“Paano ko kakausapin ang aking anak tungkol sa magandang pananaw sa seksuwalidad?” Tulong para sa mga Magulang (2021)
“Paano ko kakausapin ang aking anak tungkol sa magandang pananaw sa seksuwalidad?” Tulong para sa mga Magulang
Paano ko kakausapin ang aking anak tungkol sa magandang pananaw sa seksuwalidad?
Maraming magulang ang nakadarama ng pag-aatubili o nahihiyang kausapin ang kanilang mga anak tungkol sa seksuwalidad, o natatakot sila na ang pakikipag-usap sa kanilang mga anak tungkol sa seksuwalidad ay makapupukaw ng kanilang seksuwal na pag-uugali. Ang totoo, kung hindi ninyo kakausapin ang inyong mga anak tungkol sa seksuwalidad, malalaman nila ang tungkol dito mula sa ibang tao o pinagmumulan. Sa regular na pakikipag-usap sa inyong mga anak tungkol sa mahahalagang paksa tulad ng magandang pananaw sa seksuwalidad, ipinauunawa ninyo sa kanila na kayo ay ligtas na lapitan.
Karamihan sa mga bata ay likas na mausisa, at nais nilang maunawaan ang damdaming likas at bigay ng Diyos na nararanasan nila. Maaari ninyong ihanda ang inyong sarili na kausapin ang inyong mga anak tungkol sa seksuwalidad sa pamamagitan ng pag-alaala sa pakiramdam ninyo noong kayo ay nasa edad nila. Ano ang ilan sa mga naramdaman ninyo? Ano ang mga naisip, itinanong, o ikinabalisa ninyo? Saan kayo naghanap ng impormasyon? Ano sana ang gusto ninyong narinig o naituro sa inyo?
OK lang kung hindi kayo sigurado kung paano pinakamainam na magagawa ang mga pag-uusap na ito. Magagamit ninyo ang inyong kahinaan upang patatagin ang relasyon ninyo sa inyong mga anak. Madarama ng mga bata ang inyong pagmamahal kapag kayo ay tapat at taos-pusong nakikipag-usap sa kanila, sa kabila ng anumang pagkabalisa na maaaring nadarama ninyo.
Para magkaroon ng bukas na komunikasyon, maaari kayong:
-
Magsimula habang bata pa ang inyong mga anak sa pamamagitan ng pagtawag sa mga bahagi ng katawan gamit ang tamang tawag sa mga ito. Ito ay nagtuturo sa mga bata ng tungkol sa kanilang katawan at nagbibigay sa kanila ng pananalitang kailangan nila upang maging malusog at may kaalaman.
-
Ipaalam sa inyong mga anak na maaari nila kayong tanungin ng kahit ano, at sikaping huwag magpakita ng labis na reaksyon o magpadama na nakakahiya ang kanilang mga tanong o pagtatapat. Matuwa na kinakausap nila kayo, pakitaan sila ng pagmamahal at suporta, at gawin ang lahat para mapanatili ang komunikasyon.
-
Iwasang gumamit ng mga talinghaga para sa seksuwalidad. Kailangang ilahad sa mga bata ang impormasyon sa malinaw at tapat na paraan. Halimbawa, ikinukuwento ng ilang kabataan ang mga lesson kung saan ikinukumpara ang paglabag sa batas ng kalinisang-puri sa chewing gum o pagkain na ipinapasa-pasa sa mga tao sa paligid ng silid at dahil dito ay hindi na ito kanais-nais. Bagama’t mabuti ang intensyon, ang mga ganitong uri ng talinghaga ay naghahatid ng takot sa seksuwalidad o ng mababa o di-maibabalik na pagpapahalaga sa sarili.
-
Magkaroon kayo ng mga home evening lesson tungkol sa mga paksang may kinalaman sa seksuwalidad at hayaang magturo ang mga anak ninyo kapag handa na sila. Maaaring kabilang sa mga paksa ang pagdadalaga o pagbibinata, pananaw sa sariling pangangatawan, at mga positibong aspeto ng seksuwalidad.
-
Talakayin kung bakit ang pagkakaroon ng damdaming seksuwal at seksuwal na pagkapukaw ay normal. Hindi kailangan na kumilos ang mga bata ayon sa mga damdamin at pakiramdam na iyon kundi sa halip ay dapat nilang malaman ang mga ito. Ibig sabihin ay napapansin nila ang mga damdaming seksuwal ngunit hindi sila negatibo tungkol dito. Naipakita sa pananaliksik na ang pagkakaroon ng kamalayan sa sarili ay makatutulong sa mga bata na gumawa ng mas mabubuting pasiya ayon sa kanilang mga pinahahalagahan at mithiin.
-
Sikaping huwag tumugon nang nayayamot o nagagalit kapag hinihipo ng mga bata ang kanilang sariling katawan o inaamin ng mga kabataan na nagsasalsal [masturbating] sila. Ang pagtugon ng mga magulang sa mga pag-uugaling ito ay nakakaapekto sa nadarama ng mga bata at kabataan tungkol sa kanilang sarili at sa kanilang seksuwalidad.
-
Ituro sa inyong mga anak kung bakit may mga pamantayang nauugnay sa mga relasyon at seksuwalidad. Sa pagtuturo ninyo ng mga pamantayang ito at ng mga dahilan kung bakit mahalaga ang mga ito, tandaan na mahalagang gawin ito nang walang pagpapahiya o takot.1