Seminary
Lesson 146—I-assess ang Iyong Pagkatuto 9: Doktrina at mga Tipan 115–134


“Lesson 146—I-assess ang Iyong Pagkatuto 9: Doktrina at mga Tipan 115–134,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“I-assess ang Iyong Pagkatuto 9,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 146: Doktrina at mga Tipan 133-134

I-assess ang Iyong Pagkatuto 9

Doktrina at mga Tipan 115–134

Salt Lake City Temple

Ang pagiging higit na katulad ni Cristo ay nangangailangan ng patuloy na pagsisikap at isa itong habambuhay na proseso. Ang regular na pag-assess sa ating espirituwal na pag-unlad ay makatutulong sa atin na makita ang progreso natin at mas mapalapit sa Tagapagligtas. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na masuri kung paano nakatulong sa kanilang espirituwal na pag-unlad ang pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Marahan at tuluy-tuloy na progreso

Maaari mong ipakita sa mga estudyante ang mga larawan ng iba’t ibang yugto ng pagtatayo ng Salt Lake Temple. Itanong sa mga estudyante kung alam nila kung gaano katagal bago natapos ang templong ito (40 taon). Maaari mong sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung sa palagay nila ay sulit ang oras at pagsisikap na kinailangan upang maitayo ang templo at kung bakit.

Pagtatayo ng templo ng Salt Lake City 1

Ginamit nang may pahintulot, Utah State Historical Society

Pagtatayo ng templo ng Salt Lake City 2
Pagtatayo ng templo ng Salt Lake City 3
Pagtatayo ng templo ng Salt Lake City 4

Tulungan ang mga estudyante na maikumpara ang kanilang espirituwal na pag-unlad sa pagtatayo ng templo. Ang isang paraan upang magawa ito ay anyayahan silang pag-isipan kung ano ang maaaring naramdaman ng mga manggagawa habang ginagawa nila ang mahabang proyektong ito. Maaari mong itanong ang mga sumusunod:

  • Ano kaya ang madarama ninyo pagkatapos magtrabaho nang 10 o 20 taon sa templo habang nakikita ang lahat ng gawain na kailangan pa ring gawin?

  • Kung isa kayo sa mga manggagawa, ano ang maaaring nakahikayat sa inyo na patuloy na magtrabaho?

  • Sa inyong palagay, paano naaangkop ang karanasan ng mga manggagawa sa ating mga pagsisikap na umunlad sa espirituwal at maging mas katulad ng Tagapagligtas?

Maglaan ng sandali na isipin ang inyong buhay at kung ano ang ginawa ninyo upang maging mas katulad ni Jesucristo. Isipin kung paano kayo umuunlad, kahit sa maliliit na paraan, upang maging mas katulad ni Cristo.

  • Bagama’t mahaba ang proseso, ano ang natututuhan ninyo tungkol sa kahalagahan ng pagsisikap na maging mas katulad ni Jesucristo sa bawat araw?

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila at kung paano sila umunlad sa nakalipas na ilang linggo sa kanilang palagay. Upang matulungan ang mga estudyante na magbahagi, maaari mo silang anyayahang balikan ang natutuhan nila kamakailan mula sa kanilang pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan. Maaari mo silang hikayatin na basahin ang kanilang journal o tingnan ang minarkahan nila kamakailan sa kanilang mga banal na kasulatan.

Ang mga sumusunod na aktibidad ay makapagbibigay sa mga estudyante ng pagkakataon na maipaliwanag ang kanilang natututuhan, masuri at maibahagi ang kanilang nadarama, at maibahagi ang kanilang progreso sa pamumuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo. Kung ang pag-aaral ng klase mo ng Doktrina at mga Tipan 115–134 ay nakatuon sa iba’t ibang katotohanan sa halip na sa mga nasa sumusunod na mga aktibidad, maaari mong iakma ang mga aktibidad upang maisama ang mga katotohanang iyon.

Ipaliwanag ang kahalagahan ng mga pagbibinyag para sa mga patay

Upang mabigyan ang mga estudyante ng pagkakataon na maipaliwanag ang doktrina ng mga pagbibinyag para sa mga patay, maaari mong ipakita ang sumusunod na larawan ng bautismuhan sa templo at basahin ang isang sitwasyon na tulad ng nasa ibaba.

bautismuhan sa templo

Nasasabik si Aubrie at ang kanyang mga kaibigan sa pagpunta sa templo. Napansin ng isang kaibigang hindi pamilyar sa mga templo ang kanilang pananabik at kalaunan ay tinanong si Aubrie kung ano ang ginagawa nila sa mga templo. Naghanap si Aubrie ng larawan ng isang bautismuhan sa templo sa kanyang telepono at sinimulang ipaliwanag ang tungkol sa mga pagbibinyag para sa mga patay.

Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong ibahagi ang sasabihin nila kung hihilingin sa kanila ng isang kaibigan na ipaliwanag ang mga pagbibinyag para sa mga patay. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magsadula nang magkakapartner o sa maliliit na grupo.

Matapos magkaroon ng pagkakataon ang mga estudyante na magsadula, sabihin sa kanila na rebyuhin ang natutuhan nila sa Doktrina at mga Tipan 124, 127, at 128 upang malaman kung mayroon silang maidaragdag sa kanilang paliwanag. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na magrebyu nang magkakasama sa mga grupo nang iniisip ang mga sumusunod na tanong.

  • Ano ang ilang bagay na maibabahagi ni Aubrie upang matulungan ang kanyang kaibigan na maunawaan ang sagradong ordenansang ito bilang bahagi ng plano ng Diyos?

  • Ano ang maitutulong ni Aubrie para maunawaan ng kanyang kaibigan ang tungkol sa Ama sa Langit o kay Jesucristo?

Kapag narebyu na at natalakay na ng mga estudyante ang doktrina ng mga pagbibinyag para sa mga patay, maaari mo silang bigyan ng isa pang pagkakataon na isadula ang sitwasyon at isama ang natutuhan nila.

Pakikibahagi sa gawain sa templo at family history

Layunin ng aktibidad na ito na tulungan ang mga estudyante na ibahagi kung paano sila nakibahagi sa gawain sa templo at family history. Maaari mo munang tulungan ang mga estudyante na maalala ang ilan sa mga dakilang pagpapala na nauugnay sa paggawa ng gawain ng Panginoon sa pamamagitan ng pagbabahagi ng sumusunod na pahayag.

Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:

Pangulong Henry B. Eyring

Maraming kabataan ang nakatuklas na ang pagbibigay ng panahon sa paggawa ng family history at gawain sa templo ay nagpalalim sa kanilang patotoo sa plano ng kaligtasan. Napalakas nito ang impluwensya ng Espiritu sa kanilang buhay at napahina ang impluwensya ng kaaway. Natulungan sila nito na mas mapalapit sa kanilang pamilya at sa Panginoong Jesucristo. Natutuhan nila na hindi lamang ang mga pumanaw ang inililigtas ng gawaing ito; lahat tayo ay inililigtas nito (tingnan sa D&T 128:18). (Henry B. Eyring, “Pagtitipon sa Pamilya ng Diyos,” Liahona, Mayo 2017, 22)

  • Anong mga pagpapala ang natuklasan ninyo nang makibahagi kayo sa gawain sa templo at family history?

Sa mga lesson tungkol sa Doktrina at mga Tipan 127–128, maaaring inanyayahan ang mga estudyante na gumawa ng plano na makibahagi sa gawaing ito sa anumang paraan. Bigyan ng oras ang mga estudyante na pagnilayan ang kanilang plano at hikayatin silang ibahagi ang nagawa nila.

Kung kinakailangan, maaari mong ipaalala sa mga estudyante ang ilan sa mga paraan na maaari nilang piliing makibahagi. Maaaring kabilang dito ang iba’t ibang aktibidad sa FamilySearch.org o sa Family Tree app. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ilarawan o, kung maaari, ay ipakita sa klase ang nagawa o natutuhan nila. Maaaring nakadalo na ang mga estudyante sa templo upang makibahagi sa mga sagradong ordenansa para sa mga yumaong kapamilya. Maaari mo silang anyayahang ibahagi ang kanilang nadama tungkol sa karanasang ito.

Makadama ng ibayong tiwala sa Diyos sa mga panahon ng mga pagsubok

Maaaring gumamit ka na ng magagaspang at makikinis na bato bilang object lesson habang itinuturo mo ang Doktrina at mga Tipan 122; kung gayon, maaari mong ipakitang muli ang mga ito. Ang mga batong ito ay makapagpapaalala sa mga estudyante ng natutuhan nila at magtutulot sa mga estudyante na talakayin ang kanilang mga nadarama tungkol sa layunin ng mga pagsubok at pagtitiwala sa Diyos kapag nararanasan natin ang mga ito. Kung sa palagay mo ay makatutulong ito, maaari mong ipaalala sa mga estudyante ang ilan sa mga lesson tungkol sa paksang ito. Maaaring natutuhan ng mga estudyante ang tungkol sa mga pagsubok sa Doktrina at mga Tipan 98, 101, 105, 111, 121–123, at iba pang mga bahagi. Maaaring maalala rin ng mga estudyante ang mahahalagang aral tungkol sa pagtitiwala sa Diyos mula sa lesson tungkol sa pagpapalayas sa mga Banal mula sa Missouri.

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na balikan ang anumang makatutulong na talata sa banal na kasulatan at talakayin ang natutuhan nila.

  • Paano nakatulong sa inyo ang mga bagay na natutuhan ninyo para maiba ang nadarama ninyo tungkol sa inyong mga pagsubok?

  • Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo nang makaranas kayo ng panahon ng pagsubok?

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang journal ang nadarama nila tungkol sa kung paano sila sinuportahan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa kanilang mga pagsubok. Sabihin sa kanila na isipin kung paano naapektuhan ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo dahil sa natutuhan at naranasan nila. Maaari mong ipabahagi sa nakahandang mga estudyante ang isinulat nila. Bigyan sila ng mga pagkakataong magpatotoo tungkol sa banal na tulong na natanggap nila.