Lucas 3:7–14
Ang Kagalakan ng Pagsisisi
Ang pag-anyaya sa mga taong magsisi ay isang paraan ng pagtulong ni Juan na Tagapagbautismo sa mga tao na ihanda ang kanilang sarili na tanggapin si Jesucristo. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan kang mas maunawaan kung ano ang pagsisisi at ang kagalakang dulot ng palaging pagsisisi.
Ano ang nagdudulot sa iyo ng kagalakan?
Pag-isipan kung ano ang nagdudulot sa iyo ng kagalakan. Maaari mong ilista ang lahat ng alam mong halimbawa sa loob ng 30 segundo.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson ang sumusunod tungkol sa kung paano tayo magkakaroon ng kagalakan sa ating buhay:
Kapag pinipili nating magsisi, pinipili nating magbago! Tinutulutan natin ang Tagapagligtas na baguhin tayo at gawin tayong pinakamabuting bersyon ng ating sarili. Pinipili nating umunlad sa espirituwal at magkaroon ng kagalakan—ang kagalakan na matubos Niya.
(Russell M. Nelson, “Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” Ensign o Liahona, Mayo 2019, 67)
Ang pagsisisi ay pagbabago sa pamamagitan ng pagtalikod sa kasalanan at paglapit sa Diyos sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Magsisi, Pagsisisi,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).
-
Inilagay mo ba ang pagsisisi sa iyong listahan ng mga bagay na nagdudulot sa iyo ng kagalakan? Bakit oo o bakit hindi?
-
Kung hindi mo itinuturing ang pagsisisi bilang isang bagay na nagdudulot sa iyo ng kagalakan, ano ang nararamdaman mo kapag iniisip mo ang pagsisisi? Bakit?
-
Bakit maaaring hindi kaagad makadama ng kagalakan ang isang tao habang nagsisisi?
Pag-isipan ang anumang tanong mo tungkol sa pagsisisi. Kalaunan sa lesson, magkakaroon ka ng pagkakataong maghanap ng mga sagot sa mga tanong na ito.
“Magsisi kayo. … Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon”
Upang matulungang ihanda ang mga tao sa pagtanggap kay Jesucristo, inanyayahan sila ni Juan na Tagapagbautismo na magsisi (tingnan sa Mateo 3:1–3).
Sa nakaraang lesson, pinag-aralan mo ang itinala nina Marcos at Mateo tungkol kay Juan na Tagapagbautismo. Nagdagdag si Lucas ng iba pang detalye tungkol kay Juan. Basahin ang Lucas 3:10–14, at tingnan kung paano tinulungan ni Juan ang mga tao na magsisi.
-
Anong mga pagbabago ang ipinagagawa ni Juan sa mga tao?
-
Paano nakatulong ang mga pagbabagong ito sa mga tao para talikuran nila ang mga kasalanan at maging handang tanggapin at sundin si Jesucristo?
Pag-aralan ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson. Habang ginagawa mo ito, pagtuunan ng pansin ang itinuturo ng Espiritu Santo sa iyo tungkol sa pagsisisi at sa Tagapagligtas na si Jesucristo.
Itinuturing ng maraming tao na parusa ang pagsisisi—isang bagay na dapat iwasan maliban sa pinakamatitinding sitwasyon. Ngunit ang pakiramdan na pinaparusahan tayo ay galing kay Satanas. Tinatangka niyang hadlangan tayo na umasa kay Jesucristo, na nakatayong nakaunat ang mga kamay, umaasa at handa tayong pagalingin, patawarin, linisin, palakasin, dalisayin, at pabanalin.
Ang salita para sa pagsisisi sa Bagong Tipan sa wikang Griyego ay metanoeo. Ang kahulugan ng unlaping meta- ay “pagbabago.” Ang hulapi na -noeo ay nauugnay sa mga salitang Griyego na ang ibig sabihin ay “pag-iisip,” “kaalaman,” “espiritu,” at “hininga.”
Kaya, sa pag-uutos ni Jesus sa inyo at sa akin na “mangagsisi” [Lucas 13:3, 5], inaanyayahan Niya tayong baguhin ang ating pag-iisip, kaalaman, espiritu—maging ang paraan ng paghinga natin. Iniuutos Niya sa atin na baguhin natin kung paano tayo magmahal, mag-isip, maglingkod, gumugol ng ating oras, makitungo sa ating asawa, magturo sa ating mga anak, at maging ang pangangalaga natin sa ating katawan.
Wala nang mas nagpapalaya, mas nagpapabanal, o mas mahalaga sa ating indibiduwal na pag-unlad kaysa sa regular at araw-araw na pagtutuon sa pagsisisi. Ang pagsisisi ay hindi ginagawa nang isang beses lang, ito ay isang proseso. Ito ay susi sa kaligayahan at kapayapaan ng isipan. Kapag nilakipan ng pananampalataya, ang pagsisisi ay nagiging daan para magamit natin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Kung kayo man ay masigasig na sumusulong sa landas ng tipan, nalihis o nawala sa landas ng tipan, o hindi na natatanaw ang landas ng tipan mula sa lugar kung saan kayo naroroon, nakikiusap ako sa inyo na magsisi kayo. Danasin ang nagpapalakas na kapangyarihan ng araw-araw na pagsisisi—ng paggawa at pagiging mas mabuti sa bawat araw.
(Russell M. Nelson, “Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” Ensign o Liahona, Mayo 2019, 67)
-
Ano ang pinakamahalaga sa iyo mula sa mga turo ni Pangulong Nelson tungkol sa pagsisisi at kay Jesucristo?
-
Kailan mo nasaksihan ang pagpapalang hatid ng pagsisisi sa iyong sarili o sa ibang tao?
-
Sa iyong palagay, bakit lubos na umaasa ang Tagapagligtas na magsisisi tayo at handa Siyang patawarin tayo?
Sa susunod na ilang minuto, pipili ka at pag-aaralan mo ang isang partikular na aspekto ng pagsisisi na tutulong sa iyo na mas mapalapit kay Jesucristo at maging higit na katulad Niya, mas matamo ang Kanyang kapangyarihan at kapayapaan, at makaramdam ng higit pang kagalakan. Ang mga sumusunod ay ang mga partikular na aspekto ng pagsisisi na maaari mong pag-aralan. Pumili ng isa sa mga ito upang pag-aralan, o pag-aralan ang isa sa sarili mong mga tanong tungkol sa paksa ng pagsisisi.
-
Paano ako magsisisi?
-
Paano ako makadarama ng higit na kagalakan sa pagsisisi?
-
Paano ko madadaig ang takot na magsisi?
-
Ano ang maaaring kaakibat ng isang regular at araw-araw na pagtutuon sa pagsisisi, o ano ang idudulot nito sa aking buhay?
Ang mga sumusunod ay ilang partikular na resource na makatutulong sa iyo na maunawaan nang mas malalim ang tungkol sa pagsisisi. Makukuha ang mga ito sa ChurchofJesusChrist.org o sa Gospel Library app. Ang mga ito at ang iba pang resource ay magagamit para matulungan ka sa iyong pag-aaral tungkol sa aspekto ng pagsisisi na pinili mo. Maaari kang magtala at magmarka ng mga detalyeng pinakamahalaga sa iyo.
-
Para sa Lakas ng mga Kabataan [booklet, 2011], “Pagsisisi,” 28–29
-
Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Pagsisisi,” “Kapatawaran, Pagpapatawad,” topics.ChurchofJesusChrist.org
-
Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Magsisi, Pagsisisi,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org
-
Mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya tulad ng kay Russell M. Nelson, “Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” Ensign o Liahona, Mayo 2019, 67–69
-
Dale G. Renlund, “Pagsisisi: Isang Pagpiling Puno ng Kagalakan,” Ensign o Liahona, Nob. 2016, 121–24
1.
-
Ano ang natutuhan mo sa iyong pag-aaral?
-
Anong payo ang ibibigay mo sa isang taong nahihirapang maunawaan kung bakit niya kailangang magsisi? Ano ang gusto mong malaman at maunawaan niya tungkol kay Jesucristo?
-
Ano ang nakatulong sa iyo na magkaroon ng patotoo o mapalakas ang iyong patotoo tungkol sa kagalakan ng pagsisisi sa pamamagitan ni Jesucristo?
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Lucas 3:7. Bakit tinawag ni Juan ang mga tao na “lahi ng mga ulupong”?
Ang ulupong sa Palestina ang pinakakaraniwang makamandag na ahas na makikita sa Israel. Ang mga ulupong ay aktibo sa gabi at karaniwang umaatake nang nakatago at nag-aabang ng mabibiktima. Sa banta ng panganib, pinupulupot ng mga ulupong ang kanilang katawan, sumasagitsit ang mga ito, at inaatake ang kalaban. Gayundin, itinuring na banta ng mga Fariseo at Saduceo si Juan dahil marami siyang nailayong tao mula sa kanilang mga maling turo.
Lucas 3:8. Ano ang ibig sabihin ng “mamunga … ng karapat-dapat sa pagsisisi”?
Sa mga banal na kasulatan, ang mga uri ng mga tao ay karaniwang sinisimbolo ng mga punungkahoy na may mabuti o masamang bunga. Ang “mamunga … ng karapat-dapat sa pagsisisi” ay nangangahulugang dapat nating baguhin ang ating mga hangarin at kilos upang masunod ang mga turo ng Diyos.
Lucas 3:12. Ano ang mga maniningil ng buwis?
Sa sinaunang Roma, ang mga maniningil ng buwis ay nagtatrabaho para sa pamahalaang Romano. Ang mga maniningil ng buwis ay karaniwang kinapopootan ng mga Judio, dahil itinuturing sila ng mga tao bilang taksil sa kanilang sariling bansa at dahil madalas silang naniningil nang sobra sa buwis na kinakailangan (tingnan sa Joseph Smith Translation, Luke 3:19–20 [sa Joseph Smith Translation Appendix]; Luke 3:12–13). Agad na tinanggap ng ilang maniningil ng buwis ang ebanghelyo (tingnan sa Mateo 9:9–10; Lucas 19:1–10; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Maniningil ng Buwis,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).
Naililigtas ba tayo ng pagsisisi?
Hindi lang pagsisisi ang nagliligtas sa tao. Ang dugo ni Jesucristo ang siyang nagliligtas sa atin. Hindi lamang sa ating taos-puso at tapat na pagbabago ng ugali kung kaya tayo naliligtas, kundi “sa pamamagitan ng biyaya, sa kabila ng lahat ng ating magagawa” (2 Nephi 25:23). Gayunpaman, tunay na pagsisisi ang kailangan upang mapatawad tayo ng Diyos. Ang tunay na pagsisisi ay ginagawang “maningning na araw ang napakadilim na gabi” (Spencer W. Kimball, The Miracle of Forgiveness [1969], 362).
(Dieter F. Uchtdorf, “Hangganan ng Ligtas na Pagbalik,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 100)