1 Corinto 6
“Ang Inyong Katawan ay Templo ng Espiritu Santo”
Kung minsan, maaaring nadarama natin na ang laganap na imoralidad at seksuwal na kasalanan ay mga problemang nangyayari lang sa ating kasalukuyang panahon. Gayunpaman, sa kanyang sulat na halos 2,000 taon na ang nakalipas, si Pablo ay nagturo at nagbabala tungkol mismo sa mga kasalanang ito. Ang mga makapangyarihang turo ni Pablo ay nagpalakas at nagwasto sa mga Banal sa Corinto, at nagturo sa kanila pabalik sa landas ng tipan. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan ka na mas maunawaan ang kahalagahan ng iyong pisikal na katawan at ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kadalisayan ng puri.
Kadalisayan ng puri
Basahin ang mga sumusunod na pahayag tungkol sa kadalisayan ng puri. I-rate ang bawat pahayag sa scale na mula 1 hanggang 5 (1=lubos na hindi sumasang-ayon, 2=hindi sumasang-ayon, 3=neutral, 4=sumasang-ayon, 5=lubos na sumasang-ayon).
-
Nabubuhay tayo sa mundo kung saan iba-iba ang mga ideya ng mga tao tungkol sa kung anong mga seksuwal na pag-uugali at kilos ang katanggap-tanggap.
-
Nauunawaan ko ang pamantayan ng Panginoon sa kadalisayan ng puri (na kilala rin bilang batas ng kalinisang-puri).
-
Nais kong ipamuhay ang pamantayan ng Panginoon sa kadalisayan ng puri.
-
Natutukoy ko kung paano napagpapala ang aking buhay ng pamantayan ng Panginoon sa kadalisayan ng puri.
-
Mayroon akong mga tanong tungkol sa pamantayan ng Panginoon sa kadalisayan ng puri.
Maaari mong isulat sa iyong study journal ang nalalaman at pinaniniwalaan mo tungkol sa pamantayan ng Panginoon sa kadalisayan ng puri pati na rin ang mga tanong mo tungkol dito. Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, hingin ang patnubay ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Magsikap na tukuyin at matutuhan ang mga katotohanang makatutulong sa iyo na mas maunawaan at naising ipamuhay ang pamantayan ng Panginoon sa kadalisayan ng puri, at tutulong sa iyo na masagot ang mga tanong at alalahanin mo.
Itinuro ni Pablo ang batas ng kalinisang-puri ng Panginoon
Ang lungsod ng Corinto ay isang malaki at mayamang lungsod at pinaninirahan ng mga taong nagmula sa iba’t ibang kultura kung saan laganap ang seksuwal na kasalanan. Itinala ni Pablo ang pangangalunya (mga seksuwal na relasyon sa labas ng kasal), pakikiapid, at homoseksuwalidad bilang ilan sa mga karaniwang kasalanan ng mga taga Corinto (tingnan sa 1 Corinto 6:9–10).
Basahin ang mga turo ni Pablo sa 1 Corinto 6:18–20, at maaari mong markahan ang mga salita o pariralang naglalaman ng mga turo ng Diyos tungkol sa kadalisayan ng puri at kasagraduhan ng katawan ng tao.
-
Sa iyong palagay, anong mga katotohanan ang nais ng Panginoon na maunawaan mo mula sa mga talatang ito? Sa palagay mo, bakit nais ng Panginoon na maunawaan mo ang mga katotohanang iyon?
-
Paano maiimpluwensyahan ng mga katotohanang ito ang pananaw mo sa batas ng kalinisang-puri ng Panginoon?
Ang isang katotohanang matututuhan natin mula sa mga talatang ito ay ang ating mga katawan ay mga templo ng Diyos kung saan makapananahan ang Espiritu.
Paano kung sinuway ng isang tao ang batas ng kalinisang-puri? Habang nagtuturo sa mga taga Corinto, binanggit ni Pablo na ang ilan sa mga miyembrong taga Corinto ay nakagawa noon ng mga seksuwal na kasalanan (tingnan sa 1 Corinto 6:9–11). Ngunit nang sila ay magsisi at mabinyagan, nalinis sila sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Basahin ang 1 Corinto 6:11, at maaari mong markahan ang mga salita o pariralang ginamit ni Pablo upang tulungan ang mga taga Corinto na maunawaan ang nakalilinis na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na matatamo ng lahat ng indibiduwal.
-
Bakit mahalagang malaman na malilinis tayo ni Jesucristo mula sa seksuwal na kasalanan?
Basahin muli ang 1 Corinto 6:19–20, at alamin kung ano pa ang itinuro ni Pablo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.
-
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ni Pablo nang sabihin niyang “kayo ay hindi sa inyong sarili” at “kayo’y binili sa isang halaga”?
-
Paano nakakaapekto ang sakripisyo ng Tagapagligtas sa pananaw at pagtrato mo sa iyong pisikal na katawan?
Binigyang-diin ni Elder Jeffery R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kaugnayan ng kalinisang-puri at ng sakripisyo ni Jesucristo.
Ang katawan ay mahalagang bahagi ng kaluluwa ng tao. Ang katangi-tangi at napakahalagang doktrinang ito ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nagbibigay-diin kung bakit napakabigat ng kasalanang seksuwal. … Sa pagsasamantala sa katawan ng iba—na ibig sabihin ay pagsasamantala sa kanyang kaluluwa—nilalapastangan at hindi pinahahalagahan ng taong nagsamantala ang Pagbabayad-sala ni Cristo, na nagligtas sa kaluluwang iyon at nagawang posible na matamo ang kaloob na buhay na walang hanggan. …
Huwag sana ninyong sabihing: “Sino ang sinasaktan nito? Bakit hindi maaari ang kaunting kalayaan? Maaari akong lumabag ngayon at magsisi kalaunan.” Mangyaring huwag maging hangal at walang habag. Hindi mo “muling [maipapako] sa krus [si Cristo]” [tingnan sa Mga Hebreo 6:6] nang hindi ka maparurusahan. “Umiwas kayo sa pakikiapid” [1 Corinto 6:18], ang sabi ni Pablo, at umiwas sa “anumang bagay tulad nito” [Doktrina at mga Tipan 59:6; idinagdag ang pagbibigay-diin], ang idinagdag ng Doktrina at mga Tipan. Bakit? Ang isang dahilan ay ang di-maarok na pagdurusa sa katawan at espiritu na tiniis ng Tagapagligtas ng sanlibutan upang tayo ay makaiwas [tingnan lalo na sa Doktrina at mga Tipan 19:15–20]. Utang natin iyon sa Kanya. Sa katunayan, utang natin ang lahat sa Kanya.”
(Jeffrey R. Holland, “Personal Purity,” Ensign, Nob. 1998, 76)
Tulad ng pagpapayo ni Pablo sa mga Banal sa Corinto, ang mga tagapaglingkod ng Panginoon sa kasalukuyang panahon ay nagbibigay ng nauugnay na payo tungkol sa pamantayan ng Panginoon sa kadalisayan ng puri at sa kapangyarihang taglay ng Tagapagligtas na patawarin at linisin tayo. Basahin ang “Kadalisayan ng Puri,” Para sa Lakas ng mga Kabataan (buklet, 2011), 35–37, na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org o sa Gospel Library app, at alamin ang mga katotohanang makapagpapalakas sa iyo at makasasagot ng mga tanong mo.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa batas ng kalinisang-puri at para sa mga makabagong halimbawa ng mga kabataan na ipinamumuhay ito, maaari mong panoorin ang video na “I Choose to Be Pure” (4:19) o “Chastity: What Are the Limits” (3:59) na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.
Pagnilayan sandali ang anumang pahiwatig mula sa Espiritu Santo tungkol sa maaaring ipagawa sa iyo ng Panginoon dahil sa mga natutuhan at nadama mo ngayon.
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
1 Corinto 6:19. Bakit mahalaga kung itinuturing kong “templo ng Espiritu Santo” ang aking katawan?
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson kung paano makaaapekto sa ating buhay ang pagturing sa ating katawan bilang templo ng Diyos.
Dahil ang katawan ninyo ay mahalagang bahagi ng walang hanggang plano ng Diyos, hindi nakapagtataka na inilarawan ito ni Apostol Pablo bilang “templo ng Diyos” [1 Corinto 3:16; tingnan din sa 6:19]. Sa tuwing kayo ay titingin sa salamin, tingnan ang inyong katawan bilang inyong templo. Ang katotohanang iyan—na dapat pasalamatan bawat araw—ay makakaapektong mabuti sa ipapasiya ninyong paraan ng pangangalaga at paggamit ng inyong katawan.
(Russell M. Nelson, “Mga Pagpapasiya para sa Kawalang-Hanggan,” Liahona, Nob. 2013, 107)
Paano tayo tinutukso ni Satanas na gamitin sa maling paraan ang ating katawan?
Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkol sa ginagawang pagbaluktot ni Satanas [sa mahahalagang bahagi ng plano] at ang kahalagahan ng katawan.
Dahil napakahalaga ng pisikal na katawan sa plano ng kaligayahan ng Ama at sa ating espirituwal na pag-unlad, hangad ni Lucifer na hadlangan ang ating pag-unlad sa pamamagitan ng pagtukso sa atin na gamitin sa mali ang ating katawan. …
Ang paglabag sa batas ng kalinisang-puri ay napakabigat na kasalanan at maling paggamit ng ating pisikal na katawan. Sa mga nakaaalam at nakauunawa sa plano ng kaligtasan, anumang maling paggamit ng katawan ay anyo ng paghihimagsik (tingnan sa Mosias 2:36–37; Doktrina at mga Tipan 64:34–35) at pagtatwa sa tunay nating pagkatao bilang mga anak ng Diyos. Kapag tiningnan natin ang mortalidad pati na ang kawalang-hanggan, madaling mauunawaan na ang huwad na pagsasamang itinataguyod ng kaaway ay pansamantala at walang-saysay.
(David A. Bednar, “Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” Liahona, Mayo 2013, 43)
Tinalakay ni Susan W. Tanner, dating Young Women General President, ang ilan sa mga paraan kung paano tayo tinutukso ng kaaway na gamitin sa maling paraan ang ating pisikal na katawan.
Tinutukso [ni Satanas] ang marami na dumihan ang dakilang kaloob na katawan sa pamamagitan ng pagdungis sa puri, kahalayan, pagpapasasa sa sarili, at pagkalulong. Inaakit niya ang ilan na kamuhian ang kanilang katawan; ang iba nama’y tinutukso niyang sambahin ito. Alinman dito, tinutukso niya ang mundo na ituring na isang bagay lang ang katawan. Dahil sa napakaraming kasinungalingan ni Satanas tungkol sa katawan, gusto kong magsalita ngayon para suportahan ang kabanalan ng katawan. Nagpapatotoo ako na ang katawan ay isang kaloob, na dapat ipagpasalamat at igalang.
(Susan W. Tanner, “Ang Kabanalan ng Katawan” Liahona, Nob. 2005, 13)