Habang dumaranas ng matinding pang-uusig, nais malaman ng mga Banal sa lupain ng Sion (Jackson County, Missouri) ang kalooban ng Panginoon para sa kanila. Itinuro sa kanila ng Panginoon ang mga pagpapala ng pagkakaroon ng dalisay na puso. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na magkaroon ng dalisay na puso.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Purong tubig
Ano ang ilang pakinabang ng pagkakaroon ng malinis at purong tubig?
Kapag marumi ang tubig, ano ang ilang paraan para linisin ito?
Paano maihahambing ang purong tubig sa dalisay na puso?
Sa Doktrina at mga Tipan 97, ipinahayag ng Panginoon ang Kanyang mga hangarin na magkaroon ang Kanyang mga tao ng dalisay na puso. Habang nag-aaral ka ngayon, isipin ang kalagayan ng iyong puso. Maghangad ng inspirasyon na maunawaan ang mga pagpapala ng pagtutulot sa Panginoon na dalisayin ang iyong puso.
Ang Sion ay ang may dalisay na puso
Isang grupo ng mga elder sa “Sion,” na isang pangalan na ginagamit noong panahong iyon kapag tinutukoy ang Jackson County, Missouri, ang nagnais na malaman ang kalooban ng Panginoon para sa kanila, kaya sumulat sila ng liham kay Joseph Smith para humingi ng mga sagot. Bilang tugon, inilarawan ng Panginoon ang magagandang plano para sa paaralan, Simbahan, at maging sa templo sa lupain ng Sion. Upang mahikayat ang mga Banal na maging dalisay at tanggapin Siya, inihambing sila ng Panginoon sa dalawang punungkahoy: ang isa ay puputulin at ang isa ay mabunga (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 97:1–10). Tulad ng pagtawag ng Panginoon sa mga tao ni Enoc na Sion (tingnan sa Moises 7:18), gustong tawagin ng Panginoon ang Kanyang mga Banal sa mga huling araw na Sion. Nais Niya na sila ay maging katulad Niya, hindi lamang basta manirahan sa isang lugar na tinatawag na Sion.
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng maging dalisay ang puso?
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson ang magagawa natin para maging dalisay:
Hindi inaasahan ng Panginoon na magiging perpekto tayo sa bahaging ito ng ating walang hanggang pag-unlad. Ngunit ang inaasahan Niya sa atin ay maging mas dalisay tayo. Ang araw-araw na pagsisisi ay landas patungo sa kadalisayan, at ang kadalisayan ay nagdadala ng kapangyarihan. (Russell M. Nelson, “Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” Liahona, Mayo 2019, 68)
Ano ang ipinapaunawa sa inyo ng pahayag na ito tungkol sa kadalisayan?
Ang mga pagpapala ng Panginoon na matatamo sa mga templo
Sa Doktrina at mga Tipan 97:10–21, nagbigay ang Panginoon ng mga tagubilin sa Kanyang mga tao na tutulong sa kanila na magkaroon ng dalisay na puso. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 97:10–12, at hanapin ang mga tagubiling ibinigay ng Panginoon sa Kanyang mga tao.
Ano ang alam ninyo tungkol sa mga templo ng Panginoon na tumutulong sa inyo na maunawaan kung bakit matutulungan ng mga ito ang Kanyang mga tao na magkaroon ng dalisay na puso?
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 97:13–21, at hanapin ang mga pagpapalang inilarawan ng Panginoon na may kaugnayan sa pagsamba sa Kanyang mga templo.
Paano tayo mahihikayat ng mga pagpapalang ito na magkaroon ng dalisay na puso?
Binanggit ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan ang Doktrina at mga Tipan 97:15–17 at itinuro ang ibig sabihin ng makikita ang Diyos sa templo:
16:22
Nilinaw sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson na “makikita” natin ang Tagapagligtas sa templo dahil makikilala natin Siya. Ito ang sinabi ni Pangulong Nelson: “Nauunawaan natin Siya. Naiintindihan natin ang Kanyang gawain at ang Kanyang kaluwalhatian. At unti-unti nating nadarama ang walang hanggang epekto ng Kanyang hindi mapapantayang buhay” [Teachings of Russell M. Nelson (2018), 369].
Kung kayo o ako ay pupunta sa templo nang hindi sapat ang kadalisayan, hindi natin makikita, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang mga espirituwal na turo tungkol sa Tagapagligtas na matatanggap natin sa templo. (Henry B. Eyring, “Templo’y Ibig Makita,” Liahona, Mayo 2021, 30)
Paano mahihikayat ng pangakong ito ang isang tao na magkaroon ng dalisay na puso?
Sa palagay ninyo, bakit hinihingi ng Panginoon ang pagiging dalisay ng puso para makapasok sa templo?
Pagiging dalisay ng puso
Ang mga tanong sa temple recommend ay matatagpuan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili. Mag-ukol ng oras para pagnilayan ang bawat isa sa mga tanong sa temple recommend. Isipin kung paanong ipinapahiwatig ng mga sagot ninyo ang kalagayan ng inyong puso.
Ano ang gagawin mo upang tulutan ang Panginoon na dalisayin ang iyong puso?
Sa iyong palagay, bakit kapwa napakahalaga sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na dalisay ang iyong puso?