Service Missionary
1. Ang Iyong Karanasan Bilang Missionary


“1. Ang Iyong Karanasan Bilang Missionary,” Mga Pamantayan ng Missionary para sa mga Disipulo ni Jesucristo—Mga Service Mission (2021)

“1. Ang Iyong Karanasan Bilang Missionary,” Mga Pamantayan ng Missionary para sa mga Disipulo ni Jesucristo—Mga Service Mission

Si Cristo at mga Mangingisda, ni J. Kirk Richards

1

Ang Iyong Karanasan Bilang Missionary

1.0

Pambungad

Ang iyong misyon ay hindi talaga nagsimula noong araw na i-set apart ka. Hindi rin ito magtatapos sa araw na i-release ka. Ang service mission ay higit pa sa pagsuot ng uniporme sa umaga at pagpalit nito kapag natapos na ang maghapon.

Ang iyong karanasan bilang service missionary ay nagpapakita ng iyong katapatan kay Jesucristo at ng iyong pagnanais na paglingkuran ang iba sa Kanyang pangalan. Mula noong binyagan ka, ikaw ay nasa landas na ng tipan na patungo sa walang-hanggang kaligayahan, kagalakan, at kapayapaan. Ang karanasan mo bilang missionary ay maaaring magpabago sa iyo, at dapat dalhin mo ang mga pagbabagong iyon sa buong buhay mo.

Kung titingnan mula sa walang-hanggang pananaw, ang iyong misyon ay higit pa sa isang gawain lamang sa isang listahan na dapat tapusin. Ito ay isang paraan na tutulong sa iyo sa paghahangad mo na maging disipulo ni Jesucristo habambuhay. Sinabi ni Pangulong Marion G. Romney: “Ang paglilingkod ay hindi isang bagay na tinitiis natin dito sa lupa para makamtan ang karapatang manirahan sa kahariang selestiyal. Ang paglilingkod ang pinakadiwa ng dinakilang buhay sa kahariang selestiyal” (“The Celestial Nature of Self-reliance,” Ensign, Nob. 1982, 93).

Sinabi ng Panginoon, “Samakatwid, kung ikaw ay may mga naising maglingkod sa Diyos ikaw ay tinatawag sa gawain” (Doktrina at mga Tipan 4:3). Ikaw man ay nagsimula ng misyon bilang service missionary, inilipat sa pagiging service missionary, o ibinalik sa paglilingkod bilang service missionary, may pribilehiyo ka na ilaan ang bahaging ito ng buhay mo sa paglilingkod sa Panginoon sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba sa Kanyang pangalan. Sa calling na ito, ikaw ay magkakaroon ng mga pagkakataong maghatid ng paglilingkod na magpapala sa ibang tao, sa iyong sarili, sa iyong pamilya, sa Simbahan, at sa mga organisasyong pinaglilingkuran mo.

Bawat isa sa atin ay ipinadala sa lupa na may iba’t bang kakayahan at talento. Gamit ang iyong mga natatanging talento at kakayahan, maaari kang makagawa ng mga makabuluhang kontribusyon sa gawain ng Diyos dito sa lupa. Ang iyong tapat na paglilingkod bilang missionary ay katanggap-tanggap na handog sa Panginoon.

Magalak sa iyong karanasan sa misyon habang minamahal mo ang Diyos at ang iyong kapwa. Panahon ito para magalak at maranasan ang walang-hanggang kaligayahan at kapayapaan sa pamamagitan ni Jesucristo.

1.1

Pagsunod

Ang tunay na mga disipulo ni Jesucristo ay masunurin. Itinuro ng Tagapagligtas, “Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos” (Juan 14:15). Ang pagsunod sa mga kautusan ay nangangahulugan na handa mong gawin at matapat mong gagawin ang ipagagawa ng Panginoon dahil mahal mo Siya. Ang pagsunod ay nangangahulugan din na susundin mo ang mga kautusan nang “may galak” (Colosas 1:11) at “may galak at tapat na puso” (Mga Gawa 2:46).

Si Jesucristo ang halimbawa ng perpektong pagsunod. Lahat ng ginawa Niya ay kalooban ng Ama. Tularan Siya sa pamamagitan ng pagsunod sa lahat ng Kanyang kautusan at pamumuhay ayon sa mga pamantayan ng service missionary sa abot ng iyong makakaya. Ang pagiging masunurin at tapat ay nangangahulugan din na sinisikap mong matuto, umunlad, at bumuti. Itama kaagad ang mga pagkakamali. Ipakita na ikaw ay tapat at masunurin sa pamamagitan ng pagtanggap ng personal na responsibilidad sa iyong mga kilos.

Pagpapalain ka kapag sinusunod mo ang mga kautusan at mga pamantayan ng missionary at nagiging matalino ka sa pagpapasiya. Dapat mong maunawaan na kahit sinusunod mo ang mga kautusan, maaaring makaranas ka pa rin ng kapighatian, karamdaman, o mga pagsubok (tingnan sa Juan 16:33). Naranasan ng Tagapagligtas ang lahat ng mga ito (tingnan sa Alma 7:11–12; Doktrina at mga Tipan 122:8). Nangako Siya na “hindi ko kayo iiwang nag-iisa, ako’y darating sa inyo” (Juan 14:18).

Mahal ka ng Diyos. Piliing sundin ang mga kautusan dahil mahal mo ang Diyos. Huwag tangkaing magmungkahi ng mga dapat gawin ng Panginoon o ituring ang iyong pagsunod bilang isang transaksyon para makakuha ng partikular na mga pagpapala.

1.2

Kalayaang Pumili

Ang kalayaang pumili, o kakayahang pumili at kumilos para sa sarili, ay isa sa pinakadakilang mga kaloob ng Diyos sa Kanyang mga anak. Ang ating walang hanggang pag-unlad ay nakasalalay sa paraan ng paggamit natin sa kaloob na ito. Dapat tayong pumili kung susundin natin si Jesucristo at ang Kanyang mga turo. Ang kalayaang pumili ay nagtutulot sa atin na matuto, umunlad, at sundin ang Tagapagligtas. Dahil dito, ikaw ay “malayang makapipili ng kalayaan at buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng dakilang Tagapamagitan ng lahat ng tao” (2 Nephi 2:27).

Ikaw ay may pananagutan sa mga pagpiling ginagawa mo. Ikaw ay anak ng Diyos na may dakilang lakas. Ikaw ay may kakayahang piliin ang kabutihan at kaligayahan anuman ang iyong sitwasyon.

Ikaw rin ay responsable sa pagpapalago ng mga kakayahan at talento na ibinigay sa iyo ng Diyos. Ang iyong misyon ay panahon para matutuhan kung paano managot sa Kanya sa paggamit mo ng iyong mga kakayahan at oras. Huwag sayangin ang oras sa pagiging tamad. Maging masipag. Piliing maging maaasahan at magkusang gumawa ng mabubuting bagay.

1.3

Layunin ng Service Missionary

Ipinakita sa paglilingkod ng Tagapagligtas ang dalawang dakilang utos: “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo” at “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:37, 39). Ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa ating kapwa kapag pinaglilingkuran natin sila. Kapag pinaglilingkuran natin ang iba, ipinapakita rin natin ang ating pagmamahal sa Diyos: “Kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos” (Mosias 2:17).

Ibinigay ng Unang Panguluhan ang layunin ng service missionary upang magabayan ka sa iyong sagradong tawag na maglingkod:

“Ang ating layunin ay tulungan ang iba na lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng paglilingkod sa kanila na tulad ng gagawin ng Tagapagligtas. Tayo ay boluntaryong naglilingkod sa mga organisasyong pangkawanggawa, sa mga gawain sa Simbahan, at sa komunidad. Tayo ay maglilingkod sa Kanyang pangalan sa bawat isa, tulad ng ginawa Niya, na nagpapahayag ng Kanyang mapagmahal na kabaitan.”

Tandaan na ang paraan ng paglilingkod mo sa Tagapagligtas ay mas mahalaga kaysa kung saan ka naglilingkod o kung ano ang ginagawa mo. Ipinahayag ni Pangulong Russell M. Nelson: “Sa buong buhay na paglilingkod sa Simbahan, nalaman ko na talagang hindi mahalaga kung saan tayo naglilingkod. Ang mahalaga sa Panginoon ay kung paano tayo naglilingkod” (“Paglilingkod nang may Kapangyarihan at Awtoridad ng Diyos,” Liahona, Mayo 2018, 68). Ang iyong paglilingkod ay para sa Panginoon, at ikaw ay inaanyayahang maglingkod na tulad Niya!

1.4

Mga Layunin ng Missionary

Ibinigay din ng Unang Panguluhan ang sumusunod na mga layunin ng service mission:

  • Maglaan ng pagkakataon sa lahat ng kabataang babae at kabataang lalaki na handang maglingkod sa Panginoon at mapag-ibayo ang patotoo tungkol sa Kanya.

  • Tulungan ang bawat service missionary na maghanda sa habambuhay na paglilingkod.

  • Maglaan ng kailangan at mahalagang paglilingkod sa Panginoon sa pamamagitan ng paglilingkod sa mga organisasyon ng Simbahan at komunidad.

Kapag matapat kang naglingkod sa Tagapagligtas sa Kanyang pangalan at Kanyang paraan habang nasa misyon at pagkatapos ng misyon, magkakaroon ka ng mga katangiang tulad ng kay Cristo. Ang mga katangiang ito ay tutulong sa iyo na maisakatuparan ang iyong layunin bilang missionary.

Ikaw ay mayroong responsibilidad na magkaroon ng mga kasanayan sa espirituwal, pakikipagkapwa, pisikal, at intelektuwal na magpapala at makaiimpluwensya sa lahat ng aspeto ng iyong buhay.

1.5

Mga Pamantayan para sa Buhay

Inaanyayahan ka ng Diyos na iukol ang iyong sarili sa Kanya habambuhay. Ang mga pamantayan sa mission tulad ng personal na pag-aaral, pagtatakda ng mithiin, at matwid na paggamit ng teknolohiya ay magpapala sa iyo sa iyong misyon at habambuhay.

Hayaan ang mga kautusan sa mga banal na kasulatan at mga pamantayan ng missionary na ito na maging gabay na mga alituntunin ng iyong buhay. Kapag sinunod mo ang mga kautusan at pamantayan ng Diyos, ikaw ay Kanyang papatnubayan, pagpapalain, at gagabayan habambuhay.