“Pagsasanib ng Buhay-Missionary at ng Hindi Buhay-Missionary,” Pag-adjust sa Buhay ng Service Missionary: Resource Booklet (2021)
“Pagsasanib ng Buhay-Missionary at ng Hindi Buhay-Missionary,” Pag-adjust sa Buhay ng Service Missionary
Pagsasanib ng Buhay-Missionary at ng Hindi Buhay-Missionary
Ang isa sa mga layunin ng service mission ay “tulungan ang bawat service missionary na maghanda para sa habambuhay na paglilingkod” (“Service Missions for Young Missionaries,” kalakip sa liham ng Unang Panguluhan, Nob. 16, 2018). Maaari mong pagsikapang matupad ang layuning ito sa pagtupad mo sa iyong service assignment habang nasa tahanan. Ang sabay na paggawa ng mga bagay na ito ay maaaring mahirap. Kakailanganin mong gamiting mabuti ang oras mo. Habang naglilingkod ka sa misyon, matututuhan mo ring gawin ang kailangan mong gawin pagkatapos ng buhay mo sa misyon. Kailangan mong balansehin ang trabaho, pamilya, edukasyon, simbahan, iba pang paglilingkod, at oras ng paglilibang.
Ang iyong service mission ang ideyal na panahon at kapaligiran para matutuhan mo ang tamang paggamit ng oras. Magkakaroon ka ng kaluwagan at suporta upang matukoy at mapaunlad ang iyong natatanging mga talento. Pagkatapos ay maaari mong gamitin ang mga ito sa paglilingkod sa iba.
Sumangguni sa iyong service mission leader at stake president tungkol sa pagtatakda ng mga mithiin. Tutulungan ka rin ng iyong mga lider na matukoy ang iyong mga talento. Ang pagpapaunlad ng iyong mga talento ay dapat kasama sa mga mithiin mo. Ang mga mithiing ito ay bahagi ng sarili mong customized mission plan para matulungan kang balansehin ang iyong mga prayoridad. Ikaw ang pangunahing magdidisenyo ng iyong plano. Ito ay magiging iyong plano. Ito ay sadyang akma sa iyong mga kakayahan, talento, kasalukuyang kapasidad, at mga inaasam at pinapangarap. Maaari kang payuhan at hikayatin ng iyong support team, pero ikaw pa rin ang pipili.
Kasama ang iyong support team, ikaw ay bubuo ng abot-kayang mga mithiin pagkatapos ng misyon at ng mga plano para makamit ang mga ito. Ang mga kasanayang mapapaunlad mo ay magpapala sa iyo at sa iba nang habambuhay. Maaari mong marating ang nais ng iyong mapagmahal na Ama sa Langit na marating mo. Tutulungan ka rin ng Panginoon sa kapana-panabik na paglalakbay na ito.
Sa pagkatutong gamitin nang matalino ang iyong oras, ikaw ay maghahanda para sa habambuhay na paglilingkod. Maipamumuhay mo ang dalawang pinakadakilang utos. Ito ay ang “Ibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo” at “ibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:37, 39).