“Pambungad,” Pag-adjust sa Buhay ng Service Missionary: Resource Booklet (2020)
“Pambungad,” Pag-adjust sa Buhay ng Service Missionary
Pambungad
Maaari Kang Magtagumpay sa Tulong ng Panginoon
Bilang service missionary, ikaw ay tinatawag na maging kinatawan ni Jesucristo. Ikaw ay naglilingkod sa mga anak ng Ama sa Langit. Mahal ka ng Tagapagligtas, at tutulungan ka Niyang sumulong. Ipinangako Niya: “Ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo” (Doktrina at mga Tipan 84:88).
Sumampalataya ka at kumilos ayon sa ginawa mong desisyon na gawin ang gawain ng Panginoon. Sa patuloy mong pagsampalataya at pagsisikap na mabuti, mas mabilis kang magkakaroon ng mga kasanayan, kaloob, at kakayahan na kailangan mo. Madarama mo ang tulong ng Panginoon. Lalakas ang iyong tiwala sa kakayahan mong maglingkod sa Kanya.
Nangako ang Panginoon na tutulungan ang mga missionary. Ngunit marami sa mga pinakadakilang missionary sa kasaysayan ang nagdusa at nahirapan sa kanilang gawaing misyonero. Si Ammon at ang kanyang mga kapatid ay “labis na nagdusa, kapwa sa katawan at sa isipan, tulad ng gutom, uhaw at pagod, at gayon din sa labis na paghihirap ng espiritu” (Alma 17:5). May mga pagkakataon na nadama nilang napakarami ng gagawin. “Ngayon, nang ang ating mga puso ay manghina, at tayo sana ay magbabalik na, masdan, inaliw tayo ng Panginoon, at sinabi: Humayo sa inyong mga kapatid, na mga Lamanita, at batahin nang buong pagtitiyaga ang inyong mga paghihirap, at ipagkakaloob ko sa inyo ang tagumpay” (Alma 26:27).
Ang pangakong ito ay angkop sa iyong nakatalagang paglilingkod sa pamilya ng Diyos. Ikaw ay maaaring maging kapaki-pakinabang na lingkod ng Panginoon.
Si Tatsu Ito, na nagkaroon ng spinal muscular atrophy, ay halimbawa ng katuparan ng pangakong ito. Nang lumipat ang pamilya Ito sa Utah mula sa Japan, nagpasiya si Tatsu na maglingkod bilang service missionary. “Nakita” ng mas batang kapatid ni Tatsu na si Dan, “kung paano nagbago si Tatsu” habang nasa mission at nalaman niya na si Tatsu ay tunay na “naghahanda sa pagbalik sa langit.”
Nang pumanaw si Tatsu, si Dan, na mayroon ding spinal muscular atrophy, ay nagpunta sa templo. Nadama niya na dapat niyang itanong kung maaari niyang kumpletuhin ang mission assignment na tulad ng kay Tatsu bago siya pumanaw. Mapalad si Dan na magawa iyon. Naglingkod siya sa LDS.org response team at nirebyu ang mga “I’m a Mormon” profile sa wikang Japanese.
Sinabi ni Dan na siya rin ay “isang kinatawan ng Diyos sa araw-araw na buhay.” Kung mayroong taong may mga problema, “palagi siyang masaya na pakinggan sila at hikayatin silang magpunta sa kanilang bishop para makatanggap ng basbas.”
Bagama’t walang proselyting routine ang misyon ni Elder Ito, sinabi niya na talagang nadama niya na siya ay isang missionary. Sinabi niya na nakatulong ang kanyang mission na “mag-ibayo ang kahandaan kong maglingkod pa sa araw-araw.”
Paano Gamitin ang Booklet na Ito
Ang service mission ay maaaring maging kapwa masaya at mahirap. Ang kasipagan at paglilingkod ay subok na mga kasangkapan sa pagharap sa pag-aalala, kawalan ng pag-asa, at kapaguran. Mahalaga ang mga ito sa sinumang kasali sa gawain ng Panginoon, kapwa sa panahon at pagkatapos ng paglilingkod ng missionary. Ngunit hindi lamang kasipagan at paglilingkod ang iyong mga kasangkapan. Kabilang sa iba pang resources ang propesyonal na tulong, mga basbas ng priesthood, payo mula sa mga adult na marami nang karanasan, at ang buklet na ito. Tutulungan ka ng Panginoon na magkaroon ng mga kasanayan at pag-uugali para matulungan kang magtagumpay. Magkakaroon ka ng kasiyahan at tagumpay sa iyong service mission at sa buhay.
Ang buklet na ito ay hindi nilayong basahin nang minsanan. Gamitin ang mga tagubilin sa ibaba. Gagabayan ka sa mga mungkahi para sa kinakaharap mong mga hamon. Ang mga ideyang ito ay makatutulong din habang naglilingkod at nagmi-minister ka sa ibang tao.