Seminary
Lesson 145—Doktrina at mga Tipan 134: Isang Pahayag tungkol sa mga Pamahalaan


“Lesson 145—Doktrina at mga Tipan 134: Isang Pahayag tungkol sa mga Pamahalaan,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 134,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 145: Doktrina at mga Tipan 133–134

Doktrina at mga Tipan 134

Isang Pahayag tungkol sa mga Pamahalaan

kababaihan sa harap ng isang gusali ng Simbahan

Bilang tugon sa mga pag-uusig at paratang tungkol sa mga paniniwala ng Simbahan, sumulat ang mga lider ng Simbahan ng isang dokumento upang linawin ang pananaw ng Simbahan tungkol sa pamahalaan at relihiyon. Layunin ng lesson na ito na tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng kalayaang panrelihiyon at ang pagsunod sa mga batas ng pamahalaan kung saan sila nakatira.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Karanasan ni Pangulong Nelson sa isang hari

Para simulan ang klase, maaari mong ibuod ang sumusunod na talata at basahin ang pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson sa ibaba. O maaari mong ipanood ang video na “Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?” mula sa time code na 0:00 hanggang 3:16. Makikita ang video na ito sa ChurchofJesusChrist.org.

2:3

Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?

Ipinaliwanag ni Pangulong Nelson ang kahalagahan ng Aklat ni Mormon, nagpatotoo na nagtuturo ito tungkol kay Cristo, at hinikayat tayo na pag-aralan ito nang may panalangin araw-araw.

Noong 1986, si Pangulong Russell M. Nelson ay naging isang panauhing tagapagsalita sa isang unibersidad sa Accra, Ghana. Matapos magsalita ni Pangulong Nelson, nilapitan siya ng isang hari ng tribo at nagtanong tungkol kay Jesucristo. Ibinahagi ni Pangulong Nelson ang mga kaalaman mula sa 3 Nephi na lubos na nagpahanga sa hari.

Pangulong Russell M. Nelson

Matapos maranasan ang kapangyarihan ng mga salita ng Tagapagligtas sa 3 Nephi, ipinahayag ng hari, “Kung ako ay magbabalik-loob at sasapi sa Simbahan, isasama ko ang buong tribo.” (Russell M. Nelson, “Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?,” Liahona, Nob. 2017, 61)

Bago ibahagi ang sumusunod na tugon ni Pangulong Nelson, panandaliang huminto upang itanong sa mga estudyante kung ano ang magiging tugon nila kung naglilingkod sila bilang missionary sa mga tao ng haring ito at narinig nilang sabihin ito ng hari.

Sumagot si Pangulong Nelson, “Oh, Hari, … hindi po ganyan ang paraan” (“Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?,” Liahona, Nob. 2017, 61).

  • Ano ang nalalaman ninyo tungkol sa plano ng Ama sa Langit na makatutulong na maipaliwanag ang sagot ni Pangulong Nelson?

  • Bagama’t maaaring may mabubuting intensyon ang hari, bakit mahalaga na ang pagbabalik-loob ng mga tao sa ebanghelyo ng Tagapagligtas ay pagpiling gagawin ng isang indibiduwal?

Kung gustong malaman ng mga estudyante kung ano pa ang sinabi ni Pangulong Nelson sa hari, ibahagi ang itinuro niya: “Ang pagbabalik-loob ay nangyayari sa bawat tao. … Bawat tao ay tumatanggap ng pagsaksi at patotoo ng ebanghelyo ni Jesucristo” (“Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?,” 61).

Sabihin sa mga estudyante na hingin ang patnubay ng Ama sa Langit sa lesson ngayon tungkol sa dahilan kung bakit mahalaga para sa kanila na magkaroon ng kalayaang piliing sundin si Jesucristo ayon sa sarili nilang hangarin. Sabihin din sa kanila na isipin ang kahalagahan ng pagsunod sa mga batas ng lupain at paggalang sa mga tao na may paniniwala na naiiba sa kanila. Maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na isulat ang kanilang mga naisip tungkol sa isa o mahigit pa sa mga ideyang ito bago magpatuloy.

Ang kahalagahan ng pamahalaan at relihiyon

Noong 1830s, ang mga miyembro ng Simbahan ay dumanas ng pag-uusig, ang isang dahilan ay ang maling pag-unawa na babalewalain nila ang mga batas ng pamahalaan sa ngalan ng relihiyon. Upang makatulong na linawin ang katapatan ng mga Banal na sundin ang mga batas ng lupain kasama ang kalayaan sa relihiyon, sumulat ang mga lider ng Simbahan ng isang pahayag ng paniniwala na kilala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 134.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang nilalaman ng bahaging ito, maaari mong pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Maaring atasan ang bawat kapartner na magtuon sa isa sa sumusunod na dalawang katotohanan:

  1. Naniniwala tayo sa pagsunod sa mga batas ng pamahalaan kung saan tayo nakatira (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 134:1, 3, 5–6).

  2. Naniniwala tayo sa kalayaan sa relihiyon at budhi (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 134:2, 4–5, 7).

Maaaring basahin ng bawat kapartner ang mga talatang nauugnay sa katotohanang nakatalaga sa kanya, at hanapin ang mga salita at parirala na sumusuporta o naglilinaw sa katotohanang iyon. Pagkatapos ay maaaring ituro ng magkakapartner sa isa’t isa ang kanilang natutuhan.

Kapag tapos nang magbahagi ang mga estudyante sa kanilang kapartner, sabihin sa ilang boluntaryo na sagutin ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang mahalaga para sa iyo mula sa nabasa mo?

  • Ano ang maaaring itanong ng isang tao matapos basahin ang mga talatang ito?

icon ng handoutUpang matulungan ang mga estudyante na mahanap ang mga sagot sa kanilang mga tanong at mas maunawaan ang mga katotohanan sa lesson na ito, maaari mong gawin ang mga sumusunod:

Hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo. Maaaring pag-aralan at talakayin ng bawat grupo ang unang handout. Pagkatapos ay maaaring muling isaayos ang mga estudyante sa mga bagong grupo upang pag-aralan at talakayin ang pangalawang handout.

Bilang alternatibo, maaaring pag-aralan ng kalahati ng grupo ang isang handout at maaaring pag-aralan ng natitirang kalahati ang isa pang handout. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga grupo ang natutuhan nila sa isang grupo na nag-aral ng ibang handout.

Naniniwala Tayo sa Pagsunod sa mga Batas ng Pamahalaan kung Saan Tayo Nakatira

Basahin ang sumusunod na sitwasyon.

Si Dalia ay nagmimisyon sa isang lugar kung saan hindi pahihintulutan ng pamahalaan ang pagbabahagi ng ebanghelyo sa labas ng isang gusali ng simbahan. Nalulungkot siya dahil alam niya na may mga tao sa lungsod na tatanggap ng ebanghelyo ni Jesucristo kung mas hayagan siyang makapagsasalita tungkol dito. Pinag-iisipan niyang patagong makipag-usap sa mga tao sa kalye upang turuan sila tungkol sa Tagapagligtas.

  • Paano ka tutugon sa sitwasyon na ito?

Basahin ang mga sumusunod na materyal, at pag-isipan kung paano nila matutulungan si Dalia na maunawaan kung ano ang nais ipagawa sa kanya ng Ama sa Langit.

Upang makita kung paano tumugon ang Tagapagligtas sa potensyal na alitan sa pagitan ng pamahalaan at relihiyon, basahin ang Mateo 22:15–22 at ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:

Pangulong Dallin H. Oaks

Bagama’t pinagpipitaganan ng lahat ang sagradong batas, kinikilala rin ng marami na inorden din ng Diyos ang batas sibil. Iniutos ng Panginoong Jesucristo, “Kaya’t ibigay ninyo kay Cesar ang kay Cesar at sa Diyos ang sa Diyos” (Mateo 22:21). Dahil itinuro, dapat nating sundin, hangga’t maaari, ang dalawang sistemang ito ng batas. Kapag sa wari ay may hindi pagkakatugmma, kailangan nating pagtugmain at balansehin ang mga ito. Kapag sadyang hindi na ito mapagtutugma, dapat tayong makiisa sa iba na may pananaw na katulad ng sa atin at pagsikapang baguhin ang batas sibil upang masunod ang sagradong batas. Sa lahat ng sitwasyon, dapat tayong maging lubos na maingat bago magpasiya—sa mga pinakapambihirang sitwasyon—na mas paboran ang isa kaysa sa isa. (Dallin H. Oaks, “The Boundary between Church and State” [mensaheng ibinigay sa Second Annual Sacramento Court/Clergy Conference, Okt. 20, 2015], newsroom.ChurchofJesusChrist.org)

Sagutin ang mga sumusunod na tanong.

  • Ano ang natutuhan mo na makatutulong kay Dalia na maunawaan na dapat niyang igalang ang mga batas kung saan siya naglilingkod?

  • Sa iyong palagay, bakit isang alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo ang pagsunod sa batas kung saan ka nakatira?

Naniniwala Tayo sa Kalayaan sa Relihiyon at Budhi

Sagutin ang mga sumusunod na tanong.

  • Kailan mo natalakay ang relihiyon o mga espirituwal na paniniwala sa isang tao na may paniniwalang naiiba sa iyo?

  • Paano sila tumugon sa iyong mga paniniwala? Paano ka tumugon sa kanila?

Pag-isipan ang sumusunod na sitwasyon.

Si Liam ay bahagi ng soccer team ng kanyang paaralan. Ang isa sa mga miyembro ng kanyang grupo, si Zain, ay may personal na panrelihiyong ritwal na ginagawa niya bago ang bawat laro. Si Zain lamang ang miyembro ng kanyang relihiyon sa team. Napansin ng iba pang mga miyembro ng team ang ginagawa ni Zain at sinimulan nilang asarin siya dahil dito. Alam ni Liam na kung minsan, negatibo ang tingin ng mga tao sa kanilang komunidad sa relihiyon ni Zain.

Pag-aralan ang mga sumusunod na materyal, at isipin kung paano maiaangkop ang mga ito sa sitwasyon ni Liam at sa iyong pakikipag-ugnayan sa mga taong may paniniwalang naiiba sa iyo.

Itinuro ni Propetang Joseph Smith (1805–44):

si Propetang Joseph Smith

Kung naipamalas na na handa akong mamatay para sa isang “Mormon,” matapang kong ipinahahayag sa harap ng Langit na handa rin akong mamatay sa pagtatanggol sa mga karapatan ng isang Presbyterian, Baptist, o isang mabuting tao ng ibang relihiyon; sapagkat ang mga alituntuning yuyurak sa mga karapatan ng mga Banal sa mga Huling Araw ay yuyurak sa mga karapatan ng mga … iba pang relihiyon na maaaring hindi popular at napakahina para ipagtanggol ang kanilang sarili.

Pagmamahal sa kalayaan ang nagbibigay-inspirasyon sa aking kaluluwa—kalayaan ng tao at relihiyon sa buong sansinukob. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 404)

  • Ano ang maibabahagi mo kay Liam na maaaring makatulong sa kanya na tumugon sa sitwasyon kung nasaan siya?

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa kung paano nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na pakitunguhan mo ang mga tao na may paniniwalang naiiba sa iyo?

Matapos magkaroon ng pagkakataon ang mga grupo na matuto mula sa dalawang handout, maaari mo silang bigyan ng pagkakataong talakayin ang natutuhan nila o magtanong tungkol sa napag-aralan nila.

Kung sa palagay mo ay makatutulong na talakayin pa ang natutuhan ng mga estudyante tungkol sa dalawang katotohanan, maaari mong gamitin ang mga sumusunod na tanong.

  • Paano maninindigan ang isang tao para sa kanyang mga paniniwala habang iginagalang din ang naiibang paniniwala ng ibang tao?

  • Paano madaragdagan ang ating kakayahang sundin ang plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas?

  • Ano sa palagay ninyo ang mga angkop na mga paraan upang mahikayat ang kalayaang panrelihiyon sa mga batas kung saan kayo nakatira?

    Maaari mong tapusin ang lesson sa pamamagitan ng pag-aanyaya sa mga estudyante na sagutin ang sumusunod na tanong sa kanilang study journal. Maaaring ibahagi ng ilang estudyante ang isinulat nila.

  • Ano sa palagay mo ang nais ng Ama sa Langit na gawin mo sa natutuhan mo ngayon?