Pornograpiya
Ano ang dapat kong ituro sa aking anak na gawin kapag nakakita siya ng pornograpiya?


“Ano ang dapat kong ituro sa aking anak na gawin kapag nakakita siya ng pornograpiya?” Tulong para sa mga Magulang (2021)

“Ano ang dapat kong ituro sa aking anak na gawin kapag nakakita siya ng pornograpiya?” Tulong para sa mga Magulang

ama na binabasahan ng aklat ang mga anak

Ano ang dapat kong ituro sa aking anak na gawin kapag nakakita siya ng pornograpiya?

Pinagsama ng Simbahan ang mga ideya mula sa nangungunang mga eksperto para bumuo ng isang video upang matulungan ang mga magulang na pasimulan ang mga talakayan tungkol sa pornograpiya sa mga batang nasa edad ng Primary (tingnan ang “What Should I Do When I See Pornography? [Ano ang Dapat Kong Gawin Kapag Nakakita Ako ng Pornograpiya?]”).

5:54

Itinuturo ng video na ito na:

  • Ang ating mga katawan ay kaloob mula sa Diyos.

  • Kasama sa pangangalaga ng ating katawan ang panatilihing ligtas ito.

  • Ang pornograpiya ay mga larawan ng tao na halos walang damit o nakahubad na. Maraming lugar kung saan maaari tayong makakita ng pornograpiya. Ang pornograpiya ay maaari ding higit pa sa mga larawan.

  • May dalawang bahagi ng ating utak: isang bahagi na nag-iisip at isang bahagi na nakadarama. Inuudyukan ng pornograpiya ang bahagi na nakadarama na lalo tayong tumingin, ngunit magagamit natin ang bahagi na nag-iisip para iwasan ito.

  • Binigyan tayo ng Diyos ng matitinding damdamin ng pag-uusisa at pagkaakit para tulungan tayo na gustuhing mag-asawa at bumuo ng mga pamilya.

  • Kapag nakakita tayo ng pornograpiya, dapat nating gawin ang tatlong bagay:

    • Tukuyin ito at sabihing, “Pornograpiya iyan.”

    • Isara ito o lumayo.

    • Sabihin ito sa magulang o pinagkakatiwalaang adult.

Para mapasimulan ang pakikipag-usap sa mga tinedyer, maaaring panoorin ng mga magulang ang video na “How to Talk to Your Kids about Pornography [Paano Kausapin ang Inyong mga Anak tungkol sa Pornograpiya].”

Itinuturo ng video na ito na:

  • Ang ating seksuwal na damdamin ay positibo at ibinigay sa atin ng Diyos. Kapag angkop na ibinahagi o ginamit sa pagsasama ng mag-asawa, ang mga damdaming ito ay tumutulong na pag-isahin ang mga mag-asawa at bumuo ng mga pamilya.

  • Ang bukas at magiliw na pakikipag-usap sa mga tinedyer ay napakahalaga. Likas sa ating lahat na maging mausisa tungkol sa sex. Ang inyong mithiin bilang magulang ay magbigay ng kaalaman at suporta. Kapag nadarama ng mga tinedyer na maaari nilang makausap ang isang mapagkakatiwalaang adult, mas malamang na sila ay magtanong, magkuwento ng mga karanasan, at nadarama.

  • Gustong malaman ng maraming tinedyer kung bakit nakapipinsala ang pornograpiya. Maaari ninyong talakayin kung paano inilalarawan ng pornograpiya ang mga maling ugnayan kung saan ipinakikita ang mga tao bilang mga bagay na mamanipulahin sa halip na ituring na tunay na mga tao na may mga isip at damdamin. Maaari din ninyong talakayin kung paano nakahahadlang ang pornograpiya sa pag-unlad ng utak ng isang tinedyer habang natututo siyang gumawa ng mga desisyon.1

  • Kung nanonood ng pornograpiya ang inyong tinedyer, hindi ibig sabihin nito na nalulong na siya sa pornograpiya.

Ang tahanan ang pinakamagandang lugar para malaman at mapag-usapan ng mga anak ang tungkol sa seksuwalidad. Kabilang dito ang pag-alam tungkol sa masuyong paghaplos at pagmamahal, magiliw na mga salita, at kahalagahan ng seksuwalidad sa pagsasama ng mag-asawa. Sa pagtulong ninyo sa inyong anak na magkaroon ng magandang pang-unawa tungkol sa seksuwalidad, matututuhan niya kung paano makilala ang tama at mali. Tumutulong din kayo na ihanda ang inyong anak para sa kanyang magiging tungkulin kalaunan bilang asawa at magulang.

Karagdagang mga Ideya

Tulungan ang inyong mga anak na maunawaan ang ugnayan sa pagitan ng seksuwal na damdamin na mayroon sila o madarama nila at ng seksuwal na pag-uugali na dapat ilaan para sa mga mag-asawa. Ituro sa kanila na hindi sila abnormal dahil interesado sila sa seksuwalidad o dahil maaaring nakakita na sila ng pornograpiya. Ang video na “Replacing Myth with Truth: A Better Way to Talk to Your Kids About Pornography [Palitan ang Haka-haka ng Katotohanan: Isang Mas Mainam na Paraan na Makakausap ang Inyong mga Anak tungkol sa Pornograpiya]” ay maaaring makatulong sa inyong pag-uusap.2 Maaari din ninyong isaalang-alang ang sarili ninyong mga karanasan sa pag-aaral tungkol sa seksuwalidad. Ano ang uulitin ninyo? Ano sana ang ginawa ninyo sa ibang paraan?

Itanong sa inyong mga anak kung ano ang nadarama nila kapag naririnig nila ang isang tao na nagsasalita tungkol sa sex o kapag nakakakita sila ng di-angkop na larawan. Talakayin ang mga paraan ng pagtugon sa mga sitwasyon—kapwa sa loob at labas ng tahanan—kung saan ang sex at seksuwalidad ay hindi inilalarawan nang may respeto o sa inspiradong paraan.

Magdispley ng mga larawan ng inyong mga anak o pamilya. Ibahagi ang nadama ninyo noong isinilang ang inyong mga anak o ang kagalakan at kasiyahan na hatid nito sa inyong buhay. Ipaliwanag na ang sex ay nilayong maging ekspresyon ng pagmamahal at dahil dito ay naisisilang ang mga anak at nagkakasama-sama ang mga pamilya. Sumangguni sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” upang makatulong sa pagtuturo ng tungkol sa doktrina ng kasal.