Seminary
Lesson 122—Doktrina at mga Tipan 109: Ang Templo ng Panginoon: Isang Bahay ng Kaluwalhatian at Kapangyarihan


“Lesson 122—Doktrina at mga Tipan 109: Ang Templo ng Panginoon: Isang Bahay ng Kaluwalhatian at Kapangyarihan,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 109,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 122: Doktrina at mga Tipan 109–110

Doktrina at mga Tipan 109

Ang Templo ng Panginoon: Isang Bahay ng Kaluwalhatian at Kapangyarihan

Templo ng Kirtland

Ang mga Banal ay nagtrabaho nang halos tatlong taon upang itayo ang Templo ng Kirtland, ang unang templong itinayo sa dispensasyong ito. Ang Doktrina at mga Tipan 109 ay ang panalangin ng paglalaan na inihayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith. Ang panalanging ito ay naglalaman ng mga pagpapalang matatanggap natin ngayon. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na makadama ng mas matinding hangaring dumalo sa templo at tanggapin ang mga ipinangakong pagpapala ng Panginoon.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga nadarama tungkol sa templo

Maaari kang magpakita ng mga larawan ng iba’t ibang templo. Maaari mong tanungin ang mga estudyante tungkol sa ilang katotohanan tungkol sa templo, tulad ng kung ilang templo ang kasalukuyang ginagamit, ilan ang ibinalita sa huling pangkalahatang kumperensya, kung aling templo ang pinakamalapit sa lugar ng klase mo, at iba pa.

  • Bakit nasasabik ang ilang tao na dumalo sa templo? Bakit hindi nasasabik ang ilan?

    Ipakita ang mga sumusunod na pahayag at hikayatin ang mga estudyante na pagnilayan kung gaano katindi ang kanilang pagsang-ayon sa bawat pahayag. Bilang alternatibo, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isulat sa kanilang study journal ang mga nadarama nila tungkol sa pagdalo sa templo.

  • Ang templo ang bahay ng Diyos.

  • Mahalaga sa akin ang paghahanda o pagdalo sa templo.

  • Naniniwala ako na may mga makabuluhang pagpapala na ibibigay sa akin ang Panginoon sa pagsisikap na maging karapat-dapat na dumalo sa Kanyang bahay.

Isipin ang anumang tanong o alalahanin na mayroon kayo tungkol sa paghahanda at pagdalo sa templo. Habang nag-aaral kayo ngayon, maaari ninyong ipanalangin sa Ama sa Langit na tulungan kayong makadama ng mas matinding hangaring dumalo sa Kanyang banal na templo.

Ang Templo ng Kirtland

Magpakita ng larawan ng Templo ng Kirtland, tulad ng kasama sa simula ng lesson. Magbahagi sandali ng ilang impormasyon tungkol sa kasaysayan ng templong ito gamit ang sarili mong mga salita o ipabasa sa dalawang estudyante ang mga sumusunod na talata.

Sa pagitan ng Hunyo 1833 at Marso 1836, ang mga miyembro ng Simbahan ay nagsakripisyo ng panahon, pera, at ari-arian upang makatulong sa pagtatayo ng unang templo sa dispensasyon na ito. Nagtrabaho nang mahusay ang kalalakihan sa pagtatayo ng gusali, at nagtahi ng mga kasuotan at nagbigay ng matutuluyan sa mga manggagawa ang kababaihan. Ang ilang Banal sa mga Huling Araw ay nagbigay ng malaking bahagi ng kanilang kayamanan sa pagpapatayo ng templo. Tinatayang 60,000 United States dollar ang halagang nagastos sa templo—isang napakalaking halaga sa panahong iyon, lalo na kung iisipin ang kahirapan ng mga Banal.

Inilaan ang Templo ng Kirtland noong Marso 27, 1836. Maraming Banal sa mga Huling Araw na dumalo sa mga seremonya at pangyayari na nauugnay sa paglalaan ang nakaranas ng mga dakilang espirituwal na pagpapakita. Kabilang dito ang pagdinig ng tunog ng rumaragasang malakas na hangin, pagsasalita sa iba’t ibang wika, pagkakita ng mga pangitain, at pagsaksi sa pagdalaw ng mga anghel.

Ang Doktrina at mga Tipan 109 ay ang panalangin sa paglalaan na inihayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith. Binasa nang malakas ang panalanging ito sa mga serbisyo ng paglalaan. Nagpapatuloy ang huwarang ito sa kasalukuyan, sa pamamagitan ng inspiradong panalangin ng paglalaan na binabasa sa bawat sesyon ng paglalaan ng templo.

Maaari mong itanong kung may mga estudyanteng nakadalo na sa isang paglalaan ng templo. Kung mayroon, maaaring ibahagi ng isang estudyante ang naaalala niya tungkol sa panalangin ng paglalaan.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 109:1–4, at alamin kung paano nagsimula ang inspiradong panalangin ng paglalaan na ito.

  • Ano ang makabuluhan para sa inyo sa mga talatang ito?

Habang nagbabahagi ang mga estudyante, maaari kang magtanong pa gaya ng “Ano ang inihahayag ng mga talatang ito tungkol sa Panginoon?” o “Ano ang pinakanapansin ninyo tungkol sa pag-uugali ng mga Banal?” (para sa mga halimbawa, tingnan sa talata 1 at 4).

Mga layunin at mga pagpapala ng templo

Tiyaking may sapat na oras ang mga estudyante para sa sumusunod na aktibidad sa pag-aaral. Maaari mong isulat sa pisara ang mga salitang Mga Layunin at Mga Pagpapala.

Maaaring makipagtulungan ang mga estudyante sa isang ka-partner upang gawin ang sumusunod at markahan ang malalaman nila.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 109:5, 11–16, 20–24, at alamin ang ilan sa mga layunin ng Panginoon sa pagpapatayo ng Kanyang templo at ang mga ipinangakong pagpapala sa paggawa nito.

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na talakayin sa kanilang mga ka-partner kung aling mga layunin at pagpapala ang pinakamahalaga sa kanila at kung bakit.

Anyayahan ang bawat magka-partner na gumawa ng pahayag ng katotohanan batay sa isa sa mga makabuluhang kabatirang nalaman nila. (O, depende sa laki ng klase, maaari mong anyayahan ang bawat estudyante na magbahagi.) Maaari kang magbigay ng maliit na piraso ng papel na masusulatan ng mga estudyante ng kanilang pahayag at maipapaskil sa pisara. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga estudyante ang kanilang pahayag, ang talata o mga talata kung saan nakabatay ang mga ito, at kung bakit mahalaga ito sa kanila.

Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng mga katotohanang katulad ng sumusunod:

  • Sa templo, maipapakita ng Panginoon ang Kanyang sarili sa atin. (talata 5, 12–13) (Paalala: Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na maipapakita ng Panginoon ang Kanyang sarili sa maraming paraan. Tatalakayin ito sa susunod na lesson.)

  • Sa templo, mabibigyan tayo ng Panginoon ng Kanyang kapangyarihan, proteksyon, at tulong. (talata 13, 22)

  • Ang templo ay isang lugar ng pagkatuto. (talata 14–15)

  • Ang pagsamba sa templo ay makapaghahanda sa atin na paglingkuran ang Panginoon at ipangaral ang Kanyang salita. (talata 22–23)

  • Ano ang maitutulong ng mga katotohanang ito sa matututuhan natin tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? Bakit iyon mahalaga sa inyo?

Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na basahin ang mga sumusunod na pahayag mula sa kabataan tungkol sa kanilang mga karanasan sa templo. Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng mga halimbawa ng mga pagpapalang nakalista sa itaas pati ng mga karagdagang pagpapala.

Mga nakasisiglang ideya ang tanging pumupuspos sa aking isipan sa templo. Isang napakagandang pakiramdam ang mag-isip ng mga bagay na magagawa mo upang tulungan ang iba. [Chloé D.] …

… Ang regular na pagbisita sa templo ay nakatulong sa akin na madama nang mas madalas ang Espiritu. Talagang mas napalapit nito sa isa’t isa ang mga kaibigan ko. Gayundin, maraming kaklase namin ang nagtatanong tungkol sa pagpunta namin sa templo. …

… Natanggap ng isang kaibigan … ang kanyang unang limited-use recommend, at magandang makita ang naging positibong epekto nito sa kanyang buhay. [Annalise K.] …

… Sa simpleng paglalakad lang sa [templo], naramdaman kong nawala na lang ang lahat ng problemang nararanasan ko sa paaralan at saanman. Napapanatag ako kapag nasa templo. Napuspos ako ng kaligayahan. Kapag nasa templo ako, natutulungan akong magtuon sa kailangan kong gawin sa simbahan at sa iba pang mga tungkulin. Talagang kamangha-manghang makaalis at makalayo sa lahat ng problema ko. [Kole E.] (“Youth Voices: Attending the Temple,” New Era, Abr. 2013, 5–7)

Pagdalo sa banal na templo ng Panginoon

Maaari mong ipanood ang video na “The Blessings of the Temple” (3:37) o “Strength beyond My Own” (3:47). Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang mga pagpapalang nadama nila sa paghahanda o pagpasok sa templo. Ang isa pang opsiyon ay ang kantahin ang “Espiritu ng Diyos” (Mga Himno, blg. 2), na isinulat para sa paglalaan ng Templo ng Kirtland o iba pang himno tungkol sa templo.

2:3
2:3

Pinatotohanan ni Pangulong Russell M. Nelson:

Pangulong Russell M. Nelson

Bahay Niya [ang templo]. Puno ito ng Kanyang kapangyarihan. Huwag nating kalimutan ang ginagawa ng Panginoon para sa atin ngayon. … Ipinapangako ko na ang mas madalas na pagpunta sa templo ay magpapala sa inyong buhay na hindi matatamo sa ibang paraan. (Russell M. Nelson, “Magtuon sa Templo,” Liahona, Nob. 2022, 121)

  • Kailan kayo nakaranas o ang isang taong malapit sa inyo ng mga pagpapala ng templo?

Sabihin sa mga estudyante na alalahanin ang kanilang mga sagot sa simula ng lesson tungkol sa dahilan kung bakit maaaring hindi nasasabik ang ilang tao na dumalo sa templo.

  • Ano ang natutuhan o nadama ninyo na makatutulong sa isang tao na harapin ang kanyang mga alalahanin o mabigyan siya ng inspirasyong makadama ng iba tungkol sa templo?

  • Paano naimpluwensyahan ngayon ang sarili ninyong damdamin tungkol sa Panginoon at sa Kanyang banal na templo?

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magdispley ng larawan ng templo sa isang lugar na madalas nila itong makikita. Hikayatin ang mga estudyante na patuloy na manalangin sa Ama sa Langit para sa ibayong pagmamahal at hangaring dumalo sa Kanyang mga banal na templo.