Mga Hebreo 3–4
Pagpasok sa Kapahingahan ng Panginoon
Nais ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo na pagkalooban tayo ng Kanilang pinakadakilang mga pagpapala. Ang kawalan ng pananampalataya at katigasan ng puso ang humahadlang sa marami na matanggap ang mga pagpapalang ito. Sa pamamagitan ng paghikayat sa mga Banal na iwaksi ang mga pag-uugaling walang pananampalataya, hinangad ni Pablo na tulungan silang bumalik sa mga tipang ginawa nila. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang madaig ang kawalan ng pananampalataya upang matanggap mo ang mga ipinangakong pagpapala ng Tagapagligtas.
Ang ating pananalig kay Jesucristo
Inilarawan ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol ang problemang kinakaharap ng mundo ngayon:
Sa ilang lugar sa mundo kung saan naipahayag ang Kanyang pangalan sa loob ng maraming siglo, nababawasan ang pananampalataya kay Jesucristo. Nakita ng magigiting na Banal sa Europe na humihina ang pananalig sa kanilang mga bansa sa paglipas ng mga dekada. Ang malungkot, humihina rin ang pananampalataya rito sa Estados Unidos. Inihayag sa isang pag-aaral kamakailan na nitong huling 10 taon ay 30 milyong katao sa Estados Unidos ang hindi na naniniwala sa pagka-Diyos ni Jesucristo. Sa buong mundo naman, ibinadya sa isa pang pag-aaral na sa darating na mga dekada, mahigit doble ang aalis sa Kristiyanismo kaysa mga tatanggap dito.
(Neil L. Andersen, “Nangungusap Tayo tungkol kay Cristo,” Liahona, Nob. 2020, 88)
-
Ano ang ilang maaaring mangyari, ngayon at sa hinaharap, sa mga taong hindi naniniwala kay Jesucristo?
Isipin ang sarili mong paniniwala kay Jesucristo.
-
Sa iyong palagay, gaano kalakas ang iyong paniniwala kay Jesucristo?
-
Paano mapagpapala ang iyong buhay sa pagpiling maniwala sa Kanya?
Ang mga turo ni Pablo tungkol sa mga anak ni Israel
Sa kanyang liham sa mga Hebreo, nalaman ni Pablo na dahil sa pag-uusig, pinag-isipan ng ilang nagbalik-loob na tumalikod sa kanilang paniniwala kay Jesucristo.
Basahin ang Mga Hebreo 3:7–19, at alamin ang salaysay ng kasaysayan na binanggit ni Pablo upang matulungan ang mga Hebreo na maunawaan ang panganib ng kawalan ng pananampalataya.
Ang “paghihimagsik … sa ilang” (Mga Hebreo 3:8) ay tumutukoy sa panahon na, matapos mapalaya mula sa Egipto, sumuway ang mga Israelita na ikinagalit ng Panginoon at hindi sila pinagkalooban ng mga pagpapalang nais Niyang ibigay sa kanila (tingnan sa Mga Bilang 14; Jacob 1:7–8; Alma 12:33–37).
-
Anong mga pagpapala ang hindi natanggap ng mga anak ni Israel? Bakit?
Ang kapahingahan ng Panginoon
Nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na maranasan natin ang Kanilang kapahingahan. Pag-aralan ang sumusunod na scripture passage at pahayag ng propeta upang malaman kung ano ang kapahingahan ng Panginoon. Maaaring makatulong na hanapin ang salitang “kapahingahan” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, kung mayroon.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 84:24 upang malaman pa ang tungkol sa kapahingahan ng Panginoon (tingnan din sa Alma 13:6, 12–13, 28–29).
Itinuro ni Pangulong Joseph F. Smith (1838–1918) kung paano tayo makapapasok sa kapahingahan ng Panginoon habang nasa mortalidad:
Ang mga sinaunang propeta ay nangusap tungkol sa “pagpasok sa kapahingahan ng Diyos” [tingnan sa Alma 12:34; Doktrina at mga Tipan 84:23–24]; ano ang ibig sabihin nito? Sa aking isipan, ang ibig sabihin nito ay pagpasok sa kaalaman at pag-ibig ng Diyos, na may pananampalataya sa kanyang layunin at sa kanyang plano, hanggang sa puntong nalalaman natin na tama tayo, at na hindi na tayo naghahanap pa ng iba, hindi tayo nagagambala ng magkabi-kabila ng lahat ng hangin ng aral, o sa pamamagitan ng mga daya ng mga tao, sa katusuhan, ayon sa mga lalang ng kamalian. … Ang taong nakarating sa gayong antas ng pananampalataya sa Diyos na ang lahat ng pag-aalinlangan at takot ay naiwaksi na mula sa kanya, ay nakapasok na sa “kapahingahan ng Diyos.”
(Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith [1999], 65–66)
-
Paano mo ilalarawan ang kapahingahan ng Panginoon?
Nagbahagi si Alma ng mensaheng katulad ng kay Pablo sa mga tao sa kanyang panahon, na ang ilan sa kanila ay nahirapan ding maniwala. Basahin ang Alma 12:34–37, at maghanap ng mga karagdagang kaalaman.
-
Anong alituntunin ang matutukoy mo sa Mga Hebreo 3 at Alma 12:34–37?
Ang isang alituntunin na maaaring natutuhan mo ay kung tayo ay mananatiling tapat sa Tagapagligtas at hindi patitigasin ang ating puso, tayo ay makapapasok sa kapahingahan ng Panginoon.
Pagpiling maniwala
Basahin ang Mga Hebreo 3:7–8, 12–15; 4:2–3, 6–7, 11. Habang nagbabasa ka, alamin kung ano ang magagawa natin upang makapasok sa kapahingahan ng Panginoon. Maaari mo ring basahin ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Mga Hebreo 4:3 (sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia).
-
Ano ang pinakanapansin mo mula sa mga talatang ito?
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson kung paano natin mapaglalabanan ang kawalan ng pananampalataya:
Piliing maniwala kay Jesucristo. Kung may pag-aalinlangan kayo tungkol sa Diyos Ama at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak o sa katotohanan ng Pagpapanumbalik o pagiging totoo ng banal na pagtawag kay Joseph Smith bilang isang propeta, piliing maniwala at manatiling tapat. Isangguni ang inyong mga tanong sa Panginoon at sa iba pang mapagkakatiwalaang sanggunian. Mag-aral nang may hangaring maniwala sa halip na umasang may makikitang kamalian sa buhay ng propeta o hindi pagkakatugma-tugma sa mga banal na kasulatan. Huwag nang patindihin pa ang inyong pag-aalinlangan sa pagsasabi nito sa iba pang mga nagdududa. Tulutan ang Panginoon na akayin kayo sa inyong paglalakbay sa pagtuklas ng mga bagay na espirituwal.
(Russell M. Nelson, “Si Cristo ay Nagbangon; Ang Pananampalataya sa Kanya ay Makapagpapalipat ng mga Bundok,” Liahona, Mayo 2021, 103)
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Paano ako magkakaroon ng pusong mas naniniwala?
Ipinahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay miyembro ng Unang Panguluhan:
Walang mahika sa paniniwala. Ngunit ang hangaring maniwala ang unang hakbang na kailangan! Hindi nagtatangi ang Diyos ng mga tao. Siya ang inyong Ama. Nais Niyang kausapin kayo. Gayunpaman, nangangailangan ito ng kaunting pag-uusisa—kailangan ang pagsubok sa salita ng Diyos—at ang paggamit ng kahit “bahagyang pananampalataya” [Alma 32:27]. Kailangan din ng kaunting pagpapakumbaba. At kailangan nito ng bukas na puso at bukas na isipan. Nangangailangan ito ng paghahangad, sa buong kahulugan ng salita. At, marahil ang pinakamahirap sa lahat, nangangailangan ito ng pagtitiyaga at paghihintay sa Panginoon.
Kung hindi tayo magsisikap na maniwala, para tayong isang lalaking tinanggal ang ilaw sa pagkakasaksak at pagkatapos ay sisisihin ang ilaw dahil hindi ito nagbibigay ng anumang liwanag.
(Dieter F. Uchtdorf, “Huwag Kang Matakot, Manampalataya Ka Lamang,” Liahona, Nob. 2015, 78)
Sino ang makatutulong sa atin na mahanap ang kapahingahan ng Tagapagligtas?
Ipinahayag ni Elder W. Craig Zwick ng Pitumpu:
Mahal ng Ama sa Langit ang bawat isa sa Kanyang mga anak at nais Niyang makabalik tayong lahat sa Kanya. Naglaan Siya ng mga propeta at lider ng priesthood na may tunay na awtoridad ng priesthood upang tulungan tayong manatili sa makipot at makitid na landas. Kung gayon, mayroon tayong patnubay ng mga lider na ito na tutulong sa atin na makapasok sa Kanyang kapahingahan.
(W. Craig Zwick, “Enter into the Rest of the Lord,” Ensign, Peb. 2012, 24)