Seminary
Lesson 143—Doktrina at mga Tipan 133:1–40: Paghahandang Humarap sa Tagapagligtas


“Lesson 143—Doktrina at mga Tipan 133:1–40: Paghahandang Humarap sa Tagapagligtas,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 133:1–40,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 143: Doktrina at mga Tipan 133–134

Doktrina at mga Tipan 133:1–40

Paghahandang Humarap sa Tagapagligtas

Noong Nobyembre 1831, ninais ng mga lider ng Simbahan na malaman pa ang tungkol sa pangangaral ng ebanghelyo at sa pagtitipon ng Israel. Ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 133 ay naglalarawan sa mga pangyayaring magaganap bago ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas at kung paano makapaghahanda ang Kanyang mga Banal para sa mga kaganapang iyon. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maghanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

ang Ikalawang Pagparito ng Panginoong Jesucristo

Larawang nalikha sa pamamagitan ng AI

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Panahon para maghanda

Sabihin sa mga estudyante na bigkasin ang mahalagang parirala mula sa doctrinal mastery passage na Doktrina at mga Tipan 29:10–11 nang walang kopya (nang hindi ginagamit ang kanilang mga banal na kasulatan o walang oras para maghanda). Maaari mong tawagin ang aktibidad na sorpresang quiz. Pagkatapos ay itanong sa mga estudyante ang sumusunod.

  • Paano maaaring maiba ang mga resulta kung nalaman ninyo ang tungkol sa quiz na ito nang mas maaga nang ilang araw o ilang linggo?

Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng 2 hanggang 3 minuto na maghanda para sa muling pagsagot sa quiz. Pagkatapos ay tingnan kung paano humusay ang kanilang kakayahang bigkasin ang parirala.

Sabihin sa mga estudyante na ikumpara ang aktibidad na ito sa kung paano magbabago ang ating karanasan kung magsisikap tayong maghanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan o isulat ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na tanong.

  • Ano ang nadarama mo tungkol sa pagharap sa Tagapagligtas kapag muli Siyang pumarito?

  • Gaano ka kahanda sa Kanyang pagbabalik? (Ano ang pinakakinasasabikan mo? Ano ang ikinababahala mo tungkol sa araw na iyon?)

Sa pag-aaral ng mga estudyante ngayon, hikayatin silang maghangad ng mga espirituwal na pahiwatig kung paano maghanda para sa pagbabalik ng Tagapagligtas.

Ang sumusunod ay makatutulong sa mga estudyante na mas maunawaan ang konteksto ng Doktrina at mga Tipan 133. Maaaring basahin o ibuod mo o ng isang estudyanteng nagboluntaryo ang talata.

Noong Nobyembre 1831, maraming lider ng Simbahan ang nagnais na malaman pa ang tungkol sa pangangaral ng ebanghelyo at sa pagtitipon ng Israel. Ibinigay ni Jesucristo ang paghahayag na ito bilang tugon sa tapat na mga hangaring ito. Kilala na ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 133, ang paghahayag na ito ay orihinal na inilathala bilang appendix sa Book of Commandments [Aklat ng mga Kautusan]. Natanggap ito pagkalipas ng dalawang araw pagkatapos ng bahagi 1, na orihinal na kilala bilang “paunang salita ng Panginoon.”

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 133:1–4, 10–11, at alamin ang inihayag ng Tagapagligtas tungkol sa Kanyang pagbabalik sa lupa.

  • Ano ang natuklasan ninyo?

  • Ano ang natutuhan ninyo mula sa talata 4 tungkol sa mga hangarin ng Tagapagligtas para sa atin?

    Habang nagbabahagi ang mga estudyante, maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Inaanyayahan tayo ni Jesucristo na maghanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito.

  • Ano sa palagay mo ang ilan sa pinakamahahalagang paraan upang mapaghandaan ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas?

Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito

Upang matulungan ang mga estudyante na matukoy ang mga paraan kung paano sila makapaghahanda para sa Ikalawang Pagparito, maaari mong idagdag sa pisara ang “sa pamamagitan ng …” sa dulo ng katotohanan na nakasulat sa bold letters. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang mga sumusunod na talata sa mas maliliit na grupo. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na ilista sa pisara ang mga paraan kung paano tayo inaanyayahan ng Tagapagligtas na maghanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 133:5–16, 36–40, 62, at hanapin ang mga salita at parirala na tutulong sa atin na maghanda para sa pagbabalik ng Tagapagligtas.

Ang sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa mga estudyante na makapagbahagi ng mga ideya kung paano tayo maghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Sabihin sa mga grupo na pumili sa pisara ng isa sa mga ideya sa paghahanda, o magtalaga ng paksa sa bawat grupo. Maaaring maghanda ang mga estudyante ng presentasyon upang turuan ang iba kung paano maging handa para sa Ikalawang Pagparito. Maaari kang magbigay ng poster board o ilang piraso ng papel at colored marker upang matulungan ang mga estudyante na magawa ang kanilang presentasyon. Hikayatin silang gamitin ang Gospel Library app, ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan, at iba pang resource upang matulungan silang maghanda. Maaaring kabilang sa bawat presentasyon ang mga elementong ito:

  • Ang pahayag ng katotohanan na pinili ng grupo o itinalaga sa kanila

  • Mga partikular na ideya kung paano maipamumuhay ng mga tinedyer ang natutuhan nila para maging mas handang humarap sa Tagapagligtas

  • Mga kaugnay na banal na kasulatan, isang pahayag ng isang lider ng Simbahan, o isang passage mula sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili tungkol sa paksa

  • Isang drowing, poster, meme, o iba pang visual representation na makatutulong sa isang tao na maunawaan kung paano maghanda para sa Ikalawang Pagparito

icon ng handoutKung kailangan ng mga estudyante ng karagdagang patnubay, maaari kang magbigay sa mga grupo ng isang bahagi ng sumusunod na handout na nauugnay sa kanilang paksa.

Inaanyayahan Tayo ni Jesucristo na Maghanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito sa pamamagitan ng …

… pag-alis sa Babilonia (kasamaan) (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 133:4–5, 7, 12–14).

Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay kabilang sa Unang Panguluhan:

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Ang sinaunang lungsod ng Babilonia ay gumuho na. Ang ganda nito ay matagal nang naglaho. Ngunit ang kamunduhan at kasamaan ng Babilonia ay nagpapatuloy. Ngayon ay nasa atin ang responsibilidad na mamuhay bilang mga mananampalataya sa mundo ng kawalang-paniniwala. … Kailangan nating manatiling mahinahon sa kabila ng pamimilit ng iba, huwag humanga sa popular na mga kalakaran o mga huwad na propeta, huwag pansinin ang pangungutya ng mga di makadiyos, ang panunukso ng diyablo, at alisin ang ating katamaran. (Dieter F. Uchtdorf, “Huwag Kang Matakot, Manampalataya Ka Lamang,” Liahona, Nob. 2015, 77–78)

… pagtitipon ng Israel (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 133:4, 7–9, 37–38).

Ipinaalala sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson:

Pangulong Russell M. Nelson

Sa bawat oras na gumawa kayo ng kahit ano na tutulong sa kahit sino—sa magkabilang panig ng tabing—na makalapit sa paggawa ng mga tipan sa Diyos at tanggapin ang kanilang mahalagang ordenansa ng pagbibinyag sa templo, tumutulong kayo na tipunin ang Israel. Ganito lang ito kasimple. (Russell M. Nelson, sa “Pag-asa ng Israel” [pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org)

… nagsisisi at pinababanal sa pamamagitan ni Jesucristo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 133:5, 16, 34–35, 62).

Ipinaliwanag ni Sister Carol F. McConkie, dating Unang Tagapayo sa Young Women General Presidency:

Sister Carol F. McConkie

Sa pagsampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, maaari tayong maging malinis, walang bahid-dungis, kapag pinagkaitan natin ang ating sarili ng lahat ng kasamaan at taos-puso tayong nagsisi. Binibinyagan tayo sa tubig para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Ang ating mga kaluluwa ay pinababanal kapag tinanggap natin ang Espiritu Santo nang may bukas na puso. Linggu-linggo, tumatanggap tayo ng ordenansa ng sakramento. Sa pagsisisi, na may taos na hangaring magpakabuti, nakikipagtipan tayo na handa tayong taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Cristo, alalahanin Siya, at sundin ang Kanyang mga utos nang sa tuwina ay makasama natin ang Kanyang Espiritu. (Carol F. McConkie, “Ang Kagandahan ng Kabanalan,” Liahona, Mayo 2017, 10)

Anyayahan ang bawat grupo na ibahagi sa iba ang kanilang presentasyon. Tiyakin na, bilang bahagi ng kanilang mga presentasyon, ibinahagi ng mga estudyante ang kanilang mga ideya kung paano maipamumuhay ng mga tinedyer ang natutuhan nila.

Pagsasabuhay ng natutuhan mo

Inanyayahan tayo ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan na isipin kung ano ang gagawin natin ngayon kung alam natin ang eksaktong panahon ng Ikalawang Pagparito.

Pangulong Dallin H. Oaks

Paano kung bukas na ang dating Niya? Kung alam nating haharap tayo sa Panginoon bukas—sa maagang pagkamatay natin o sa di-inaasahang pagdating Niya—ano ang gagawin natin ngayon? Ano ang mga ipagtatapat natin? Anong mga gawi ang ititigil natin? Anong mga pagkukulang ang pagbabayaran natin? Ano ang mga patatawarin natin? Anong mga patotoo ang ibibigay natin?

Kung gagawin natin ang mga bagay na ito, bakit hindi pa ngayon? Bakit hindi hangarin ang kapayapaan hangga’t maaari pa itong matamo? (Dallin H. Oaks, “Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito,” Liahona, Mayo 2004, 9)

Mula sa paanyaya ni Pangulong Oaks at sa pinag-aralan ninyo ngayon, isulat sa inyong study journal ang isang bagay na nadama ninyong dapat ninyong gawin upang mas makapaghandang humarap sa Tagapagligtas. Pagkatapos ay sagutin ang mga sumusunod na tanong:

  • Anong mga balakid ang maaaring makahadlang sa ipinagagawa sa iyo ng Espiritu?

  • Anong mga pagkilos ang maaaring makatulong sa iyo na harapin ang mga balakid na kinakaharap mo? Paano mo maaasahan ang Tagapagligtas?

  • Ano ang nadama mo ngayon tungkol sa mga pakinabang ng paghahanda ngayon para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas?

Kung naaangkop, maaaring ibahagi ng mga estudyante ang ipinagawa sa kanila ng Espiritu upang makapaghanda sa pagbabalik ng Tagapagligtas. Maaari mong tapusin ang lesson sa pagpapaalala sa mga estudyante na nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na maging handa tayo para sa Ikalawang Pagparito at makita ito bilang isang masayang araw.