Seminary
Lesson 118—Doktrina at mga Tipan 105: “Sila ay Dalhin sa Ganito Bilang Pagsubok sa Kanilang Pananampalataya”


“Lesson 118—Doktrina at mga Tipan 105: ‘Sila ay Dalhin sa Ganito Bilang Pagsubok sa Kanilang Pananampalataya,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 105,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 118: Doktrina at mga Tipan 102–105

Doktrina at mga Tipan 105

“Sila ay Dalhin sa Ganito Bilang Pagsubok sa Kanilang Pananampalataya”

ilog fishing sa Missouri

Hindi nagtagal pagkatapos dumating ng Kampo ng Israel sa Missouri, inihayag ng Panginoon na ang pagtubos ng Sion ay dapat “maghintay ng maikling panahon” (Doktrina at mga Tipan 105:9, 13). Sa katatapos na paglalakbay nang mahigit 800 milya (1,280 kilometro) at umaasang matutulungan ang mga Banal sa Missouri na mabawi ang kanilang mga lupain, nadama ng grupo na nasubok ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng mga tagubilin ng Panginoon na bumalik na sa kanilang mga tahanan. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na makadama ng mas malaking hangarin na manatiling tapat sa Diyos kapag sinusubok ang kanilang pananampalataya.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

icon ng training Maghikayat ng paghahanda para sa mga karanasan sa pagkatuto. Para malaman pa ang tungkol sa pagtulong sa mga estudyante na makapaghanda para sa karanasan sa pagkatuto, tingnan ang training na may pamagat na “Anyayahan ang mga Mag-aaral na Maghandang Matuto,” na matatagpuan sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro: Maghikayat ng Masigasig na Pag-aaral. Maaaring sanayin ang kasanayang “Gumawa ng mga paanyaya na tutulong sa mga mag-aaral na maghanda para sa susunod na karanasan sa pagkatuto.”

Ito ang pangatlo sa tatlong lesson tungkol sa mga karanasan ng Kampo ng Israel sa linggo ng Doktrina at mga Tipan 102–105. Kung hindi mo itinuro ang isa o ang dalawang naunang lesson, isipin kung paano mo maaaring isama ang mga bahagi ng mga lesson na iyon sa lesson na ito.

Mga pagsubok sa ating pananampalataya

Maaari mong ibahagi ang isang sitwasyon na tulad ng sumusunod at pagkatapos ay talakayin ang mga tanong.

Sa naaalala niya, sabik si Sister Gonzalez na maglingkod sa Panginoon bilang full-time missionary. Sa kanyang paglilingkod bilang missionary, masigasig siyang nagtrabaho at umasa sa Panginoon. Sa kabila ng mga pagsisikap na ito, kaunting tao lang ang nahanap ni Sister Gonzalez at ng kanyang mga kasama para turuan, at mas kaunti pa ang tumanggap sa mga paanyaya nila na lumapit kay Cristo at magpabinyag. Karamihan sa mga kaibigan ni Sister Gonzalez na nagmisyon ang tila mas maraming natulungang tao sa pagtanggap ng ebanghelyo ng Tagapagligtas kaysa sa kanya.

  • Ano ang ilang negatibong bagay na maaaring maisip ni Sister Gonzalez tungkol sa kanyang misyon?

  • Paano maaaring maiba ang kanyang naiisip kung titingnan niya nang may walang-hanggang pananaw ang kanyang paglilingkod bilang missionary?

Ipaliwanag na may mga pagkakataong ang ating mga pagsisikap na maglingkod at sumunod sa Panginoon ay maaaring magkaroon ng ibang resulta kumpara sa inaasahan natin. Anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng ilang halimbawa ng ganitong mga uri ng mga sitwasyon. Maaaring kabilang sa mga halimbawa ang mga sumusunod: pagsisikap na sundin ang mga kautusan ngunit napapansin na ang ibang hindi sumusunod sa Diyos ay tila mas umuunlad, regular na pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan ngunit hindi nadarama na marami kang natututuhan, o nagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo ngunit nakararanas ng mga hamon tulad ng pagkabalisa o depresyon.

Anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan kung paano sila tumugon o tutugon sa mga sitwasyong tulad nito. Hikayatin silang maghanap ng mga turo habang nag-aaral sila na makatutulong sa kanila kapag ang kanilang mga pagsisikap na maglingkod at sumunod sa Panginoon ay nagbubunga ng di-inaasahang mga resulta.

Ang mga tagubilin ng Panginoon sa Kampo ng Israel

kampo ng sion

Bago ibahagi ang sumusunod na buod, bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong magbahagi ng anumang detalye na naaalala nila mula sa nakaraang lesson tungkol sa Kampo ng Israel at sa kanilang paglalakbay mula Ohio patungong Missouri.

Pagkatapos maglakbay nang halos pitong linggo at dumanas ng mga paghihirap at himala, nakarating ang Kampo ng Israel sa Jackson County, Missouri. Sabik ang mga miyembro ng kampo na malaman ang kalooban ng Panginoon at kung paano matutubos ang Sion. Para sa marami, ang pagtubos sa Sion ay nangangahulugang pagbabalik ng mga Banal sa Missouri sa kanilang mga tahanan. Noong Hunyo 22, 1834, habang mga isang araw na lang bago sila makarating sa Jackson County, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 105.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 105:9, at alamin ang sinabi ng Panginoon tungkol sa pagtubos ng Sion.

  • Kung kayo ay miyembro ng Kampo ng Israel, ano kaya ang madarama ninyo tungkol sa tagubiling ito? Bakit?

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 105:10–14, 17–19, at alamin ang mga dahilang ibinigay ng Panginoon kung bakit hindi matutubos ang Sion sa panahong iyon.

  • Paano ninyo ibubuod ang mga turo ng Panginoon mula sa talata 19 gamit ang sarili ninyong mga salita?

    Bago talakayin ang susunod na tanong, ipaalala sa mga estudyante ang sitwasyon ni Sister Gonzalez at ang kanilang sariling mga halimbawa ng sitwasyon kapag ang pagsunod sa Panginoon ay nagdulot ng naiiba sa inaasahan natin.

  • Ano ang natutuhan ninyo mula sa mga talatang ito na makatutulong kapag dumaranas tayo ng mga pagsubok sa ating pananampalataya?

Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng iba’t ibang katotohanan gamit ang sarili nilang mga salita, kabilang ang tulad ng sumusunod: Naghanda ang Diyos ng malalaking pagpapala para sa mga nananatiling mapagpakumbaba at matapat sa Kanya sa panahong sinusubok ang kanilang pananampalataya.

Kung kinakailangan, ipaliwanag na ang isang pagsubok sa pananampalataya ay maaaring isang pagsubok sa kung pipiliin nating magtiwala at sumunod sa Panginoon anuman ang mangyari.

Dumarating ang mga pagpapala pagkatapos ng mga pagsubok sa pananampalataya

Ipaliwanag na maraming katotohanan sa mga banal na kasulatan na makatutulong sa atin kapag sinusubok ang ating pananampalataya. Ang pag-alaala sa mga katotohanang ito sa mga panahon ng pagsubok ay makatutulong sa atin na manatiling tapat sa Diyos.

Maglaan ng sandali para makahanap ng mga turo mula sa mga banal na kasulatan o sa mga lider ng Simbahan na makatutulong sa inyong manatiling tapat sa Diyos kapag sinusubok ang inyong pananampalataya. Maaaring kabilang sa mga halimbawa ang Isaias 55:8–9; Roma 8:28; Eter 12:6; Doktrina at mga Tipan 76:2–3.

Bago itanong ang susunod na tanong, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magsulat sa pisara ng isang pariralang partikular na makabuluhan para sa kanila. Pagkatapos maisulat ang maraming parirala, pumili ng ilang parirala, at anyayahan ang mga estudyanteng nagsulat ng mga ito na ipaliwanag kung bakit makabuluhan sa kanila ang pinili nilang parirala.

  • Ano ang nalaman ninyo na makatutulong sa inyong manatiling tapat sa Diyos kapag sinusubok o sinusubukan ang inyong pananampalataya?

  • Ano ang ilang pagpapalang natanggap ninyo o ng iba sa pananatiling tapat sa Diyos sa panahong sinusubok ang pananampalataya?

Habang nag-iisip ang mga estudyante ng mga karanasan, maaari kang magbahagi ng isa sa sarili mong mga karanasan. Maaari mo rin silang anyayahang maghanap ng mga halimbawa ng mga tao sa mga banal na kasulatan. Maaaring kabilang sa mga halimbawa si Abraham (tingnan sa Genesis 22:1–18), Gideon (tingnan sa Mga Hukom 6:11–16; 7:2–9, 15–21), o si Jesucristo (tingnan sa 3 Nephi 11:10–11).

Ipaliwanag na maraming miyembro ng Kampo ng Israel ang nakatanggap rin ng malalaking pagpapala pagkatapos ng kanilang pakikibahagi.

Ginunita ni Pangulong Brigham Young (1801–77), na naglakbay kasama ang Kampo ng Israel, ang kanyang mga pakikipag-usap pagkatapos niyang makauwi:

Pangulong Brigham Young

Sa aking pagbalik, maraming kaibigan ang nagtanong sa akin kung ano ang kapakinabangan sa pagtawag ng mga tao mula sa kanilang paggawa upang magtungo sa Missouri at pagkatapos ay bumalik, nang tila walang anumang naisasagawa. “Sino ang nakinabang dito?” tanong nila. “Kung iniutos ng Panginoon na gawin ito, ano ang layunin niya sa paggawa nito?” … Sinabi ko sa mga kapatid na iyon na nabayaran ako nang maayos—nabayaran nang may malaking tubo—oo, na ang aking takalan ay umaapaw sa kaalaman na natanggap ko sa pamamagitan ng paglalakbay kasama ang Propeta. (Brigham Young, “Discourse,” Deseret News, Dis. 3, 1862, 177)

  • Anong mga pagpapala ang natukoy ni Brigham Young na natanggap niya bilang resulta ng kanyang karanasan sa Kampo ng Israel?

Upang matulungan ang mga estudyante na makita ang isa pang halimbawa ng mga layunin at pagpapala ng Diyos para sa mga tapat na naglakbay kasama ang Kampo ng Israel, ibahagi ang sumusunod na buod. Bilang alternatibo, maaari mong ipanood ang video na “Zion’s Camp” (18:44) mula sa time code na 16:44 hanggang 18:44. Matatagpuan ang video na ito sa ChurchofJesusChrist.org.

21:29

Sa perpektong karunungan ng Panginoon, ang pagsubok sa Kampo ng Sion ay nakatulong na maihanda ang maraming lider ng Simbahan sa hinaharap. Noong Pebrero 1835, inorganisa ng Tagapagligtas ang Korum ng Labindalawang Apostol at ang Unang Korum ng Pitumpu sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Siyam sa mga orihinal na Apostol na iyon, lahat ng pitong Pangulo ng Pitumpu, at lahat ng animnapu’t tatlong iba pang miyembro ng Unang Korum ng Pitumpu ay naglakbay kasama ang Kampo ng Israel noong 1834.

Isipin ang iyong buhay

Bigyan ng oras ang mga estudyante na pagnilayan ang natutuhan at nadama nila sa lesson ngayon. Ang isang paraan upang magawa ito ay anyayahan ang mga estudyante na sagutin ang sumusunod na tanong sa kanilang study journal.

  • Ano ang natutuhan o nadama mo ngayon na makatutulong kapag nakakaranas ka ng mga pagsubok sa iyong pananampalataya?

Maaari mong anyayahan ang ilang handang estudyante na ibahagi ang isinulat nila. Para tapusin ang lesson, maaari kang magpatotoo sa mga katotohanang tinalakay ninyo sa araw na ito.