Seminary
1 Timoteo 3:1–7; Tito 1:6–9


1 Timoteo 3:1–7; Tito 1:6–9

Ang Bishop: Isang Taong may “Mabuting Patotoo”

Kausap ng isang binatilyo ang kanyang Bishop.

Alam mo bang naglingkod ang mga bishop sa Simbahan noong panahon ni Pablo? Paano mapagpapala ng mga bishop at branch president ang iyong buhay? Sa mga sulat ni Pablo kina Timoteo at Tito, inilahad niya ang mga katangian para sa mga kalalakihang tinatawag bilang mga bishop. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na mas maunawaan ang mga katangian ng mga bishop at branch president at kung paano makatutulong sa iyong buhay ang mga tagapaglingkod na ito ng Panginoon.

Kanino ka lumalapit?

Ipagpalagay na nahihirapan ka sa isang mahalagang isyu sa iyong buhay. Marahil ito ay isang desisyon tungkol sa iyong kinabukasan, isang hamong kinakaharap mo, o masamang gawi na nahihirapan kang baguhin.

  • Saan ka humihingi ng payo kapag nahihirapan ka sa mahahalagang isyu?

  • Sino ang kinakausap mo at bakit?

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Opisyal na larawan ni Elder Quentin L. Cook. Tinawag sa Korum ng Labindalawang Apostol noong Oktubre 6, 2007.

Mga mahal na kabataan … nasa harap ninyo ang pinakamahahalagang desisyong gagawin ninyo sa buhay. Humingi ng payo sa inyong mga magulang at bishop tungkol sa mahahalagang pagpili na gagawin ninyo. Gawing kaibigan at tagapayo ninyo ang bishop.

(Quentin L. Cook, “Mga Bishop—Mga Pastol sa Kawan ng Panginoon,” Liahona, Mayo 2021, 60)

Pag-isipan sandali ang mga sumusunod na tanong:

  • Itinuturing mo bang kaibigan at tagapayo ang iyong bishop o branch president?

  • Kapag nahaharap ka sa isang mahalagang desisyon, o kapag kailangan mo ng espirituwal na tulong, gaano kalaki ang posibilidad na hihingi ka ng payo sa iyong bishop? Bakit?

  • Paano makatutulong sa iyo ang paghingi ng payo sa iyong bishop o branch president?

Sa pag-aaral mo ng lesson na ito, alamin ang mga paraan na masusuportahan ka ng bishop o branch president sa iyong mga hamon, desisyon, at pananampalataya kay Jesucristo.

Nagturo si Pablo tungkol sa mga katangian ng isang bishop o obispo

Ang mga sulat ni Pablo na kilala bilang 1 Timoteo, 2 Timoteo, at Tito ay kadalasang tinatawag na pastoral Epistles o mga sulat para sa mga lider ng Simbahan dahil naglalaman ito ng mga payo ni Pablo sa mga pastor o pinuno ng Simbahan (ang salitang pastor ay mula sa salitang Latin para sa “pastol”). Sina Timoteo at Tito ay mga pinagkakatiwalaang kasama ni Pablo na nakasama niyang naglingkod sa iba’t ibang pagkakataon sa kanyang mga paglalakbay bilang misyonero. Noong panahong iyon, naglilingkod si Timoteo bilang lider ng Simbahan sa Efeso, at si Tito ay nasa pulo ng Creta sa Gresiya.

Kabilang sa maraming katotohanang itinuro ni Pablo sa mga inspiradong sulat na ito, nagtala siya ng ilang katangian para sa mga kalalakihang tinatawag bilang mga bishop. Ang bishop ay isang lalaking inorden at itinalaga bilang namumunong high priest sa ward, o kongregasyon. Mayroon siyang pangkalahatang responsibilidad sa pangangasiwa sa mga temporal at espirituwal na gawain ng kongregasyon. Gayundin ang tungkulin ng isang branch president. Pumipili ang Panginoon ng isang bishop sa pamamagitan ng stake presidency, na naghahangad ng paghahayag. Bago matawag, ang bishop ay aaprubahan ng Unang Panguluhan bilang karapat-dapat at may kakayahang maglingkod.

Basahin ang 1 Timoteo 3:1–7 at Tito 1:6–9, at alamin ang mga katangian para sa mga bishop. Hanapin ang tatlo sa mga katangiang ito na tutulong sa isang bishop o branch president na gabayan at pagpalain ang iyong buhay.

  • Paano ipinapakita ni Jesucristo ang mga katangiang ito? (Maaari mong i-cross-referense ang mga talatang ito sa 1 Pedro 2:25, kung saan tinukoy ni Pedro ang Tagapagligtas bilang “[ang] Pastol at Tagapag-alaga ng [ating] mga kaluluwa.”)

  • Paano makatutulong sa bishop o branch president ang pagkakaroon ng mga katangiang ito para matulungan ka tulad ng gagawin ng Tagapagligtas?

  • Paano mo ibubuod ang natutuhan mo tungkol sa mga bishop at branch president?

Pagsusulat sa isang papel gamit ang bolpen o lapis. 1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong study journal:

  • Anong mga katangian na katulad ng kay Cristo ang naobserbahan mo sa iyong bishop o branch president? Paano nagbigay ng kakayahan sa kanya ang mga katangiang ito na maging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon?

  • Paano ka natulungan o paano ka matutulungan ng bishop na mas mapalapit kay Jesucristo at mapalakas ang iyong pananampalataya sa Kanya?

Isang pastol sa kawan ng Panginoon

Maaari mong markahan ang anumang salita o parirala sa 1 Timoteo 3:2 o Tito 1:7–9 na nagsasaad ng responsibilidad ng bishop na magturo.

Ang bishop o branch president ay maaaring magturo sa iba’t ibang paraan, kabilang sa mga pulong, klase, at personal na interbyu, at sa pamamagitan ng kanyang halimbawa.

Pagsusulat sa isang papel gamit ang bolpen o lapis. 2. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong study journal:

  • Paano naging pagpapala sa iyo o sa isang kakilala mo ang payo o tagubilin ng isang bishop o branch president?

  • Sa ano pang paraan tayo pinangangalagaan at tinutulungan ng Panginoon sa pamamagitan ng mga bishop at branch president?

Matutulungan tayo ng bishop na magsisi

Tumawag din ang Panginoon ng mga bishop at branch president upang tulungan at gabayan tayo sa proseso ng pagsisisi, lalo na kung nakagawa tayo ng mabibigat na kasalanan.

Itinuro ni Elder C. Scott Grow ng Pitumpu:

Opisyal na Larawan ni Elder C. Scott Grow. Kinunan noong Marso 2017.

Sa pamamagitan ng ordinasyon at matwid na pamumuhay, ang bishop ay may karapatan sa paghahayag mula sa Espiritu Santo tungkol sa mga miyembro ng kanyang ward, pati na sa iyo.

Matutulungan ka ng bishop na magsisi sa paraang hindi kayang ibigay ng iyong mga magulang o iba pang mga lider. …

… Bilang lingkod ng Panginoon, magiging mabait siya at maunawain habang nakikinig sa iyo. Pagkatapos ay tutulungan ka niya sa proseso ng pagsisisi. Siya ang sugo ng awa ng Panginoon para tulungan kang maging malinis sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

(C. Scott Grow, “Bakit Ko Kailangang Magtapat at Ano ang Kailangan Kong Ipagtapat sa Bishop Ko?,” Liahona, Okt. 2013, 28–29)

Maglaan ng oras upang sumulat ng maikling liham, email, o text sa iyong bishop o branch president. Maaari mo siyang pasalamatan sa kanyang serbisyo, pagtuturo, at halimbawa. Magsama ng anumang partikular na mga paraan na natulungan ka niya. Maaari mong banggitin ang alinman sa kanyang mga halimbawa na katulad ng kay Cristo na napansin at pinahalagahan mo. Kung naaangkop, maaari mo ring hilingin na kausapin siya para mapayuhan ka tungkol sa isang mahirap na desisyon, isang alalahanin na maaaring mayroon ka, o para sa tulong sa proseso ng pagsisisi.

Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?

1 Timoteo 3:1. Saan nagmumula ang titulong obispo [bishop] sa Bagong Tipan?

Ang titulong bishop ay nagmula sa salitang Griyego na episcopos—epi, na ibig sabihin ay “sa ibabaw,” at scopos, ibig sabihin ay “tumingin” o “magmasid.” Dahil dito, ang episcopos, o bishop, ay isang taong nangangasiwa sa kawan bilang tagapatnubay o tagapangalaga sa kawan.

Bakit kailangan kong pumunta sa bishop ko upang magtapat ng mga kasalanan?

Itinuro ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Huling opisyal na larawan ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol, 2004. Pumanaw noong Setyembre 22, 2015.

Ang mabibigat na kasalanan tulad ng imoralidad ay nangangailangan ng tulong ng isang taong mayhawak ng mga susi, tulad ng bishop o stake president, upang tahimik na makatulong sa proseso ng pagsisisi para matiyak na ito ay nagawa nang lubos at nang tama.

(Richard G. Scott, “The Power of Righteousness,” Ensign, Nob. 1998, 69–70)

1 Timoteo 3:1. Ano ang “mabuting gawain” ng isang bishop?

Itinuro ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkol sa mga pangunahing responsibilidad ng isang bishop:

Opisyal na larawan ni Elder Quentin L. Cook. Tinawag sa Korum ng Labindalawang Apostol noong Oktubre 6, 2007.

Ang bishop ay may limang pangunahing responsibilidad sa pamumuno sa isang ward:

  1. Siya ang namumunong high priest sa ward.

  2. Siya ang pangulo ng Aaronic Priesthood.

  3. Siya ay isang pangkalahatang hukom.

  4. Pinangangasiwaan niya ang gawain ng kaligtasan at kadakilaan, kabilang ang pangangalaga sa mga nangangailangan.

  5. At siya ang namamahala sa mga talaan, pananalapi, at sa paggamit ng meetinghouse.

Sa kanyang ginagampanan bilang namumunong high priest, ang bishop ang “espirituwal na lider” ng ward. Siya ay “matapat na disipulo ni Jesucristo.” …

Ang bishop ay may napakahalagang gawain sa paglilingkod bilang pastol upang magabayan ang bagong henerasyon, kabilang ang mga young single adult, patungo kay Jesucristo.

(Quentin L. Cook, “Mga Bishop—Mga Pastol sa Kawan ng Panginoon,” Liahona, Mayo 2021, 58)

Tito 1:7. Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang sabihin niya na “ang obispo … ay dapat na walang kapintasan”?

Ang bishop ay pinili ng Panginoon at dapat maging isang taong may napakabuting pagkatao at karapat-dapat. Gayunpaman, hindi perpekto ang lahat ng bishop at kung minsan ay nagkakamali sila sa kanilang paglilingkod.

Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod:

14:43

“Panginoon, Nananampalataya Ako”

Buong katapatang kilalanin ang inyong mga tanong at alalahanin, ngunit pag-alabin muna ang inyong pananampalataya, dahil lahat ng bagay ay posible sa kanila na sumasampalataya.

Opisyal na Larawan ni Elder Jeffrey R. Holland. Kinunan noong Enero 2018.

Maging mapagpaumanhin sa kahinaan—sa inyong kahinaan gayundin sa mga [kahinaan ng mga] kasama ninyong naglilingkod sa Simbahan na pinamumunuan ng boluntaryo at mortal na kalalakihan at kababaihan. Maliban sa Kanyang perpektong Bugtong na Anak, mga taong di-perpekto ang tanging katulong ng Diyos sa gawain noon pa man. [Nakalulungkot] siguro iyon sa Kanya, pero napagpapasensyahan Niya iyon. Dapat, tayo rin. At kapag may nakikita kayong pagkakamali, alalahanin na ang limitasyon ay hindi sa kabanalan ng gawain. … Kaya maging mapagpasensya at mapagpatawad.

(Jeffrey R. Holland, “Panginoon, Nananampalataya Ako,” Liahona, Mayo 2013, 94)