Seminary
Lesson 133—Doktrina at mga Tipan 122: “Ang Lahat ng Bagay na Ito Ay … para sa Iyong Ikabubuti”


“Lesson 133—Doktrina at mga Tipan 122: ‘Ang Lahat ng Bagay na Ito Ay … para sa Iyong Ikabubuti,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 122,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 133: Doktrina at mga Tipan 121–123

Doktrina at mga Tipan 122

“Ang Lahat ng Bagay na Ito Ay … para sa Iyong Ikabubuti”

si Joseph Smith sa Liberty Jail

Habang nagdurusa si Propetang Joseph Smith sa Liberty Jail, itinuro sa kanya ng Diyos na bagama’t matindi at masakit ang kanyang pagdurusa, tutulungan siya nitong maging higit na katulad ni Cristo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan na dahil kay Jesucristo, kahit ang mahihirap na karanasan ay makatutulong sa atin na umunlad at maging higit na katulad Niya.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Napatibay sa pamamagitan ng paghihirap

Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na larawan ng magagaspang at makikinis na bato. Bilang alternatibo, maaari kang magdala ng magagaspang na bato at makikinis na bato upang makita at mahawakan ng mga estudyante.

magagaspang na bato kumpara sa makikinis na bato
  • Ano ang kailangan para maging makinis ang magagaspang na bato?

Maaari mong ipaliwanag na ang mga bato ay maaaring maging makinis sa pamamagitan ng pagkiskis at pagkaskas sa iba pang bato o buhangin nang napakaraming beses. Pinakikinis ng prosesong ito ang mga gilid ng mga bato at inilalabas ang mas tunay at natural na mga kulay ng mga ito.

Ibinahagi ni Propetang Joseph Smith ang sumusunod tungkol sa kanyang sarili:

si Propetang Joseph Smith

“Ako ay tulad ng isang malaki, at magaspang na bato na gumulong mula sa isang mataas na bundok, at ang tanging pagpapakinis na natatanggap ko ay kapag may bagay na bumabangga sa akin, na tumatama sa akin nang malakas … ; … pinakikinis ang isang bahagi rito at doon; kaya nga ako’y naging makinis at makintab na palaso sa suksukan ng Pinakamakapangyarihan. (Joseph Smith, in History, 1838–1856 [Manuscript History of the Church], tomo D-1, 1556, josephsmithpapers.org)

  • Anong mga paghihirap ang maiisip ninyo mula sa buhay ni Joseph Smith na maaaring nakatulong sa kanya na maging mas mabuting kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon?

Habang nag-aaral kayo ngayon, isipin kung bakit hinahayaan kayo ng ating mapagmahal na Ama sa Langit na makaranas ng matitinding pagsubok. Pagnilayan kung paano kayo matutulungan ng Tagapagligtas na maging higit na katulad Niya sa pamamagitan ng mga paghihirap at pagdurusang maaari ninyong maranasan sa inyong buhay.

Maaaring para sa ating ikabubuti ang mga paghihirap

Noong taglamig ng 1838–39, si Joseph Smith at iba pang mga lider ng Simbahan ay hindi makatarungang ibinilanggo sa Liberty Jail at dumanas ng matitinding paghihirap. Bilang bahagi ng liham para sa mga nagdurusang Banal, isinama ni Joseph ang mga katotohanang inihayag sa kanya ng Diyos tungkol sa pagdurusang nararanasan niya.

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na basahin at talakayin sa maliliit na grupo ang natutuhan nila mula sa mga talata sa ibaba. Kung kinakailangan, maaari kang makahikayat ng mga talakayan sa grupo gamit ang mga tanong na tulad ng mga ito:

  • Anong mga katotohanan ang nakikita ninyong itinuturo ng Diyos kay Joseph sa mga talatang ito?

  • Bakit maaaring maging mahirap na marinig ang gayong mga katotohanan kapag dumaranas ng pagsubok?

  • Bakit maaaring maging isang pagpapala na marinig ang gayong mga katotohanan sa panahon ng paghihirap?

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 122:5–7, at alamin kung ano ang ninais ng Diyos na maunawaan ni Joseph tungkol sa mga pagsubok na kailangan niyang tiisin sa kanyang buhay.

Pagkatapos magkaroon ang mga grupo ng pagkakataong mag-usap, maaari mong anyayahan ang isang kinatawan mula sa bawat grupo na magbahagi ng isang katotohanang natutuhan nila. Kung kinakailangan, tulungan ang mga estudyante na makatukoy ng katotohanang tulad ng sumusunod: Hinahayaan tayo ng Diyos na dumanas ng mga paghihirap dahil alam Niya na mabibigyan tayo ng mga ito ng karanasan at magiging para sa ating ikabubuti.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng maaaring magbigay sa atin ng “karanasan“ at maging “para sa [ating] ikabubuti“ ang mga paghihirap? (talata 7).

  • Paano nauugnay ang katotohanang ito sa magagaspang at makikinis na bato mula sa simula ng lesson?

    Maaari mong isulat sa pisara ang pariralang “Kung kailangan mong magtiis …”. Pagkatapos ay ilista ang mga sagot ng mga estudyante sa mga sumusunod na tanong:

  • Anong mga paghihirap ang kinakaharap ng maraming tinedyer ngayon?

  • Bakit mahalaga sa mga sitwasyong ito na maunawaan ang itinuro ng Diyos kay Propetang Joseph Smith?

    Ang susunod na tanong ay maaaring maging isang natatanging pagkakataon para makapag-isip, makapagbahagi, at makarinig ang mga estudyante ng mga karanasan ng iba. Maaari kang mag-ukol ng sapat na oras upang maraming boluntaryo ang makasagot.

  • Kailan kayo nakaranas o ang isang mahal ninyo sa buhay ng paghihirap na kalaunan ay naging isang pagpapala?

  • Ano ang posibleng kailanganing gawin ng isang tao upang ang kanyang paghihirap ay makapagbigay sa kanya ng karanasan at maging para sa kanyang ikabubuti?

Para makakita ng halimbawa ng isang tinedyer na natutuhan na hinahayaan tayo ng Diyos na dumanas ng mga paghihirap para sa ating karanasan at ikabubuti, maaari mong ipanood ang video na “Faith Murray’s Story: Overcoming Adversity through Service” (4:52), na makikita sa ChurchofJesusChrist.org.

4:52

Faith Murray's Story: Overcoming Adversity Through Service

While she was struggling with CRMO (Chronic recurrent multifocal osteomyelitis), Faith found motivation in helping other people. We can feel love of God when we serve in ways they want us to.

Pag-alaala kay Jesucristo sa panahon ng ating mga paghihirap

icon ng handoutUpang matulungan ang mga estudyante na mapag-isipan ang natatanging kakayahan ng Tagapagligtas na maunawaan at matulungan sila habang dumaranas sila ng paghihirap, maaari mo silang anyayahang kumpletuhin nang mag-isa ang handout na “Pag-alaala kay Jesucristo sa Panahon ng Ating mga Paghihirap.” Maaari itong maging isang magandang pagkakataon upang maanyayahan ng mga estudyante ang Espiritu Santo habang sila ay tahimik na nag-aaral, nagninilay, at nagsusulat.

Pag-alaala kay Jesucristo sa Panahon ng Ating mga Paghihirap

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 122:8–9 at subukang isipin na kunwari ay direktang nakikipag-usap ang Diyos sa iyo tungkol sa mga sitwasyong kinahaharap mo at ng pamilya mo. Markahan ang mga pariralang itinuro Niya na mahalagang marinig mo. Maaari mong isulat ang mga naiisip at nadarama mo sa iyong study journal o sa mga banal na kasulatan.

Basahin ang Alma 7:11–12 at ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan. Isulat ang itinuturo ng mga ito tungkol sa Tagapagligtas na tumutulong sa iyo na mas maunawaan ang Doktrina at mga Tipan 122:8–9.

Pangulong Henry B. Eyring

Kapag iniisip ninyo kung gaano kasakit ang makakaya ninyong pagtiisang mabuti, alalahanin Siya. Pinagdusahan Niya ang pinagdurusahan ninyo upang malaman Niya kung paano kayo maiaangat. Maaaring hindi Niya alisin ang inyong pasanin, pero bibigyan Niya kayo ng lakas, kapanatagan, at pag-asa. Alam Niya ang daan. Ininom Niya ang mapait na saro. Tiniis Niya ang pagdurusa ng lahat.

Kayo ay binubusog at pinapanatag ng isang mapagmahal na Tagapagligtas, na nakaaalam kung paano kayo matutulungan sa anumang mga pagsubok na inyong nararanasan. (Henry B. Eyring, “Sinubok, Napatunayan, at Pinino,” Liahona, Nob. 2020, 97)

  • Paano makatutulong sa iyo sa panahon ng iyong mga pagsubok na si Jesucristo ay “nagpakababa-baba sa kanilang lahat”? (Doktrina at mga Tipan 122:8). Sa iyong palagay, bakit Niya ginawa iyon?

  • Anong iba pang mga banal na kasulatan ang naging makabuluhan sa iyo nang dumanas ka ng mga paghihirap?

Bigyan ng oras ang mga estudyante na ibahagi sa isang kapartner o sa klase ang natutuhan nila. Hikayatin sila na magbahagi ng anumang banal na kasulatan na naging makabuluhan sa kanila nang makaranas sila ng mga paghihirap.

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pagnilayang muli kung paano sila hinuhubog ng kanilang mga pagsubok o paghihirap. Anyayahan silang pag-isipan ang sumusunod na tanong:

  • Ano ang natutuhan o nadama ninyo ngayon tungkol kay Jesucristo na makatutulong sa inyo habang nararanasan ninyo ang mga paghihirap?

Maaari mong tapusin ang lesson sa pagpapatotoo na sa pamamagitan ni Jesucristo, lahat ng ating paghihirap ay makapagbibigay sa atin ng karanasan at magiging para sa ating ikabubuti.