Seminary
Lesson 123—Doktrina at mga Tipan 110, Bahagi 1: Ipakikita ng Tagapagligtas ang Kanyang Sarili sa Kanyang mga Banal sa Templo


“Lesson 123—Doktrina at mga Tipan 110, Bahagi 1: Ipakikita ng Tagapagligtas ang Kanyang Sarili sa Kanyang mga Banal sa Templo,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 110, Bahagi 1,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 123: Doktrina at mga Tipan 109–110

Doktrina at mga Tipan 110, Bahagi 1

Ipakikita ng Tagapagligtas ang Kanyang Sarili sa Kanyang mga Banal sa Templo

Nagpakita si Cristo sa Templo ng Kirtland

Noong Abril 3, 1836, nagpakita ang Panginoong Jesucristo kay Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Templo ng Kirtland, tinutupad ang Kanyang pangako na “ipakikita [ang Kanyang] sarili sa [Kanyang] mga tao sa bahay na ito” (Doktrina at mga Tipan 110:7). Ang pangakong ito ay maiaangkop sa atin ngayon. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan kung paano tayo inihahanda ng ating pagiging karapat-dapat na mas mapalapit sa Panginoon sa Kanyang templo.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Kung makakapiling ninyo ang Tagapagligtas

Para simulan ang klase, sabihin sa mga estudyante na isipin na kunwari ay nagkaroon sila ng pagkakataong makita nang personal ang Tagapagligtas na si Jesucristo.

Bilang alternatibo, maaari kang magpakita ng larawan ng ministeryo ng Tagapagligtas sa mga tao sa lumang Amerika o ipanood ang video na “Nagpakita si Jesucristo sa Lumang Amerika” mula sa time code na 11:52 hanggang 14:05. Sabihin sa mga estudyante na isipin na kunwari ay naroon sila. Pagkatapos ng video, maaari mong itanong ang tulad ng mga sumusunod:

16:42
  • Ano ang ilang pagpapala na maaari ninyong matanggap dahil kapiling ninyo ang Tagapagligtas?

  • Paano maaaring makaapekto ang mga pagpapalang ito sa inyong buhay?

Sa pag-aaral ninyo ngayon, maghanap ng mga paraan kung paano kayo espirituwal na mas mapapalapit sa Panginoon at kung paano ninyo matatamasa ang mga pagpapalang ninanais Niyang ibigay sa inyo.

Nagpakita ang Tagapagligtas sa Templo ng Kirtland

Upang maihanda ang mga estudyante sa pag-aaral ng pagpapakita ng Tagapagligtas sa Templo ng Kirtland na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 110, maaari mong ipaalala sa kanila ang mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon sa mga Banal kung magtatayo sila ng templo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 97:15–16). Maaari ding balikan ng mga estudyante ang ilan sa mga pagpapalang ipinagdasal ni Joseph Smith sa paglalaan ng templo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 109:12).

Ang sumusunod na talata ay maaaring basahin nang malakas o ibuod upang magbigay ng konteksto sa kasaysayan para sa Doktrina at mga Tipan 110. Sabihin sa mga estudyante na isalarawan sa isipan ang mga pangyayaring ito at kung ano kaya ang pakiramdam nila kung naroon sila.

Noong hapon ng Linggo ng Pagkabuhay, Abril 3, 1836, idinaos ang isang sacrament meeting sa bagong inilaang Templo ng Kirtland. Matapos ibigay ang sakramento sa kongregasyon, pumunta sina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa likod ng kurtinang tumatakip sa altar upang tahimik na manalangin. Doon nila nakita ang magkakasunod na banal na pagdalaw na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 110. (Tingnan sa Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 [2018], 274–76.)

Paalala: Ang susunod na lesson (“Doktrina at mga Tipan 110, Bahagi 2”) ay sumasaklaw sa mga pagdalaw mula sa langit na kasunod ng pagpapakita ng Tagapagligtas sa templo.

Habang binabasa ninyo ang Doktrina at mga Tipan 110:1–4, pagnilayan kung ano maaaring maisip o madama ninyo kung kasama ninyo sina Joseph at Oliver sa panahong nakita nila ang pangitaing ito.

  • Ano ang pinakanapansin ninyo tungkol sa paraan ng pagpapakilala ng Tagapagligtas sa Kanyang sarili sa talata 4?

  • Ano ang ibig sabihin sa inyo na ang Tagapagligtas ang ating Tagapamagitan sa Ama? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 45:3–5).

Nangangako ang Tagapagligtas na ipapakita Niya ang Kanyang sarili sa atin sa templo

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 110:5–10, at alamin ang mga dahilan kung bakit sinabi ng Tagapagligtas na dapat magsaya ang lahat ng Kanyang Banal.

icon ng training Pagtuunan ang mga alituntuning nagpapabalik-loob: Ang gawaing ito ay maaaring makatulong sa mga estudyante na tumukoy ng alituntuning nagpapabalik-loob. Para sa karagdagang pagsasanay sa pagtuon sa mga alituntuning nagpapabalik-loob, tingnan ang training na may pamagat na “Magtuon sa mga katotohanang humahantong sa pagbabalik-loob at nagpapalakas ng pananampalataya kay Jesucristo” sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro: Ituro ang Doktrina. Maaari kang magsanay na gamitin ang kasanayang “Magtanong ng mga bagay na makatutulong sa mga estudyante na matukoy at mabigyang-diin ang mga alituntunin na nagpapabalik-loob.”

  • Anong mga salita o parirala mula sa mga talatang ito ang makabuluhan o interesante para sa inyo?

  • Paano tayo matutulungan ng talata 5 at 8 na maghandang mas mapalapit sa Panginoon sa templo?

    Sa mga katotohanang maaaring matuklasan ng mga estudyante mula sa mga talatang ito, tulungan silang maunawaan na kung susundin natin ang mga kautusan at magsisikap tayong maging malinis sa harapan ng Panginoon, ipakikita Niya ang Kanyang sarili sa atin sa Kanyang templo.

  • Bukod sa pisikal na pagpapakita, ano ang ilan pang paraan na maipapakita ng Tagapagligtas ang Kanyang sarili sa atin sa templo? (Ang ilang halimbawa ay makikita sa talata 8–9.)

Ang iba pang paraan na maaaring ipakita ng Tagapagligtas ang Kanyang sarili sa atin ay kinabibilangan ng pakikipag-usap sa atin sa Kanyang tinig (talata 8) at pagbibigay sa atin ng mga pagpapala at ng endowment, o kaloob na espirituwal na kapangyarihan mula sa kaitaasan (talata 9). Sa templo, maaari tayong makatanggap ng ilan sa mga pagpapala na maaaring naisip din ng mga estudyante sa simula ng lesson. Maaaring kabilang sa mga pagpapalang ito ang mas makilala ang Tagapagligtas at tumanggap ng patnubay, kapayapaan, at paggaling.

Pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon at pagiging malinis

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang tungkol sa pagsunod sa mga kautusan at pagsisikap na maging malinis, iparebyu sa kanila ang mga tanong sa temple recommend, at alamin ang inaasahan ng Panginoon sa atin bago tayo makapasok sa Kanyang bahay (tingnan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili ([2022], 36–37). Maaaring may nagawa nang katulad nito ang mga estudyante nang pag-aralan nila ang lesson na “Doktrina at mga Tipan 97.”

Maaari mong idrowing o anyayahan ang isang estudyante na idrowing sa pisara ang sumusunod na diagram. Maaaring kopyahin ng mga estudyante sa kanilang study journal ang larawan. Maaari nilang ilista sa landas ang natutuhan nila mula sa pagrerebyu ng mga tanong sa temple recommend.

daan patungo sa templo
  • Sa inyong palagay, bakit nais ng Panginoon na sikapin nating sundin ang mga kautusan upang mas mapalapit tayo sa Kanya sa templo?

  • Ano ang ibig sabihin sa inyo ng pagiging malinis o karapat-dapat sa harapan ng Panginoon?

Itinuro ni Brother Bradley R. Wilcox ng Young Men General Presidency:

Brother Bradley R. Wilcox

Ang mensahe ng Diyos ay ang pagiging karapat-dapat ay hindi pagiging walang kamalian. Ang pagiging karapat-dapat ay pagiging matapat at masikap. Dapat tayong maging matapat sa Diyos, sa mga priesthood leader, at iba pang nagmamahal sa atin, at dapat tayong magsumikap na sundin ang mga kautusan ng Diyos at huwag sumuko dahil lamang sa tayo ay nagkamali. …

… Tandaan na ang pagbabago ay posible, ang pagsisisi ay isang proseso at ang pagiging karapat-dapat ay hindi pagiging walang kamalian. Ang pinakamahalaga ay alalahanin na handa tayong tulungan agad ng Diyos at ni Cristo. …

… Sinabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf: “Hindi kailangan ng Diyos ang mga taong walang kamalian. Hinahanap Niya ang mga maghahandog ng kanilang mga ‘puso at may pagkukusang isipan’ [Doktrina at mga Tipan 64:34], at gagawin Niya silang ‘ganap kay Cristo’ [Moroni 10:32–33].” (Bradley R. Wilcox, “Ang Pagiging Karapat-dapat ay Hindi Pagiging Walang Kamalian,” Liahona, Nob. 2021, 62, 67)

  • Paano makatutulong ang mensaheng ito sa isang taong iniisip kung karapat-dapat siyang pumunta sa templo at sa presensya ng Tagapagligtas?

Ipakita ang inyong naunawaan

Upang matulungan ang mga estudyante na maipakita ang kanilang naunawaan, maaari kang magbigay ng mga sitwasyong tulad ng sumusunod:

Ipagpalagay na iniisip ng isang kaibigan kung may saysay bang magsikap na maging karapat-dapat na sumamba sa templo. Isa pang kaibigan ang nag-iisip kung posibleng maging karapat-dapat siyang pumasok sa templo. Pumili ng isa sa mga sitwasyong ito, at sagutin ang mga sumusunod na tanong:

  • Mula sa natutuhan ninyo ngayon, paano ninyo sasagutin ang mga alalahanin ng inyong kaibigan?

  • Ano ang inaasahan ninyong mauunawaan ng inyong kaibigan tungkol sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa templo?

Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga saloobin. Maaari mong ibahagi ang iyong damdamin tungkol sa pangako ng Tagapagligtas na ipakikita ang Kanyang sarili sa atin sa Kanyang mga templo kapag sinisikap nating sundin ang mga kautusan at maging malinis.