Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman, Bahagi 3
Hangarin na Mas Makaunawa sa Pamamagitan ng mga Itinalagang Source na Ibinigay ng Diyos
Ang isa sa mga layunin ng doctrinal mastery ay tulungan kang matutuhan at maipamuhay ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang kahalagahan ng paghahangad ng katotohanan sa pamamagitan ng mga source na buong pagmamahal na ibinigay ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
Saan ka naghahanap ng mga sagot?
Sa loob ng isang minuto, subukang hanapin ang sumusunod na impormasyon.
-
Ang lagay ng panahon sa katapusan ng linggo
-
Ang pangalan ng kabiserang lungsod ng Greenland
-
Isang recipe ng pasta o ulam
Pag-isipan ang mga sumusunod na tanong.
-
Anong mga source ang ginamit mo (o karaniwang ginagamit mo) sa paghahanap ng impormasyon?
-
Bakit mo pinagkakatiwalaan ang mga source na ito para sa impormasyon tungkol sa ganitong mga uri ng mga tanong?
Saan tayo makahahanap ng mga sagot mula sa Diyos?
-
Saan mo imumungkahing hanapin ng mga tao ang mga sagot sa mahahalagang tanong tungkol sa Diyos, sa Simbahan, o sa plano ng kaligtasan?
Mag-isip ng anumang tanong na mayroon ka tungkol sa Diyos, sa Simbahan, o sa plano ng kaligtasan. Maaari itong kabilangan ng impormasyon na nabasa o narinig mo na pinag-iisipan o di kaya’y pinagdududahan mo. Hingin ang paggabay ng Espiritu Santo sa pag-aaral ng mga alituntunin sa lesson na ito na makatutulong sa iyo.
Basahin ang mga sumusunod na scripture passage at alamin kung paano tayo mapagpapala ng mga pinagmumulan ng katotohanan na itinuturo ng mga passage na ito.
-
Talata 11 sa bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” ng Doctrinal Mastery Core Document (2022)
Paano kung hindi ako sigurado na mapagkakatiwalaan nga ang isang mapagkukunan ng impormasyon?
Isa sa mga pinakakaraniwang paraan ng paghahanap ng impormasyon ngayon ay sa paggamit ng internet. Sa pamamagitan ng internet, nagkakaroon tayo ng access sa maraming mabubuting mapagkukunan ng impormasyon. Kasabay nito, inilalantad din tayo ng internet sa maraming hindi mapagkakatiwalaan at hindi totoong mapagkukunan ng impormasyon. Nagbabala si Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang impormasyon sa internet ay walang filter ng “katotohanan.” Ang ilang impormasyon, kahit nakakakumbinsi ito, ay hindi totoo.
(Neil L. Andersen, “Joseph Smith,” Liahona, Nob. 2014, 29)
Basahin ang talata 12 sa bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” ng Doctrinal Mastery Core Document. Maaari mong markahan kung bakit mapanganib ang paghahanap ng mga sagot sa mga espirituwal na tanong mula sa hindi kilala o hindi mapagkakatiwalaang mga source.
Sa tuwing may malalaman kang bagong impormasyon tungkol sa Diyos, sa Simbahan, o sa plano ng kaligtasan, makatutulong na itanong sa iyong sarili ang mga sumusunod tungkol sa pinagmumulan ng impormasyon. Habang binabasa mo ang mga tanong na ito, hanapin ang mga tanong na sa palagay mo ay lubos na makatutulong kapag nagpapasiya ka kung magtitiwala ka o hindi sa isang source. (Maaari mo ring pag-aralan ang bawat isa sa mga kasamang scripture reference.)
Ilang tanong para sa pagsuri ng bagong impormasyon
-
Ano ang naramdaman ko mula sa Espiritu Santo nang mabasa o marinig ko ang impormasyong ito? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 50:23–24.)
-
Mas inilalapit ba ako ng impormasyong ito kay Jesucristo at sa Kanyang Simbahan? (Tingnan sa Moroni 7:15–17.)
-
Hinihikayat ba ako ng impormasyong ito na sumunod sa mga kautusan ng Diyos?
-
Tumutugma ba ito sa itinuturo ng mga banal na kasulatan at ng mga makabagong propeta? (Tingnan sa 2 Timoteo 3:15–17; Doktrina at mga Tipan 1:38.)
-
Pinagtitibay ba nito ang katotohanang naramdaman kong totoo na sinabi sa akin ng Espiritu Santo, o hinihikayat ba ako nitong pagdudahan ang mga katotohanan ng ebanghelyo? (Tingnan sa Moroni 10:5.)
-
Nagmumula ba ang impormasyon sa isang source na maituturing na mapagkakatiwalaan ng Tagapagligtas o ng mga lider ng Kanyang Simbahan?
-
Ano ang maaaring masabi ng aking mga magulang o mga lider ng Simbahan tungkol sa impormasyong ito? (Kung natutukso akong itago ito sa kanila, ano ang sinasabi niyon sa akin tungkol sa source nito?)
-
Sa palagay mo, alin sa mga tanong na ito ang lubos na makatutulong sa iyo? Bakit?
-
Sa palagay mo, ano pa ang dapat itanong ng isang tao tungkol sa impormasyong nalalaman niya?
Pumili ng isang impormasyon na narinig mo o tanong na mayroon ka tungkol sa Diyos, sa Simbahan, o sa plano ng kaligtasan. Pagkatapos, maglaan ng ilang minuto upang magsanay sa paghahanap ng mga sagot sa pamamagitan ng mga source na itinalaga ng Diyos. Bukod sa iba pang mga bagay, maaari kang
-
magdasal;
-
maghanap sa mga banal na kasulatan gamit ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan o mga doctrinal mastery passage;
-
maghanap sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya, sa page ng Mga Paksa ng Ebanghelyo sa ChurchofJesusChrist.org, o sa Gospel Library app;
-
pagbabasa ng mga kaugnay na bahagi sa mga materyal ng Simbahan tulad ng Para sa Lakas ng mga Kabataan (buklet, 2011) o Mga Paksa ng Ebanghelyo, topics.ChurchofJesusChrist.org;
-
kausapin ang isang taong kilala mo at pinagkakatiwalaan mo, gaya ng iyong magulang, bishop, lider ng mga kabataan sa iyong ward o branch, o seminary teacher, para matulungan kang makahanap ng mga sagot.
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Ano ang dapat kong gawin kung hindi ako makahanap ng sagot sa isang tanong sa pamamagitan ng mga source na itinalaga ng Diyos?
Itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Hindi lahat ng sagot ay dumarating kaagad, ngunit karamihan sa mga tanong ay malulutas sa masigasig na pag-aaral at paghingi ng mga sagot sa Diyos. …
Ang pananampalataya ay hindi humihingi ng sagot sa bawat tanong ngunit naghahangad ng katiyakan at katapangan upang sumulong, at kung minsan ay tinatanggap na, “Hindi ko alam ang lahat, ngunit sapat ang nalalaman ko upang magpatuloy sa landas ng pagkadisipulo.”
Ang tulutang mapuno ng pagdududa ang sarili, at maudyukan ng mga sagot mula sa mga walang pananampalataya, ay nagpapahina ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Pagpapanumbalik.
(Neil L. Andersen, “Ang Pananampalataya ay Hindi Matatamo Kung Wala Munang Pagpiling Gagawin,” Liahona, Nob. 2015, 66)
Bakit ako dapat mag-ingat sa paghahanap ng mga sagot tungkol sa Simbahan mula sa mga taong tumiwalag dito?
Sinabi ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Iginigiit ng ilan na pag-aralan ang Simbahan ayon sa pananaw ng mga tumiwalag dito—na parang kinakapanayam si Judas upang makilala si Jesus. Ang mga tumiwalag ay laging mas maraming sinasabi sa atin tungkol sa kanilang sarili kaysa sa tinalikuran nila.
(Neal A. Maxwell, “All Hell Is Moved” [Brigham Young University devotional, Nob. 8, 1977], 3, speeches.byu.edu)
Paano espirituwal na makakaapekto sa akin ang pinili kong mga source ng impormasyon?
Panoorin ang video na “Sources na Itinalaga ng Diyos” (9:16), matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org. Alamin kung paano naapektuhan ang mga kabataan sa video ng kung sino ang pinili nilang pakinggan at ng kung saan nila piniling maghanap ng mga sagot.
Ang video na “Pagtuklas ng Katotohanan” (4:48), matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, ay maaari ding kapaki-pakinabang.