Seminary
Lesson 124—Doktrina at mga Tipan 110, Bahagi 2: Ang Pagpapanumbalik ng mga Susi ng Priesthood


“Lesson 124—Doktrina at mga Tipan 110, Bahagi 2: Ang Pagpapanumbalik ng mga Susi ng Priesthood,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 110, Bahagi 2,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 124: Doktrina at mga Tipan 109–110

Doktrina at mga Tipan 110, Bahagi 2

Ang Pagpapanumbalik ng mga Susi ng Priesthood

Pagpapakita nina Moises, Elijah, at Elias sa Templo ng Kirtland

Matapos ang pangitain tungkol kay Jesucristo sa Templo ng Kirtland noong Abril 3, 1836, “ang kalangitan ay muling binuksan” (Doktrina at mga Tipan 110:11) kina Joseph Smith at Oliver Cowdery. Nagpakita ang tatlong sinaunang propeta at ipinagkatiwala sa kanila ang mahahalagang susi ng priesthood. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan kung paano mapagpapala ang kanilang buhay sa pamamagitan ng mga susi ng priesthood na ipinanumbalik kay Propetang Joseph Smith.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Paano maiiba ang buhay?

Para simulan ang klase, maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong tanong:

Ano kaya ang mangyayari sa buhay mo kung walang ?

Sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang tanong sa kanilang study journal sa pamamagitan ng isang bagay na nararamdaman nilang mahirap mabuhay kung wala ito. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi kung paano nila kinumpleto ang tanong at magbigay ng maikling paliwanag kung bakit magiging mahirap ang kanilang buhay kung wala ito.

Matapos magbahagi ang mga estudyante, kumpletuhin ang tanong sa pisara gamit ang mga pariralang tulad ng “gawaing misyonero,” “ang kabuuan ng ebanghelyo,” “gawain sa templo at family history,” at “ang pagkakataong mabuklod sa iyong pamilya.” Anyayahan ang mga miyembro ng klase na tahimik na pagnilayan kung paano maiiba ang buhay kung wala ang mga pagpapalang ito mula sa Ama sa Langit at isulat ang anumang nadarama nila. Hikayatin ang mga estudyante na patuloy na pagnilayan ang kahalagahan ng mga pagpapalang ito sa kanilang buhay habang natututuhan nila ang mga sagradong pangyayari na nakatulong para maging posible ang mga ito.

Ipinanumbalik ang mga susi ng priesthood

ang pagpapakita ng Tagapagligtas sa Templo ng Kirtland

Maaari kang magpakita ng isang larawan ng pagpapakita ng Tagapagligtas sa Templo ng Kirtland noong Abril 3, 1836 (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:1–10). Kung nagkaroon na ang mga estudyante ng lesson na “Doktrina at mga Tipan 110, Bahagi 1,” maaari mong itanong sa kanila ang sumusunod:

  • Ano ang naaalala ninyo sa sagradong pangitaing ito?

Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na naka-bold letter na katotohanan: Nagpadala ang Panginoon ng mga sugo ng langit upang ipanumbalik ang mga susi ng priesthood kay Propetang Joseph Smith. Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang kahalagahan ng katotohanang ito, kopyahin ang sumusunod na chart sa pisara at sabihin sa mga estudyante na kopyahin ito sa kanilang study journal. (Ipaliwanag sa mga estudyante na dapat mag-iwan sila ng sapat na espasyo para makapaglagay ng karagdagang tanong sa ibaba ng bawat column kalaunan sa lesson na ito.) Sabihin sa mga estudyante na gamitin ang kanilang mga banal na kasulatan upang punan ang chart.

Templo ng Kirtland—Abril 3, 1836

Doktrina at mga Tipan 110:11

Doktrina at mga Tipan 110:12

Doktrina at mga Tipan 110:13–16

Sino ang nagpakita?

Ano ang ipinanumbalik niya?

Sino ang nagpakita?

Ano ang ipinanumbalik niya?

Sino ang nagpakita?

Ano ang ipinanumbalik niya?

Matapos mong bigyan ang mga estudyante ng sapat na oras para makapag-aral, anyayahan ang mga boluntaryo na pumunta sa pisara at isulat sa bawat column ang natutuhan nila. Kung kinakailangan, ipaalala sa mga estudyante ang sumusunod:

Tandaang “ang mga susi ng priesthood ay ang awtoridad na pamahalaan ang paggamit ng priesthood para sa mga anak ng Diyos. Ang paggamit ng lahat ng awtoridad ng priesthood sa Simbahan ay pinamamahalaan ng mga yaong maytaglay ng mga susi ng priesthood” (Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 3.4.1, ChurchofJesusChrist.org; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 65:2).

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang mga susing ipinanumbalik, sabihin sa kanila na pag-aralan ang mga susing ito sa pamamagitan ng paggamit ng iba pang mga scripture passage, mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya, o iba pang sagradong sources. Maaari nilang hanapin ang “mga susi ng priesthood,” mga hindi pamilyar na salita, o alinman sa mga pangalan ng mga sugo mula sa langit sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Maaari nilang hanapin ang “mga susi na ipinanumbalik sa Templo ng Kirtland” sa Gospel Library app.

icon ng handout O hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo at bigyan ang bawat grupo ng isa sa mga aktibidad sa pag-aaral mula sa handout na may pamagat na “Ipinanumbalik ang mga Susi ng Priesthood sa Templo ng Kirtland.” Sabihin sa bawat grupo na sama-samang talakayin ang handout at magdagdag ng mga kabatiran sa kanilang chart.

Ipinanumbalik ang mga Susi ng Priesthood sa Templo ng Kirtland

Aktibidad sa Pag-aaral A

Doktrina at mga Tipan 110:11

Ipinanumbalik ni Moises ang mga susi ng “pagtitipon sa Israel” (Doktrina at mga Tipan 110:11). Pinahihintulutan ng mga susi ng pagtitipon ang mga tagapaglingkod na maytaglay ng awtoridad na ito na ipangaral ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa mga bansa sa mundo.

Ipinahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:

Pangulong Russell M. Nelson

Kapag sinasabi nating pagtitipon ng Israel sa magkabilang panig ng tabing, ibig sabihin ay gawaing misyonero, gawain sa templo at family history. Ito rin ang pagpapatatag ng pananampalataya at patotoo sa puso ng mga taong kasama natin sa buhay, katrabaho, at pinaglilingkuran natin. (Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 92)

  • Paano ka makatutulong na palakasin ang pananampalataya at patotoo sa puso ng mga nakakasama mo sa bawat araw?

  • Paano naimpluwensyahan ang iyong buhay o ang buhay ng kakilala mo ng pagtulong sa atin ng Panginoon sa pamamagitan ng gawaing misyonero?


Aktibidad sa Pag-aaral B

Doktrina at mga Tipan 110:12

Ipinagkaloob ni Elias ang dispensasyon ng ebanghelyo ni Abraham (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:12). Kabilang dito ang pagpapanumbalik ng tipang Abraham.

Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson:

Pangulong Russell M. Nelson

Ang tipang ginawa ng Diyos kay Abraham … [ay naglalaman] ng ilang pangako, kabilang ang … lahat ng mga bansa sa mundo ay pagpapalain sa pamamagitan ng kanyang binhi. …

… [N]atanggap natin, tulad nila noong unang panahon, ang banal na priesthood at ang walang-hanggang ebanghelyo. May karapatan tayong tanggapin ang kabuuan ng ebanghelyo, tamasahin ang mga pagpapala ng priesthood, at maging marapat sa pinakamalaking pagpapala ng Diyos—ang buhay na walang hanggan. (Russell M. Nelson, “Mga Tipan,” Liahona, Nob. 2011, 87–88)

  • Ano ang ilang paraan na pinagpapala ng Panginoon ang mga indibiduwal, pamilya, at bansa sa pamamagitan ng Kanyang ebanghelyo at priesthood?

  • Anong mga pagpapala mula sa Panginoon ang nararanasan mo sa pamamagitan ng Kanyang ebanghelyo at priesthood?


Aktibidad sa Pag-aaral C

Doktrina at mga Tipan 110:13–16

Ipinanumbalik ni Elijah ang mga susi ng pagbubuklod, na kinabibilangan ng awtoridad na magbuklod ng mga pamilya sa templo.

Ipinaliwanag ni Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Gary E. Stevenson

Sa pamamagitan ng mga susi ng pagbubuklod na ipinanumbalik ng propeta ng Lumang Tipan na si Elijah ay naisasagawa ang mga ordenansa sa mga banal na templo. Ang mga ordenansang isinasagawa sa mga templong ito ang daan para ang mga tao at pamilya ay makabalik sa piling ng ating mga magulang sa langit. (Gary E. Stevenson, “Nasaan ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood?,” Liahona, Mayo 2016, 31)

  • Ano ang ilang paraan na pinagpapala tayo ng Panginoon sa pamamagitan ng gawain sa templo at mga pagbubuklod?

  • Paano pinagpala o pagpapalain ng Panginoon ang iyong pamilya at ikaw sa pamamagitan ng mga ordenansa ng templo?

Maaari mong ipaalala sa mga estudyante ang mga napagnilayan nila sa simula ng lesson. Sabihin sa kanila na isulat sa kanilang study journal ang “Bakit mahalaga sa akin ang mga susing ito?” Bigyan sila ng oras para pag-isipan at sagutin ang tanong na ito batay sa kanilang pag-aaral o sa natutuhan nila sa aktibidad.

“Bago ang pagdating ng dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon”

Balikan ang Doktrina at mga Tipan 110:14–16, at hanapin ang anumang salita o parirala na nauugnay sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

  • Ano ang nahanap ninyo?

    Hikayatin ang mga estudyante na markahan sa kanilang mga banal na kasulatan ang anumang mahalagang salita o pariralang nahanap nila.

  • Paano tayo inihahanda ng Tagapagligtas para sa Kanyang Ikalawang Pagparito sa pamamagitan ng mga susi ng priesthood na ipinanumbalik nina Moises, Elias, at Elijah?

  • Sa inyong palagay, bakit “ba[ba]gabagin ng isang sumpa” ang mundo (Doktrina at mga Tipan 110:15) sa pagparito ng Panginoon kung hindi ipinanumbalik ang mga susing ito ng priesthood?

Bilang pagtatapos, sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang sumusunod sa kanilang study journal. Maaari mong ipabahagi sa ilang estudyante ang isinulat nila.

Ipagpalagay na may kaibigan kang nagsabi sa iyo na nalaman niya ang tungkol sa mga susi ng priesthood na ipinanumbalik sa Templo ng Kirtland. Pagkatapos ay sinabi ng kaibigan mo, “Hindi ako sigurado kung ano ang kinalaman nito sa akin.” Gamit ang natutuhan mo ngayon, ipaliwanag kung anong mga susi ang ipinanumbalik at kung paano pinagpala o mapagpapala ng mga ito ang iyong kaibigan.