Seminary
Lesson 196—Integridad sa Ating Pag-aaral: “Naniniwala Kami sa Pagiging Matapat”


“Lesson 196—Integridad sa Ating Pag-aaral: ‘Naniniwala Kami sa Pagiging Matapat,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Integridad sa Ating Pag-aaral,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 196: Pagtatagumpay sa Paaralan

Integridad sa Ating Pag-aaral

“Naniniwala Kami sa Pagiging Matapat”

mga kabataang gumagawa ng mga takdang-aralin sa paaralan

Habang sinisikap nating maging mga may kakayahan at pinagkakatiwalaang disipulo ni Jesucristo, mahalagang magkaroon ng katapatan at integridad sa ating puso. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na mas kumilos nang may katapatan at integridad sa kanilang pag-aaral.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pagpili sa katapatan at integridad

Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga pangyayari o sitwasyon sa paaralan kung saan maaaring masubukan ang integridad ng isang tao. Ibahagi ang mga sumusunod na halimbawa kung kinakailangan.

  1. Mayroon kang paparating na mahalagang pagsusulit. Napansin ng isang kaklase ang kopya ng mga sagot sa pagsusulit sa mesa ng guro at kinunan niya ito ng retrato gamit ang kanyang telepono. Nagpadala siya sa iyo at sa ilan pang estudyante ng kopya ng larawan.

  2. Kailangan mong magsulat ng essay para sa isang klase pero wala ka pang oras na gawin ito. Nagmungkahi ang isang kaibigan na maaari kang gumamit ng online software na magsusulat ng iyong artikulo para sa iyo. O maaari kang mag-paste ng mga bahagi ng iba’t ibang artikulo mula sa internet at maglagay ng ilan sa sarili mong pangungusap upang magmukhang gawa mo ito. Nabanggit ng iyong kaibigan na nagawa na niya ang mga bagay na ito noon at hindi ito kailanman napansin ng guro.

    • Ano ang maaaring magtulak sa isang tao na isipin na magandang ideya ang mga gawaing ito?

    • Ano ang makatutulong sa inyo para malaman kung ano ang gagawin sa mga ganitong sitwasyon?

Ipaliwanag na ang lesson na ito ay magtutuon sa kahalagahan ng katapatan at integridad sa ating pag-aaral. Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa integridad. Ang sumusunod na pahayag ni Elder Joseph B. Wirthlin ay maaaring maging kapaki-pakinabang na resource.

Inilarawan ni Elder Joseph B. Wirthlin (1917-2008) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang integridad sa sumusunod na paraan:

Elder Joseph B. Wirthlin

Ang ibig sabihin ng integridad ay laging gawin ang tama at mabuti, anuman ang ibunga nito. Ibig sabihin ay pagiging mabuti mula sa kaibuturan ng ating kaluluwa, hindi lamang sa ating mga kilos kundi, ang pinakamahalaga, sa ating isipan at puso. Ang katapatan ay nangangahulugang pagiging mapagkakatiwalaan at may integridad na hindi tayo sisira sa tiwala o tipang ibinigay sa atin. …

Kailangang-kailangan ng mundo ang kalalakihan at kababaihang may integridad. Halos araw-araw ay may nababalitaan tayong pandaraya, maling paggamit ng pondo, false advertising, o iba pang pamamaraan na idinisenyo upang makakuha ng pakinabang sa pamamagitan ng pandaraya o panlilinlang. Kinasusuklaman ng Panginoon ang gayong mga gawain. (Joseph B. Wirthlin, “Personal Integrity,” Ensign, Mayo 1990, 30, 32)

  • Paano ninyo napansin ang pangangailangan sa integridad sa mundo ngayon?

Ang sumusunod na mungkahi ay makatutulong sa mga estudyante na suriin ang sarili nilang saloobin tungkol sa kahalagahan ng pagkilos nang may integridad sa kanilang pag-aaral: Sabihin sa kanila na maghanap ng blangkong pahina sa kanilang study journal at lagyan ito ng label na “Bakit mahalaga sa akin ang integridad sa pag-aaral.” Sabihin sa mga estudyante na ilista ang lahat ng dahilan kung bakit mahalaga sa kanila ang integridad. Kapag natapos na sila, maaaring ibahagi ng ilang boluntaryo sa klase ang ilan sa kanilang mga dahilan.

Hikayatin ang mga estudyante na patuloy na magdagdag sa kanilang listahan ng mga ideya, katotohanan, at banal na kasulatan sa buong lesson.

Nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na kumilos tayo nang may integridad

Ipaliwanag na ang pag-unawa sa katangian at mga turo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ay makahihikayat sa atin na kumilos nang may integridad. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na gawin ang mga sumusunod na aktibidad sa pag-aaral kasama ang isang kapartner o sa maliit na grupo.

Basahin ang mga sumusunod na banal na kasulatan, at alamin ang mga turo na makatutulong sa atin na makadama ng mas matinding hangaring kumilos nang may integridad: 3 Nephi 27:18; Eter 3:11–12; Doktrina at mga Tipan 3:2; 51:9; 124:15, 20; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13.

  • Anong mga katotohanan ang natutuhan ninyo mula sa mga talatang ito tungkol sa kahalagahan ng katapatan at integridad sa ating buhay?

    Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang maraming katotohanang natutuhan nila. Maaari nilang matukoy ang mga katotohanang tulad ng sumusunod: Ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay lubos na matapat. Kapag kumikilos tayo nang may katapatan at integridad, tayo ay mas nagiging katulad Nila.

  • Ano ang maaaring magpahirap sa pagkilos nang may katapatan at integridad sa ating pag-aaral?

Itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol ang maaaring maging epekto ng integridad sa ating espirituwal na pag-unlad:

Elder Neil L. Andersen

May malaking espirituwal na lakas sa pananatiling tunay at matapat kapag ang mga bunga ng inyong katapatan ay tila walang kabuluhan. Bawat isa sa inyo ay mahaharap sa gayong mga desisyon. Sa mahahalagang sandaling ito masusubukan ang inyong integridad. Kapag pinili ninyo ang katapatan at katotohanan—umaayon man ang sitwasyon sa inaasahan ninyo o hindi—matatanto ninyo na ang mahahalagang pagpapasiyang ito ay nagiging mga pangunahing sandigan ng lakas sa inyong espirituwal na paglago. (Neil L. Andersen, “Ang Banal na Pamantayan ng Katapatan,” Liahona, Ago. 2017, 40)

  • Ano ang mga pakinabang at pagpapala ng pagiging matapat at pagkakaroon ng integridad sa trabaho at paaralan?

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga karanasan nila nang matamo nila ang mga pagpapala ng Panginoon sa pagpapakita ng integridad sa kanilang pag-aaral. Maaari mong ipanood ang video na “Honesty: You Better Believe It!” (4:46), na makikita sa ChurchofJesusChrist.org, upang matulungan ang mga estudyante na makakita ng mga halimbawa ng integridad.

4:46

Ipamuhay ang natutuhan mo

Ipaalala sa mga estudyante ang kanilang banal na identidad bilang mga anak ng mapagmahal na mga magulang sa langit. Bahagi ito ng kung sino sila, kabilang ang sa paaralan. Kapag sinunod nila si Jesucristo at kumilos nang may katapatan at integridad, ang mga katangiang ito ang magiging kaibahan nila sa iba pang tao sa mundo.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

Pangulong Russell M. Nelson

Ang inyong mahalagang pagkatao ay karapat-dapat sa inyong mahalagang integridad! Pangalagaan ito dahil napakahalagang gantimpala nito. (Russell M. Nelson, “Integrity of Heart” [Brigham Young University devotional, Peb. 23, 1993], 7, speeches.byu.edu)

Upang matulungan ang mga estudyante na pag-isipan kung paano nila poprotektahan o dadagdagan ang kanilang katapatan at integridad, sabihin sa kanila na sagutin ang ilan o ang lahat ng sumusunod na tanong sa kanilang study journal.

  • Ano ang naramdaman mo ngayon tungkol sa integridad sa pag-aaral na gusto mong alalahanin?

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na tutulong sa iyo kapag natutukso kang kumilos nang hindi matapat?

  • Ano ang isa o dalawang bagay na gagawin mo upang madagdagan ang iyong katapatan at integridad sa paaralan?

Maaari mong anyayahan ang ilang nakahandang estudyante na ibahagi ang kanilang sagot. Patotohanan ang mga katotohanang tinalakay ninyo, at hikayatin ang mga estudyante na gawin ang kanilang mga plano.