2 Timoteo 4
“Iningatan Ko ang Pananampalataya”
Ang pamumuhay sa ebanghelyo ni Jesucristo ay nagpapala sa atin sa maraming paraan. Bagama’t daranas tayo ng mga pagsubok at pag-uusig, sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, maaari tayong manatiling matatag hanggang wakas. Matapos ang ilang dekada ng pagsisikap na sundin ang Tagapagligtas, alam ni Pablo na malapit na siyang patayin. Sa kanyang huling liham kay Timoteo, ipinahayag niya kung bakit ang pananatiling tapat ay mahalaga sa kanya at sa lahat ng tao na pinipili ang magtiis nang may pananampalataya. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang maging tapat o manatiling tapat na disipulo ni Jesucristo sa habang buhay.
Tapat na nagtitiis
Isipin kung ano kaya ang pakiramdam kapag alam mong malapit ka nang pumanaw.
-
Ano ang inaasahan mong masasabi mo tungkol sa iyong buhay kapag dumating ang araw na iyon?
-
Ano ang magiging mahalaga sa iyo sa panahong iyon? Ano ang hindi magiging mahalaga?
-
Sa iyong palagay, paano makakaapekto sa iyo sa panahong iyon ang mga pagsisikap mong sundin ang Tagapagligtas sa buong buhay mo?
Pagkalipas ng ilang dekada ng magiting na paglilingkod bilang disipulo ni Jesucristo, sumulat si Pablo kay Timoteo mula sa isang bilangguan sa Roma nang nalalamang malapit na siyang patayin. Malamang na ito ang huling sulat ni Pablo na kasama sa Bagong Tipan. Mapalad tayong mabasa ang ilan sa mga huling saloobin ng dakilang taong ito habang pinagninilayan niya ang kanyang buhay at ang kanyang papalapit na kamatayan.
Inihambing ni Pablo ang kanyang mga pagsisikap na manatiling tapat sa dalawang magkaibang bagay na kanyang ginawa. Basahin ang 2 Timoteo 4:6–7, at alamin ang mga paghahambing ni Pablo.
-
Bakit maaaring maging epektibong paghahambing ang pakikipaglaban sa mabuting pakikipaglaban at pagtatapos ng takbuhin sa pag-iingat ng ating pananampalataya kay Jesucristo sa buong buhay natin?
Pagnilayan sandali ang kalagayan mo sa bahaging ito ng iyong buhay sa iyong takbuhin o sa iyong pakikipaglaban upang manatiling tapat kay Cristo. Ikaw ba ay napagod, natalo, o nasugatan? Natukso ka na bang sumuko? Paano ka tinulungan ng Tagapagligtas sa mga sitwasyong ito? Habang nag-aaral ka ngayon, isipin kung bakit magiging sulit at mahalaga para sa iyo na magpatuloy sa takbuhin o ipaglaban ang laban ng pagkadisipulo.
Ang ibinibigay ng Tagapagligtas sa matatapat
Basahin ang 2 Timoteo 4:8, at alamin ang mga pagpapalang inihanda ng Tagapagligtas para kay Pablo at sa lahat ng tapat na nagtitiis.
Ang putong o korona na ito ay simbolo ng buhay na walang hanggan sa piling ng Ama sa Langit at ni Jesucristo, na kilala rin bilang kadakilaan.
-
Sa iyong palagay, bakit inilarawan ni Pablo ang pagpapalang ito na ibinibigay sa atin ni Jesucristo bilang “putong ng katuwiran”?
Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa scripture passage na ito ay ito: Dahil kay Jesucristo, lahat ng tapat na nagtitiis hanggang wakas ay tatanggap ng buhay na walang hanggan.
Maglaan ng oras upang pag-isipan kung sino ang maaaring maapektuhan ng iyong pagpili na magtiis hanggang wakas.
Ang ating pag-asa ay na kay Jesucristo
Ipinaliwanag ni Elder L. Tom Perry (1922–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol na dahil napakahirap magtiis hanggang wakas, hindi tayo magtatagumpay nang mag-isa. Itinuro niya:
Ang magtiis hanggang wakas ay isang bagay na talagang hindi ninyo magagawa nang mag-isa. … Kailangan nito ang mapantubos na kapangyarihan ng Tagapagligtas.
(L. Tom Perry, “Ang Ebanghelyo ni Jesucristo,” Liahona, Mayo 2008, 46)
Tulad ni Pablo, marami pang iba ang nagtiis hanggang wakas sa tulong ng Tagapagligtas. Basahin ang dalawa sa mga sumusunod na scripture passage sa Aklat ni Mormon. Alamin kung paano nakaimpluwensya sa bawat isa sa mga propetang ito ang pakikipag-ugnayan nila sa Tagapagligtas nang tapat nilang tiniis at hinarap ang kanilang nalalapit na kamatayan.
-
Lehi: 2 Nephi 1:14–15
-
Enos: Enos 1:27
-
Moroni: Moroni 10:32–34
-
Paano inilarawan ng mga disipulong ito ang kanilang pakikipag-ugnayan kay Jesucristo?
-
Paano nakaapekto ang pakikipag-ugnayang iyon sa nadarama nila tungkol sa kanilang kamatayan?
Anong payo ang ibibigay mo?
Ano ang mensahe para sa iyo?
Bumalik sa 2 Timoteo 4 at basahin ang talata 6–8, 18. Ipagpalagay na ikaw ay nasa panahong hinaharap, at masasabi mo ang sinabi ni Pablo habang papalapit ka na sa pagwawakas ng iyong buhay. Pagkatapos ay sagutin ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano sa palagay mo ang mensahe ng Ama sa Langit sa iyo?
-
Paano nakatulong sa iyo ang natutuhan at nadama mo ngayon na mas maunawaan na kailangan mo si Jesucristo?
-
Ano ang nahihikayat kang gawin?
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Paano tayo magtitiis hanggang wakas?
Ipinaliwanag ni Elder L. Tom Perry (1922–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang pagtitiis hanggang wakas ay nangangailangan ng katapatan hanggang sa kahuli-hulihang sandali, tulad ng nangyari kay Pablo, na nagsabi kay Timoteo, “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya” (II Kay Timoteo 4:7). Malinaw na hindi ito madaling gawain. Nilayon ito na maging mahirap, mapanghamon, at, sa huli, pinagbubuti nito ang paghahanda nating makabalik sa piling ng ating Ama sa Langit at matanggap ang mga walang hanggang pagpapala.
(L. Tom Perry, “Ang Ebanghelyo ni Jesucristo,” Liahona, Mayo 2008, 46)
Panoorin ang video na “Endure to the End” (2:04), matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, at alamin kung paano tumulong si Pangulong Dieter F. Uchtdorf, dating miyembro ng Unang Panguluhan, sa pagsagot sa tanong na ito.
Paano kung mahirap kung minsan na makita ang mga pagpapala ng pananatiling tapat?
Sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Huwag kang susuko. Magpatuloy ka sa paglakad. Subukan mo nang subukan. May tulong at kaligayahan sa banda riyan. … Magiging maayos ang lahat sa huli. Manalig ka sa Diyos at maniwala sa mabubuting bagay na darating.
… May mga pagpapalang dumarating kaagad, ang ilan ay huli na, at ang ilan ay hindi dumarating hangga’t wala pa tayo sa kabilang buhay; ngunit para sa mga tumatangap sa ebanghelyo ni Jesucristo, dumarating ang mga ito.
(Jeffrey R. Holland, “An High Priest of Good Things to Come,” Ensign, Nob. 1999, 38)