Seminary
Mateo 4:1–11, Bahagi 1


Mateo 4:1–11, Bahagi 1

Napaglabanan ni Jesucristo ang mga Tukso ni Satanas

Christ standing on a rocky ledge as He rebukes Satan who appears below Him. The painting depicts the event wherein Satan tried to tempt Christ after Christ’s forty day fast in the wilderness. Christ is commanding Satan to depart from His presence.

Pagkatapos mabinyagan ng Tagapagligtas, nagpunta Siya sa ilang upang makasama ang Diyos (tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 4:1 [sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia]). Tinukso Siya ni Satanas, ngunit napaglabanan Niya ang mga tukso. Sa lesson na ito, matutukoy mo ang mga alituntunin na tutulong sa iyong tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa paglaban sa mga tukso ni Satanas.

Nahaharap tayong lahat sa tukso

Sa iyong study journal o sa isang hiwalay na piraso ng papel, gumuhit ng stick figure na kumakatawan sa isang taong kaedad mo. Sa tabi ng larawan, magsulat ng dalawa o tatlong tuksong maaaring kaharapin ng taong ito.

  • Bakit posibleng magpadaig ang taong ito sa mga tuksong ito?

  • Paano bubuti ang kanyang buhay kung mapaglalabanan niya ang mga tuksong ito?

  • Anong mga pagpapala ang naranasan mo nang mapaglabanan mo ang tukso?

Habang nag-aaral ka ngayon, isipin ang mga tuksong kinakaharap mo. Hangarin ang inspirasyon ng Espiritu Santo habang inaalam mo ang matututuhan mo mula sa halimbawa ng Tagapagligtas tungkol sa kung paano mapaglalabanan ang mga tuksong ito at ang mga tukso sa hinaharap.

Hinarap at napaglabanan ni Jesucristo ang mga tukso

Itinuturo ng mga banal na kasulatan na dumanas ang Tagapagligtas ng lahat ng uri ng tukso “subalit hindi siya nagpadaig sa mga ito” (Doktrina at mga Tipan 20:22; tingnan din sa Mosias 15:5; Alma 7:11).

May nangyari pagkatapos ng Kanyang binyag, nang pumunta Siya sa ilang upang makasama ang Diyos (tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 4:1 [sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia]).  Pagkatapos manalangin ni Jesus sa Diyos nang 40 araw, dumating si Satanas upang tuksuhin Siya (tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 4:2 [sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia]).  Sa pag-aaral ng pangyayaring ito sa buhay ng Tagapagligtas, matututo tayo ng mga paraan mula sa Kanyang halimbawa kung paano mapaglalabanan ang kinakaharap nating mga tukso.

Para sa salaysay na ito, nagbigay ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng mga pagbabago at paglilinaw na makatutulong sa atin na maunawaan ang mga banal na kasulatan nang mas mabuti. (Maaari mong balikan ang impormasyon sa Pagsasalin ni Joseph Smith sa lesson na “Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan”.)

Habang ginagamit mo ang Pagsasalin ni Joseph Smith sa sumusunod na aktibidad, pansinin kung paano napalalawak ng paggamit nito ang iyong pag-unawa sa mga banal na kasulatan. Pagtuunan ng pansin ang mga impresyon mula sa Espiritu Santo, at isulat ang anumang pahiwatig na matatanggap mo.

Basahin nang mabuti ang Mateo 4:1–11, kabilang na ang mga pagbabagong ibinigay sa Pagsasalin ni Joseph Smith. Tumukoy ng mga paraan kung paano kukumpletuhin ang pahayag na ito: Makatutulong ang __________________ para mapaglabanan natin ang tukso.

Maaari mong gamitin ang sumusunod na chart para matulungan ka.

Ang inudyok ni Satanas na gawin ni Jesus

Ang itinugon ni Jesus sa tukso

Mateo 4:1–4

Mateo 4:5–7

Mateo 4:8–11

Writing on a piece of paper with a pen or pencil. 1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong study journal. Maaari kang magdagdag ng anumang pahiwatig o impresyon na natanggap mo mula sa Espiritu Santo.

  • Anong mga alituntunin ang natukoy mo mula sa halimbawa ng Tagapagligtas?

  • Paano ka matutulungan ng mga alituntuning ito na matamo ang kapangyarihan ng Tagapagaligtas para mapaglabanan mo at ng ibang tao ang tukso?

  • Paano makatutulong ang paggamit ng Pagsasalin ni Joseph Smith sa iyong sariling pag-aaral ng banal na kasulatan para mapagbuti ang iyong pag-aaral at matulungan kang mas makilala pa ang Tagapagligtas?

Balikan ang drowing na ginawa mo sa simula ng lesson at ang mga natukoy mong alituntunin mula sa halimbawa ng Tagapagligtas sa Mateo 4:1–11.

Writing on a piece of paper with a pen or pencil. 2.

  • Sa palagay mo, aling alituntunin ang pinakamakatutulong sa taong idinrowing mo? Bakit?

  • Ano ang nalaman mo tungkol kay Jesucristo na maibabahagi mo sa taong ito? Paano ito makatutulong sa kanya?

Matutulungan tayo ng Tagapagligtas sa ating mga tukso

Isipin ang mga tuksong kinakaharap mo. Kung minsan, maaari tayong makonsensiya o maaari nating maramdamang makasalanan tayo dahil lang sa natutukso tayo. Gayunpaman, mahalagang malaman na hindi kasalanan ang mismong tukso—ngunit kasalanan kung magpapatukso ka rito. Dahil maging ang Tagapagligtas ay tinukso rin gayunma’y nanatiling walang kasalanan, alam nating matutulungan (madadamayan, maaalalayan, o masasaklolohan) Niya tayo sa ating mga tukso (tingnan sa Mga Hebreo 2:18; 4:15–16).Ipinaalala sa atin ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Ulisses Soares, Quorum of the Twelve Apostles official portrait.

Sa mga yaong sa anumang dahilan ay nahulog sa tukso at patuloy na nag-iisip o gumagawa ng mali, tinitiyak ko sa inyo na may paraan upang makapagsisi at makabalik, na may pag-asa kay Cristo.

(Ulisses Soares, “Saliksikin si Cristo sa Bawat Pag-iisip,” Ensign o Liahona, Nob. 2020, 84)

Writing on a piece of paper with a pen or pencil. 3.

  • Ano ang pinakakapaki-pakinabang na konseptong natutuhan mo tungkol sa Tagapagligtas sa lesson na ito? Bakit ito kapaki-pakinabang para sa iyo?

  • Nang hindi inilalarawan ang iyong mga partikular na tukso, anong bagay ang nahihikayat kang gawin upang mas lubos kang umasa sa tulong ng Tagapagligtas na mapaglabanan ang tukso?

Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?

Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 4:1, 5–6, 8–9, 11. Anong mga rebisyon ang ginawa ni Joseph Smith sa Mateo 4:1, 5–6, 8–9, 11 sa kanyang inspiradong pagsasalin?

[Isinasaad ng mga naka-italicize na salita ang mga inspiradong rebisyong ginawa ni Joseph Smith.]

1 Nang magkagayon ay inakay ng Espiritu si Jesus sa ilang, upang makasama ang Diyos.

[2 Siya ay apatnapung araw at apatnapung gabing nag-ayuno, at nanalangin sa Diyos, pagkatapos ay nagutom siya, at iniwan upang tuksuhin ng diyablo.]

5 Nang magkagayon ay dinala si Jesus sa bayang banal, at inilapag siya ng Espiritu sa taluktok ng templo.

6 Sa gayon ang diyablo ay lumapit sa kanya at nagsabi, Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka, sapagkat nasusulat, Ihahabilin ka niya sa kanyang mga anghel, at aalalayan ka ng kanilang mga kamay, at baka ka matisod sa bato.

8 At muli, si Jesus ay napasa-Espiritu, at dinala siya nito sa isang bundok na lubhang mataas, at ipinamalas sa kanya ang lahat ng kaharian sa daigdig at ang kaluwalhatian nito.

9 At ang diyablo ay muling lumapit sa kanya, at nagsabi, Lahat ng ito ay ibibigay ko sa iyo, kung ikaw ay magpapatirapa at sasamba sa akin.

11 At ngayon napag-alaman ni Jesus na si Juan ay itinapon sa bilangguan, at nagsugo siya ng mga anghel, at, masdan, sila ay nagsidating at naglingkod sa kanya.

Bakit mahalaga na maging maingat ako sa aking mga iniisip sa paglaban sa tukso?

Inilarawan ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol ang isang paraan kung paano natin matutularan ang halimbawa ng Tagapagligtas para mapaglabanan ang tukso. Panoorin ang “Saliksikin si Cristo sa Bawat Pag-iisip” mula sa time code na 10:56 hanggang 12:37 (mapapanood sa ChurchofJesusChrist.org), o basahin ang sumusunod na pahayag.

14:47

Saliksikin si Cristo sa Bawat Pag-iisip

Itinuro ni Elder Soares na ang pagkakaroon natin ng mga banal na pag-iisip at hangarin ay nakatutulong sa atin na mapaglabanan ang tukso.

Elder Ulisses Soares, Quorum of the Twelve Apostles official portrait.

Habang naghahandang isakatuparan ang Kanyang banal na misyon sa mundo, ipinakita ng Tagapagligtas na si Jesucristo ang kahalagahan ng patuloy na paglaban sa lahat ng maaaring pumigil sa atin na isakatuparan ang ating walang-hanggang layunin. Matapos ang ilang bigong pagsalakay ng kaaway, na nagtangkang ilihis Siya mula sa Kanyang misyon, walang pag-aalinlangang pinaalis ng Tagapagligtas ang diyablo sa pagsasabing: “Lumayas ka, Satanas. … Pagkatapos nito’y iniwan siya ng diyablo at dumating ang mga anghel at pinaglingkuran siya.”

Naiisip ba ninyo, mga kapatid, ang mangyayari kung makahuhugot tayo ng lakas at tapang mula sa Tagapagligtas at makapagsasabi tayo ng “Hindi” at “Lumayas ka” sa mga hindi banal na bagay sa unang sandali pa lang na pumasok ang mga ito sa ating isipan? Ano kaya ang magiging epekto nito sa mga hangarin ng ating mga puso? Paanong ang mga susunod nating gagawin ay makapaglalapit sa atin sa Tagapagligtas at makapagtutulot sa patuloy na impluwensya ng Espiritu Santo sa ating mga buhay? Alam ko na sa pamamagitan ng pagsunod sa halimbawa ni Jesus, maiiwasan natin ang maraming trahedya at hindi kanais-nais na pag-uugali na maaaring maging sanhi ng mga problema at alitan sa pamilya, negatibong emosyon at pagkahilig, paggawa ng mga bagay na hindi makatarungan at pang-aabuso, pagkaalipin sa masasamang adiksyon, at anupamang bagay na makalalabag sa mga kautusan ng Panginoon.

(Ulisses Soares, “Saliksikin si Cristo sa Bawat Pag-iisip,” Ensign o Liahona, Nob. 2020, 84–85)

Bakit ko gugustuhing mapaglabanan ang tukso?

5:10

Stay within the Lines

Just as athletes must stay within lines to compete in sports, those who are called to labor in the Lord's work must stay within the lines of worthiness.

Paano ako matutulungan ng mga banal na kasulatan na mapaglabanan ang mga tukso?

Ipinaliwanag ni Elder Kelly R. Johnson ng Pitumpu:

Sa pamamagitan ng paghahanda, lumago ang kapangyarihan ng Tagapagligtas at nagawa Niyang labanan ang lahat ng tukso ni Satanas. Kapag sinunod natin ang halimbawa ng Tagapagligtas at naghanda tayo sa pamamagitan ng pag-aaral ng salita ng Diyos at pagpapalalim ng ating pananampalataya, magagamit din natin ang kapangyarihan ng Diyos upang labanan ang mga tukso.

(Kelly R. Johnson, “Kapangyarihang Makapagtiis,” Ensign o Liahona, Nob. 2020, 113)