Doctrinal Mastery: 1 Corinto 6:19–20
“Ang Inyong Katawan ay Templo ng Espiritu Santo”
Sa pag-aaral mo ng 1 Corinto 6, natutuhan mo ang tungkol sa pamantayan ng Panginoon sa kadalisayan ng puri at ang kahalagahan ng iyong pisikal na katawan. Tutulungan ka ng lesson na ito na madagdagan ang iyong kaalaman sa mga turong ito sa pamamagitan ng pagbibigay sa iyo ng pagkakataong isaulo ang reperensya at mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa 1 Corinto 6:19–20, ipaliwanag ang doktrina, at gamitin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa isang sitwasyon sa tunay na buhay.
Ipaliwanag at isaulo
Ipagpalagay na ikaw ay nasa talakayan sa klase o korum nang magtanong ang isang nakababatang kaklase sa titser, “Ano po ba talaga ang batas ng kalinisang-puri?” Hiniling ng titser sa ibang estudyante, pati sa iyo, na sagutin ito.
Gamit ang mga katotohanang itinuro sa doctrinal mastery passage na 1 Corinto 6:19–20, planuhin kung ano ang maaari mong ibahagi sa iyong mga kaklase upang tulungan silang maunawaan ang pamantayan ng Panginoon sa kadalisayan ng puri, o kalinisang-puri, at kung bakit ito mahalaga.
Upang matulungan kang isaulo ang reperensya para sa doctrinal mastery passage na 1 Corinto 6:19–20 at ang mahalagang parirala nito na, “Ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo,” maaari kang gumawa ng image, meme, o collage ng mga larawan na kakatawan sa passage na ito at sa itinurong doktrina. Ang visual na gagawin mo ay dapat madaling tandaan ngunit dapat ay may pagpipitagan at may respeto rin sa banal na kasulatan at sa doktrinang itinuturo nito. Maaari mong gamitin ang larawang idinrowing mo na isang taong nakatayo sa tabi ng templo sa aktibidad para sa lesson sa 1 Corinto 6. Tiyaking isulat ang reperensyang 1 Corinto 6:19–20 at ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan malapit sa ginawa mong larawan.
Habang tinitingnan ang visual representation na ginawa o pinili mo, ulitin ang scripture passage reference at ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan sa iyong isip hanggang sa palagay mo ay nakabisado mo na ang mga ito.
Pagsasanay para sa pagsasabuhay
Sa iyong study journal, isulat sandali kung ano ang nalalaman at naaalala mo tungkol sa mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman nang hindi sumasangguni sa iba pang source. Kapag natapos ka na, sumangguni sa Doctrinal Mastery Core Document (2023) para tingnan kung sapat ang kaalaman mo at magdagdag ng anumang mahalagang impormasyon na maaaring nakaligtaan mo.
Isipin ang sumusunod na sitwasyon. Pagkatapos ay sagutin ang mga kasunod na tanong na gumagamit ng mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman at ng doktrinang itinuro sa 1 Corinto 6:19–20 na ang ating mga katawan ay mga templo ng Diyos kung saan maaaring manahan ang Espiritu. Bilang alternatibo, maaari ka ring gumawa ng ibang sitwasyon na mas nauugnay sa iyo o sa mga kabataan sa iyong lugar.
Lumaki ang isang tinedyer na nalalaman ang mga pamantayan ng Panginoon sa kalinisang-puri, ngunit matapos pumasok sa isang seryosong relasyon nang kaunting panahon, nakadama siya ng hangaring ipahayag ang kanyang nadarama sa pamamagitan ng pagkakaroon ng seksuwal na relasyon sa kanyang nobya. Mayroon siyang mga kapamilya at kaibigan na nagkaroon ng mga seksuwal na relasyon bago ikasal, at tila masaya silang lahat.
Suriin ang mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananaw
Binigyang-diin ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na “ang walang-hanggang kahalagahan ng kalinisang-puri ay mauunawaan lamang sa mas malawak na konteksto ng plano ng kaligayahan ng ating Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak” (“Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” Liahona, Mayo 2013, 41).
-
Anong mga partikular na aspeto ng plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit ang gusto mong maunawaan at pag-isipan ng isang tao sa sitwasyong ito?
-
Paano nakakaimpluwensya ang mga katotohanan sa 1 Corinto 6:19–20 sa pananaw mo sa batas ng kalinisang-puri at sa iyong ugnayan sa Panguluhang Diyos?
Hangarin na mas makaunawa sa pamamagitan ng sources na itinalaga ng Diyos
Maaari kang pumili ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na sources na itinalaga ng Diyos upang maghanap ng mga katotohanang magagamit at makatutulong sa sitwasyong pinili mo.
-
Exodo 20:14; Alma 38:12; Alma 39; 3 Nephi 12:27–30; Doktrina at mga Tipan 42:22–23
-
Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kalinisang-puri,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org
-
David A. Bednar, “Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” Liahona, Mayo 2013, 41–44
Sagutin ang sumusunod na tanong:
-
Ano ang nalaman mo na maaaring makatulong sa sitwasyong ito?
Kumilos nang may pananampalataya
-
Ano ang ilang iba’t ibang paraan na maaaring piliin ng isang indibiduwal para makakilos nang may pananampalataya sa sitwasyong ito?
-
Ano ang mga naranasan mo nang patnubayan ka ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na makatutulong sa iyong pagkatiwalaan Sila at sundin ang Kanilang mga turo?