“3. Pag-uugali ng Missionary,” Mga Pamantayan ng Missionary para sa mga Disipulo ni Jesucristo—Mga Service Mission (2021)
“3. Pag-uugali ng Missionary,” Mga Pamantayan ng Missionary para sa mga Disipulo ni Jesucristo—Mga Service Mission
3
Pag-uugali ng Missionary
3.0
Pambungad
Ang bahaging ito ay naglalarawan ng mga pamantayan ng pag-uugali ng missionary at ng mga katangiang tulad ng kay Cristo. Inaasahang gagawin at tataglayin mo ang mga pamantayan at katangiang ito habang nagiging mas tapat kang disipulo ni Jesucristo. Tulad ng ipinayo ni propetang Moroni, “[Tandaan] ang salita ng Diyos na nagsasabing sa pamamagitan ng kanilang mga gawa inyo silang makikilala; sapagkat kung ang kanilang mga gawa ay mabubuti, kung gayon, sila ay mabubuti rin” (Moroni 7:5).
3.1
Pag-uugali na Tulad ng kay Cristo
Manalangin at kumilos upang magkaroon ka ng mga katangiang tulad ng kay Cristo, tulad ng inilarawan sa mga banal na kasulatan at sa mga turo ng mga buhay na propeta. Ang mga katangiang ito ay kinabibilangan ng pagiging mapagpasalamat, mabait, mapagmahal, mapagpakumbaba, matiyaga, madamayin, at masunurin. Sa tulong ng Panginoon at ng sarili mong tapat na pagsisikap at pagsusumigasig, magkakaroon ka ng mga katangiang tulad ng kay Cristo (tingnan sa Mosias 3:19).
Maging mabait, positibo, at masayahin. Maging maalalahanin sa kalagayan ng bawat tao. Ikaw ay isang bisita sa lugar kung saan ka naglilingkod at dapat mong igalang at pahalagahan ang mga tao at lugar.
Habang naglilingkod sa komunidad, palaging igalang ang mga kaugalian, paniniwala sa relihiyon, at tradisyon ng ibang tao sa lahat ng oras. Iwasang makasakit ng damdamin ng ibang tao. Tandaan, ang sinasabi at ginagawa mo habang ginagawa mo ang iyong service assignment ay maaaring marinig, makita, at mairekord. Saan ka man naglilingkod, ikaw ay kinatawan ni Jesucristo at ng Kanyang ipinanumbalik na Simbahan.
3.2
Pagiging Karapat-dapat sa Templo
Kailangang maging karapat-dapat sa templo ang mga missionary sa buong misyon nila.
Inaanyayahan ka ng Panginoong Jesucristo na “ihanda ang inyong sarili, at pabanalin ang inyong sarili; oo, dalisayin ang inyong mga puso, at linisin ang inyong mga kamay at inyong mga paa sa harapan ko, upang akin kayong gawing malinis” (Doktrina at mga Tipan 88:74). Bahagi ng paghahandang ito ang pagtupad sa iyong mga tipan sa templo kung natanggap mo na ang iyong endowment sa templo.
3.2.1
Mga Tipan sa Templo (Kung Endowed)
Ang pagtupad sa mga tipan sa templo na pagsunod, pagsasakripisyo, at lubos na paglalaan ay magbibigay-lakas sa iyo at tutulong sa iyo na maging higit na katulad ng Tagapagligtas.
Kahit walang templo sa iyong service missionary area, manatiling karapat-dapat sa templo. Sabihin sa iyong bishop at stake president na magpapainterbyu ka para sa temple recommend bago mag-expire ang iyong kasalukuyang recommend.
Ang pagsusuot ng temple garment ay sagradong pribilehiyo ng mga taong gumawa ng mga tipan sa endowment. Hayaang gabayan ka ng Banal na Espiritu kapag isinasaalang-alang mo ang iyong personal na pangakong isuot ang garment.
3.2.2
Pagsamba sa Templo
Kung malapit ang isang templo, ikaw ay hinihikayat na pumunta sa templo bilang patron habang nasa misyon. Ang pagpunta sa templo ay maaari ding maging isa sa mga assignment mo sa paglilingkod.
Ang pagpunta sa templo ay hindi dapat makasagabal sa iba mong mga missionary assignment. Kapag naglilingkod sa templo, gampanan ang iyong tungkulin nang may dignidad, paggalang, at pagpipitagan. Kapag pumupunta ka sa templo, tandaan ang mga sumusunod:
-
Kung ikaw ay tinawag ng temple presidency na maglingkod bilang ordinance worker, ikaw ay maglilingkod sa templo sa ilalim ng kanilang pamamahala.
-
Huwag magdala ng kamera, cell phone, o mga materyal na babasahin (kabilang ang patriarchal blessing) para gamitin sa loob ng templo.
-
Huwag mag-umpukan o magkumpulan bilang mga missionary o lumuhod para magdasal sa celestial room.
-
Sa pagdadala ng pangalan ng mga kapamilya sa templo, makatutulong ka sa pagtitipon ng Israel sa kabilang panig ng tabing at mag-iibayo ang iyong karanasan sa templo.
3.3
Ang Batas ng Kalinisang-Puri
Ang isang mahalagang bahagi ng pagiging karapat-dapat sa templo ay ang pagsunod sa batas ng kalinisang-puri. Gawin ang lahat ng makakaya mo para protektahan ang iyong sarili mula sa tuksong seksuwal na hahantong sa paglabag sa iyong mga sagradong tipan. Ang paggawa ng mga bagay na labag sa batas ng kalinisang-puri ay humahantong sa mga kriminal na kaso sa ilang lugar.
Iwasan ang anumang kaisipan o kilos na maghihiwalay sa iyo sa Espiritu. Kabilang ngunit hindi limitado sa mga ito ang pakikiapid; pangangalunya; seksuwal na aktibidad ng babae sa babae o lalaki sa lalaki; oral sex; pagpukaw ng damdaming seksuwal; hindi angkop na paghawak o paghaplos; pagpapadala o pagtanggap ng mga mensahe, larawan, o video na imoral o seksuwal; masturbation o seksuwal na pagpaparaos sa sarili; at panonood o paggamit ng pornograpiya. Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang Para sa Lakas ng mga Kabataan (buklet, 2011), “Pagsisisi,” 28–29.
Kung nahihirapan kang sundin ang mga pamantayang ito, humingi ng tulong sa Panginoon at kausapin kaagad ang iyong stake president.
3.3.1
Pag-iwas sa Pornograpiya
Maraming anyo ang pornograpiya. Ang pagpaplano nang maaga at paggawa ng mabuting mga desisyon ay makatutulong sa iyo na maiwasan ang pornograpiya. Kapag nakita mo ito, ibaling sa ibang bagay ang iyong atensyon, patayin ang device, o umalis sa lugar o sitwasyon kung saan mo ito nakita.
Gamitin ang sumusunod na mga mungkahi upang matulungan kang makaiwas sa pornograpiya:
-
Iwasan ang mga website, materyal, at lugar kung saan maaari kang makarinig, makabasa, o makakita ng mahahalay na materyal o pornograpiya.
-
Matutuhang tukuyin ang mga pagkakataon kung kailan ka pinaka-natutuksong gamitin nang di-angkop ang teknolohiya, gaya ng kapag ikaw ay pagod o nababagot.
-
Magplano kung ano ang gagawin mo sa gayong mga sitwasyon. Matutulungan ka ng iyong mga service mission leader. Makahahanap ka rin ng impormasyon sa ChurchofJesusChrist.org/addressing-pornography.
Sinumang nagsisikap na iwasan o iwaksi ang pornograpiya ay magtatamo ng tulong at paggaling sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Kung nahihirapan ka, kausapin ang iyong stake president, na magbibigay ng payo at suporta nang may pagmamahal.
3.4
Katapatan
Inutusan tayo na maging matapat. Ang pagiging karapat-dapat sa templo ay kinabibilangan ng pagiging matapat sa lahat ng pakikitungo mo sa mga tao. Kabilang sa pagiging matapat ang:
-
Pagsasabi ng katotohanan, lalo na sa iyong mga service mission leader at stake president tungkol sa iyong pag-uugali, patotoo, mga gawi sa paggawa, at emosyonal at pisikal na kalusugan.
-
Pagbibigay ng tumpak na mga ulat tungkol sa iyong paglilingkod at kung paano mo ginugol ang iyong oras sa buong linggo.
-
Pagiging mapagkakatiwalaan at hindi kailanman pagbibigay ng maling report o maling impormasyon tungkol sa sinumang tao o sa iyong service assignment.
-
Paggalang sa kapwa sa pamamagitan ng hindi panghihiram, pangunguha, o paggamit ng personal na gamit (tulad ng mga damit, aklat, electronic device, at alahas) ng isang tao nang walang pahintulot.
3.5
Pakikipag-ugnayan sa mga Tao
Itinuro ng Tagapagligtas, “ito ang aking utos, na kayo’y magmahalan sa isa’t isa, gaya ng pagmamahal ko sa inyo” (Juan 15:12). Piliing tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas at kumilos sa paraang magalang, maingat, at akma sa sitwasyon.
3.5.1
Mga Pangkalahatang Pamantayan para sa Pakikipag-ugnayan sa Pamilya at mga Kaibigan
Maging lakas at mabuting halimbawa para sa iyong pamilya at mga kaibigan. Magbahagi ng mga nakapagpapasiglang kuwento mula sa iyong mga karanasan sa misyon.
Maaaring kailangan kang tulungan ng mga kapamilya sa mga pisikal na pangangailangan, transportasyon, o sa ibang pang pamamaraan upang magtagumpay ka sa paglilingkod. Magkakaroon ng ilang mga pagbabago sa buhay ng iyong pamilya habang naglilingkod ka bilang missionary. Kailangan mo at ng iyong pamilya na gumawa ng mga sakripisyo upang matiyak na ikaw ay magkakaroon ng pinakamakabuluhan at matagumpay na karanasan bilang missionary.
3.5.2
Mga Pangkalahatang Pamantayan para sa Pakikipag-ugnayan sa mga Adult
Kunin ang tiwala ng mga pinaglilingkuran mo at bumuo ng makabuluhang ugnayan sa kanila. Maging propesyonal at mabait. Sundin ang sumusunod na mga pamantayan:
-
Iwasan ang mga sitwasyon na maaaring maging mapanganib sa pisikal o espirituwal o maaaring mabigyan ng maling interpretasyon.
-
Huwag mang-akit o makipag-ugnayan nang di-angkop sa sinuman.
-
Panatilihing magalang ang iyong ginagamit na wika. Iwasan ang paggamit ng mga salitang balbal. Gumamit ng angkop na titulo kapag kinakausap o tinatawag ang isang tao. Halimbawa, gamitin ang titulong “Elder” o “Sister” kapag binabanggit o tinatawag ang ibang mga missionary at mga service mission leader para maipakita ang paggalang sa kanilang calling.
3.5.3
Mga Pangkalahatang Pamantayan para sa Pakikipag-ugnayan sa mga Bata at mga Vulnerable Adult
Para sa iyong kaligtasan gayundin sa kaligtasan ng mga bata at mga vulnerable adult, mahigpit na sundin ang mga sumusunod na pamantayan sa paglilingkod sa mga taong ito:
-
Huwag kailanman maiwang mag-isa na kasama ng mga bata o mga vulnerable adult sa anumang sitwasyon.
-
Huwag silang alagaan o bantayan, suotan ng damit, bigyan o painumin ng gamot, o tugunan ang kanilang mga pangangailangan sa pansariling kalinisan.
-
Maglingkod lamang sa kanila kapag kasama ang isa pang responsableng adult. Sundin ang mga tuntunin sa kaligtasan ng Simbahan o ng mga organisasyong pangkawanggawa na pinaglilingkuran mo.
-
Kung ikaw ay maglilingkod sa kanila sa isang organisasyong pangkawanggawa, maaaring kailangan mo munang kumpletuhin ang isang background check.
Ang mga vulnerable adult ay mga taong may kahinaan sa isipan o katawan na may malubhang epekto sa kanilang kakayahang maunawaan ang isang sitwasyon at protektahan ang kanilang sarili laban sa pang-aabuso, pagpapabaya, o pagsasamantala. Kabilang din sa mga vulnerable adult ang mga refugee na hindi nauunawaan ang wika at kultura ng isang lugar.
3.5.4
Mga Pangkalahatang Pamantayan para sa Pakikipag-ugnayan sa mga Teaching Missionary
Bilang miyembro ng Simbahan, maaari mong samahan ang mga teaching missionary sa kanilang pagtuturo. Hindi mo dapat ipahiwatig na ikaw ay isang teaching missionary. Huwag isuot ang iyong service missionary name badge sa pagsama sa kanila sa pagtuturo. Hindi ka dapat dumalo sa mga district at zone conference ng mga teaching missionary maliban na lamang kung inanyayahan ka ng mission president.
3.5.5
Pakikipagdeyt
Hindi ka maaaring makipagdeyt habang ikaw ay missionary. Hinihikayat kang makibahagi sa mga ward at aktibidad para sa mga YSA, ngunit hindi ka dapat dumalo sa mga sayawan. Dapat kang mag-ingat sa pagdalo sa anumang aktibidad kung saan maaari kang magmukhang nakikipagdeyt.
3.5.6
Pagsusuot ng Missionary Badge
Isang karangalan at pribilehiyo ang makapagsuot ng missionary badge. Palagi itong isuot habang ikaw ay papunta at pabalik mula sa iyong missionary assignment, habang nasa iyong missionary assignment, at sa mga miting ng Simbahan.
Kabilang sa mga missionary assignment ang mga miting at kumperensya, oras ng paglilingkod sa iyong pamilya, at mga gawaing Simbahan at pangkawanggawa na ginagawa sa bahay. Kung may mga tanong ka tungkol sa kung kailan isusuot ang iyong missionary badge, magtanong lamang sa iyong mga service mission leader.
3.5.7
Nakatira sa Tahanan
Sa iyong call letter, ikaw ay inaatasang maglingkod bilang service missionary sa iyong lokal na komunidad, naglilingkod na katulad ni Cristo habang nakatira sa iyong tahanan.
3.5.8
Trabaho at Pag-aaral
Ang trabaho at pag-aaral—full time o part time man—ay hindi bahagi ng service mission. Dapat mong ilaan ang iyong oras, mga talento, lakas, at pananalapi sa iyong misyon. Ito ay bahagi ng batas ng paglalaan.
Ikaw ay maaaring mag-enrol sa institute o sa PathwayConnect kung nais mo.
3.5.9
Mga Tuntunin sa Kaligtasan para sa mga Aktibidad
Ang mga tuntunin sa kaligtasan para sa mga aktibidad ay angkop sa mga young single adult, at ibig sabihin ay angkop din ang mga ito sa iyo bilang service missionary. May restriksyon sa mga magdamagang aktibidad, pagpunta sa mga templo na nasa labas ng inyong nakatalagang temple district, at malayuang pagbibiyahe. Ang mga aktibidad na ito ay nangangailangan ng maagang pagpaplano ng iyong mga service mission leader at pagkuha ng pag-apruba ng nakatalagang mga priesthood leader. Maaaring kailanganing kumpletuhin ng iyong mga magulang o tagapag-alaga ang Permission and Medical Release Form para ikaw ay makalahok sa ganitong mga aktibidad.
3.6
Paglilibang at mga Libangan
Pumili ng mga aktibidad na nagpapasigla at tumutulong sa iyo na makapagrelaks. Sa pagsangguni sa mga health care professional, mag-ehersisyo at maging aktibo upang mapanatiling malusog ang iyong katawan at isipan para sa paglilingkod. Iwasan ang mga aktibidad na panlibangan kung saan maaari kang masaktan o mapagod nang sobra-sobra.
3.6.1
Mga Laro, Pelikula, at Telebisyon
Ang mga aktibidad sa mga oras na wala ka sa iyong service assignment, tulad ng angkop na mga video game, pelikula, at palabas sa telebisyon, ay katanggap-tanggap kapag inaprubahan ng iyong stake president at mga service mission leader.
Ang gayong mga aktibidad ay hindi dapat makasagabal sa iyong personal na paghahanda, pag-aaral, at paglilingkod. Iwasan ang anumang bagay na nagtataboy sa Espiritu. Maging matalino sa pagpapasiya kung isusuot mo ang iyong name badge habang ginagawa mo ang ganitong uri ng mga aktibidad.
3.6.2
Pagdalo sa Ward at Stake Institute
Habang ikaw ang naglilingkod bilang missionary, ang iyong membership record ay dapat manatili sa iyong home ward. Kung awtorisado, maaari kang dumalo sa young single adult ward sa iyong lugar.
Hinihikayat kang makilahok sa mga klase at aktibidad sa institute. Maaari ka ring makibahagi sa mga aktibidad para sa mga young single adult na itinataguyod ng inyong ward o stake tulad ng mga home evening, pagpunta sa templo, debosyonal, laro, at piknik, ngunit hindi sa mga sayawan.
3.6.3
Mga Aktibidad na Pangkultura at Panlibangan
Tandaan, ikaw ay isang missionary. Ang iyong mga aktibidad ay dapat na mabuti, nakasisigla, at naaayon sa mga pamantayan sa hanbuk na ito.
Manatiling ligtas at matalinong magpasiya kapag nakikibahagi sa mga aktibidad na panlibangan. Hindi ka dapat makibahagi sa mga aktibidad na mapanganib habang ikaw ay nasa misyon.
Maaari kang magdaos o makibahagi sa mga pagtitipon kasama ang ibang mga service missionary kapag wala kayo sa inyong mga service assignment. Gayunman, ang aktibidad na ito ay dapat sumusunod sa mga pamantayan ng mga service missionary at hindi dapat magtagal nang magdamag.
Maaari kang sumali sa mga bakasyon ng pamilya na maagang ipinaalam sa iyong mga service mission leader at mga operation supervisor. Bumuo ng plano kasama ang iyong mga service mission leader upang mapabuti ay iyong karanasan bilang missionary habang nasa bakasyon.
3.6.4
Musika
Makinig sa musika na naaayon sa iyong sagradong tungkulin. Ang musika ay dapat na mag-anyaya sa Espiritu, tumulong sa iyo na makapagtuon sa gawain, at ituon ang iyong isipan at damdamin sa Tagapagligtas.
Huwag makinig sa musikang nanghihikayat ng imoralidad, pumupuri sa karahasan, gumagamit ng nakasasakit na pananalita, o nagpapamanhid sa iyong espirituwalidad sa pamamagitan ng himig, paggamit ng instrumento, titik, o lakas nito.
3.6.5
Electronic at Computer Equipment
Ang lahat ng paggamit ng mga electronic device o media, kabilang na ang mga cell phone at computer, ay dapat nakaayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Ang paggamit ng mga electronic device ay hindi dapat makagambala sa anumang paraan sa diwa ng iyong misyon.
Iwasan ang anumang bagay na bastos, mahalay, marahas, o pornograpiko. Huwag gamitin ang iyong cell phone sa oras ng iyong paglilingkod sa iyong service assignment.
3.6.6
Media
Ang social media ay maaaring maging mabisang paraan para ibahagi kung paano mo sinusunod ang Tagapagligtas bilang missionary. Ang mga post tungkol sa mga aktibidad na hindi nauugnay sa iyong paglilingkod bilang missionary ay dapat sumasalamin pa rin sa dignidad ng iyong calling bilang missionary.
Maging matalino sa paggamit ng media. Anuman ang iyong binabasa, pinakikinggan, o tinitingnan ay may epekto sa iyo. Piliin lamang ang media na nagbibigay-inspirasyon sa iyo.
Pangalagaan ang iyong kaligtasan at ang kaligtasan ng iba sa pamamagitan ng pagiging maingat sa pagpili ng personal na impormasyon at mga larawan ang ibinabahagi mo gamit ang teknolohiya. Huwag gamitin ang titulong “Elder” o “Sister” sa iyong account name. Huwag magpadala ng anumang mensahe sa internet o cell phone na hindi angkop ibahagi o sabihin sa personal. Huwag magbahagi ng mga opinyon tungkol sa pulitika. Sundin ang mga batas tungkol sa pagbabahagi ng musika, pelikula, at iba pang mga bagay na may karapatang-sipi. Huwag ipahiwatig na ang iyong mga post ay opisyal na pahayag ng Simbahan.
Ang paggugol ng napakaraming oras sa paggamit ng internet, mobile device, o iba pang media ay magiging hadlang para matupad mo ang iyong iskedyul at mga assignment bilang service missionary.
Kung hindi ka sigurado kung angkop panoorin o pakinggan ang isang bagay, kausapin ang iyong mga magulang, bishop, stake president, o mga service mission leader. Bibigyan ka ng Espiritu Santo ng lakas na piliin ang tama.
3.7
Mga Eksepsyon sa Patakaran
Ang anumang eksepsyon sa mga pamantayang ipinaliwanag sa mga pamantayan ng mga missionary na ito ay hindi lamang pagpapasiyahang mag-isa ng iyong stake president, bishop, mga magulang, o mga service mission leader. Kung nadarama mong dapat isaalang-alang ang isang eksepsyon, kausapin ang iyong stake president at mga service mission leader at talakayin ang mga sitwasyong nauugnay rito. Pagkatapos ay maaaring kausapin ng mga service mission leader ang Service Mission Office para maisaalang-alang ang kahilingan.
3.8
Pakikipag-ugnayan sa mga Service Mission Leader, Priesthood Leader, at Service Location Supervisor
Kabilang sa pagmimisyon ang responsibilidad na managot sa Panginoon at sa iyong mga lider. Ginagawa mo ito sa pamamagitan ng regular na pagbibigay mga missionary report. Maaaring kabilang sa mga report na ito:
-
Ang iyong iskedyul at assignment bilang missionary
-
Ang iyong pisikal at emosyonal na kalusugan
-
Ang iyong espirituwal na mga karanasan at pag-unlad
-
Ang iyong mga tagumpay at mga hamon kamakailan
Dapat mong sabihan ang iyong service location supervisor at mga service mission leader kung hindi ka makapupunta sa iyong service assignment. Dapat maaga pa lang ay mag-abiso ka na.
Habang nasa misyon, gamitin ang nakatalaga sa iyo na missionary email account sa halip na mga personal account.