Service Missionary
Pag-unawa sa Nararamdamang Stress


“Pag-unawa sa Nararamdamang Stress,” Pag-Adjust sa Buhay ng Service Missionary: Resource Booklet (2020)

“Pag-unawa sa Nararamdamang Stress,” Pag-Adjust sa Buhay ng Service Missionary

service missionary sa computer

Pag-unawa sa Nararamdamang Stress

Pagkakaroon ng Katatagan Kapag May Stress

Ang mga bagong karanasan (tulad ng pagsapi sa Simbahan o pagdalo sa bagong paaralan) ay kapana-panabik. Pero maaari ka ring kabahan dahil sa mga ito. Hindi mo alam kung ano ang aasahan. Sa paglipas ng panahon matututo kang harapin ang mga hamong ito, at lalago ka sa prosesong ito. Ang pag-akma sa stress sa mga positibong paraan ay nagpapaunlad sa katatagan ng damdamin.

Hindi naiiba ang mga service mission. Kung minsan ang service mission ay parang napakagandang espirituwal na pakikipagsapalaran. Para itong isang hamon na kaya mong harapin. Ikaw ay mahinahon na susulong nang may pananampalataya. Natatanto mo na karamihan ng kaba o pag-aalala na nararanasan mo ay pansamantala lamang. Lalakas ang loob mo dahil alam mo na makakapag-adjust ka sa paglipas ng panahon. Ikaw ay umuunlad sa espirituwal at may pagkakataong magkaroon ng mga bagong kasanayan. Ang mga karanasan na minsang kinatakutan mo ay mas madali nang nakakayanan. Nagagawa mo ring pahalagahan ang mga aspeto sa paglilingkod ng missionary na akala mo noon ay mahirap. Ikaw ay nagtitiwala sa Espiritu. Nadaragdagan ang tiwala mo sa iyong sarili, at nagagalak ka sa iyong paglilingkod.

Gayunman, sa ibang mga pagkakataon ay maaari kang maharap sa mga di-inaasahang problema. Ang ilang karanasan ay mas mahirap o hindi maganda kaysa inaasahan mo. Maaaring iniisip mo kung paano ka magtatagumpay. Sa halip na mahikayat kang magsikap, maaari kang mabalisa, mainis, manghina, o mawalan ng pag-asa. Maaari kang makaranas ng mga sintomas sa katawan na gaya ng kirot, pananakit ng tiyan, kahirapan sa pagtulog, o karamdaman. Maaari kang mahirapang matuto o makipag-ugnayan sa mga tao. Maaari kang panghinaan-ng-loob o gustuhin mong sumuko na.

Apat na Level ng Stress

Ang mga sintomas ng stress ay tulad ng mga gauge o panukat sa dashboard ng kotse. Ipinapaalala nito sa iyo na magbagal, magkarga ng gasolina, o tingnan ang makina. Ipinapaalala nito sa iyo na punuin ang iyong espirituwal na “tangke” at maghanap ng mga bagong solusyon. Ayon sa sumusunod na chart, kapag nakakayanan ng mga missionary ang stress, sila ay nasa “green” level. Kapag sila ay naging balisa o may problema, sila ay nasa “yellow” level. Kung patuloy silang nakadarama ng stress, sila ay nasa “orange” level. At kapag hindi na sila makakilos dahil sa stress, sila ay nasa “red” level.

Sa panahon ng iyong mission, makakaranas ka ng iba’t ibang level ng stress sa magkakaibang pagkakataon. Maaaring nasa “orange” na level ka ngayon at “green” ulit bukas. Ang buklet na ito ay may mga mungkahi at tools na maaaring makatulong sa iyo na manatili sa—o bumalik sa—green level.

Mga Palatandaan na Ikaw ay Nasa Level na Ito

Ano ang Gagawin

Green

berdeng icon na nakangiti

Mga Palatandaan na Ikaw ay Nasa Level na Ito

May tiwala sa sarili, masaya

Handang harapin ang mga hamon

Madaling makabawi mula sa mga pagkabigo

Nakakasundo ang iyong mga lider

Nadarama ang Espiritu

Ano ang Gagawin

Ito ang pinakamainam. Sa level na ito, napaglalabanan mo ang araw-araw na mga stress ng paglilingkod ng missionary. Ikaw ay natututo at umuunlad.

Patuloy na magsikap na mabuti at magtiwala sa Panginoon.

Yellow o Dilaw

yellow neutral face icon

Mga Palatandaan na Ikaw ay Nasa Level na Ito

Nababahala, nag-aalala, walang tiwala sa sarili, balisa, hindi handa, hindi makatulog nang maayos

Nahihirapang makisama sa iba

Nahihirapang madama ang Espiritu

Ano ang Gagawin

Normal lamang na mapunta sa yellow level.

Maging mabait sa sarili mo habang pinagdaraanan mo ang mga hamon.

Maging matiyaga habang natututo ka ng mga bagong kasanayan, tulad ng pagkamaalalahanin. Ang mga kasanayang ito ay tutulong sa iyo na lumakas at mag-iibayo ang kakayahan mong maglingkod. Patuloy na manalangin at maglingkod nang may pananampalataya. Sumangguni sa mga banal na kasulatan at sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya, sa iyong mga service mission leader, at sa buklet na ito para sa tulong.

Orange

orange icon ng malungkot na mukha

Mga Palatandaan na Ikaw ay Nasa Level na Ito

Nanghihina (ang katawan at kalooban)

May sakit (masakit ang tiyan o iba pang sintomas)

Madaling magalit

Masyadong pinanghihinaan-ng-loob

Hindi nadarama ang Espiritu

Ano ang Gagawin

Walang taong natutuwa na mapunta sa orange level ng stress, pero hindi naman permanente ang kondisyong ito.

Manalangin na patnubayan ka sa pag-aaral mo ng mga banal na kasulatan at sundin ang mga mungkahi sa buklet na ito. Kontakin ang iyong mga service mission leader kung mananatili ka sa orange level nang mahigit sa tatlong araw. Tutulungan nila kayo.

Red o Pula

red icon ng galit na mukha

Mga Palatandaan na Ikaw ay Nasa Level na Ito

Nakadarama palagi ng matinding depresyon, takot, o pagkabalisa

Nadaramang walang pag-asa

Hindi makakain o makatulog (maaaring magkasakit)

Nakadarama ng labis na takot at hindi makapagpatuloy sa buhay

Dama mo na para kang pinabayaan ng Diyos

Ano ang Gagawin

Kung nasa ganitong level ka, kontakin ang iyong mga service mission leader, miyembro ng pamilya, o stake president para humingi ng tulong.

Humingi ng basbas ng priesthood. Mag-ukol ng oras na isulat sa iyong journal o isiping mabuti ang mga mungkahi sa aklat na ito. Ipagdasal ang mga ito. Maaari kang humiling ng pahinga mula sa mga bagay na pinakamahirap gawin sa iyong assignment o tungkulin. Kausapin ang iyong mga service mission leader para makahanap ng tamang pagbabago sa serbisyo para sa iyo.

Ikaw ay magiging kapaki-pakinabang na lingkod ng Panginoon anuman ang mga hamon na kinakaharap mo. Sikaping gamitin ang mga ideya sa buklet na ito at sumulong nang may pananampalataya. Isaalang-alang ang karanasan ni Sister Xochilt Oteo, na naglingkod sa San Diego Service Mission:

San Diego California Temple

“Nang magsimula akong maglingkod sa Catholic Charities, tuwang-tuwa ako pero nangangamba ako. Hinilingan kaming magturo ng preliteracy class sa mga imigrante at refugee. Dama ko na hindi ko kayang magturo ng English class sa mga tao mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

“Wala kaming mga translator o tagapagsalin sa klase namin, kaya limitado ang komunikasyon. Nagsalita ako at si Sister Pennock gamit ang mga retrato at galaw ng kamay. Sa unang klase ko, natakot ako! Hindi ko alam ang gagawin ko. Pero nang matipon ko ang klase ko, nakadama ako kaagad ng kapanatagan.

“Nadama ko ang Espiritu ng Panginoon. Simple lang ang trabaho ko—paglingkuran ang bawat estudyante, na iniwan ang lahat para pumunta sa Estados Unidos, at tulungan silang matutong isulat ang kanilang pangalan at pangkalahatang impormasyon at matutong makipag-usap sa Ingles.

“Nagpatuloy kami. Makalipas ang ilang buwan, nasa San Diego Temple kami bilang bahagi ng aming assignment, nang marinig naming pinag-uusapan ng kababaihan ang tungkol sa mga refugee na darating sa bautismuhan noong araw na iyon. Lubos ang kagalakan ko na isa sa mga pupunta sa bautismuhan ay dating estudyante namin. Ni hindi namin alam na sumapi siya sa Simbahan.

“Puno ng saya ang aming mga puso at nabasa ng luha ang aming mga mata dahil alam namin ni Sister Pennock na ginawa namin ang aming bahagi bilang mga service missionary sa pagpapala sa buhay ng aming mga estudyante.”

Mga Kailangang Gawin sa Paglilingkod ng Missionary

mga kailangang gawin at resources sa balanseng timbangan

Ang paglilingkod “nang buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas” (Doktrina at mga Tipan 4:2) ay isang paanyaya mula sa Panginoon na pagpalain ang iyong buhay. Ang gawaing misyonero ay hindi madali. Ang mga kailangang gawin sa paglilingkod ng missionary ay nahahati sa ilang kategorya:

Pangkalahatan (tingnan sa “1. Pagkakaroon ng Katatagan Kapag May Stress”). Sa paglilingkod mo bilang missionary, maaari kang makaranas ng maraming pagbabago at transisyon. Ang mga pamilyar na paraan ng pagharap mo sa mga bagay ay maaaring hindi gaanong umubra sa iyong misyon. Kung minsan ay maaari kang maasiwa at baka mahirapan ka. Maaaring iniisip mo kung paano tutulungan ang iba pang mga service missionary na nahihirapan.

Pisikal (tingnan sa “2. Pagkakaroon ng Pisikal na Katatagan”). Maaaring maghapon kang gumagawa o nagtatrabaho. Ang trabaho mo ay maaaring nakakapagod na gawain. Sa bagong sitwasyon pa lang ay maaari ka nang manghina.

Emosyonal o Pangdamdamin (tingnan sa “3. Pagkakaroon ng Katatagan ng Damdamin”). Maaari kang mag-alala tungkol sa lahat ng kailangan mong matutuhan o gawin. Maaaring nahihirapan kang magrelaks. Maaari kang panghinaan-ng-loob, mainip, o malungkot.

Pakikisalamuha (tingnan sa “4. Pagkakaroon ng Katatagan sa Pakikisalamuha”). Maaaring kailangan mong mabilis na kilalanin ang mga bagong kakilala. Maaari kang makipag-usap sa mga estranghero at makipag-ugnayan sa mga bagong lider sa lugar kung saan ka naglilingkod.

Pagkatuto at Pagtatrabaho (tingnan sa “5. Pagkakaroon ng Katatagan ng Isipan”). Maaaring kailangan mong matuto ng mga bagong kasanayan para makumpleto ang iyong mga assignment. Kakailanganin mong magplano at mamahala ng mga mithiin. Kailangan mo ring makipagsabayan sa mga pagbabago at lutasin ang lahat ng uri ng mga praktikal na problema.

Espirituwal (tingnan sa “6. Pagkakaroon ng Espirituwal na Katatagan”). Kailangan mong palakasin ang kakayahan mong patatagin ang iyong patotoo at maiwasan ang tukso. Sikaping madama at makilala ang Espiritu. Kung minsan, kailangan mong itama ang pagkakamali, magsisi, at harapin ang iyong mga kahinaan at panghihinayang. Maging mapagpakumbaba, at higit kailanman ay umasa sa Panginoon. Sa paggawa mo ng mga bagay na ito, ikaw ay uunlad at susulong.

Pagtugon sa mga Hamon ng Iyong Service Mission

Marami sa mga hamon ng service mission ay hindi maaaring bawasan. Kakailanganin mong matutuhan ang mga bagong bagay. Kailangan mong sundin ang mga patakaran at makisama sa ibang tao. Kailangan mong gawin nang mahusay ang iniatas na gawain o trabaho at iwanan ang iyong comfort zone upang sumubok ng mga bagong bagay.

Gayunman, magkakaroon ka ng maraming resources na makakatulong sa iyo na harapin ang mga hamon ng iyong bagong tungkulin sa paglilingkod. Tutulungan ka ng buklet na ito na mahanap at magamit ang resources na ito. Alalahanin din ang kahalagahan ng panalangin, pag-aaral ng banal na kasulatan, patnubay ng Espiritu Santo, at pagtulong sa iba. Ang pinakamahalagang magagawa mo ay umasa sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Siya ang sukdulang pinagmumulan ng lakas at kakayahan para makayanan ang mga stress sa buhay ng service missionary.