Lesson 105—Doktrina at mga Tipan 89:18–21: “Ako, ang Panginoon, ay Nagbibigay sa Kanila ng Pangako”
“Lesson 105—Doktrina at mga Tipan 89:18–21: ‘Ako, ang Panginoon, ay Nagbibigay sa Kanila ng Pangako,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Doktrina at mga Tipan 89:18–21,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
“Ako, ang Panginoon, ay Nagbibigay sa Kanila ng Pangako”
Matapos ihayag ang Salita ng Karunungan o Word of Wisdom kay Joseph Smith (tingnan ang lesson na “Doktrina at mga Tipan 89:1–17”), ipinaliwanag ni Jesucristo ang ilan sa mga pagpapalang ibinibigay Niya sa mga tapat na sumusunod sa mga alituntuning itinuro sa paghahayag na ito. Layunin ng lesson na ito na tulungan ang mga estudyante na piliing ipamuhay ang Salita ng Karunungan o Word of Wisdom at tanggapin ang mga ipinangakong pagpapala ng Tagapagligtas.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang harang
Isang araw, masayang naglalakad si Elder Von G. Keetch sa dalampasigan nang isang grupo ng mga bumibisitang surfer ang nainis dahil may inilagay na harang sa pagitan ng look at ng bukana ng karagatan. Galit na nagreklamo ang mga surfer at sinabi nilang nasayang ang pagpunta nila dahil sa harang na humahadlang sa kanilang mag-surf sa mas malalaking alon na nabubuo sa labas ng look.
10:19
Sa wakas ay tumayo [ang isang mas matandang lokal na surfer] at lumapit sa grupo. Walang imik na kinuha niya ang largabista sa backpack niya at iniabot ito sa isa sa mga surfer, at itinuro ang harang. Isa-isang nagtinginan sa largabista ang mga surfer. Nang ako na ang titingin, nakita ko, sa pinalaking imahe ng largabista, ang isang bagay na hindi ko pa nakita noon: mga palikpik—malalaking pating na nagsisikain malapit sa bahura [reef] sa kabilang panig ng harang. …
Habang nakatayo kami sa magandang dalampasigang iyon, biglang nabago ang aming pananaw. Ang harang na dating tila mahigpit at mapagbawal—na dating tila pumipigil sa saya at tuwang masakyan ang naglalakihang alon—ay naging kakaiba na sa tingin namin. Dahil alam na namin na may nakaambang panganib sa di kalayuan, ang harang ay isa na ngayong tagapagbigay ng proteksyon, seguridad, at kapanatagan. (Von G. Keetch, “Pinagpala at Maligaya ang mga Taong Sumusunod sa mga Kautusan ng Diyos,” Liahona, Nob. 2015, 116)
Ano ang maituturo sa atin ng karanasan ni Elder Keetch tungkol sa Diyos at sa Kanyang mga kautusan?
Aling mga kautusan ang pinakamalinaw na nagpapakita sa inyo ng hangarin ng Diyos na protektahan tayo? Bakit?
Nakikita mo ba ang Salita ng Karunungan o Word of Wisdom bilang pagpapala mula sa Ama sa Langit o bilang paghihigpit sa iyong buhay?
Ano ang nalalaman mo tungkol sa mga pagpapalang ibinibigay ng Ama sa Langit sa mga sumusunod sa Salita ng Karunungan o Word of Wisdom?
Gaano kahalaga sa iyo na sundin ang Salita ng Karunungan o Word of Wisdom? Bakit?
Mga pagpapalang nais ibigay sa atin ng Tagapagligtas
Matapos ihayag ang Salita ng Karunungan o Word of Wisdom kay Joseph Smith, ipinaliwanag ni Jesucristo ang mga pagpapalang ibibigay Niya at ng Ama sa Langit sa mga tapat na sumusunod sa paghahayag na ito.
Ano sa inyong palagay ang mga tanong ng ilang tao habang binabasa nila ang mga pangakong ito mula sa Panginoon?
Mga pagpapala ng kalusugan at pagiging matibay (talata 18, 20)
Basahin ang talata 7–8 sa bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” ng Doctrinal Mastery Core Document (2023). Basahin din ang mga sumusunod na turo mula kay Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay kabilang sa Unang Panguluhan. Binanggit niya ang isa niyang karanasan sa military noong binata siya kung saan napansin niya na nalampasan siya ng ilang kawal na hindi sumusunod sa Word of Wisdom sa kanilang pisikal na pagsasanay. Maghanap ng mga katotohanan na makatutulong sa isang tao na sagutin ang mga tanong niya tungkol sa mga ipinangako ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 89:18, 20.
Kalaunan nalaman ko na ang mga pangako ng Diyos ay hindi laging natutupad nang kasimbilis ng o sa paraang inaasahan natin; dumarating ang mga ito ayon sa Kanyang panahon at paraan. Ilang taon pagkaraan nakikita ko na ang malinaw na katunayan ng mga temporal na pagpapalang dumarating sa mga yaong sumusunod sa Word of Wisdom—bukod pa sa mga espirituwal na pagpapalang dumarating kaagad mula sa pagsunod sa anumang batas ng Diyos. Sa pagbabalik-tanaw, natitiyak ko na ang mga pangako ng Panginoon, kung hindi man laging mabilis marahil, ay laging tiyak. (Dieter F. Uchtdorf, “Patuloy na Magtiyaga,” Liahona, Mayo 2010, 58)
Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa Panginoon at sa Kanyang mga pangako na makatutulong sa isang tao na tapat na sumusunod sa Salita ng Karunungan o Word of Wisdom ngunit nakakaranas pa rin ng mga problema sa kalusugan?
Mga pagpapala ng karunungan at kaalaman (talata 19 )
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 29:34, at pag-isipan kung paano maiaangkop sa Salita ng Karunungan o Word of Wisdom ang doktrinang itinuro ng Tagapagligtas sa talatang ito.
Bukod sa pagpapala sa pisikal, paano naging espirituwal na pagpapala una sa lahat ang Salita ng Karunungan o Word of Wisdom?
Sa anong mga paraan nagtutulot ang pagsunod natin sa Salita ng Karunungan o Word of Wisdom na biyayaan tayo ng Tagapagligtas ng karagdagang sekular na karunungan at kaalaman? ng dagdag na espirituwal na karunungan at kaalaman?
Paano nakatutulong sa atin ang pagsunod sa Salita ng Karunungan o Word of Wisdom para mas lubos na makatanggap ng paghahayag mula sa Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo?
Si Daniel at ang iba pang kabataang nakatira sa Babilonia ay pinag-aral at sinanay upang maging pantas para sa hari. Noong inalok sila ng karne mula sa hari, tumanggi si Daniel na kainin ito dahil sa mga batas ng Panginoon sa kalusugan sa panahong iyon. Pinayagan ng tagapagsilbi ng hari si Daniel at ang iba na subukang kumain ng iba’t ibang pagkain sa loob ng 10 araw upang malaman kung magiging kasinlusog at kasintalino nila ang iba pang kabataan na sinasanay.
Basahin ang Daniel 1:17–20, at maghanap ng katibayan ng mga sekular at espirituwal na pagpapala ng karunungan na ibinigay ng Diyos kay Daniel at sa kanyang mga kasama.
Anong katibayan ng mga pagpapala ng Diyos ang nahanap ninyo?
Anong mga halimbawa ng proteksyon ng Tagapagligtas ang nakita ninyo sa inyong buhay nang sundin ninyo ang Salita ng Karunungan o Word of Wisdom?
Pagsunod sa Salita ng Karunungan o Word of Wisdom
Batay sa natutuhan mo tungkol sa Salita ng Karunungan o Word of Wisdom, bakit mahalaga sa iyo na sundin ang paghahayag na ito mula kay Cristo?
Gumawa ng plano na tutulong sa iyo na sundin ang Salita ng Karunungan o Word of Wisdom. Isipin ang mga sitwasyon o tukso na maaari mong maranasan, at pagpasiyahan ang pinakamainam na paraan para mapaglabanan mo ang mga ito. Maaari mong ibahagi sa Ama sa Langit ang iyong mga hangarin at ang iyong plano sa pamamagitan ng panalangin at paghingi ng Kanyang lakas upang magtagumpay.