Seminary
Lesson 193—Pagtuklas sa Iyong mga Kalakasan at Kakayahan: Maghanda para sa Propesyon at Iba Pang Tungkulin sa Hinaharap


“Lesson 193—Pagtuklas sa Iyong mga Kalakasan at Kakayahan: Maghanda para sa Propesyon at Iba Pang Tungkulin sa Hinaharap,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Pagtuklas sa Iyong mga Kalakasan at Kakayahan,“ Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 193: Paghahanda para sa Edukasyon at Trabaho sa Hinaharap

Pagtuklas sa Inyong mga Kalakasan at Kakayahan

Maghanda para sa Propesyon at Iba Pang Tungkulin sa Hinaharap

kabataang nagtutulungan sa isang proyekto

Habang naghahanda ang kabataan para sa mga responsibilidad at oportunidad sa trabaho sa hinaharap, makatutulong sa kanila na matukoy ang mga kalakasan at kakayahan na hindi nila taglay o kailangan nilang paunlarin. Magagabayan sila ng ating Ama sa Langit na tuklasin ang kanilang mga kalakasan at kahinaan kapag humingi sila ng tulong sa Kanya. Ang lesson na ito ay tutulong sa mga estudyante na maghanda para sa mga responsibilidad at oportunidad sa trabaho sa hinaharap sa pamamagitan ng pagtukoy sakasalukuyan nilang mga kalakasan at kakayahan na kailangan nilang paunlarin.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Paalala: Ang isang lesson sa hinaharap na may pamagat na “Pagpapaunlad ng mga Kasanayan at Kakayahan” ay magtutuon sa pagtulong sa mga estudyante na paunlarin ang ilan sa mga kasanayan at kakayahang natukoy nila sa lesson na ito. Kung kailangan sa iskedyul ng iyong pagtuturo na pagsama-samahin ang mga lesson, maaaring epektibong ituro nang magkasama ang dalawang lesson na ito.

Mga kalakasan at kakayahang kailangan upang magtagumpay

Maaari mong isulat sa pisara ang iba’t ibang tungkulin na maaaring gampanan ng mga estudyante sa hinaharap, gaya ng sumusunod.

  • Estudyante

  • Aprentis

  • Magulang

  • Asawa

  • Manggagawa

Sa halip na isama ang manggagawa bilang isa sa mga tungkulin, maaari kang maging mas partikular sa pamamagitan ng pag-anyaya sa ilang estudyante na magbahagi ng ilang propesyon sa hinaharap kung saan sila interesado at isulat ang mga iyon sa pisara.

Maaaring talakayin ng mga estudyante ang sumusunod na tanong sa maliliit na grupo. Maaari mong bigyan ang bawat grupo ng isa sa mga responsibilidad para talakayin, o maaari mong sabihin sa kanila na sama-samang talakayin ang lahat ng tungkulin.

  • Ano ang ilan sa mga kasanayan o kakayahan na makatutulong sa isang tao na magtagumpay sa mga tungkuling ito?

Anyayahan ang bawat grupo na ibahagi ang natutuhan nila. Maaari mong anyayahan ang mga grupo na pumunta sa pisara at isulat sa tabi ng angkop na tungkulin ang ilan sa mga kasanayan o kakayahang natukoy nila. Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong, maaari mong imungkahi ang ilan sa mga kasanayang nakalista sa handout kalaunan sa lesson.

Pagkatapos ng inyong talakayan, ibahagi ang sumusunod upang makatulong na maihanda ang mga estudyante para sa natitirang bahagi ng lesson:

Isipin ang mga responsibilidad o oportunidad sa trabaho na interesado kayong gawin sa hinaharap. Sa inyong pag-aaral ngayon, hingin ang patnubay ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo upang tulungan kayong matukoy ang mga kalakasan at kasanayang taglay na ninyo na makapaghahanda sa inyo para sa mga responsibilidad na ito. Sikapin ding tukuyin ang mga kasanayan at kakayahang kailangan pa ninyong paunlarin na tutulong sa inyo na maging mas handa para sa hinaharap.

Ang ating potensyal sa pamamagitan ni Jesucristo

Ipaliwanag na pinanghihinaan ng loob ang ilang tao kapag hiniling sa kanilang isipin ang kanilang mga kasanayan at kakayahan dahil hindi nila nadarama na sila ay mahusay o magaling gaya ng iba. May mga walang-hanggang katotohanang itinuro sa mga banal na kasulatan na makatutulong kapag ganito ang nadarama natin.

Pag-aralan ang ilan sa mga sumusunod na passage, at alamin ang mga walang-hanggang katotohanan na makatutulong sa atin na matukoy ang ating kakayahang makamit ang ating potensyal sa pamamagitan ni Jesucristo.

1 Samuel 16:7; Filipos 4:13; Jacob 4:7; Alma 26:12; Doktrina at mga Tipan 18:10.

  • Anong mga katotohanan ang nahanap ninyo na makatutulong sa isang taong nakadarama na wala siyang kasanayan o kakayahan para magtagumpay sa buhay?

Maaaring ipaliwanag ng mga estudyante ang mga katotohanang tulad ng sumusunod: Ang Panginoon ay hindi tumitingin sa panlabas na anyo kundi sa puso (tingnan sa 1 Samuel 16:7); Magagawa natin ang lahat ng bagay sa pamamagitan ni Jesucristo, na makapagpapalakas sa atin (tingnan sa Filipos 4:13; Alma 26:12); Ang kahalagahan ng ating mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:10).

  • Paano tayo matutulungan ng mga katotohanang ito kapag pinanghihinaan tayo ng loob tungkol sa ating mga kakayahan?

Pagtuklas sa inyong mga kalakasan at kakayahan

Ipaalala sa mga estudyante na bilang mga anak ng Diyos na nilikha ayon sa Kanyang larawan, ang bawat isa sa atin ay biniyayaan ng iba’t ibang kalakasan at kakayahan. Maaaring may mga estudyante na nahihirapang matukoy ang mga kalakasan at kakayahang ipinagkaloob sa kanila ng Diyos.

Ibinahagi ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ilan sa mga paraan na matutukoy natin ang mga ipinagkaloob na talento, kalakasan, at kakayahan sa atin ng ating Ama sa Langit:

Elder Ronald A. Rasband

Ang mga talento na ibinigay sa atin ng Diyos ay nagiging malinaw sa mga interes na ginagawa natin. Kung iniisip ninyo kung ano ang mga talento ninyo, gumawa ng listahan ng mga bagay na gusto ninyong gawin. Isama ang lahat ng kinasisiyahan ninyong aktibidad mula sa iba’t ibang bahagi ng inyong buhay—espirituwal, musikal, drama, akademya, pampalakasan, at iba pa. Pag-aralan at pagnilayan ang inyong patriarchal blessing para sa mga ideya at inspirasyon. Sumangguni sa mga miyembro ng pamilya, mapagkakatiwalaang kaibigan, guro, at lider; madalas na nakikita ng ibang tao ang mga hindi natin makita sa ating sarili. (Ronald A. Rasband, “Parables of Jesus: The Parable of the Talents,” Ensign, Ago. 2003, 34)

  • Paano makatutulong na alam ninyo ang inyong kasalukuyan mga talento, kalakasan, o kakayahan kapag iniisip mo ang mga responsibilidad o oportunidad sa trabaho sa hinaharap?

Bigyan ng oras ang mga estudyante sa klase na matuklasan ang mga kalakasan at kakayahang mayroon sila at kailangan nilang paunlarin para maging mas handa para sa mga responsibilidad o oportunidad sa trabaho sa hinaharap. Ang sumusunod ay ilang ideya kung paano mo matutulungan ang mga estudyante na magawa ito. Habang ginagawa nila ang mga aktibidad na ito, anyayahan silang humingi ng inspirasyon mula sa Ama sa Langit upang makita nila ang kanilang sarili sa kung paano Niya sila nakikita.

  • Sabihin sa mga estudyante na isulat ang kasalukuyan nilang mga interes. Sabihin sa kanila na isipin ang mga oportunidad sa trabaho na maaari nilang kunin na nauugnay sa mga interes na iyon. Maaari kang magbigay ng tulong sa pamamagitan ng pagmumungkahi ng ilang posibleng oportunidad sa trabaho na tutugma sa mga interes ng mga estudyante.

  • Sabihin sa mga estudyante na nakatanggap na ng kanilang patriarchal blessing na basahin ito at alamin kung ano ang ipinauunawa nito tungkol sa kanilang sarili.

  • Anyayahan ang maliliit na grupo ng mga estudyante na talakayin ang mga kalakasan at kakayahang napansin nila sa isa’t isa. Maaari ka ring makipag-ugnayan sa mga magulang o lider ng priesthood bago magklase at hilingin sa kanila na sumulat ng tala na naglalarawan sa ilan sa mga kakayahang nakikita nila sa kanilang estudyante.

  • icon ng handout Ipamahagi ang handout na may pamagat na “Pagsusuri sa Sariling mga Kasanayan at Kakayahan” at bigyan ng oras ang mga estudyante upang kumpletuhin ito. Ipaliwanag na ang pagsusuri na ito ay naglalaman ng listahan ng mga kasanayan na karaniwang hinahanap ng mga employer sa kanilang mga empleyado.

Pagsusuri sa Sariling mga Kasanayan at Kakayahan

Para sa bawat isa sa mga sumusunod na pahayag, i-rate ang antas ng iyong kumpiyansa sa scale na 1 (walang kumpiyansa) hanggang 5 (talagang may kumpiyansa).

  1. Mahusay ako sa pakikipag-usap sa iba.

  2. Nagkukusa akong kumilos.

  3. Masipag ako.

  4. Nakakapag-isip ako sa mahihirap na sitwasyon at nakakahanap ng mga solusyon sa mga ito.

  5. Handa akong matuto at sumubok ng mga bagong bagay.

  6. Ako ay tapat at mapagkakatiwalaan.

  7. Marunong akong makisalamuha sa ibang tao.

  8. Maaasahan ako ng mga tao sa ipinagagawa nila sa akin.

  9. Epektibo kong naisasaayos at nagagamit ang oras ko.

  10. Dumarating ako sa tamang oras.

Matapos ang sapat na oras na magawa ng mga estudyante ang naunang mga aktibidad sa pagninilay, sabihin sa kanila na ibahagi ang ilan sa kanilang mga ideya sa pamamagitan ng pagtatanong ng gaya ng sumusunod.

  • Ano ang mga nalaman ninyo tungkol sa inyong sarili?

  • Paano makatutulong sa inyo ang natutuhan ninyo upang mas makapaghanda para sa hinaharap?

Upang matulungan ang mga estudyante na ibuod at maalala ang natutuhan nila tungkol sa kanilang sarili ngayon, maaari mong ipakita ang mga sumusunod na pahiwatig at sabihin sa mga estudyante na isulat ang mga sagot nila sa kanilang study journal:

  • Ang isang lakas o kakayahang mayroon ako na makatutulong sa akin sa mga responsibilidad ko sa hinaharap ay …

  • Ang isang kasanayan o kakayahang nais kong paunlarin para matulungan akong maging mas handa para sa mga responsibilidad sa hinaharap ay …

Ipaliwanag na sa susunod na lesson (“Pagpapaunlad ng mga Kasanayan at Kakayahan”), bibigyan ang mga estudyante ng mga oportunidad na isipin kung paano nila mapapaunlad ang mga kasanayan at kakayahan na natukoy nila sa pangalawang pahiwatig. Maaari mo silang anyayahang simulang isipin ang mga paraan kung paano nila mapapaunlad ang mga kasanayan o kakayahang ito ngayon. Patotohanan ang kakayahan at kahandaan ng Panginoon na tulungan silang lumago at umunlad.