Service Missionary
4. Pisikal at Emosyonal na Kalusugan


“4. Pisikal at Emosyonal na Kalusugan,” Mga Pamantayan ng Missionary para sa mga Disipulo ni Jesucristo—Mga Service Mission (2021)

“4. Pisikal at Emosyonal na Kalusugan,” Mga Pamantayan ng Missionary para sa mga Disipulo ni Jesucristo—Mga Service Mission

Pagpapagaling, ni J. Kirk Richards

4

Pisikal at Emosyonal na Kalusugan

4.0

Pambungad

Ang gawaing misyonero ay kapwa masaya at nakaka-stress. Ang mga pamantayan sa bahaging ito at sa Pag-adjust sa Buhay-Missionary ay tutulong sa iyo na maihanda ang iyong isipan at katawan para mas mahusay na mapaglingkuran ang Panginoon. Regular na rebyuhin ang mga pamantayang ito sa buong misyon mo.

4.1

Kalusugan ng Katawan

Ang iyong kalusugan at kaligtasan ay mahalaga. Panatihilin ang iyong kalusugan upang ikaw ay makapaglingkod nang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas.

Ikaw at ang iyong pamilya ang responsable para sa iyong mga pangangalagang medikal. Dapat maaga mong ipaalam sa iyong mga supervisor kung ikaw ay pupunta sa doktor o iba pang mga health care professional.

4.1.1

Mga Pangkalahatang Tagubilin para sa Nutrisyon

Gamitin ang sumusunod na pangkalahatang mga tagubilin para sa nutrisyon, na gumagawa ng indibiduwal na pag-aangkop kung kinakailangan:

  • Uminom ng sapat na tubig araw-araw. Maaaring kailanganin mo ng mas maraming tubig at asin kung pinawisan ka nang husto sa buong maghapon o sa pag-eehersisyo.

  • Kumain ng balanseng pagkain na may kasamang mga gulay, prutas, butil, healthy fat, at protina.

  • Limitahan ang pagkain ng mga junk food, carbonated drink, processed food, at fast food.

  • Sundin ang payo mula sa mga propesyonal sa larangan ng medisina hinggil sa mga espesyal na diet, gamot, o iba pang gawaing pangkalusugan na partikular sa iyong mga pangangailangan.

4.2

Ehersisyo

Ang pag-eehersisyo ay tutulong sa iyo na manatiling malusog at tanggalin ang stress. Gawing bahagi ng iyong pang-araw-araw na gawain ang pag-eehersisyo kung angkop sa iyong sitwasyon.

4.3

Emosyonal na Kalusugan

Mahirap ang gawaing misyonero. Normal lamang na makadama ng stress paminsan-minsan. Maaari mong ihanda ang iyong katawan at isipan na mas makayanan ang stress sa pamamagitan ng suporta ng pamilya. Maaari ka ring maghanda sa pamamagitan ng regular na pagkain ng masusustansyang pagkain, regular na pag-eehersisyo, regular na pagtulog, pagre-relax, at paggawa ng espirituwal na mga aktibidad (kabilang na ang padarasal, pagninilay, at pag-aaral).

Sa buong misyon mo, gamitin ang Pag-adjust sa Buhay-Missionary para matulungan kang matugunan ang stress. Kung nadarama mong nahihirapan ka sa pagtugon sa stress, o kung mayroon kang mental o emotional health emergency, kontakin ang iyong mga service mission leader.

Kung niresetahan ka ng gamot para sa anxiety o iba pang kondisyon o sakit, sundin ang reseta at mga tagubilin ng iyong doktor.

4.4

Pangangalagang Medikal

Bigyang-pansin ang iyong pisikal at emosyonal na kalusugan. Siguruhin na makukuha mo ang anumang kinakailangang suporta mula sa iyong mga magulang o tagapag-alaga para sa anumang pangangailangang medikal (tulad ng mga gamot na iniinom mo, mga allergy na mayroon ka, o mga aktibidad na dapat mong iwasan). Maaari mo ring ibahagi ang ilang partikular na impormasyong medikal sa iyong mga service mission leader o mga operations supervisor kung kinakailangan.

Kung mayroon kang health emergency, kumilos nang may mabuting pagpapasiya para mailigtas ka o magamot kaagad. Tumawag sa mga lokal na emergency service (tulad ng 911 sa Estados Unidos) maliban kung binigyan ka ng iba pang tagubilin. Kontakin ang iyong mga service mission leader sa lalong madaling panahon.

Kung kailangan mo ng pangangalagang medikal na hindi naman emergency, kontakin kaagad ang iyong magulang o tagapag-alaga. Sasabihin nila sa iyo kung ano ang gagawin. Sikaping i-iskedyul nang maaga ang iba pang mga kailangang pangangalaga na hindi emergency para hindi ito makasagabal sa iyong paglilingkod o iskedyul.

4.5

Mga Mapanganib na Sitwasyon at mga Banta

Maraming posibleng panganib ang maiiwasan sa pamamagitan ng matalinong pagpapasiya at pagsunod sa mga pamantayan ng missionary. Gayunman, maaaring may mga taong magtangkang manakit sa iyo kahit na umiiwas ka sa panganib. Kung may problema, ireport ito kaagad sa iyong mga service mission leader.

Umalis kaagad kapag hindi ka na komportable sa isang lugar, tao, o sitwasyon. Makinig sa mga espirituwal na pahiwatig.

4.6

Tirahan

Tumulong sa pangangalaga sa tahanan ng inyong pamilya at gawin ang iyong mga gawaing-bahay. Panatilihing maayos at malinis ang iyong kwarto. Panatilihing nasa maayos na kondisyon ang iyong mga personal na gamit, kabilang na ang mga electronic device.

4.7

Transportasyon

Palaging sundin ang lokal na mga patakaran, batas, at mga tuntunin sa trapiko habang nagbibiyahe. Kung ikaw ay nagmamaneho, maging maingat at matalino habang nagmamaneho.

Ang pampublikong transportasyon ay karaniwang mas mura kaysa sa pagmamaneho. Isaalang-alang ang paggamit ng pampublikong transportasyon sa pagpunta sa iyong mission assignment.

Maging matalino sa pagpapasiya, magkaroon ng kamalayan sa iyong paligid, at maging pamilyar sa inyong lugar. Sundin ang pangkalahatang mga pamantayan para sa kaligtasan na nasa hanbuk na ito.

4.7.1

Pagmamaneho

Kung pinahihintulutan ng sitwasyon ng pamilya, maaari mong gamitin ang iyong personal na sasakyan o ang sasakyan ng inyong pamilya papunta sa iyong mga mission assignment at mga aktibidad. Responsibilidad ng mga service missionary ang lahat ng gastusin sa pagmamaneho, kabilang na ang gas, maintenance, at insurance.

Ang mga service missionary at kanilang mga pamilya ang sasagot para sa lahat ng personal at iba pang panganib na kaakibat ng pagmamaneho. Habang naglilingkod sa misyon, ang mga service missionary ay hindi nagmamaneho ng mga sasakyang pag-aari ng Simbahan. Kailangan ang mga training plan kung ikaw ay magmamaneho ng sasakyang pag-aari ng komunidad o ng organisasyong pangkawanggawa habang ikaw ay naglilingkod.

4.8

Personal na Pondo o Ipon

Ikaw ay hinihikayat maging matalino sa pagba-budget at paggamit ng iyong personal na pondo. Palaging tandaan ang mga alituntunin ng pagbabayad ng ikapu at mga handog at ng personal na pag-iipon.

Ang perang gamit mo sa iyong misyon ay kumakatawan sa mga sakripisyong ginawa mo, ng iyong pamilya, at ng ibang tao. Huwag maghingi ng pondo para sa iyong pansariling pinansiyal sa suporta o para sa mga organisasyong pinaglilingkuran mo.

4.9

Mga Aksidente

Kung ikaw ay nasangkot sa isang aksidente habang nagmamaneho papunta o mula sa iyong missionary assignment, mga miting, o mga kumperensya, tumawag sa pulis o sa emergency services kung kinakailangan. Kontakin ang iyong pamilya sa lalong madaling panahon. Pagkatapos ay kontakin ang iyong mga service mission leader at mga assignment supervisor.

Kung ikaw ay nasangkot sa isang aksidente habang naglilingkod sa iyong missionary assignment, kausapin ang iyong service location supervisor. Ang taong iyon ang tatawag sa pulis o emergency services kung kinakailangan. Kontakin din ang iyong mga service mission leader at pamilya sa lalong madaling panahon. Kokontakin din ng inyong stake president ang iyong pamilya.

4.10

Hitsura ng Service Missionary

Ang paraan kung paano mo inaayos ang iyong sarili bilang missionary ay nakaiimpluwensya sa iniisip ng mga tao tungkol sa iyo at sa Simbahan ng Panginoon at makatutulong na maprotektahan ka laban sa panganib. Ang iyong hitsura ang kadalasang unang mensaheng natatanggap ng ibang tao tungkol sa iyo, at dapat itong sumuporta sa iyong sinasabi at ginagawa.

Ang angkop na pananamit at pag-aayos ng sarili ay isang mahalagang kasanayan sa buhay na tutulong din sa iyo pagkatapos ng misyon mo. Mag-suot ng damit na naaangkop sa iyong mga service assignment at naaayon sa iyong sagradong tungkulin.

4.10.1

Para sa Lahat ng Missionary

Panatilihing malinis at maayos ang iyong sarili. Maligo araw-araw. Regular na magsipilyo. Gumamit ng deodorant. Hugasang mabuti ang iyong mga kamay nang regular, lalo na pagkatapos gumamit ng banyo. Panatilihing malinis, maayos, at plantsado ang iyong mga damit. Huwag kailanman hayaang mas mapansin ang iyong hitsura o kilos kaysa sa tungkulin mo.

Panatilihing mataas ang iyong pamantayan sa pagiging disente. Iwasan ang mga damit na:

  • Masyadong mahigpit o masyadong maluwang

  • Naaaninaw o parang mahalay tingnan

  • Agaw-pansin sa alinmang bahagi ng katawan

  • Magulo o kakaiba ang estilo

Magpakita ng paggalang sa Panginoon at sa iyong sarili sa pamamagitan ng pananamit nang angkop para sa mga miting at aktibidad sa Simbahan, lalo na sa sacrament meeting.

4.10.2

Para sa mga Elder

  • Buhok. Madalas na hugasan ang iyong buhok. Panatilihin itong maikli at maayos ang gupit. Ang mga kakaibang estilo, tulad ng spiked, permed, o bleached na buhok, ay hindi angkop. Ang mga patilya ay hindi dapat lumampas sa kalagitnaan ng tainga. Dapat araw-araw kang mag-ahit at hindi dapat magpatubo ng bigote at balbas, maliban kung hindi ito dapat gawin dahil sa mga kondisyong medikal.

  • Alahas. Huwag magsuot ng mga hikaw o kuwintas. Ang mga singsing sa ilong at pagpapabutas ng mga bahagi ng katawan ay hindi katanggap-tanggap. Kung ikaw ay may tattoo, dapat takpan ito kung maaari.

4.10.3

Para sa mga Sister

  • Buhok. Madalas na hugasan ang iyong buhok. Ang estilo, kulay, at haba ng iyong buhok ay hindi dapat makatawag-pansin.

  • Mga Accessory. Ang alahas at iba pang mga accessory ay dapat na simple at propesyonal ang hitsura. Huwag magsuot ng mahigit sa isang hikaw sa bawat tainga. Ang mga singsing sa ilong at pagpapabutas ng mga bahagi ng katawan ay hindi katanggap-tanggap. Kung ikaw ay may tattoo, dapat takpan ito kung maaari. Ang make-up, mga accessory sa buhok, at nail polish ay dapat konserbatibo.