“Lesson 197—Paghahanda para sa mga Pagsusulit at Mahihirap na Proyekto: ‘Kung Kayo ay Handa Kayo ay Hindi Matatakot,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Paghahanda para sa mga Pagsusulit at Mahihirap na Proyekto,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Sa ating pagsisikap na mag-aral, madalas tayong binibigyan ng mahihirap na gawain. Habang umaasa ang mga kabataan kay Jesucristo at ginagawa nila ang kanilang bahagi upang maghanda at magsumikap sa paaralan, matutulungan sila ng Tagapagligtas na makayanan ang kanilang mga gawain sa pag-aaral. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang mga paraan ng matagumpay na paghahanda para sa mga pagsusulit at mahihirap na proyekto.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Paghihirap sa mga pagsusulit o mga proyekto sa paaralan
Maaari mong simulan ang lesson sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga sumusunod na sitwasyon. Sa halip na ibahagi nang buo ang mga sitwasyon, maaari mong ibahagi ang unang pangungusap ng bawat isa at pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga dahilan kung bakit maaaring gayon ang nadarama nina Sam at Emma.
Ayaw ni Sam na kumuha ng mga pagsusulit sa paaralan dahil karaniwan ay hindi maganda ang nakukuha niyang grado sa mga ito. Madalas siyang makaramdam ng pagkabalisa kapag kumukuha siya ng pagsusulit at tila nakakalimutan niya ang karamihan sa kanyang natutuhan.
Nahihirapan si Emma kapag nabibigyan siya ng malalaking proyekto o gagawin sa kanyang mga klase sa paaralan. Pinanghihinaan siya ng loob sa dami ng trabaho na kailangan niyang gawin at ipinagpapaliban niya ito hanggang sa isa o dalawang araw na lang bago kailangang isumite ang proyekto o gawain. Dahil dito, ang gawang isinusumite niya ay kadalasang hindi pa tapos o hindi maayos ang pagkakagawa.
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na nadama nila ang nararamdaman nina Sam o Emma. Ipaliwanag na karaniwan sa mga estudyante ay nahihirapang magkaroon ng kumpiyansa sa sarili sa paaralan, lalo na sa mga pagsusulit at mahihirap na proyekto. Maaaring makatulong na ipaalala sa kanila na ang pagkatuto ay isang panghabambuhay na proseso. Nasa mundo tayo upang matuto at lumago.
Habang nag-aaral ang mga estudyante, sabihin sa kanila na bigyang-pansin ang mga espirituwal na katotohanan at impresyon na makatutulong sa kanila na magtagumpay sa mga pagsusulit o proyekto sa paaralan.
Pagkatuto mula sa mga banal na kasulatan
Ipaliwanag na hindi partikular na itinuturo ng mga banal na kasulatan kung paano maghanda para sa mga pagsusulit o proyekto sa paaralan. Gayunpaman, kapag inihalintulad natin ang mga banal na kasulatan sa ating sarili (tingnan sa 1 Nephi 19:23 ), makahahanap tayo ng mga katotohanang makatutulong sa atin sa iba’t ibang paraan, pati kapag nahaharap tayo sa mga hamon sa ating pag-aaral.
Maaari mong hatiin ang klase sa mga grupo upang gawin ang sumusunod na aktibidad sa pag-aaral.
Saliksikin ang mga banal na kasulatan para sa mga katotohanang makatutulong sa iyong pagsisikap na magtagumpay sa mga pagsusulit at proyekto sa paaralan. Maaari kayong maghanap ng mga scripture passage nang mag-isa, o maaari ninyong pag-aralan ang ilan o ang lahat ng sumusunod na passage:
Anong mga katotohanan ang nahanap ninyo na makatutulong sa inyo na maging matagumpay sa mga pagsusulit o proyekto sa paaralan?
Upang matulungan ang mga estudyante na turuan ang isa’t isa, maaari mo silang anyayahang ilista sa pisara ang mga katotohanang natagpuan nila.
Makatutukoy ang mga estudyante ng maraming katotohanan mula sa mga banal na kasulatan na pinag-aralan nila. Narito ang ilang halimbawa: maliliwanagan ng Espiritu Santo ang aking isipan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 6:15 ); kung ako ay handa, hindi ako matatakot (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 38:9, 30 ); kung mananalangin ako sa tuwina, ilalaan ng Diyos ang aking pagganap para sa kapakanan ng aking kaluluwa (tingnan sa 2 Nephi 32:8–9 ); magagawa ko ang lahat ng bagay sa pamamagitan ni Jesucristo (tingnan sa Filipos 4:13 ).
Maaari mong anyayahan ang maraming estudyante na sagutin ang una sa sumusunod na mga tanong. Maaari mong ituro ang ilang partikular na katotohanan sa pisara at anyayahan ang mga estudyanteng sumulat nito na sagutin ang tanong nang isinasaalang-alang ang katotohanang iyon.
Sa inyong palagay, paano makatutulong sa inyong mga pagsusulit o proyekto sa paaralan ang mga katotohanang natagpuan ninyo?
Ano ang ilang paraan na matutulungan kayo ng Panginoon sa inyong gawain sa paaralan habang ipinamumuhay ninyo ang mga katotohanang ito sa inyong pag-aaral?
Bilang bahagi ng talakayan ninyo sa mga naunang tanong, maaari mong hilingin sa ilang estudyante na magbahagi ng mga halimbawa ng kung paano nila natanggap ang tulong ng Panginoon sa kanilang gawain sa paaralan. Sabihin sa kanila na ibahagi kung paano nakaapekto ang mga karanasang iyon sa kanilang nararamdaman para sa Tagapagligtas.
Ang bahaging ito ng lesson ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na mag-isip ng mga partikular na paraan kung paano sila makapaghahanda na maging matagumpay sa mahihirap na pagsusulit o proyekto. Para magawa ito, maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tagubilin at bigyan ng oras ang mga estudyante na makaisip ng sagot kasama ang isang kapartner o maliit na grupo.
Isipin na nagkaroon kayo ng pagkakataong magbigay ng payo sa isang taong tulad ni Sam o Emma tungkol sa kung paano magtagumpay sa mga pagsusulit o sa mga mahihirap na proyekto sa paaralan. Isulat kung anong payo ang ibibigay ninyo. Magsama ng mga parirala mula sa mga banal na kasulatan na sa palagay ninyo ay maaaring makatulong. Ang mga sumusunod na tanong ay maaaring gumabay sa inyong sagot:
Ano ang makatutulong sa iyo na maalala at magamit ang natutuhan mo na?
Paano mo maiiwasan ang panggagambala habang nag-aaral ka?
Ano ang makatutulong sa iyo para maiwasan ang pagpapaliban ng gawain?
Ano ang makatutulong sa iyo para mapahusay ang iyong kakayahang mag-isip nang malinaw?
Ano ang magagawa mo para maisali ang Panginoon sa iyong paghahanda?
Kapag nabigyan na ang mga estudyante ng sapat na oras para maisip ang kanilang mga sagot, anyayahan sila na ibahagi ang mga ito sa klase. Maaari mong isulat sa pisara ang mga ideyang ibinahagi at hikayatin ang mga estudyante na isulat sa kanilang study journal ang mga payo na hindi pa nila naiisip. Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa ng kung paano nakatulong sa kanila ang ilan sa mga mungkahing ito.
Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong sa pag-iisip ng mga ideya, maaari kang magbigay ng ilang mungkahi, kabilang na ang ilan sa mga sumusunod:
Isulat ang natututuhan ninyo sa klase at balikan ang mga ito nang madalas. Ipaliwanag ang natututuhan ninyo sa isang kaklase, kapamilya, o kaibigan.
Itabi ang inyong telepono at alisin ang inyong access sa mga nakakagambalang site sa internet habang nag-aaral kayo.
Hatiin ang pag-aral sa iba’t ibang araw o linggo. Gumawa ng iskedyul at sundin ito. Kung nahuhuli ka, gumawa agad para makahabol ka.
Maghanap ng tahimik na lugar para mag-aral, at mag-aral sa mga oras ng araw na hindi ka masyadong pagod. Pangalagaan ang iyong katawan sa pamamagitan ng wastong pagkain, sapat na pagtulog, at regular na pag-eehersisyo.
Maglaan ng oras upang turuan at ihanda ang iyong espiritu sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Manalangin at paminsan-minsan ay mag-ayuno para sa tulong at patnubay.
Makahahanap ng iba pang ideya sa bahaging “Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral” para makatulong sa mga pagsusulit sa paaralan.
Isipin ang natutuhan ninyo
Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang natutuhan at nadama nila sa lesson na makatutulong sa kanilang buhay. Ang isang paraan upang magawa ito ay ang pagpapasagot sa mga estudyante ng mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal.
Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na ang pagiging matagumpay na mag-aaral ay nangangailangan ng oras, paghahanda, tiyaga, at pagsasanay. Hikayatin sila na patuloy na umasa sa Tagapagligtas para sa tulong at patnubay.
Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang pana-panahong mga pagsusulit ay mahalaga sa pagkatuto. Tinutulungan tayo ng epektibong pagsusulit na maikumpara ang kailangan nating malaman at ang nalalaman na natin tungkol sa isang partikular na paksa; nagbibigay din ito ng batayan para masuri kung may natutuhan tayo at kung may progreso tayo. …
… Ang ating mga pagsisikap na maghanda para sa mapanubok na karanasan ng mortalidad ay dapat tumulad sa halimbawa ng Tagapagligtas na unti-unting “lumago … sa karunungan, sa pangangatawan, at naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao” [Lucas 2:52 ]—pinagsama-sama na balanseng kahandaan sa intelektuwal, pisikal, espirituwal, at sa pakikisalamuha. (David A. Bednar, “Susubukin Natin Sila ,” Liahona , Nob. 2020, 8, 9)
Itinuro ni Sister Mary N. Cook, dating miyembro ng Young Women General Presidency:
Maghangad na matuto sa pamamagitan ng pananampalataya. Natututo tayo sa pamamagitan ng pananampalataya kapag masigasig tayong nagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa pamamagitan ng panalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagsunod at kapag hinangad natin ang patnubay ng Espiritu Santo, na nagpapatunay sa lahat ng katotohanan. Kapag ginawa ninyo ang inyong bahagi para magtamo ng kaalaman, mabibigyang-liwanag ng Espiritu Santo ang inyong isipan. Sa pagsisikap ninyong manatiling karapat-dapat, papatnubayan kayo ng Espiritu Santo at daragdagan ang inyong kaalaman. (Mary N. Cook, “Maghangad na Matuto: May Gawain Kayong Gagawin ,” Liahona , Mayo 2012, 121)
Itinuro ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ayon sa kasabihan, “Kailangang nariyan kayo upang magwagi.” Ibig sabhin, kailangang naroon kayo upang matuto. Sa personal o online, sa pamamagitan ng lektura o talakayan, sa malalaki o maliliit na grupo—anuman ang estilo ng pag-aaral—malinaw ang tinutukoy, nag-aaral tayo para matuto sa pamamagitan ng pagtitipon upang maturuan. Ngunit kailangan talagang naroon tayo. Dumating nang handang matuto, makipag-ugnayan upang magpatibay, at kumilos. (Gerrit W. Gong, “We Seek after These Things ” [debosyonal sa Brigham Young University, Okt. 16, 2018], speeches.byu.edu )
Kung makikinabang ang mga estudyante sa pagtalakay kung paano mas magkaroon ng tiwala sa kanilang mga kasanayan sa pagkuha ng pagsusulit, maaari mong ibahagi ang mga ideya sa ibaba at anyayahan ang mga estudyante na talakayin kung paano nila nalalampasan ang mahihirap na passage o tanong sa isang pagsusulit.
Narito ang ilang ideya na makatutulong sa inyo:
Gamitin ang inyong kamay o isang piraso ng papel upang matakpan ang mga posibleng sagot sa ibaba ng tanong. Makatutulong ito sa inyo na magtuon sa tanong at hindi magambala ng maling mga sagot.
Basahin ang mga nakalilitong tanong nang higit sa isang beses upang matiyak na nauunawaan ninyo ang mga ito. Ang mabilis na pagbabasa ng mga tanong ay maaaring magdulot sa inyo ng mga pagkakamali.
Huminto at mag-isip pagkatapos basahin ang bawat bahagi ng isang mahabang tanong. Ang pag-unawa sa mas maliliit na bahagi ng isang tanong ay maaaring makatulong sa inyo na mahanap ang sagot.
Magbigay nang kumpletong sagot o sagutin nang kumpleto ang mga tanong sa sanaysay. Basahing muli ang bawat tanong upang matiyak na nasagot ninyo ang lahat ng bahagi ng tanong, at rebyuhin ang isinulat na mga sagot.
(Succeed in School: Study and Life Skills for Youth [2021], 60 )
Kung makikinabang ang mga estudyante sa pagtalakay sa pamamahala ng oras sa panahon ng mga pagsusulit, maaari mong isagawa ang aktibidad na ito. Maaari mong ilagay ang mga estudyante sa mga grupo at magtalaga ng isang ideya sa bawat grupo. Sabihin sa kanila na mag-isip ng mga paraan na maiaangkop nila ang ideya habang naghahanda sila para sa susunod nilang pagsusulit.
Narito ang ilang paraan upang pamahalaan ang iyong oras habang nagsusulit:
Magsanay
Kung maaari, kumuha muna ng mga pagsusulit para sa pagsasanay o practice exam. Ang pagsasanay ay makatutulong sa inyo na maging mas kumportable sa format ng pagsusulit. …
Magpasiya Kung Aling Bahagi ang Unang Kukumpletuhin
Kapag sinimulan ninyo ang inyong pagsusulit, tingnan ito upang makita kung may mga bahagi na magiging mas mahirap at mangangailangan ng mas maraming oras. …
Basahing Mabuti ang Bawat Tanong
Ang pagbabasa ng bawat tanong nang mabuti ay tutulong sa inyo na makatipid ng oras dahil maiiwasan ninyo ang pangangailangang bumalik sa mga tanong na hindi ninyo naunawaan. …
Sagutin Muna ang Madadaling Tanong
Ang pagsagot muna sa mas madadaling tanong ay makatutulong sa pagkakaroon ng kumpiyansa sa sarili. Kung nahihirapan kayo sa isang partikular na tanong, lumipat sa ibang tanong. …
Tingnan ang mga Sagot Ninyo
… Gamitin ang anumang natitirang oras upang balikan ang pagsusulit at tiyakin ang inyong mga sagot.
(Succeed in School: Study and Life Skills for Youth [2021], 63 )
Isiping talakayin ang sumusunod kung makikinabang ang mga estudyante sa talakayan tungkol sa positibong pag-iisip at pagtugon sa stress. Maaari kang magsulat sa pisara ng Mga Alalahanin at Stress . Sabihin sa mga estudyante na ilista ang mga paraan kung paano sila mas positibong makapag-iisip at kung paano nila madaraig ang stress sa oras ng pagsusulit.
Narito ang ilang ideya na makatutulong sa inyo:
Ang isang paraan upang madaig ang mga alalahanin ay ang pag-iisip na kasama ninyo ang Panginoon at ulitin ang mga salitang sinabi Niya—halimbawa, “Lakasan ninyo ang inyong loob; ako ito: huwag kayong matakot” (Mateo 14:27 ). Maaari din ninyong ulitin sa inyong sarili ang mga positibong pahayag na tulad nito:
“Handa ako para dito.”
“Makakaya ko ang sitwasyong ito.”
“Normal lang kabahan. Malakas ako at kaya kong madaig ang mga ito.”
“Kontrolado ko ang pag-iisip at damdamin ko. Makakahinga ako nang maluwag.”
Ang stress ay ang nararamdaman ninyo kapag nag-aalala o natatakot kayo sa isang bagay. Ang mga mungkahi sa ibaba ay makatutulong sa inyo:
Muling pag-isipan ang mga inaasahan ninyo.
Hayaan ang mga bagay na hindi ninyo makokontrol.
Magtuon sa mga bagay na maayos ninyong nagagawa.
Iwasang ikumpara ang sarili sa iba.
Mag-ehersisyo.
Maglingkod sa kapwa.
Magpahinga.
Pagtuunan ang pasasalamat.
Paghati-hatiin ang malalaki o mahihirap na gawain sa mas maliliit na mga bahagi.
Gumawa ng isang maliit na hakbang sa pagsulong ngayon.
(hango sa Succeed in School: Study and Life Skills for Youth [2021], 82 , 88 )