Seminary
Lesson 211—“Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan”: Pag-aaral ng mga Turo ng mga Lider ng Simbahan


“Lesson 211—‘Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan,”Pag-aaral ng mga Turo ng mga Lider ng Simbahan” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 211—Mga Turo ng mga Lider ng Simbahan

“Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan”

Pag-aaral ng mga Turo ng mga Lider ng Simbahan

Pangulong Russell M. Nelson

Sa buong taon, magkakaroon ang mga estudyante ng maraming pagkakataon sa seminary na matuto sa mga turo ng mga inspiradong lider sa mga huling araw sa Simbahan ni Jesucristo. Ang lesson na ito ay nagbibigay ng halimbawa ng kung paano magagamit ng mga titser ang dokumentong “Template: Mga Turo ng mga Lider ng Simbahan“ para magabayan ang klase sa pag-aaral nila ng mga mensaheng ito. Ang halimbawang ginamit sa lesson na ito ay “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” ni Pangulong Russell M. Nelson ([pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Mayo 15, 2022], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org). Mapapalalim ng lesson na ito ang pag-unawa ng mga estudyante sa mga alituntunin upang matulungan silang maghanda para sa buhay na walang hanggan.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Paalala: Ang lesson na ito ay nagbibigay ng isang halimbawa ng kung paano magagamit ng mga titser ang dokumentong “Template: Mga Turo ng mga Lider ng Simbahan” upang tulungan ang mga estudyante na pag-aralan ang mga mensahe mula sa mga lider ng Simbahan. Maaari mong iakma ang mga ideya mula sa lesson na ito, gumamit ng ibang kumbinasyon ng mga ideya mula sa template, o gamitin ang sarili mong mga ideya na mas makatutugon sa mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Simulan ang lesson

Simulan ang lesson sa paraang magiging interesado ang mga estudyante at makatutulong na maihanda ang kanilang pag-iisip at puso na matuto. Maaari kang gumamit ng isang pahayag o konsepto mula sa mensahe ni Pangulong Nelson na “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan.” Ang sumusunod ay isang halimbawa ng kung paano sisimulan ang lesson.

Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag at sabihin sa mga estudyante na isipin ang kanilang hinaharap sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan:

Sa isang mensahe sa mga young adult, ipinahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:

Pangulong Russell M. Nelson

Ngayong gabi, nais kong talakayin sa inyo ang inyong kinabukasan. (Russell M. Nelson, “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan,” [pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Mayo 15, 2022], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org)

Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong study journal:

  • Ano ang mga naiisip at nadarama mo habang iniisip mo ang iyong hinaharap sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan?

  • Kung matatalakay mo sa propeta ng Diyos ang iyong hinaharap, ano ang mga itatanong mo sa kanya?

Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang isinulat nila sa kanilang study journal. Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na isulat sa pisara ang ilan sa kanilang mga tanong tungkol sa kanilang hinaharap. Ang mga tanong na ito ay maaaring makatulong sa mga estudyante na maghandang pag-aralan ang mensahe.

Pag-aralan ang mensahe

Sa pag-aaral ng mga estudyante, hikayatin silang magtuon sa pagpapaibayo ng kanilang kaalaman at pagpapatibay ng kanilang patotoo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Sabihin sa mga estudyante na itala ang mga maiisip o madarama nila na maaaring magmula sa Espiritu Santo habang nag-aaral sila.

Gagamitin ng bahaging ito ng lesson ang ideya na “Hanapin” mula sa bahaging “Pag-aralan ang Mensahe” ng dokumentong “Template: Mga Turo ng mga Lider ng Simbahan. Ang bahaging ito ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na magtuon sa kanilang pag-aaral ng mensahe.

icon ng handoutKung walang access ang mga estudyante sa mensahe ni Pangulong Nelson na “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan,” maaari mong ibigay ang tatlong handout, na naglalaman ng ilang bahagi ng kanyang mensahe. Maaari mong hatiin ang klase mo sa tatlong grupo at sabihin sa bawat grupo na dapat magkakaiba sila ng pag-aaralang handout. O maaari kang mag-print ng mga kopya ng buong mensahe, at maaaring pag-aralan ng mga estudyante ang mensahe sa maliliit na grupo. Sabihin sa mga estudyante na sundin ang mga tagubilin sa ibaba habang ginagawa nila ang aktibidad.

Habang pinag-aaralan mo ang mensahe ni Pangulong Nelson na “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan,” maghanap ng mga katotohanang makatutulong sa iyong maghanda para sa iyong kinabukasan sa lupa at sa buhay na walang hanggan kasama ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Maaari ka ring maghanap ng mga turo na makasasagot sa iyong mga tanong tungkol sa iyong kinabukasan na isinulat mo sa iyong study journal o sa pisara.

Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan, Bahagi 1

Ang layunin ko ngayong gabi ay tiyaking mulat na mulat ang inyong mga mata sa katotohanan na ang buhay na ito talaga ay ang panahon na magpapasiya kayo kung anong klaseng pamumuhay ang gusto ninyo magpakailanman. Ngayon ang panahon ninyo “upang maghanda sa pagharap sa Diyos” [tingnan sa Alma 12:24; 34:32]. …

Malaki ang mga pakinabang ng bawat matwid na pagpiling ginagawa ninyo sa buhay na ito. Ngunit mas malaki pa ang mga walang-hanggang pakinabang kaysa sa natanggap ninyo sa buhay na ito. Kung pipiliin ninyong makipagtipan sa Diyos at tapat kayo sa mga tipang iyon, may pangako na kayo ay “magtatamo ng kaluwalhatiang idaragdag sa [inyong ulo] magpakailanman at walang katapusan” [Abraham 3:26]. …

Mangyari pa, ayaw ng kaaway na isipin man lang ninyo ang kinabukasan, lalo na ang buhay na walang hanggan. Ngunit huwag sana kayong maging walang alam o walang muwang tungkol sa mga oportunidad at hamon ng mortalidad. Sa diwang iyon, kailangan ninyong maunawaan ang tatlong mahahalagang katotohanan na tutulong sa inyong maghanda para sa inyong kinabukasan: …

Una: Alamin ang katotohanan kung sino kayo. Naniniwala ako na kung tuwirang nagsasalita sa inyo ang Panginoon ngayong gabi, ang una Niyang titiyakin ay na nauunawaan ninyo ang inyong tunay na pagkatao. Mahal kong mga kaibigan, kayo ay literal na mga espiritung anak ng Diyos. Nakanta na ninyo ang katotohanang ito mula nang matutuhan ninyo ang mga titik sa “Ako ay Anak ng Diyos” [Mga Himno, blg. 301]. Ngunit nakatatak ba sa puso ninyo ang walang-hanggang katotohanang iyan? Nakadaig na ba kayo ng tukso dahil sa katotohanang ito?

Nangangamba ako na baka napakadalas na ninyong naririnig ang katotohanang ito kaya parang slogan na ito sa inyo sa halip na banal na katotohanan. Gayunpaman, ang paraan ng inyong pag-iisip kung sino kayo talaga ay nakakaapekto sa halos lahat ng desisyong gagawin ninyo. …

Sino kayo?

Una sa lahat, kayo ay anak ng Diyos.

Pangalawa, bilang miyembro ng Simbahan, kayo ay anak ng tipan. At pangatlo, kayo ay disipulo ni Jesucristo.

Ngayong gabi, nakikiusap ako sa inyo na huwag palitan ng anumang iba pa ang tatlong napakahalaga at di-nagbabagong mga pantukoy na ito, dahil maaaring makahadlang ito sa inyong pag-unlad o mabilang kayo sa isang kategorya na posibleng makahadlang sa inyong walang-hanggang pag-unlad. …

May iba’t ibang titulo na maaaring napakahalaga sa inyo, siyempre pa. Unawain sana ninyo ako. Hindi ko sinasabi na hindi mahalaga ang iba pang mga titulo at pantukoy. Ang sinasabi ko lang ay walang pantukoy na dapat makapag-alis, pumalit, o bigyan ng prayoridad kaysa sa tatlong nagtatagal na titulong ito: “anak ng Diyos,” “anak ng tipan,” at “disipulo ni Jesucristo.”

Anumang pantukoy na hindi tugma sa tatlong mahahalagang titulong iyon ay bibiguin kayo sa huli. Ang iba pang mga titulo ay hindi magpapasaya sa inyo pagdating ng panahon dahil wala itong kapangyarihan na akayin kayo sa buhay na walang hanggan sa kahariang selestiyal ng Diyos. …

Huwag kayong magkakamali tungkol dito: Banal ang inyong potensyal. Sa inyong masigasig na paghahanap, ipababanaag sa inyo ng Diyos kung sino ang maaari ninyong kahinatnan. (Russell M. Nelson, “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” [pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Mayo 15, 2022], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org)

Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan, Bahagi 2

Pangalawa: Alamin ang katotohanan kung ano ang inaalok sa inyo ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo.

Sa madaling salita, inaalok Nila sa inyo ang lahat-lahat!

Ang plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak ay nagtutulot sa atin na mabuhay kung saan at kung paano Siya nabubuhay at sa huli ay mas lalo pang maging katulad Niya. Ang Kanyang plano ay literal na ibinibigay sa atin ang pinakamayayamang pagpapala ng buong kawalang-hanggan, pati na ang potensyal nating maging “mga kasamang tagapagmana ni Cristo” [Mga Taga Roma 8:17].

Alam at nakikita ng Diyos ang lahat. Sa buong kawalang-hanggan, walang sinumang makakikilala sa inyo o magmamalasakit sa inyo nang mas higit kaysa sa Kanya. Walang sinumang magiging mas malapit sa inyo kailanman kaysa sa Kanya. Maaari ninyong ibuhos ang nilalaman ng inyong puso sa Kanya at pagkatiwalaan Siya na isusugo Niya ang Espiritu Santo at mga anghel para pangalagaan kayo. Ipinamalas Niya ang Kanyang sukdulang pagmamahal nang isugo Niya ang Kanyang Bugtong na Anak upang mamatay alang-alang sa inyo—upang maging inyong Tagapagligtas at inyong Manunubos!

Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, dinaig ng Panginoong Jesucristo ang sanlibutan [tingnan sa Juan 16:33; Doktrina at mga Tipan 50:41]. Samakatuwid, Siya ay “may kapangyarihang … maglinis sa [inyo] sa lahat ng kasamaan” [Alma 7:14]. Ililigtas Niya kayo mula sa inyong pinakamasasakit na sitwasyon sa Kanyang sariling paraan at panahon. Kapag lumapit kayo sa Kanya nang may pananampalataya, gagabayan, iingatan, at poprotektahan Niya kayo. Pagagalingin Niya ang inyong sawing puso at aaliwin kayo sa inyong kalungkutan [tingnan sa Lucas 4:18; Alma 7:10–12]. Tutulungan Niya kayong matanggap ang Kanyang kapangyarihan. At gagawin Niyang posible ang imposible sa inyong buhay. …

May espesyal na pagmamahal ang Diyos para sa bawat taong nakikipagtipan sa Kanya sa mga tubig ng binyag. At ang banal na pagmamahal na iyan ay lumalalim habang gumagawa at tumutupad kayo ng mga karagdagang tipan. At sa pagtatapos ng mortal na buhay, katangi-tangi ang muling pakikipagkita ng bawat pinagtipanang anak sa ating Ama sa Langit [tingnan sa Awit 116:15].

Gustung-gusto rin Niya na lahat ng anak Niya ay magkaroon ng oportunidad na marinig ang masayang balita ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Mahigit anim na milenya nang ipinadadala ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak sa lupa. Karamihan sa mga taong ito ay hindi pa natatanggap ang mga ordenansang magpapagindapat sa kanila sa buhay na walang hanggan. Kaya napakahalaga ng mga templo. Ito ang dahilan kung bakit ang pagtitipon ng Israel sa magkabilang panig ng tabing ang pinakamahalagang layunin sa lupa ngayon. Kayo, mahal kong mga kasamahan sa banal na gawaing ito, ay may mahalagang papel sa pagtitipong ito, at pinasasalamatan ko kayo para dito. (Russell M. Nelson, “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” [pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Mayo 15, 2022], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org)

Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan, Bahagi 3

Alamin ang katotohanang may kaugnayan sa inyong pagbabalik-loob. Ang totoo ay kayo dapat ang responsable sa sarili ninyong pagbabalik-loob. Walang iba pang makagagawa nito para sa inyo.

Ngayon, maaari ko ba kayong anyayahang pag-isipan ang ilang tanong? Gusto ba ninyong makadama ng kapayapaan tungkol sa mga alalahaning kasalukuyang bumabagabag sa inyo? Gusto ba ninyong higit na makilala si Jesucristo? Gusto ba ninyong malaman kung paano mapaghihilom ng Kanyang banal na kapangyarihan ang inyong mga sugat at kahinaan? Gusto ba ninyong madama ang matamis at [nakapapayapang] kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa inyong buhay?

Para masagot ang mga tanong na ito, kailangan ang pagsisikap—malaking pagsisikap. Nakikiusap ako na alagaan ninyo ang inyong patotoo. Pagsikapan ito. Angkinin ito. Pangalagaan ito. Pagyamanin ito para lumago ito. Busugin ito ng katotohanan. Huwag itong dungisan ng mga maling pilosopiya ng mga lalaki at babaeng walang pananalig at pagkatapos ay magtaka kung bakit humihina ang inyong patotoo.

Magdasal nang taimtim at mapagpakumbaba araw-araw. Busugin ang inyong sarili sa mga salita ng mga sinauna at makabagong propeta. Hilingin sa Panginoon na ituro sa inyo kung paano Siya higit na maririnig. Gumugol ng mas maraming panahon sa templo at sa paggawa ng family history.

Kapag inuna ninyo sa lahat ang inyong patotoo, hintaying mangyari ang mga hiwaga sa inyong buhay.

Kung mayroon kayong mga tanong—at sana’y mayroon nga—hanapin ang mga sagot nang may taimtim na pagnanais na maniwala. Alamin ang lahat ng kaya ninyo tungkol sa ebanghelyo at tiyaking bumaling sa mga pinagmumulang puno ng katotohanan para sa patnubay. Nabubuhay tayo sa dispensasyon kung kailan “walang anumang bagay ang ipagkakait” [Doktrina at mga Tipan 121:28]. Sa gayon, pagdating ng panahon, sasagutin ng Panginoon ang lahat ng tanong natin.

Habang naghihintay, gawing malaking bahagi ng inyong buhay ang maraming paghahayag na madali nating makukuha. Nangangako ako na sa paggawa niyon, lalakas ang inyong patotoo, kahit hindi pa nasasagot ang ilan sa inyong mga tanong. Ang inyong tapat na mga pagtatanong, nang may pananampalataya, ay laging hahantong sa mas malaking pananampalataya at higit na kaalaman. …

Kapag inalagaan ninyo ang inyong patotoo at pinalago ito, magiging mas mabisang kasangkapan kayo sa mga kamay ng Panginoon. Kayo ay “bibigyang-sigla ng higit na mainam na [layunin]” [Alma 43:45]—ang layunin ni Jesucristo!

Walang nangyayari sa daigdig na ito na mas mahalaga pa kaysa sa pagtitipon ng Israel para sa Kanya. Ipaalam sa inyong Ama sa Langit na gusto ninyong tumulong. Hilingin sa Kanya na patulungin kayo sa maluwalhating layuning ito. At pagkatapos ay manatili at mamangha sa mangyayari kapag hinayaan ninyong manaig ang Diyos sa inyong buhay.

Mahal kong mga kaibigang kabataan, mahal ko kayo. Nagpapasalamat ako sa inyo. Nananalig ako sa inyo. Bilang propeta ng Panginoon, binabasbasan ko kayong malaman ang katotohanan kung sino kayo at pahalagahan ang katotohanan kung ano talaga ang inyong maluwalhating potensyal. Binabasbasan ko kayo na alagaan ang inyong sariling patotoo. At binabasbasan ko kayo na magkaroon ng pagnanais at lakas na tuparin ang inyong mga tipan.

Kapag ginawa ninyo ito, nangangako ako na espirituwal kayong lalago, mawawala ang inyong pangamba, at magkakaroon kayo ng kumpiyansa na maaaring hindi pa ninyo maisip ngayon. Magkakaroon kayo ng lakas na magkaroon ng positibong impluwensya na higit pa sa inyong likas na kakayahan. At nangangako ako na magiging mas maganda ang inyong kinabukasan kaysa anumang pinaniniwalaan ninyo ngayon. (Russell M. Nelson, “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” [pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Mayo 15, 2022], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org)

Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang natutuhan nila na makatutulong sa kanilang makapaghanda para sa kanilang buhay sa mundo sa hinaharap at sa buhay na walang hanggan. Maaari din nilang pagnilayan kung alin sa kanilang mga tanong tungkol sa hinaharap ang nasagot at kung paano nasagot ang mga ito. Maaari mong sabihin sa ilang estudyante na ibahagi kung paano nasagot ang kanilang mga tanong.

Palalimin ang pag-unawa

Gagamitin ng bahaging ito ng lesson ang ideya na “Gumawa ng Isang Bagay” mula sa bahaging “Palalimin ang Pag-unawa” ng dokumentong “Template: Mga Turo ng mga Lider ng Simbahan.”

Ang layunin ng bahaging ito ay tulungan ang mga estudyante na pagnilayan at talakayin ang mensahe ni Pangulong Nelson na “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan.“

Pagnilayan ang mga ideyang natamo mo habang pinag-aaralan mo ang mensahe ni Pangulong Nelson. Gumawa ng isang bagay na makatutulong sa iyong maalala ang natutuhan mo o na makakahikayat sa iba na maghanda para sa isang makabuluhang hinaharap at buhay na walang hanggan. Ang mga sumusunod ay ilang halimbawa ng maaari mong gawin:

  • Larawan

  • Tula

  • Meme

  • Post sa social media

    Kung posible, maaari kang magbigay ng papel at iba pang kailangang supply. Kapag tapos na ang mga estudyante, maaari mong anyayahan ang ilan sa kanila na ibahagi ang ginawa nila. Habang nagbabahagi sila, maaari mong itanong pa ang tulad ng mga sumusunod:

  • Anong bahagi ng mensahe ni Pangulong Nelson ang nanghikayat sa iyong gawin iyon? Bakit ka nito nahikayat?

  • Paano makatutulong sa iyo ngayon at sa hinaharap ang pag-alaala ng mensaheng iyon?

  • Paano mahihikayat ng ginawa mo ang isang tao na umasa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa mga katotohanang nanghikayat sa iyo mula sa mensahe ni Pangulong Nelson. Hikayatin ang mga estudyante na kumilos ayon sa anumang pahiwatig na maaaring nadama nila.