Seminary
Lesson 198—Magandang Kaisipan tungkol sa Pag-unlad: Pagkakaroon ng Pag-uugali at Kilos na Nagpapahusay sa Ating Paraan ng Pag-iisip


“Lesson 198—Magandang Kaisipan tungkol sa Pag-unlad: Pagkakaroon ng Pag-uugali at Kilos na Nagpapahusay sa Ating Paraan ng Pag-iisip,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Magandang Kaisipan tungkol sa Pag-unlad,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 198: Pagtatagumpay sa Paaralan

Magandang Kaisipan tungkol sa Pag-unlad

Pagkakaroon ng Pag-uugali at Kilos na Nagpapahusay sa Ating Paraan ng Pag-iisip

masayang tinedyer

Bawat isa sa atin ay haharap sa mga balakid sa ating pagkatuto at pag-aaral. Depende sa ating kaisipan, maaari nating makita ang mga balakid na ito bilang mga hadlang na pipigil sa atin o bilang mga pagkakataon upang matuto at umunlad. Ang pagpili na harapin ang mga balakid nang may magandang kaisipan tungkol sa pag-unlad ay nagpapakita ng ating pananampalataya kay Jesucristo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na magkaroon ng magandang kaisipan tungkol sa pag-unlad upang madaig ang mga balakid sa pagkatuto.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga balakid sa pagkatuto

Maaari mong simulan ang lesson sa pamamagitan ng pagbabahagi ng sumusunod na sitwasyon. Bilang alternatibo, maaari kang magpagawa sa mga estudyante ng sitwasyon kung saan ang isang kabataan ay nahaharap sa isang nahiwatigang balakid sa kanyang pagkatuto. Pagkatapos ay maaari mong iakma ang mga tanong upang mas maiugnay sa kanila ang sitwasyong pinili.

Nang malaman ni Caden ang tungkol sa mga klase na kanyang kukunin para sa darating na school year, napansin niya na mayroon siyang klase sa matematika. Naalala ni Caden kung gaano siya kahina sa matematika noon. Naniniwala siya na kung kukunin niya ang klase na ito sa matematika, maibabagsak niya ito.

  • Ano ang pinakanapansin ninyo sa kaisipan ni Caden?

  • Ano ang maipapayo ninyo sa kanya?

Magandang kaisipan tungkol sa pag-unlad

Ipaliwanag na kapag nakararanas tayo ng mga hamon o balakid sa ating pag-aaral at iba pang aspeto ng ating buhay, maaari nating tingnan ang mga ito nang may magandang kaisipan tungkol sa pag-unlad o nang may makitid na kaisipan.

Ipakita ang mga sumusunod na kahulugan, at anyayahan ang dalawang estudyante na basahin ang mga ito sa klase.

Magandang kaisipan tungkol sa pag-unlad: Naniniwala ang mga taong may magandang kaisipan tungkol sa pag-unlad na matututo sila at makakakuha ng lakas mula kay Jesucristo. Mabilis silang magbago habang natututo sila. Nagpupursigi sila kahit na mahirap ang sitwasyon sa pamamagitan ng pag-asa kay Jesucristo.

Makitid na kaisipan: Pinagdududahan ng mga taong may makitid na kaisipan ang kakayahan nilang matuto. Natatakot silang mabigo, at naniniwala sila na hindi nila matututuhan ang ilang partikular na bagay.

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang mga kaisipang ito, maaari mong ibahagi ang ilan sa mga sumusunod na pahayag. Maaari mong ipakita ang unang pahayag mula sa bawat column upang matulungan ang mga estudyante na makakita ng magkapares na halimbawa. Pagkatapos ay maaari mong ibigay sa mga estudyante ang mga natitirang pahayag tungkol sa makitid na kaisipan. Sabihin sa kanila na gumawa sa maliliit na grupo upang magsulat ng isang pahayag na maaaring sabihin ng isang tao na may magandang kaisipan tungkol sa pag-unlad na nagpapakita ng kanyang pananampalataya sa Tagapagligtas.

Makitid na Kaisipan

Magandang Kaisipan tungkol sa Pag-unlad

Makitid na Kaisipan

“Ipinapakita ng mga pagkakamali ko na hindi ako matalino.”

Magandang Kaisipan tungkol sa Pag-unlad

“Dahil sa Tagapagligtas, matututo ako mula sa mga pagkakamali ko at magiging mas mahusay ako.”

Makitid na Kaisipan

“Ayaw kong sumubok ng mga bagong bagay dahil malamang na hindi ako magtatagumpay.”

Magandang Kaisipan tungkol sa Pag-unlad

“Dahil sa kaalamang nalulugod si Jesucristo sa bawat pagsisikap kong umunlad, kaya kong sumubok ng mga bagong bagay at nasisiyahan ako sa mga pagsubok.”

Makitid na Kaisipan

“Hindi ko kayang matuto.”

Magandang Kaisipan tungkol sa Pag-unlad

“Kung mayroon akong gustong matutuhan, matututuhan ko ito sa tulong ng Panginoon.”

Makitid na Kaisipan

“Kapag nadidismaya ako, sumusuko ako.”

Magandang Kaisipan tungkol sa Pag-unlad

“Ang paglutas sa mahihirap na bagay ay tumutulong sa akin na umunlad at maging higit na katulad ni Jesucristo.”

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung karaniwan nilang tinitingnan ang mga hamon nang may magandang kaisipan tungkol sa pag-unlad o nang may makitid na kaisipan. Anyayahan sila habang patuloy silang nag-aaral para hanapin ang mga kapaki-pakinabang na katotohanan at bigyang-pansin ang mga impresyon mula sa Espiritu Santo na makatutulong sa kanila na magkaroon ng magandang kaisipan tungkol sa pag-unlad.

Mga walang-hanggang katotohanan na makatutulong sa atin na magkaroon ng magandang kaisipan tungkol sa pag-unlad

Ipinaliwanag ni Brother Devin G. Durrant, dating miyembro ng Sunday School General Presidency, kung bakit dapat magkaroon ng magandang kaisipan tungkol sa pag-unlad ang mga disipulo ni Jesucristo.

Brother Devin G. Durrant

Hinihimok tayo ng Ama sa Langit na hangaring magkaroon ng mga kaloob at paunlarin ang ating sarili dahil Siya, bilang mapagmahal na magulang, ay naniniwala na makakamit natin ang mga dakilang bagay, kabilang ang, kadakilaan balang-araw. Isa Siyang magulang na may magandang kaisipan tungkol sa pag-unlad. Kung gusto nating maging katulad Niya, kailangan nating magtaglay ng gayong pag-iisip at matutuhang umunlad sa lahat ng paraang inaasahan Niya. (Devin G. Durrant, “Helping Children and Youth Develop a Growth Mind-Set,” Ensign, Peb. 2020)

  • Ano ang naitutulong sa inyo ng pahayag na ito upang maunawaan ang tungkol sa kung paano makaaapekto sa inyong buhay ang magandang kaisipan tungkol sa pag-unlad?

  • Ano sa palagay ninyo ang makatutulong sa inyo na magkaroon ng magandang kaisipan tungkol sa pag-unlad?

Kung kinakailangan, ipaliwanag na ang pag-unawa at pag-alaala sa mga katotohanan tungkol sa ating Ama sa Langit at kay Jesucristo ay makatutulong sa mga estudyante na magkaroon ng magandang kaisipan tungkol sa pag-unlad kapag nahaharap sila sa mga balakid, kabilang na ang mga hadlang sa kanilang pag-aaral.

Anyayahan ang mga estudyante na hanapin ang ilan sa mga katotohanang ito sa kanilang mga banal na kasulatan. Maaari mo silang anyayahan na tukuyin ang mga banal na kasulatan na nalalaman nila o pag-aralan ang ilan sa mga sumusunod na talata.

Kapag nabigyan na ang mga estudyante ng sapat na oras para tumuklas ng mga katotohanan, anyayahan silang ibahagi sa klase ang kanilang nalaman. Maaari din nilang isulat sa pisara ang mga katotohanang nahanap nila. Maaari silang makatuklas ng mga katotohanang katulad ng sumusunod: Magagawa natin ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng lakas ng Diyos.

  • Paano makatutulong ang pag-alaala sa mga katotohanang ito tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na magkaroon ng magandang kaisipan tungkol sa pag-unlad sa inyong pag-aaral?

  • Sino sa mga banal na kasulatan ang gumamit ng kanilang pananampalataya sa Diyos upang harapin ang kanilang mga pagsubok nang may magandang kaisipan tungkol sa pag-unlad?

    Bilang bahagi ng talakayan ninyo sa naunang tanong, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na maghanap ng mga halimbawa mula sa buhay ni Nephi. Maaari mo ring patingnan sa mga estudyante ang mga halimbawa nina Laman at Lemuel na nagpapakita ng makitid na kaisipan.

    Ito ang ilang halimbawa na maaari mong ipatukoy sa mga estudyante: ang tugon sa kautusang bumalik sa Jerusalem upang kunin ang mga laminang tanso mula kay Laban (tingnan sa 1 Nephi 3:4–7); ang mga pagtatangkang makuha ang mga laminang tanso (tingnan sa 1 Nephi 3:24–31; 4:1–6); ang mga ginawa ng magkakapatid matapos ibahagi ni Lehi ang kanyang pangitain tungkol sa punungkahoy ng buhay (tingnan sa 1 Nephi 10:17–19; 11:1–6; 15:1–3, 8–9); ang pagkabali ng busog o pana ni Nephi (tingnan sa 1 Nephi 16:18–23, 30–32); at si Nephi na inutusang gumawa ng sasakyang-dagat (tingnan sa 1 Nephi 17:7–11, 17–18).

  • Paano kayo tinulungan ng Panginoon, o sa palagay ninyo, paano kayo matutulungan ng Panginoon na magkaroon ng magandang kaisipan tungkol sa pag-unlad at madaig ang mga balakid sa inyong pag-aaral?

Maaari ka ring magbahagi ng halimbawa mula sa sarili mong buhay.

Maaari mo ring isiping ipanood ang isa sa mga video sa bahaging “Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral.”

Ang aking magandang kaisipan tungkol sa pag-unlad

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang ilan sa mga balakid na kinakaharap nila sa kanilang pag-aaral o pagkatuto kung saan maaaring makatulong ang magandang kaisipan tungkol sa pag-unlad. Maaari nilang isulat ang mga balakid na ito sa kanilang study journal. Maaari nilang banggitin ang nahihirapan sa pagbabasa, nahihirapan sa isang asignatura sa paaralan, o kakulangan ng mga oportunidad sa pag-aaral. Pagkatapos ay anyayahan silang gawin ang mga sumusunod.

Pumili ng dalawa o tatlo na maaaring balakid sa iyong pag-aaral at pagkatuto. Para sa bawat balakid, magsulat ng isang pahayag tungkol sa magandang kaisipan tungkol sa pag-unlad na nagpapakita ng iyong pananampalataya sa kakayahan ng Tagapagligtas na tulungan kang magtagumpay.

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang pahayag na isinulat nila. Maaari silang magbahagi sa kanilang katabi o lumibot sa silid at magbahagi sa iba pa.

Matapos magbahagi ang mga estudyante, hikayatin silang humanap ng mga paraan kung paano nila susundin ang mga pahayag na naisip nila. Patotohanan ang mga katotohanang tinalakay ninyo ngayon. Hikayatin ang mga estudyante na sikaping madaig ang mga balakid sa kanilang pag-aaral nang may magandang kaisipan tungkol sa pag-unlad.