Seminary
Juan 3:1–8


Juan 3:1–8

“Kailangang Kayo’y Ipanganak na Muli”

Sina Jesus at Nicodemo

Si Nicodemo ay isang Fariseo at isang “pinuno ng mga Judio” (Juan 3:1). Nang gabi na, pumunta siya sa Tagapagligtas upang magtanong ng mahahalagang bagay tungkol sa kaligtasan. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan at madama ang kahalagahan ng ipanganak na muli “ng tubig at ng Espiritu” (Juan 3:5) upang makapasok sa kaharian ng Diyos.

Isang hangaring magbago

Mag-isip ng isang sitwasyon tungkol sa isang tinedyer na gustong magbago, mas mapalapit sa Tagapagligtas, at makadama ng higit na kapayapaan ngunit hindi siya sigurado kung paano ito gagawin. Mag-isip ng mga partikular na bagay na maaaring nais baguhin ng taong ito at ilang paghihirap na malamang na maranasan niya sa pagbabago. Maaari mo ring isipin ang mga karanasan mo o ng iba sa paggawa ng magagandang pagbabago na makapagbibigay sa tinedyer na ito ng pag-asa na maaari siyang magbago.

  • Sa iyong palagay, bakit hinihiling ng Ama sa Langit ang pagbabago sa mga nagnanais na pumasok sa Kanyang kaharian?

Sa iyong study journal, magsulat ng ilang paraan kung saan naramdaman mong dapat kang magbago at maging higit na katulad ni Jesucristo. Sa buong lesson na ito, hilingin ang inspirasyon ng Espiritu Santo habang natututuhan mo kung paano hingin ang tulong ng Tagapagligtas sa paggawa ng mga pagbabagong nais Niyang gawin mo.

Itinuro ni Jesus kay Nicodemo ang tungkol sa pagiging ipinanganak na muli

Nang gabi na, may isang lalaking nagngangalang Nicodemo ang pumunta kay Jesus. Si Nicodemo ay isang Fariseo at pinuno ng mga Judio. Kalaunan ay ipinagtanggol niya si Cristo sa harap ng mga Fariseo (tingnan sa Juan 7:50–53) at sumama sa mga nananampalataya sa paglilibing kay Jesus (tingnan sa Juan 19:39–40). Pinuntahan ni Nicodemo ang Tagapagligtas nang gabing ito na kinilala na si Jesus ay “isang guro na mula sa Diyos” (Juan 3:2).

icon ng Doctrinal Mastery Ang John 3:5 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong markahan ang mga doctrinal mastery passage sa paraang madali mong mahahanap ang mga ito. Marami ka pang matututuhan tungkol sa doctrinal mastery passage na ito sa susunod na lesson.

Basahin ang Juan 3:1–5, at hanapin ang itinuro ng Tagapagligtas kay Nicodemo na kailangan niyang gawin upang makapasok sa kaharian ng Diyos.

  • Sa iyong palagay, ano ang ibig sabihin ng “ipanganak na muli”? (Juan 3:3).

  • Sa iyong palagay, bakit kailangan nating ipanganak na muli upang makita natin ang kaharian ng Diyos?

  • Nang hindi maunawaan ni Nicodemo kung paano ipanganak na muli, ano ang itinuro ng Tagapagligtas (ayon sa nakatala sa talata 5)?

Ang isa sa mga alituntuning natutuhan natin mula sa mga turo ng Tagapagligtas kay Nicodemo ay kailangan tayong ipanganak ng tubig at ng Espiritu upang makapasok sa kaharian ng Diyos.

  • Ano sa palagay mo ang kahulugan ng ipanganak ng tubig at ng Espiritu?

  • Sa iyong palagay, paano makatutulong ang binyag at kumpirmasyon upang tayo ay ipanganak na muli at makapasok sa kaharian ng Diyos?

  • Ano ang itinuro ng Tagapagligtas kay Nicodemo na nais mong maunawaan ng tao sa sitwasyong ginawa mo?

Ang binyag at kumpirmasyon ay dalawa sa mga kinakailangang ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan na kailangang matanggap ng bawat tao upang mamana ang kahariang selestiyal. Ang mga ordenansang ito ang pasukan kung saan tayo papasok upang makarating sa landas ng tipan na patungo sa buhay na walang hanggan (tingnan sa 2 Nephi 31:17–20). Habang tinatahak natin ang landas na ito at tinutupad natin ang ating mga tipan, nakararanas tayo ng pagbabago at espirituwal na pagsilang na muli. Ipinaliwanag ng propetang si Alma sa Aklat ni Mormon ang ginagampanan ng Tagapagligtas sa pagbibigay-kakayahan sa atin na ipanganak na muli. Basahin ang Alma 7:14, at alamin kung paano tayo matutulungan ng Tagapagligtas na ipanganak na muli.

  • Ano ang ginagampanan ng Tagapagligtas sa pagtulong sa atin na ipanganak na muli?

Mula sa 2 Nephi 31:17, nalaman din natin ang ginagampanan ng Espiritu Santo sa pagtulong sa atin na ipanganak na muli: “At pagkatapos darating ang kapatawaran ng inyong mga kasalanan sa pamamagitan ng apoy at ng Espiritu Santo.”

  • Ano ang ginagampanan ng Espiritu Santo sa pagtulong sa atin na ipanganak na muli?

 ChurchofJesusChrist.org

4:39

A Change of Heart

A young man in Honduras was drifting toward a life of apathy, selfishness, and trouble until a friend showed him he was born for so much more.

  • Ano ang ilang pagbabagong ginawa mo o ng isang taong kilala mo upang maging higit na katulad ni Jesucristo?

  • Ano ang papel na ginampanan ng mga ordenansa ng binyag at kumpirmasyon sa mga pagbabagong ito?

Kung minsan, iniisip natin kung ano na ang nagagawa natin sa sarili nating espirituwal na pagsilang na muli. Itinuro ng Tagapagligtas sa Juan 3:8 na nararamdaman at naririnig natin ang ugong ng hangin ngunit hindi natin nalalaman kung saan ito nanggagaling o kung saan ito patutungo. Gayundin, hindi natin palaging mauunawaan kung kailan nagsisimula ang pagiging ipinanganak na muli, ni kung paano nangyayari ang mga pagbabago sa ating puso. Gayunman, makikita natin ang mga epekto nito kapag nagbago ang ating mga hangarin at ginagawa (tingnan sa Mosias 5:1–2). Isulat sa iyong study journal ang mga katibayang nakikita mo na tinutulungan ka ng Tagapagligtas na magbago. Bigyang-pansin ang anumang pahiwatig, ideya, at impresyong maaaring matanggap mo mula sa Espiritu.

Pagtulong sa kapwa

icon ng pagsusulat sa journal1. Gawin ang mga sumusunod na aktibidad sa iyong study journal:

Isipin ang sitwasyong ginawa mo sa simula ng lesson. Pagnilayan ang natutuhan at nadama mo ngayon. Sumulat ng maikling liham sa tinedyer mula sa iyong sitwasyon at ipaliwanag kung paano siya matutulungan ng Tagapagligtas na magbago. Matutulungan ka ng mga sumusunod na tanong habang ginagawa mo ito:

  • Ano sa palagay mo ang magagawa ng taong ito upang makahingi ng tulong sa Tagapagligtas para sa kanyang pagbabago? Sa iyong palagay, bakit makatutulong ang mga gagawin niyang iyon?

  • Paano makatutulong ang mga ordenansa ng binyag, kumpirmasyon, at pagtanggap ng mga sagisag ng sakramento sa pagbabago at pagsilang na muli ng taong ito?

  • Ano ang natutuhan mo tungkol kay Jesucristo nang maranasan mo ang proseso ng pagiging ipinanganak na muli o nang makita mo ang prosesong ito sa iba?

Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?

Ano ang ibig sabihin ng ipinanganak na muli?

Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder David A. Bednar

Paulit-ulit na itinuturo ng mga awtorisadong tagapaglingkod ng Panginoon na isa sa mga pangunahing layunin ng ating buhay sa lupa ay espirituwal na magbago at mapanibago sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. …

Tinagubilinan tayong “lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya, at pagkaitan ang [ating sarili] ng lahat ng kasamaan” (Moroni 10:32), upang maging “[mga] bagong nilalang” kay Cristo (tingnan sa 2 Corinto 5:17), na hubarin ang “likas na tao” (Mosias 3:19), at danasin ang “malaking pagbabago sa [atin], o sa [ating] mga puso, kaya nga [tayo] ay wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti” (Mosias 5:2). Pansinin na ang pagbabalik-loob na inilarawan sa mga talatang ito ay malaki, hindi maliit—isang espirituwal na pagsilang na muli at mahalagang pagbabago sa nadarama at hangarin natin, sa iniisip at ginagawa natin, at kung ano tayo. Sa katunayan, kaakibat ng pinakadiwa ng ebanghelyo ni Jesucristo ang isang pangunahin at permanenteng pagbabago ng ating likas na pagkatao na ginawang posible ng ating pag-asa sa “kabutihan, at awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas” (2 Nephi 2:8). Sa pagpili nating sundin ang Panginoon, pinipili nating magbago—na espirituwal na isilang na muli.

(David A. Bednar, “Kinakailangan Ngang Kayo’y Ipanganak na Muli,” Liahona, Mayo 2007, 19–20)

Paano ako ipapanganak na muli?

Si Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagbigay ng mensahe na pinamagatang “Panatilihin sa Tuwina ang Kapatawaran ng Inyong mga Kasalanan” (Liahona, Mayo 2016, 59–62) na naglalaman ng mga ideya tungkol sa tanong na ito.

Bakit mahirap matukoy kung ako ay ipinanganak na muli?

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder D. Todd Christofferson

Maaaring itanong ninyo, Bakit hindi nangyayari sa akin nang mabilis ang malaking pagbabagong ito? … Para sa karamihan sa atin, mas dahan-dahan ang mga pagbabago at matagal bago dumating. Ang pagsilang muli … ay isang proseso sa halip na pangyayari. At ang pakikibahagi sa prosesong iyon ang [pangunahing] layunin ng mortalidad.

At kasabay nito, huwag tayong mangatwiran na pangkaraniwang pagsisikap lamang ang gagawin natin. Huwag tayong masiyahan na magtira pa ng kaunting hangarin na gumawa ng masama. Mamuhay tayo nang marapat upang makibahagi sa sacrament bawat linggo at patuloy na lumapit sa Banal na Espiritu upang matanggal ang anumang natitirang karumihan sa atin. Pinatototohanan ko na habang patuloy kayo sa landas ng espirituwal na pagsilang na muli, tatanggalin ng nagbabayad-salang biyaya ni Jesucristo ang inyong mga kasalanan at ang mga mantsa ng kasalanang iyon sa inyo, hindi na magiging kaakit-akit ang mga tukso, at sa pamamagitan ni Cristo kayo ay magiging banal, tulad Niya at ng Ama na banal.

(D. Todd Christofferson, “Isinilang na Muli,” Liahona, Mayo 2008, 78)

Ano ang pagkakaiba ng “makikita” ang kaharian ng Diyos at “makakapasok” sa kaharian ng Diyos?

Itinuro ni Propetang Joseph Smith (1805–44) ang tungkol sa mga salita ng Tagapagligtas sa [Juan 3:3, 5], na tumutukoy sa “makikita” ang kaharian ng Diyos at “makakapasok” sa kaharian ng Diyos: “Isang bagay ang makita ang kaharian ng Diyos, at isa pang bagay ang makapasok dito. Dapat tayong magkaroon ng pagbabago ng puso upang makita ang kaharian ng Diyos, at lubos na tanggapin ang lahat ng kinakailangang ordenansa upang makapasok doon” (sa Journal, December 1842–June 1844; Book 3, 15 July 1843–29 February 1844, 130, josephsmithpapers.org]. Kapag “nakikita” ng isang tao ang kaharian ng Diyos, pinapangyari ng Espiritu Santo na magkaroon ang taong iyon ng malaking “pagbabago [ng] puso” (tingnan sa Alma 5:14). Pagkatapos ay dapat tanggapin ng tao ang mga ordenansa ng ebanghelyo upang “makapasok” sa kaharian ng Diyos.

(“John 2–4,” sa New Testament Student Manual [2018], ChurchofJesusChrist.org)