“Lesson 131—Doktrina at mga Tipan 121–123: ‘Kapayapaan ay Mapasaiyong Kaluluwa,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Doktrina at mga Tipan 121–123,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Lesson 131: Doktrina at mga Tipan 121–123
Doktrina at mga Tipan 121–123
“Kapayapaan ay Mapasaiyong Kaluluwa”
Matapos ipagkanulo at dakpin dahil sa mga maling paratang, ibinilanggo si Propetang Joseph Smith at ang iba pang mga lider ng Simbahan sa isang maliit na piitan sa Liberty, Missouri. Noong taglamig ng 1838–39, ang mga Banal sa Missouri ay nakaranas ng matitinding kalagayan at labis na nagdusa. Sa gitna ng pagdurusang ito, pinanatag sila ng Panginoon sa pagbibigay ng mahabaging payo at kaalaman mula sa langit. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan kung paano tayo matutulungan ng Diyos sa ating mga pagsubok.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
“O Diyos, nasaan kayo?”
-
“O Diyos, nasaan kayo?” (Doktrina at mga Tipan 121:1)
-
“O Panginoon, hanggang kailan [kami] magdurusa sa mga kaapihang ito … ?”” (Doktrina at mga Tipan 121:3)
Konteksto ng kasaysayan
Buod 1: Noong Oktubre 31, 1838, ipinagkanulo ni George Hinkle, isang miyembro ng Simbahan at isang koronel sa militia ng estado ng Missouri, si Propetang Joseph Smith. Sinabi ni Hinkle kay Joseph na gusto ng mga miyembro ng militia ng Missouri, na sumalakay sa mga Banal sa Far West, Missouri, na makipagkita at makipagkasundo para sa kapayapaan. Pagdating ni Joseph at ng iba pang mga lider ng Simbahan para makipag-usap, puwersahan silang dinakip ng militia bilang mga bilanggo ng digmaan.
Buod 2: Sa sumunod na buwan, si Joseph at ang kanyang mga kasamahan ay pinagmalupitan at inilipat sa iba’t ibang piitan habang hinihintay nila ang paglilitis na batay sa mga maling paratang. Noong Disyembre 1, 1838, ibinilanggo ang mga kalalakihan sa isang maliit na piitan sa Liberty, Missouri. Sa sumunod na apat na buwan, si Joseph Smith, kanyang kapatid na si Hyrum, sina Alexander McRae, Lyman Wight, at Caleb Baldwin ay ikinulong sa ibabang piitan ng Liberty Jail sa panahon ng napakatinding taglamig. Nakasama rin nila si Sidney Rigdon nang panandalian, ngunit pinahintulutan siya ng isang hukom na makalaya noong huling bahagi ng Enero ng 1839.
Buod 3: Ang mga sukat ng silid ng piitan ay tinatayang nasa 14 na talampakan ang haba at 14 na talampakan ang lapad (4.3 metro ang haba at 4.3 metro ang lapad), at ang kisame ay nasa pagitan ng 6 at 6.5 talampakan ang taas (sa pagitan ng 1.8 at 2 metro). Ang tanging pinanggagalingan ng likas na liwanag o sariwang hangin ay ang dalawang maliit na bintanang may harang na malapit sa kisame. Mula sa labas ng mga bintanang ito, madalas na kinukutya at iniinsulto ng mga tao ang mga bilanggo. Napilitan ang mga kalalakihan na matulog sa sahig na mayroon lamang kaunti at maruming dayami na pangsapin at may napakakaunting proteksyon laban sa lamig. Ang piitan ay may isang timba para sa dumi ng tao, at ang kakarampot na pagkain na ibinibigay ay labis na nakasusuklam at nagagawa lang kainin ng mga kalalakihan dahil sa labis na pagkagutom. Kung minsan, may lason pa ang pagkain. Lubhang nangulila ang mga bilanggo sa kanilang mga kaibigan at pamilya at nakadama ng matinding kalungkutan nang marinig nila ang tungkol sa mga nagdurusang Banal na itinaboy mula sa Missouri noong panahon ng taglamig.
Mga Aral mula sa Liberty Jail
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 121:1–6, at alamin ang mga tanong at pagsamong inihayag ni Joseph Smith sa Panginoon.
-
Aling mga tanong o pagsamo mula kay Joseph Smith ang nakakaugnay sa inyo?
-
Paano ipinakita ng mga salita ni Joseph Smith ang kanyang pananampalataya at pagpipitagan sa Diyos?
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 121:7–9, 26, 33; 123:17, at alamin ang payo mula sa Diyos na makatutulong sa isang tao sa panahon ng isang mahirap na pagsubok.
-
Kung kayo ang nasa Liberty Jail, aling alituntunin ang lubos na makapapanatag sa inyo? Bakit?
-
Sa paanong mga paraan kayo pinagpala ng Diyos ng kapayapaan at kapanatagan sa panahon ng pagsubok?
-
Sa inyong palagay, ano ang pagkakaiba ng pagtitiisan ang pagsubok at pagtitiisang mabuti ang pagsubok?
-
Ano ang matututuhan natin mula sa kung paano tiniis ni Jesucristo ang Kanyang sariling mga pagsubok at paghihirap?
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Itinuturo sa atin ng mga aral noong taglamig ng 1838–39 na ang bawat pagsubok ay maaaring maging nakapagliligtas na karanasan kung mananatili tayong tapat sa ating Ama sa Langit sa kabila ng pagsubok na iyon. Itinuturo sa atin ng matitinding aral na ito na ang sukdulang paghihirap ng tao ay ang pagkakataon ng Diyos, at kung tayo ay magpapakumbaba at tapat, kung tayo ay mananalig at hindi sisisihin ang Diyos sa ating mga problema, ang di-makatarungan at di-makatao at nakakapanghinang mga piitan ng ating buhay ay gagawin Niya na … isang kalagayang maghahatid ng kapanatagan at paghahayag, banal na patnubay at kapayapaan. (Jeffrey R. Holland, “Lessons from Liberty Jail,” Ensign, Set. 2009, 28)
-
Paano ninyo nakita ang katotohanan ng pahayag ni Elder Holland sa inyong buhay o sa buhay ng isang taong kilala ninyo?
Isipin ang mga hamong pinag-isipan ninyo sa simula ng lesson. Pumili ng kahit isang katotohanan lang mula sa inyong listahan ng “Mga Aral mula sa Liberty Jail” na makatutulong sa inyo o sa iba na may pagsubok sa kasalukuyan. Maikling ipaliwanag kung paano kayo maaaring pagpalain at palakasin ng Panginoon dahil sa pagkilos nang may pananampalataya sa katotohanang ito.