa mula 1861 hanggang 1865. Tulad ng ipinropesiya, ang Timog ay humingi ng tulong sa Great Britain at marami sa mga naging alipin ang nakipaglaban sa kanilang mga dating panginoon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 87:1–4). Maraming tao ang namatay sa digmaang ito. Tulad ng inilarawan sa propesiya, ang sumunod na mga digmaan ay naganap sa mga bansa sa buong mundo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 87:6–7).

Tumayo sa mga banal na lugar

Maaaring makadama ang ilang estudyante ng kawalang katiyakan o takot kapag iniisip nila ang tungkol sa digmaan at pagkawasak na inilarawan sa propesiyang ito. Ipaliwanag na ang mga huling salita ng Panginoon sa paghahayag na ito ay nagbibigay ng payo na makatutulong sa atin sa mga kaguluhan sa mga huling araw.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 87:8, at alamin ang payo ng Panginoon.

  • Ano ang ilang banal na lugar na ibinigay sa atin ng Panginoon na makatutulong sa inyo na humanap ng kapayapaan at kaligtasan sa ating mundo?

Maaari mong ipaliwanag na ang pananatiling matapat sa Panginoon at sa Kanyang mga propeta ay isang paraan upang tayo ay “[makatayo] … sa mga banal na lugar, at huwag matinag.” Patotohanan ang mga katotohanang tinalakay ninyo sa araw na ito at hikayatin ang mga estudyante na kumilos ayon sa anumang impresyong natanggap nila.