Mensahe mula sa Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol
Mahal Naming Service Missionary:
Itinuro sa Aklat ni Mormon, “At masdan, sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang inyong matamo ang karunungan; upang inyong malaman na kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos.” (Mosias 2:17). Ikaw ay tinawag ng Diyos na maging service missionary para magsagawa ng mahalagang gawain sa panahong ito. Lubos kaming nagpapasalamat sa kahandaan mong gawin ito.
Hinihikayat ka namin na “manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso” upang mapuspos ka ng dalisay na pag-ibig ni Cristo na ibinibigay sa “lahat na tunay na mga tagasunod” ni Jesucristo (Moroni 7:47–48). Inaanyayahan ka namin na palawakin ang iyong mga talento at kakayahan para sa kaluwalhatian ng Diyos. Tutulungan ka Niya na pagpalain ang Kanyang mga anak habang pinaglilingkuran mo sila bilang service missionary.
Ang Mga Pamantayan ng Missionary para sa mga Disipulo ni Jesucristo—Mga Service Mission ay inilaan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol upang maging gabay sa iyong paglilingkod. Hinihikayat ka namin na maging pamilyar dito at ipamuhay ang mga pamantayang nakasaad dito. Ang mga pamantayang ito ay tutulong na maprotektahan ka sa pisikal, espirituwal, at emosyonal. Tutulungan ka ng mga ito na maging tunay na disipulo ni Jesucristo at maging katulad Niya. Regular na pag-aralan ang mga pamantayang ito at sikaping masunod ang mga ito. Kung may mga tanong ka, mapanalanging hilingin sa Panginoon na tulungan ka, at pagkatapos ay humingi ng payo sa iyong stake president at mga mission leader kung kailangan.
Dalangin namin na matagpuan mo ang tunay na kapayapaan at kagalakan bilang service missionary sa paglilingkod sa Panginoong Jesucristo at sa mga anak ng Ama sa Langit.
Nagmamahal at nagpapahalaga sa iyo,
Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol
Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw