Lesson 194—Pagpapaunlad ng mga Kasanayan at Kakayahan: Pag-unlad sa Tulong ng Panginoon
“Lesson 194—Pagpapaunlad ng mga Kasanayan at Kakayahan: Pag-unlad sa Tulong ng Panginoon,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Pagpapaunlad ng mga Kasanayan at Kakayahan,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Lesson 194: Paghahanda para sa Edukasyon at Trabaho sa Hinaharap
Pagpapaunlad ng mga Kasanayan at Kakayahan
Pag-unlad sa Tulong ng Panginoon
Habang ginagawa natin ang ating bahagi, matutulungan tayo ng Tagapagligtas na paunlarin ang mga kasanayan at kakayahan na tutulong sa atin na maghanda para sa mga responsibilidad sa hinaharap at makamit ang ating potensyal bilang mga anak ng Diyos. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na gumawa ng plano para paunlarin ang mga kasanayan at kakayahan na maghahanda sa kanila para sa trabaho at iba pang tungkulin sa hinaharap.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Magtuon sa kung saan kayo patungo
Isipin kunwari na may kilala kang dalawang kabataan na magkaiba ang nadarama sa kanilang mga kasanayan at kakayahan. Ang una ay maraming kapansin-pansing talento, samantalang nararamadaman ng pangalawa kung minsan na wala siyang talento na kailangan para magtagumpay sa buhay.
Anong payo o mga babala ang ibibigay mo sa mga taong ito hinggil sa kanilang mga talento, kasanayan, o kakayahan? Bakit?
Itinuro ni Elder Clark G. Gilbert ng Pitumpu ang kahalagahan ng pagtuon sa kung saan kayo patungo sa buhay sa halip na saan kayo magsisimula:
Ang ating kinabukasan ay malayong mapagpapasiyahan ng ating starting point [o pagsisimula], at mas higit [na mapagpapasiyahan] ng ating slope [o usad ng pag-unlad]. Nakikita ni Jesucristo ang banal na potensyal saan man tayo magsimula. … Isinasaalang-alang ni Cristo kung ano ang ginagawa natin sa mga bagay na ibinigay sa atin. Bagama’t nakatuon ang mundo sa ating simula, nakatuon ang Diyos sa usad ng pag-unlad natin. Sa calculus ng Panginoon, gagawin Niya ang lahat ng Kanyang magagawa para tulungan tayong ibaling patungo sa langit ang mga usad ng pag-unlad natin. (Clark G. Gilbert, “Mas May Mararating kay Cristo: Ang Talinghaga ng Slope,” Liahona, Nob. 2021, 20)
Ano ang natutuhan ninyo tungkol kay Jesucristo mula sa mga salita ni Elder Gilbert?
Ano ang nakita ninyo sa pahayag na ito na makapagbibigay sa inyo ng pag-asa at panghihikayat pagdating sa pagpapaunlad ng mga talento, kasanayan, o kakayahan?
Pagpapaunlad ng mga kasanayan at kakayahan
Basahin ang mga sumusunod na talata at alamin ang mga katotohanan. Isipin kung paano makatutulong sa inyo ang mga katotohanang ito sa inyong pagsisikap na magpaunlad ng mga kasanayan at kakayahan.
Sa inyong palagay, paano nauugnay ang mga katotohanang ito sa pagpapaunlad ng mga talento, kasanayan, o kakayahan?
Kailan ninyo nagawa o ng mga taong kilala ninyo na magpaunlad ng mga kasanayan o kakayahan sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng isa o mahigit pa sa mga katotohanang ito?
Pagpapaunlad at paggamit ng inyong mga talento
Ang bahaging ito ng lesson ay naglalayong bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong personal na magplano para paunlarin ang talento, kasanayan, o kakayahang natukoy nila na makatutulong sa kanilang maghanda para sa mga tungkulin o oportunidad sa trabaho sa hinaharap. Hikayatin ang mga estudyante na umasa sa Espiritu sa paghahanap nila ng mga paraan para umunlad at matuto. Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na ang ilang talento ay likas, samantalang ang iba ay nangangailangan ng indibiduwal na pagsisikap.
Bago bigyan ng oras ang mga estudyante para gawin ang kanilang plano, maaari mong ipanood ang “Small and Simple” (3:31), na makikita sa ChurchofJesusChrist.org. Maaari mong gamitin ang video na ito upang matulungan ang mga estudyante na makita ang mga halimbawa ng mga simpleng hakbang na masusundan nila para maisakatuparan ang kanilang mga mithiin.
3:31
Small and Simple
To bridge the gap of divine discontent between where you are and where you want to be, work on improving by small and simple means over time, not all at once in a burst of energy.
Ipamahagi ang handout na “Pagpapaunlad ng mga Kasanayan at Kakayahan.” Bago bigyan ng oras ang mga estudyante na gawin ito, maaari ninyong sama-samang kumpletuhin ang isang halimbawa bilang klase. Sabihin sa mga miyembro ng klase na mag-isip ng kasanayan o kakayahang pagtutuunan, at pagkatapos ay anyayahan silang mag-isip ng mga paraan na makukumpleto nila ang bawat hakbang para paunlarin ang kasanayan o kakayahang iyon.
Kapag ginagawa ng mga estudyante ang plano nang mag-isa, makatutulong na ipaalala sa kanila ang kasanayan o kakayahang natukoy nila na nais nilang paunlarin sa lesson na may pamagat na “Pagtuklas sa Inyong mga Talento at Kakayahan.”
Pagpapaunlad ng mga Kasanayan at Kakayahan
Gamitin ang mga sumusunod na hakbang para matulungan kang gumawa ng plano para sa pagpapaunlad ng mga kasanayan at kakayahan na maghahanda sa iyo para sa mga tungkulin at oportunidad sa trabaho sa hinaharap:
Maglista ng kasanayan o kakayahan na gusto mong paunlarin upang matulungan kang maghanda para sa magiging trabaho o iba pang tungkulin mo sa hinaharap.
Paano makatutulong sa iyo ang kasanayan o kakayahang ito na maging higit na katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo?
Magtakda ng partikular na mithiin na tutulong sa iyong paunlarin ang kasanayan o kakayahang ito. Maglista ng dalawa o tatlong partikular na hakbang o kilos na gagawin mo para makamit ang mithiing ito.
Anong gawi o mga gawi ang babaguhin mo para makamit ang iyong mithiin? Magsimula sa maliit. Maglista ng isa o dalawang gawi na maaari mong baguhin o pagbutihin araw-araw. Hindi kailangang maging malaki ang mga ito.
Paano mo hihingin ang tulong ng Diyos sa iyong plano? Maaari kang maghanap ng talata sa banal na kasulatan na naglalarawan ng mga paraang magagawa mo ito. Kabilang sa mga halimbawa ang Mga Kawikaan 3:5–6; 2 Nephi 32:3; Eter 12:27; at Doktrina at mga Tipan 4:7.
Anyayahan ang mga handang estudyante na magbahagi ng mga bahagi ng kanilang plano sa isa’t isa, nang magkakapartner o sa maliliit na grupo. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante at bigyan sila ng pagkakataong magbahagi ng feedback. Maaari kang magpakita ng mga pahiwatig gaya ng mga sumusunod para mapamahalaan ang uri ng feedback na maibibigay ng mga estudyante:
Ang isang bagay na nagustuhan ko sa iyong plano ay …
Ang isang bagay na nakatulong sa akin na maisakatuparan ang aking mga mithiin ay …
Ang isa pang ideyang maaari mong subukan para matulungan kang magtagumpay ay …
Hikayatin ang mga estudyante na isagawa ang mga planong itinakda nila para sa kanilang sarili. Patotohanan ang kakayahan at kahandaan ng Panginoon na tulungan sila habang sinisikap nilang paunlarin ang kanilang mga kasanayan at kakayahan sa paghahanda para sa hinaharap.