Noong Pebrero 24, 1834, nakatanggap si Propetang Joseph Smith ng paghahayag mula sa Panginoon na nag-uutos sa kanya na bumuo ng isang grupo ng mga boluntaryo na tutulong sa mga nagdurusang Banal sa Missouri. Hiningi ng Panginoon ang matinding pananampalataya ng mga tumugon sa tawag na sumali sa grupo, na nakilala bilang Kampo ng Israel. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na masunod ang mga kautusan na ibinigay sa kanila ng Panginoon.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Mga balakid tungo sa buhay na walang hanggan
Ipinahayag ni Pangulong Wilford Woodruff (1807–98):
Ang nais ko ay kaligtasan at buhay na walang hanggan, at hindi ko gusto na may anumang bagay na humadlang sa akin at sa yaong ninanais ko. (Wilford Woodruff, sa Journal of Discourses, 17:246)
Ano ang ilang balakid na maaaring hayaan ng mga tao na makahadlang sa paghahangad nila ng buhay na walang hanggan?
Sa scale na isa (hindi handa) hanggang sampu (handang-handa), gaano ka kahandang sumunod sa Panginoon kapag tila mahirap ang Kanyang mga utos?
Isipin ang mga dahilan kung bakit gayon ang tugon mo. Sa inyong pag-aaral ngayon, bigyang-pansin ang mga turo at espirituwal na pahiwatig mula sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo na makatutulong sa inyo na sundin ang Tagapagligtas, kahit tila mahirap ang isang utos.
Tumawag ang Panginoon ng mga tao upang tubusin ang Sion
Paano ninyo ibubuod ang mga tagubilin ng Panginoon sa mga talatang ito?
Iniutos ng Panginoon sa mga tao na igrupo ang sarili nang sampu-sampu, o dala-dalawampu, o lima-limampu, o isang daan. Iniutos Niya na magtipon ng limang daang katao pero kailangang hindi bababa sa isang daang katao ang sumama (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 103:29–34). Sa kabuuan, mahigit dalawang daang katao ang sumama sa grupo na kilala bilang Kampo ng Israel, na kalaunan ay tinawag na Kampo ng Sion.
Ano kaya ang maiisip o madarama ninyo kung tinawag kayo upang sumama sa Kampo ng Israel? Bakit?
Ano ang nakita ninyo sa mga talatang ito na maaaring nakapapanatag sa mga miyembro ng Kampo ng Israel?
Inilarawan ni Wilford Woodruff ang kanyang desisyong sumama sa Kampo ng Israel:
Tinawag akong ipagsapalaran ang aking buhay at magtungo sa Missouri, at iilan sa amin ang humayo upang tubusin ang ating mga kapatid. Talagang kailangan naming humayo nang may pananampalataya. Ang aking mga kapitbahay ay tumawag at nakiusap na huwag na akong sumama; sabi nila—“Huwag kang sumama, kung gagawin mo iyan ay mamamatay ka.” Sinabi ko sa kanila—“Kung nalalaman ko na [tatamaan] ako ng bala sa puso sa unang hakbang ko sa Estado ng Missouri, pupunta ako.” … Iyan ang nadama ko sa mga araw na iyon hinggil sa gawain ng Diyos, at iyan ang nadarama ko ngayon. Ang nais ko ay kaligtasan at buhay na walang hanggan, at hindi ko gusto na may anumang bagay na humadlang sa akin at sa yaong ninanais ko. (Wilford Woodruff, sa Journal of Discourses, 17:246; ginawang makabago ang pagbabaybay)
Ano ang pinakanapansin ninyo sa pahayag na ito?
Ano ang natutuhan ninyo sa pahayag na ito na makatutulong sa inyo kapag naharap kayo sa mga utos na mahirap sundin?
Pananampalatayang sumunod sa mga utos ng Panginoon
Ano ang ilang halimbawa ng mga utos o kautusan ng Panginoon na maaaring mahirap para sa mga tinedyer na sundin ngayon?
Bakit maaaring maging mahirap sundin ang mga kautusang ito?
Kunwari ay may kaibigan kang nahaharap sa isang kautusan na mahirap sundin. Pumili ng isa sa mga sumusunod na opsiyon sa pag-aaral, at maghanap ng mga turo at katotohanan na gusto mong ibahagi sa iyong kaibigan.
Opsiyon 1: Mga salaylay mula sa mga banal na kasulatan