Pornograpiya
Paano ako makatutulong na protektahan ang aking anak laban sa pagkalantad sa pornograpiya?


“Paano ako makatutulong na protektahan ang aking anak laban sa pagkalantad sa pornograpiya?” Tulong para sa mga Magulang (2021)

“Paano ako makatutulong na protektahan ang aking anak laban sa pagkalantad sa pornograpiya?” Tulong para sa mga Magulang

magulang na hawak ang kamay ng anak

Paano ako makatutulong na protektahan ang aking anak laban sa pagkalantad sa pornograpiya?

Makatutulong kayo na maprotektahan ang inyong anak laban sa pagkalantad sa pornograpiya sa pamamagitan ng pagtatakda ng mga tuntunin ng pamilya para sa ligtas na paggamit ng teknolohiya sa tahanan. Ang teknolohiya ay isang mahimalang kaloob, at kapag ginamit nang tama, mapagpapala nito ang ating buhay. Isiping ipaalam sa inyong anak ang paggamit ng mga digital device, app, at media kapag sa palagay ninyo ay nasa hustong gulang na siya para gamitin ito nang responsable. Pag-usapan nang hayagan at madalas bilang pamilya kung paano kayo makabubuo ng mabubuting pamantayan na susundin ninyo sa paggamit ninyo ng media. Maaari ninyong isama sa mga pag-uusapan ang sumusunod na mga paksa:

  • Anong impormasyon o content ang angkop na ibahagi o tingnan sa internet.

  • Ano ang gagawin kapag nakakita ka ng di-angkop na content.

  • Saan dapat gamitin ang teknolohiya. Halimbawa, maaari kayong magpasiya bilang pamilya na pinakamainam gumamit ng mga digital device sa mga lugar sa bahay na madalas na pinagtitipunan ng pamilya. Maaari din kayong magpasiyang magtakda ng lugar sa bahay na hindi dapat gumagamit ng teknolohiya.

  • Gaano katagal lang nararapat gumamit ng teknolohiya.

  • Paano gumawa ng angkop na post sa mga social networking site.

  • Paano tumugon sa cyberbullying o di-angkop na mensahe sa text.

  • Paano gamitin nang matalino ang teknolohiya sa labas ng tahanan, tulad sa paaralan o sa bahay ng kaibigan.

Ang mga pag-uusap tungkol sa pornograpiya ay maaaring magpadama sa inyong anak ng hiya o takot kung nakapanood siya ng pornograpiya noon. Pag-usapan ang mga paksang ito nang kalmado na makatutulong sa inyong anak na maging komportable. Bilang magulang, maaari ninyong simulan ito sa pagtatanong sa inyong sarili ng mahahalagang tanong tungkol sa sariling paggamit ninyo ng teknolohiya. Handa ba kayong gawin ang ipinagagawa ninyo sa inyong anak? Paano ninyo maipapakita ang wastong paggamit ng teknolohiya para sa inyong pamilya? Kung angkop, maaari kayong magbahagi ng mga karanasan kung saan nagamit ninyo nang mali ang teknolohiya noon. Maaaring makatulong ito para madama ng inyong anak na maaari kayong mag-usap nang tapat at may pagmamahal.

Mga Filter

Mga Internal Filter

Makatutulong din kayo na maprotektahan ang inyong anak laban sa pagkalantad sa pornograpiya sa pamamagitan ng paghikayat sa kanya na pakinggan ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Matutulungan ninyo ang inyong anak na pag-isipan ang mga tanong na tulad nito:

  • Ginagamit ko ba ang teknolohiya sa paraang nakatutulong?

  • Maingat ba ako sa mga ibinabahagi ko sa internet?

  • Komportable ba akong tanungin ang mga magulang ko tungkol sa mga bagay-bagay sa internet na nagpapadama sa akin ng pagkamangha o pagkalito?

  • Ginagamit ko ba ang teknolohiya para maiwasan ang pakikipag-ugnayan sa iba o maiwasan ang sarili kong mga iniisip at nadarama?

  • Iniingatan ko ba ang impormasyon tungkol sa aking sarili at sa aking pamilya mula sa ibang tao?

  • Ano ang plano ko sa pag-iwas kapag di-sinasadyang nakakita ako ng pornograpiya?

  • Alam ko ba kung sino ang hihingan ng tulong kung nagkakamali ako?

Mga External Filter

Ang mga software filter ay kadalasang maaaring maglimita sa di-angkop na content. Bukod rito, marami pang ibang resources na maaaring makatulong.

  • Mga safe-mode setting o safety app. Ang mga add-on application ay nagtutulot sa inyong mamili ng ligtas na content para sa inyong mga anak, makita at makontrol kung gaano karaming oras ang inuukol nila sa iba’t ibang aktibidad, at mapigilan sila sa pagtingin sa hindi kanais-nais na mga materyal.

  • Pagbabago ng mga platform. Ang mga search at streaming platform ay maaaring baguhin para ma-filter ang di-angkop na content.

  • Mga internet content filter. Mahahadlangan ng mga filter ang ilang mapaminsalang materyal para hindi mabasa at mapanood ng mga bata ang mga ito. Maaari kayong gumamit ng filtering software, mga hardware filter, at internet proxy filter.

Kung angkop para sa inyong pamilya, maaari din kayong magsilbing filter sa pamamagitan ng pagtingin sa telepono at mga digital account ng inyong anak. Kung titingnan ninyo ang search history ng inyong anak at madalas ninyong makita na ito ay blangko o may kasamang searches sa nakaraang araw o dalawang araw lamang, posible na sadyang inaalis ito ng inyong anak.

Karagdagang mga Ideya

Tukuyin ang mga uri ng media na tumutulong sa bawat miyembro ng pamilya na makadama ng inspirasyon at kasiyahan, at pagkatapos ay hikayatin silang maghanap at magbahagi ng ilang halimbawa.

Samantalahin ang mga sandali na maaari kayong magturo kapag dumating ang mga ito. Maaaring kabilang dito ang oras na kasama ninyo ang inyong anak at nakakita kayo ng mga sitwasyon na nauugnay sa inaasam ninyong ituro, tulad ng pagtingin sa mga seksuwal na advertising, pelikula, musika, o video game o mga kuwento sa balita.

Kausapin ang inyong pamilya kung paano natin pupunuin ang ating isipan ng mga positibong ideya at karanasan. Maaari kayong magsimula sa paghiling sa bawat miyembro ng pamilya na magkuwento, magdrowing, o magsulat ng isang masayang alaala o magbahagi ng isang bagay na gusto nila tungkol sa kanilang sarili o sa isang tao sa pamilya.

Panoorin ang video na “Dare to Stand Alone.” Tulungan ang inyong mga anak na makaisip ng mga sitwasyon kung saan maaari silang makakita ng pornograpiya sa paaralan o sa bahay ng isang kaibigan. Pag-usapan kung paano sila tutugon sa mga sitwasyong ito.

Hikayatin ang inyong mga anak na sabihin ang kanilang mga iniisip at nadarama tungkol sa media na naranasan nila kamakailan, positibo man o negatibo. (Isaalang-alang ang mga mungkahing ito.1) Maaari din ninyong talakayin ang mga naiisip at nadarama ninyo tungkol sa media na naranasan ninyo kamakailan.

Mga Sanggunian o Resources mula sa Simbahan at sa Komunidad

Ang ilan sa resources na nakalista sa ibaba ay hindi ginawa, pinananatili, o kontrolado ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Bagaman ang mga materyal na ito ay ginawa bilang mga karagdagang resources, hindi iniendorso ng Simbahan ang anumang nilalaman na hindi akma sa mga doktrina at mga turo nito.