Mga Hebreo 1–10
“Higit na Marilag na Pangalan”
Ang lahat ng tagasunod ni Jesucristo ay daranas ng mga pagsubok dahil sa kanilang pananampalataya. Ganyan ang nangyari sa maraming Kristiyanong Judio. Dahil sa panggigipit ng iba’t ibang pag-uusig, marami ang umalis sa Simbahan at bumalik sa mas ligtas na pagsamba ng mga Judio sa sinagoga. Nais ni Pablo na ipakita sa mga Kristiyanong Judio na ito na mas dakila si Jesus kaysa kay Moises, at ang Kanyang ministeryo ay nagdala ng bagong tipan na nakahihigit sa lumang tipan sa ilalim ng kautusan ni Moises. Ang lesson na ito ay makatutulong na mapalakas ang iyong pananampalataya sa Tagapagligtas habang natututuhan mo ang Kanyang kapangyarihan sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng pagtukoy at pag-aaral ng ilan sa Kanyang mga titulo at tungkulin.
Mga Titulo ni Jesucristo
Maglaan ng isang minuto at maglista sa iyong study journal ng maraming salita o pariralang maiisip mo na naglalarawan sa iyo.
-
Bakit mo ginamit ang mga salita at pariralang iyon?
Tulad mo na may mga salita o pariralang naglalarawan sa iyo, si Jesucristo ay marami ring pangalan o titulong naglalarawan sa Kanya. Kapag mas lubos nating nalalaman ang mga titulong ito, mas nauunawaan natin kung sino Siya at kung gaano Niya tayo kamahal.
Sa iyong study journal, ilista ang ilang titulo ng Tagapagligtas na nalalaman mo na.
-
Paano nakakaimpluwensya ang kaalaman at pag-unawa sa mga titulong ito ni Jesucristo sa pananaw mo sa Kanya?
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson ang mga paraan na mapagpapala tayo habang mas marami tayong natututuhan tungkol sa Tagapagligtas:
[Kapag] mas marami kayong natututuhan tungkol sa Tagapagligtas, mas madaling magtiwala sa Kanyang awa, sa Kanyang walang-hanggang pagmamahal, at sa Kanyang nagpapalakas, nagpapagaling, at mapantubos na kapangyarihan.
(Russell M. Nelson, “Si Cristo ay Nagbangon; Ang Pananampalataya sa Kanya ay Makapagpapalipat ng mga Bundok,” Liahona, Mayo 2021, 103)
-
Sa anong mga paraan mo kailangan ang tulong ng Tagapagligtas na inilarawan ni Pangulong Nelson?
Tulad ng pangangailangan natin sa Tagapagligtas, gayundin ang pangangailangan ng mga Kristiyanong Judio na hindi dumadalo sa mga pulong sa Simbahan dahil sa pang-uusig at iba pang uri ng panggigipit. Bumalik sila sa pamilyar at mas ligtas na tradisyonal na pagsamba ng mga Judio, na walang paniniwala kay Jesucristo (tingnan sa Mga Hebreo 10:25, 38–39). Marami ka pang malalaman tungkol sa sulat na ito sa pag-aaral ng “Hebreo, Sulat sa mga” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.
Paghahanap ng mga titulo at tungkuling ginagampanan ni Jesucristo
Nagbahagi si Pablo ng maraming titulo at tungkuling ginagampanan ng Tagapagligtas na maaaring nakatulong sa mga Banal na malaman na kailangan nila Siya. Halimbawa, binigyang-diin sa Mga Hebreo 1:2 ang titulo ng Tagapagligtas na “Anak,” na may kaugnayan sa Kanyang pagiging “tagapagmana ng lahat ng mga bagay.” Ipinaliwanag sa Mga Hebreo 1:2, 10 ang ginampanan ni Jesus bilang Lumikha ng langit at lupa.
Ngayong nakakita ka na ng ilang halimbawa ng mga titulo ng Tagapagligtas, basahin ang mga sumusunod na talata at hanapin ang mga karagdagang titulo at tungkulin ni Jesucristo. Maaari mong markahan ang mahahanap mo.
-
Anong katotohanan ang natukoy mo tungkol sa Tagapagligtas mula sa isa o mahigit pa sa Kanyang mga titulo at tungkulin?
Ngayong nakapagsanay ka nang tumukoy ng mga pangalan at titulo ni Jesucristo, isipin sandali kung gaano kahusay mong ginagamit ang kasanayang ito sa iyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
-
Paano nakatulong sa iyo ang paghahanap sa mga titulo ni Jesucristo upang mas makilala Siya?
-
Paano mo maisasama ang pag-aaral ng mga titulo ni Jesucristo sa iyong regular na pag-aaral ng mga banal na kasulatan?
Maghanap ng mga titulo ni Jesucristo sa iyong personal na pag-aaral at sa pag-aaral kasama ng iyong pamilya habang patuloy mong pinag-aaralan ang Bagong Tipan at iba pang banal na kasulatan.
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Bakit dapat kong pag-aralan ang tungkol kay Jesucristo?
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
Kung patuloy ninyong pag-aaralan ang lahat ng kaya ninyo tungkol kay Jesucristo, ipinapangako ko na ang inyong pagmamahal sa Kanya, at sa mga batas ng Diyos, ay lalago nang higit pa sa inaakala ninyo ngayon. Ipinapangako ko rin na mag-iibayo ang kakayahan ninyong tumalikod sa kasalanan. Titindi ang hangarin ninyong sundin ang mga kautusan. Mas kakayanin ninyong lumayo sa libangan at gusot na dulot ng mga nangungutya sa mga alagad ni Jesucristo. …
Pag-aralan ang lahat ng tungkol kay Jesucristo sa mapanalangin at masigasig na paghahangad na maunawaan kung ano ang personal na kahulugan sa inyo ng bawat isa sa Kanyang iba’t ibang titulo at pangalan.
(Russell M. Nelson, “Mga Propeta, Pamumuno, at Batas ng Diyos” [pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Ene. 8, 2017], ChurchofJesusChrist.org; idinagdag ang pagbibigay-diin)
Mga Hebreo 1:2, 10. Paano nakakaimpluwensya sa buhay ko ang tungkulin ni Jesus bilang Tagapaglikha?
Ipinaliwanag ni Chad H Webb, administrator ng Seminaries and Institutes of Religion:
Maaalala ninyo siguro na si Pangulong Boyd K. Packer ay isang matagumpay na artist na mahilig maglilok ng mga ibon sa kahoy. Isang araw sakay siya ng kotseng minamaneho ni Elder A. Theodore Tuttle, at nasa upuan sa likuran ang isa sa kanyang mga lilok. Sa isang sangandaan, biglang nagpreno si Elder Tuttle at bumaligtad ang lilok nang pataob sa sahig at nasira. Nalungkot si Elder Tuttle, pero hindi si Pangulong Packer. Sinabi lang niyang, “Okey lang. Ako ang gumawa nito! Kaya kong ayusin ito.” At inayos nga niya iyon! Pinatibay pa niya iyon kaysa rati at pinaganda pa ito nang kaunti. Paliwanag ni Pangulong Packer, “Sino ang gumawa sa iyo? Sino ang iyong Lumikha? Walang anuman sa buhay ninyo na baluktot o sira na hindi Niya kayang itama at ayusin.”
(Chad H Webb, “Nangungusap Tayo tungkol kay Cristo, Nagagalak Tayo kay Cristo,” Seminaries and Institutes of Religion Annual Training Broadcast, Hunyo 12, 2018, ChurchofJesusChrist.org)
Paano makapagbibigay sa akin ng pag-asa ang kaalaman tungkol kay Jesucristo?
Ang sumusunod na karanasan na ibinahagi ni Elder Ronald A. Rasband ay makatutulong sa atin na maunawaan kung paano makapagbibigay ng pag-asa ang kaalaman tungkol sa mga titulo at tungkulin ni Jesucristo.
Mga Hebreo 2:10. Sa anong mga paraan nagiging “tagapagtatag ng [ating] kaligtasan” si Jesus?
Ang sumusunod na podcast episode ay nagbabahagi ng kaalaman kung paanong si Jesucristo ay tagapagtatag ng ating kaligtasan: