“Lesson 208—Paghahanda para sa Pangkalahatang Kumperensya: Pakikinig sa mga Salita ng Tagapagligtas sa Pamamagitan ng Pangkalahatang Kumperensya,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Paghahanda para sa Pangkalahatang Kumperensya,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Lesson 208: Mga Turo ng mga Lider ng Simbahan
Paghahanda para sa Pangkalahatang Kumperensya
Pakikinig sa mga Salita ng Tagapagligtas sa Pamamagitan ng Pangkalahatang Kumperensya
Ang kusang paghahanda at pakikibahagi sa pangkalahatang kumperensya ay nagbibigay-daan sa atin na makatatanggap ng personal na paghahayag. Ang mga mensahe ng inspirasyon at tagubilin na ibinibigay sa pangkalahatang kumperensya ay nagmumula sa Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga piniling lider. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maghandang makinig sa mga personal na mensahe mula sa Tagapagligtas sa pangkalahatang kumperensya.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Paghahanda para sa mga kaganapan
Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga kaganapan na nasisiyahan silang daluhan, tulad ng isang espesyal na pista opisyal, laro sa sports, bakasyon, o iba pang kaganapan. Hilingin sa kanila na ibahagi kung paano sila nakibahagi o naghandang dumalo sa mga kaganapang ito. Talakayin kung paano nakatutulong sa atin ang ating paghahanda para sa mga kaganapan na magkaroon ng mas makabuluhang karanasan sa mga kaganapang ito. Matapos ang talakayan, maaari kang magpakita ng larawan ng isang pamilya na nanonood ng pangkalahatang kumperensya.
Ang layunin ng pangkalahatang kumperensya
Noong Pebrero 1831, nagbigay ang Panginoon ng paghahayag kina Joseph Smith at Sidney Rigdon na nag-uutos sa kanila na tipunin ang mga elder para sa isang pagpupulong o kumperensya, na idinaos noong Hunyo ng taong iyon.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 44:2 at alamin ang ipinangako ng Panginoon na gagawin sa kumperensyang ito.
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson, at alamin ang layunin ng pangkalahatang kumperensya.
Ang layunin nito at ng lahat ng pangkalahatang kumperensya ay tulungan tayong pakinggan Siya. (Russell M. Nelson, “Pambungad na Mensahe ,” Liahona , Mayo 2020, 7)
Maaaring isulat o iugnay ng mga estudyante ang pahayag ni Pangulong Nelson sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Doktrina at mga Tipan 44:2 .
Bigyang-diin ang katotohanan na ang layunin ng pangkalahatang kumperensya ay tulungan tayong pakinggan si Jesucristo .
Upang matulungan ang mga estudyante na pagnilayan ang kanilang paghahanda para sa pangkalahatang kumperensya, maaari mong ipakita sa pisara ang mga sumusunod na tanong sa self-assessment. Maaaring pag-isipan ng mga estudyante ang mga tanong at isulat ang kanilang mga sagot sa study journal.
Gaano kahusay kang naghahandang makinig sa Tagapagligtas na nangungusap sa iyo sa pamamagitan ng mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya?
Ano ang kailangan o inaasam mong matanggap mula sa pangkalahatang kumperensya?
Paghahanda para sa pangkalahatang kumperensya
Ang layunin ng handout ay tulungan ang mga estudyante na matuklasan ang iba’t ibang paraan na makapaghahanda sila para sa pangkalahatang kumperensya. Maaaring gumawa ang mga estudyante sa maliliit na grupo, nang may kapartner, o nang mag-isa.
Nang dalawin ni Jesucristo ang mga Nephita, inanyayahan Niya silang ihanda ang kanilang isipan na pakinggan at unawain ang Kanyang mensahe (tingnan sa 3 Nephi 17:3 ). Isipin kung ano kaya ang magiging karanasan mo sa pangkalahatang kumperensya kung ganoon din ang ginawa mo.
Pag-aralan ang sumusunod na resources, at alamin ang mga paraan na maihahanda mo ang iyong sarili sa pagtanggap ng mga mensahe ng Panginoon sa pangkalahatang kumperensya. Maaari mong markahan ang mga makabuluhang salita at parirala na pinakanapansin mo.
Mosias 2:9 ; Doktrina at mga Tipan 88:63
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
Mula sa pulpitong ito ngayon at bukas, patuloy kayong makaririnig ng katotohanan. Itala sana ninyo ang mga kaisipang nakakakuha ng inyong pansin at ang mga pumapasok sa inyong isipan at namamalagi sa inyong puso. Mapanalanging hilingin sa Panginoon na pagtibayin na ang narinig ninyo ay totoo. (Russell M. Nelson, “Ano ang Totoo? ,” Liahona , Nob. 2022, 30)
Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:
Kilala ko ang mga tagapaglingkod ng Diyos na magsasalita sa inyo sa kumperensyang ito. Sila ay tinawag ng Diyos upang magbigay ng mga mensahe sa Kanyang mga anak. Sinabi ng Panginoon sa kanila: “Kung ano ang sinabi ko, ang Panginoon, ay sinabi ko, at hindi ko binibigyang-katwiran ang aking sarili; at bagaman ang kalangitan at ang lupa ay lilipas, ang aking salita ay hindi lilipas, kundi matutupad na lahat, maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa” [Doktrina at Mga Tipan 1:38 ].
Ipinapakita ninyo ang inyong tiwala sa Kanya kapag nakikinig kayo taglay ang hangaring matuto, magsisi, at pagkatapos ay humayo at gawin kung anuman ang hinihiling Niya. Kung sapat kayong nagtitiwala sa Diyos at pakikinggan ang Kanyang mensahe sa bawat sermon, awitin, at panalangin sa kumperensyang ito, matatagpuan ninyo ito. At kung hahayo kayo at gagawin ang ipinagagawa Niya sa inyo, lalaki ang kapangyarihan ninyong magtiwala sa Kanya, at darating ang panahon na mapupuspos kayo ng pasasalamat na malaman na napagkatiwalaan na Niya kayo. (Henry B. Eyring, “Magtiwala sa Diyos, Pagkatapos ay Humayo at Gumawa ,” Liahona , Nob. 2010, 73)
Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay kabilang sa Unang Panguluhan:
Habang naghahanda kayo para sa pangkalahatang kumperensya, inaanyayahan ko kayong pag-isipan ang mga tanong na kailangan ninyong masagot. Halimbawa, maaari ninyong hangarin ang patnubay at gabay ng Panginoon hinggil sa mga hamong kinakaharap ninyo.
Ang mga sagot sa inyong mga partikular na panalangin ay maaaring tuwirang magmula sa isang partikular na mensahe o mga kataga. May mga pagkakataon naman na maaaring dumating ang sagot sa tila walang kaugnayang salita, mga kataga, o awitin. Ang pusong puspos ng pasasalamat para sa mga pagpapala ng buhay at ang marubdob na hangaring pakinggan at sundin ang mga payo ang maghahanda ng daan para sa personal na paghahayag. (Dieter F. Uchtdorf, “Pangkalahatang Kumperensya—Hindi Ordinaryong Pagpapala ,” Liahona , Set. 2011, 4)
Mula sa napag-aralan mo, gumawa ng listahan ng mga paraan na makapaghahanda kang pakinggan ang tinig ng Panginoon sa pangkalahatang kumperensya.
Ilista ang ilan pang paraan na makapaghahanda kang pakinggan ang tinig ng Panginoon sa pangkalahatang kumperensya.
Ang aking paghahanda para sa pangkalahatang kumperensya
Ang mga sumusunod na tanong ay makatutulong sa mga estudyante na sundin ang payo mula sa pahayag ni Elder Uchtdorf sa handout. Maaaring sagutin ng mga estudyante ang mga tanong sa kanilang study journal o sa isang maliit na piraso ng papel o note card na maaari nilang iuwi bilang paalala.
Ano ang mga tanong ko? Anong patnubay o payo ang kailangan ko para sa mga hamong kinakaharap ko?
Ano ang isang partikular na bagay na gagawin ko para makapaghandang marinig ang tagubilin ng Panginoon para sa akin sa pangkalahatang kumperensya? (Pumili ng isa o dalawang paraan na inilista mo sa iyong handout.)
Tulungan ang mga estudyante na maibahagi ang kanilang karanasan sa pangkalahatang kumperensya
Pagkatapos ng pangkalahatang kumperensya, maaari mong sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano nakaapekto sa kanilang karanasan ang paghahanda para sa pangkalahatang kumperensya. Maaaring may ilang estudyante na hindi nakibahagi sa kumperensya. Maaari kang maglaan ng oras para mapag-aralan ng mga estudyanteng ito ang mga buod ng mga mensahe.
Ano ang ginawa ninyo upang makapaghanda? Sa paanong mga paraan nakatulong ito?
Paano nakatulong sa inyo ang inyong paghahanda upang marinig ang tinig ng Tagapagligtas at tumanggap ng patnubay mula sa Kanya?
Maaari ding ibahagi ng mga estudyante ang kanilang nadarama o patotoo tungkol sa nadama o narinig nila sa pangkalahatang kumperensya.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
5:27
Ang mga General Authority at mga Pangkalahatang Opisyal ng Simbahan na magsasalita ay magtutuon sa Tagapagligtas na si Jesucristo, sa Kanyang awa, at sa Kanyang walang hanggang kapangyarihang tumubos. Sa buong kasaysayan ng mundo, ngayon mas mahalaga at mas kailangan sa personal na buhay ng bawat tao ang kaalaman tungkol sa ating Tagapagligtas. Isipin na lamang ninyo kung gaano kabilis malulutas ang mga hidwaan sa buong mundo—at sa personal nating buhay—kung pipiliin ng lahat na sundin si Jesucristo at ipamumuhay ang Kanyang mga turo. (Russell M. Nelson, “Dalisay na Katotohanan, Dalisay na Doktrina, at Dalisay na Paghahayag ,” Liahona , Nob. 2021, 6)
Itinuro ni Elder Robert D. Hales (1932–2017) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Kapag nagsusulat ako ng mga tala sa kumperensya, hindi ko palaging naisusulat nang eksakto ang sinasabi ng tagapagsalita; ang isinusulat ko ay ang personal na direksyon na ibinibigay sa akin ng Espiritu.
Ang sinasabi ay hindi kasing-halaga ng naririnig at nadarama natin. (Robert D. Hales, “Pangkalahatang Kumperensya: Nagpapalakas ng Pananampalataya at Patotoo ,” Liahona , Nob. 2013, 6)
Itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Nagpapatotoo ako sa inyo na si Jesus ang Cristo, na ginagabayan Niya ang mga nangyayari sa banal na gawaing ito, at ang pangkalahatang kumperensya ay isa sa mga pinakamahalagang panahon na nagbibigay Siya ng direksyon sa Kanyang Simbahan at sa atin mismo. …
Ang mga turo sa pangkalahatang kumperensya ay ang mga bagay na nais ng Panginoon na pag-isipan natin ngayon at sa darating na mga buwan. (Neil L. Andersen, “Ang Tinig ng Panginoon ,” Liahona , Nob. 2017, 122, 124)
Bilang alternatibong paraan para simulan ang lesson, maaari mong itanong kung bakit mahalagang regular na i-update ang operating system sa isang mobile phone. Paano ito nauugnay sa pagpiling makibahagi sa mga pangkalahatang kumperensya?
Sa mga araw at linggo bago ang pangkalahatang kumperensya, madalas mag-post ang mga lider ng Simbahan tungkol sa pangkalahatang kumperensya sa kanilang mga social media account. Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang ilan sa mga social media post ng mga lider ng Simbahan na nai-post sa loob ng ilang linggo sa huling pangkalahatang kumperensya. Maaari kang magpakita ng ilang halimbawa. Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng anumang payo na makatutulong sa kanila na maghandang makibahagi sa pangkalahatang kumperensya. Maaari mong talakayin ang anumang pagpapalang ipinangako ng mga lider ng Simbahan.
Bago ang pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2020, nag-post si Elder Neil L. Andersen ng video sa Facebook. Sa video, nagbigay siya ng tatlong mungkahi kung paano maghanda para sa pangkalahatang kumperensya. Maaari ninyong panoorin ang buong video na, “Invitation to Prepare for General Conference ” (Facebook, Set. 30, 2020, facebook.com/neill.andersen ; video, 3:01), o ang kanyang tatlong mungkahi lang (mula sa time code na 1:27 to 2:51). Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano makatutulong sa kanila ang kanyang mga mungkahi na maghandang makinig sa tinig ng Panginoon.
Ang mga edisyon ng Marso at Setyembre ng magasin na Para sa Lakas ng mga Kabataan ay kadalasang naglalaman ng “Notebook para sa Pangkalahatang Kumperensya” na maaaring i-download, i-print, at gamitin habang nakikibahagi sa pangkalahatang kumperensya. Magdala ng ilang kopya ng mga bagong edisyon ng “Notebook para sa Pangkalahatang Kumperensya” para makita ng mga estudyante, o hikayatin ang mga estudyante na i-access ito sa Gospel Library app. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng ilan sa mga ideyang natuklasan nila mula sa “Notebook para sa Pangkalahatang Kumperensya” na makatutulong sa kanila na maghanda para sa pangkalahatang kumperensya.
Maaari mong ipanood ang “Ang Tinig ng Panginoon ” mula sa time code na 3:07 hanggang 5:17. Tinalakay ni Elder Neil L. Andersen ang pagsisikap ng mga tagapagsalita sa paghahanda ng mensahe para sa pangkalahatang kumperensya. Sabihin sa mga estudyante na talakayin kung ano ang matututuhan natin sa pag-alam kung paano naghahanda ang mga tagapagsalita. Ang sumusunod na tanong ay maaaring makatulong sa talakayan.
2:3
Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong rebyuhin ang natutuhan nila sa pangkalahatang kumperensya. Maaari kang magsulat ng ilang tanong sa pisara gaya ng mga sumusunod: Ano ang nakapagpatawa sa iyo? Anong mensahe ang nasasabik kang pag-aralang muli? Ano ang natutuhan mo na maaaring makatulong sa iyong buhay? Ano ang natutuhan mo tungkol sa Tagapagligtas?
Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat sa pisara ang mga sagot nila sa alinman sa mga tanong. Maaari kang magbahagi ng sagot mula sa iyong karanasan sa pangkalahatang kumperensya. Maaaring pumili ang mga estudyante ng ilan sa mga sagot sa pisara at anyayahan ang kanilang mga kaklase na ikuwento nang mas detalyado ang kanilang mga karanasan.