“Lesson 191—Ang Kahalagahan ng Edukasyon: Mahalaga ang Edukasyon sa Ating Pag-unlad,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Ang Kahalagahan ng Edukasyon” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Lesson 191: Paghahanda para sa Edukasyon at Trabaho sa Hinaharap
Ang Kahalagahan ng Edukasyon
Mahalaga ang Edukasyon sa Ating Pag-unlad
Nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na matuto at mag-aral tayo sa buong buhay natin. Mahalaga ito sa ating pag-unlad sa mundo at sa kawalang-hanggan. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng edukasyon.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Bakit mahalaga ang edukasyon?
Upang matulungan ang mga estudyante na maisip ang kahalagahan ng edukasyon, maaari mong ibahagi ang sumusunod na sitwasyon:
Isipin kunwari na may estudyanteng nagngangalang Sara na ayaw pumasok sa paaralan. Sa palagay niya ay pag-aaksaya ito ng oras at labis siya nitong pahihirapan. Bukod pa rito, wala siyang masyadong motibasyon sa pag-aaral dahil hindi pa siya kailanman naging mahusay sa paaralan. Mas gugustuhin niyang makipag-usap sa mga kaibigan, magpahinga sa bahay, o magtrabaho.
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung nagkaroon na sila ng mga alalahaning tulad ng kay Sara. Ipaliwanag na matutulungan sila ng lesson na ito na malaman kung bakit nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na mag-aral tayo.
Makatutulong na ipaalala sa mga estudyante na maaaring kasama sa edukasyon ang pag-aaral na nagaganap sa mga pormal na lugar, tulad ng paaralan. Maaari ding kasama sa edukasyon ang pag-aaral na nagaganap sa mga di-pormal na lugar, gaya sa tahanan o iba pang aktibidad sa araw-araw.
Sa itaas ng isang pahina ng inyong study journal, gumawa ng heading na may pamagat na “Bakit mahalaga ang edukasyon?” Sa inyong pag-aaral ngayon, maghangad ng paghahayag mula sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo upang makita ang kahalagahan ng edukasyon sa buhay ninyo. Idagdag ang inyong mga ideya at espirituwal na impresyon sa listahan sa inyong journal.
Pag-aralan ang kahalagahan ng edukasyon
Bigyan ng oras ang mga estudyante na pag-aralan ang mga banal na kasulatan at pahayag mula sa mga lider ng Simbahan na nagtuturo tungkol sa kahalagahan ng pagkatuto at edukasyon. Maaaring pag-aralan ng mga estudyante ang ilan o lahat ng resources sa handout na may pamagat na “Ang Kahalagahan ng Edukasyon.” Hikayatin sila na isulat sa listahan nila sa kanilang study journal ang anumang ideyang malalaman nila.
Maaari mong hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo at bigyan ang bawat miyembro ng grupo ng isang banal na kasulatan at isang pahayag na pag-aaralan. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag sa kagrupo nila ang natutuhan nila sa mga babasahing ibinigay sa kanila.
Ang mga sumusunod na banal na kasulatan at pahayag mula sa mga lider ng Simbahan ay makatutulong sa iyo na mas maunawaan ang mga inaasahan at hangarin ng Panginoon na mag-aral ka. Sa iyong pag-aaral, alamin ang mga katotohanan tungkol sa kahalagahan ng edukasyon.
Mga banal na kasulatang pag-aaralan:
Doktrina at mga Tipan 88:77–80, 118 ; 130:18–19
Mga turo mula sa mga lider ng Simbahan:
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
Kayo ang mag-aaral. Walang ibang mag-aaral para sa inyo. Saanman kayo naroon, magkaroon ng matinding hangaring matuto. Para sa atin na mga Banal sa mga Huling Araw, ang pag-aaral ay hindi lang isang pribilehiyo; ito’y isang banal na responsibilidad. “Ang kaluwalhatian ng Diyos ay katalinuhan” (Doktrina at mga Tipan 93:36 ). Tunay ngang ang pag-aaral natin ay para sa mga kawalang-hanggan. …
Ang gayong pangmatagalang pananaw ay tutulungan kayong gumawa ng mabubuting pagpili tungkol sa pag-aaral.
Huwag matakot na kamtin ang inyong mga mithiin—maging ang inyong mga pangarap! Ngunit dapat ninyong malaman na walang shortcut sa pagtatamo ng kahusayan at kagalingan. Edukasyon ang nagiging kaibhan sa pagitan ng pangangarap na makatulong kayo sa ibang tao at pagkakaroon ng kakayahang tulungan sila. (Russell M. Nelson, “Ano ang Pipiliin Ninyo? ” Liahona , Ene. 2015, 32)
Sinabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Tayo ay narito sa mundo para maghanda sa kawalang-hanggan, matutuhan kung paano matuto, matutuhan ang mga bagay na mahalaga sa temporal at walang hanggan ang kahalagahan, at tulungan ang iba na matuto ng karunungan at katotohanan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 97:1 ). Ang pag-unawa kung sino tayo, saan tayo nanggaling, at bakit tayo narito sa lupa ay nagbigay ng malaking responsibilidad sa bawat isa sa atin na matutuhan kung paano mag-aral at matutuhang gustuhing mag-aral. (David A. Bednar, “Learning to Love Learning ,” Ensign , Peb. 2010, 27)
Ibinahagi ni Pangulong Camille N. Johnson, Relief Society General President:
Dapat tayong mag-aral at magsanay sa abot ng ating makakaya nang sa gayon ay maging handa tayo. Handang maglingkod sa mundo at sa Simbahan. Handang maging matatalinong tagapayo at kompanyon sa ating asawa. Handang maging mahuhusay na guro sa ating mga anak at sa mga kabataang naiimpluwensyahan natin. Habang dumarami ang ating natututuhan, mas malaki ang impluwensyang maibibigay natin para sa kabutihan.” (Camille N. Johnson, “Seek Learning by Study and by Faith ” [BYU–Pathway Worldwide devotional, Okt. 19, 2021], byupathway.org ).
Mula sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili :
Nais ng Ama sa Langit na laging natututo ang Kanyang mga anak na babae at lalaki. Mayroon kayo ng kapwa temporal at espirituwal na mga dahilan para hangarin at gustuhing matuto. Ang edukasyon ay hindi lamang tungkol sa pagkita ng pera. Bahagi ng inyong walang-hanggang mithiin ang maging higit na katulad ng Ama sa Langit. …
Humanap ng mga pagkakataong palawakin ang inyong isipan at mga kasanayan. Maaaring kabilang sa mga pagkakataong ito ang pormal na edukasyon sa paaralan o vocational training pati na rin ang di-pormal na pagkatuto mula sa sources na pinagkakatiwalaan ninyo. Isali ang Panginoon sa inyong mga pagsisikap, at gagabayan Niya kayo. Habang nalalaman ninyo ang tungkol sa mundo sa inyong paligid, alamin din ang tungkol sa Tagapagligtas, na lumikha ng mundo. Pag-aralan ang Kanyang buhay at mga turo. Gawing bahagi ng inyong habambuhay na pagkatuto ang seminary, institute, at personal na pag-aaral ng ebanghelyo. (Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili [2022], 31 )
Kung hinati mo ang mga estudyante sa mga grupo, sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila sa kanilang mga kagrupo. Bago sila magbahagi, ipaliwanag na ang isang mahalagang kasanayan na makatutulong sa kanila sa buong buhay nila ay ang pagkakaroon ng mapanuring pag-iisip. Ang mapanuring pag-iisip ay ang kakayahang makapag-ugnay ng mga ideya at masuri ang mga ito. Ipakita ang mga sumusunod na tagubilin upang matulungan ang mga estudyante na magsanay na gamitin ang mapanuring pag-iisip sa talakayan ng kanilang grupo:
Ibuod ang natutuhan mo mula sa banal na kasulatan at pahayag na pinag-aralan mo.
Pagkatapos maibahagi ng mga estudyante ang lahat ng buod, talakayin ang mga sumusunod na tanong:
Anong mga pagkakatulad ang nakita ninyo sa mga pinag-aralan ninyong mga pahayag at banal na kasulatan?
Paano naiiba sa isa’t isa ang mga banal na kasulatan o pahayag na pinag-aralan ninyo?
Mayroon bang anumang bagay sa isang pahayag o banal na kasulatan na nagbibigay sa inyo ng ideya tungkol sa isang bagay sa ibang pahayag o banal na kasulatan?
Mga katotohanan tungkol sa kahalagahan ng edukasyon
Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong ibahagi ang mga katotohanang nalaman nila mula sa kanilang pag-aaral at talakayan. Maaari mong isulat sa pisara ang tanong sa unang bahagi ng lesson na, “Bakit mahalaga ang edukasyon?,” at ipasulat sa mga estudyante ang mga katotohanang natutuhan nila sa paligid ng tanong. Maaaring matukoy ng mga estudyante ang mga katotohanang tulad ng sumusunod:
Maaari mong talakayin ang mga ideya ng mga estudyante tungkol sa mga katotohanang natukoy nila sa pagtatanong ng mga sumusunod:
Alin sa mga katotohanang natukoy ninyo ang pinakamakabuluhan sa inyo? Bakit?
Sa inyong palagay, paano makakaapekto ang edukasyon sa inyong ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Paano ninyo nakita ang mga pagpapala ng pagtatamo ng edukasyon sa inyong buhay o sa buhay ng iba?
Ipaliwanag ito sa sarili ninyong mga salita
Ipaalala sa mga estudyante ang sitwasyong tungkol kay Sara mula sa simula ng lesson. Matapos ibahagi ang mga sumusunod na tagubilin, bigyan ang mga estudyante ng oras para magsulat ng sagot sa kanilang study journal.
Gamit ang natutuhan at nadama ninyo ngayon, gumawa ng sagot na maibabahagi ninyo kay Sara na makatutulong sa kanya na mas maunawaan ang kahalagahan ng edukasyon. Sa inyong sagot, magsama ng kahit isang reference sa banal na kasulatan o pahayag mula sa isang lider ng Simbahan. Maaari din ninyong isama ang inyong patotoo o ilarawan ang mga karanasan ninyo.
Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong ibahagi ang kanilang sagot sa isang kapartner. Maaari ding ibahagi ng ilang nakahandang estudyante ang kanilang mga sagot sa klase.
Tapusin ang lesson sa pag-anyaya sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan at nadama nila na gusto nilang maalala. Maaari nilang isulat ang kanilang mga ideya o impresyon sa kanilang study journal. Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa kahalagahan ng edukasyon.
Binanggit sa mga pahayag ni Elder David A. Bednar sa handout sa lesson at sa bahaging “Karagdagang Resources” ang pagkatuto na gustuhin ang pag-aaral. Kung makikinabang ang mga estudyante mula sa karagdagang tagubilin tungkol sa kung paano gustuhin ang pag-aaral, maaari mong talakayin ang mga sumusunod na tanong:
Ano ba ang dapat na magustuhan sa pag-aaral? Bakit kung minsan nalilimutan natin ito?
Sino ang kilala ninyo na tila gustung-gustong mag-aral? Ano ang ginagawa nila na nagpapakita na gustung-gusto nilang mag-aral?
Ano ang makatutulong sa inyo para maragdagan ang kagustuhan ninyong mag-aral?
Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga paraan kung paano sila nagkaroon ng pagpapahalaga o pagmamahal sa mga oportunidad sa pagkatuto at pag-aaral. Maaari mong ilista ang mga ito sa pisara. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na habang mas pinahahalagahan natin ang ating pagkatuto at pag-aaral, mas magsisikap tayong matuto, umunlad, at magpakabuti.
Maaaring panghinaan ng loob ang mga estudyante kapag nadarama nilang hindi sila mahusay sa pag-aaral. Maaaring mahirapan ang ilan sa mga pormal o di-pormal na sitwasyon ngunit tutulungan sila ng Panginoon. Maaaring maging gabay ng mga estudyante ang mga sumusunod na mungkahi sa kanilang paghahangad ng emosyonal, intelektuwal, at espirituwal na pagkatuto.
Sumampalataya. Kung naniniwala ka na matutulungan ka ng Diyos na maabot ang kadakilaan, maaaring mas madali mong paniwalaan na matutulungan ka Niyang matuto ng matematika o ng anumang paksa kung saan ka nahihirapan. Magkaroon ng walang-hanggang pananaw. Ang pagsampalataya ay tutulong sa iyo na magpasalamat sa feedback kahit pa ang ibig sabihin nito ay mababawasan ka ng mga puntos o kailangan mong gawin muli ang isang bagay.
Magkaroon ng layunin sa iyong motibasyon na mag-aral. Maaaring mapalampas ng mga estudyanteng nagsisikap na matugunan ang mga kinakailangan sa kurso at deadline nang nagmamadali, hindi nababahala, o nang iniisip ang “bahala na, basta matapos lang” ang mga pagkakataong matuto. Sa kabilang banda, ang mga estudyanteng naghahanap ng mga koneksyon, oportunidad, at layunin ay maaaring mabago ng karanasan sa pag-aaral. Sila ay nag-aaral para magawa nilang magbago, magpakabuti, at umunlad.
Maging handang magbago. Maging handang magbago at tukuyin kung paano maaaring nalilimitahan ng iyong kasalukuyang paraan ng pag-iisip at pagkilos ang kakayahan mong matuto. Alamin ang mga paraan para humusay pa kapag mas mababa kaysa sa inaasahan mo ang nakuha mo sa isang pagsusulit o takdang-aralin. Ang pagbabago ay maaaring magdulot ng mga bagong resulta.
Maghangad ng mga oportunidad na matuto at umunlad. Dahil mahalaga ang edukasyon sa Panginoon, kapag naghangad ka ng mga pagkakataong matuto at umunlad, mas mapapalapit ka kay Jesucristo at magkakaroon ka ng emosyonal, intelektuwal, at espirituwal na lakas.