1 Corinto 1–4
Jesucristo: Ang Ating Tunay na Saligan
Isipin ang negatibong epekto ng pagtatalo, kapalaluan, mga maling pagtuturo, at imoralidad sa mundo ngayon. Nahirapan ang mga miyembro ng Simbahan noon na nakatira sa Corinto sa ganito ring mga hamon. Habang nangangaral sa Efeso sa kanyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero, sumulat si Apostol Pablo sa mga Banal sa Corinto upang palakasin sila at ipaalala sa kanila na umasa kay Jesucristo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyong maunawaan kung paano tayo matutulungan ng pagtatayo ng ating buhay kay Jesucristo upang madaig ang mga hamon ng mundo.
Pananatiling tapat sa gitna ng mahihirap na sitwasyon
Ipagpalagay na nagpadala sa iyo ang isang malapit na kaibigan na nakatira sa ibang lungsod ng sumusunod na mensahe:
“Napakahirap talagang mapaligiran ng mga negatibong impluwensya sa lahat ng dako. Napakaraming tao rito ang hindi sumusunod sa mga kautusan, at binabatikos ng ilan sa kanila ang Simbahan. May mga kilala ako na nawala na ang kanilang mga patotoo sa mga katulad na sitwasyon at ayaw kong mangyari iyon sa akin. May maipapayo ka ba?”
-
Ano ang ipapayo mo sa iyong kaibigan?
-
Ano ang ilan sa mga negatibo at mapaminsalang impluwensya na napansin mo sa lugar kung saan ka nakatira?
-
Paano pinapahirap kung minsan ng mga impluwensyang ito ang pananatiling tapat sa iyong pananampalataya?
Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, isipin kung gaano ka katapat kapag nahaharap ka sa mga hamon o negatibong impluwensya ng mundo. Hingin ang patnubay ng Espiritu Santo upang malaman kung paano patitibayin ang iyong pagsalig kay Jesucristo, at alamin ang mga katotohanang makatutulong sa iyong madaig ang mga hamon sa iyong buhay. Sa kanyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero, ipinangaral ni Apostol Pablo ang ebanghelyo sa Corinto nang halos dalawang taon (tingnan sa Mga Gawa 18:1–18) at nag-organisa ng isang branch ng Simbahan doon. (Upang mahanap ang lungsod ng Corinto, tingnan sa Mga Mapa at mga Larawan sa Biblia, Mapa 13, “Ang mga Paglalakbay ni Apostol Pablo Bilang Misyonero.”) Ang Corinto ay mayamang sentro ng kalakalan at ang kabisera ng lalawigan ng Achaea sa Roma. Maraming mamamayan ng Corinto ang sumamba sa mga diyus-diyusan at mga imoral. Ang ilan din ay nagdulot ng pagkakabahagi-bahagi at nakikipagtalo. Sa ganitong kapaligiran, naging mahirap para sa maraming miyembro ng Simbahan ang manatiling tapat sa ebanghelyo ng Tagapagligtas. Nang sumulat si Pablo sa mga Banal sa Corinto upang tulungan sila sa kanilang mga hamon at problema, nagsalita siya tungkol sa saligang inilatag niya para sa kanila.
Basahin ang 1 Corinto 2:1–5 at 1 Corinto 3:10–11, at alamin ang mga pariralang naglalarawan sa saligang ito.
-
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng itayo ang iyong saligan kay Jesucristo?
Sa Aklat ni Mormon, hinikayat din ni Helaman ang kanyang mga anak na itayo ang kanilang saligan kay Jesucristo. Basahin ang Helaman 5:12, at alamin ang mga pagpapalang ipinangako ni Helaman.
-
Ano ang maibabahagi mo sa iyong kaibigan mula sa mga talatang ito na maaaring makatulong?
Ang isang katotohanang matututuhan natin mula sa mga banal na kasulatang ito ay kapag isinalig natin ang ating buhay kay Jesucristo, madaraig natin ang impluwensya ni Satanas at ang mga hamon ng mundo.
-
Ano ang nalalaman, nadarama, o pinaniniwalaan mo tungkol sa Tagapagligtas na tumutulong sa iyong naising Siya ang maging saligan mo?
Sa sulat ni Pablo sa mga taga Corinto, sinagot niya ang ilang isyu at itinuro niya kung paano tinataglay ng Tagapagligtas at ng Kanyang ebanghelyo ang kapangyarihan upang tulungan ang mga taga Corinto na madaig ang kanilang mga hamon (tingnan sa 1 Corinto 1:23–24). Nakatuon ang mga sumusunod na aktibidad sa dalawa sa mga isyung iyon. Basahin ang mga sumusunod na opsiyon at pumili ng isa na magiging pinakamakabuluhan sa iyo na pag-aralan.
Opsiyon A: Mga pagkakabaha-bahagi at pagtatalo
Ang isang hamon kung saan nahirapan ang mga Banal sa Corinto ay ang pagtatalo. Nagkaroon ng pagkakahati-hati dahil naniwala sila na ang kanilang katayuan sa Simbahan ay batay sa pagiging mahalaga ng taong nagbinyag sa kanila (tingnan sa 1 Corinto 1:12).
Sa tabi ng idinrowing mong bahay, maaari kang maglista ng mga paraan kung paano ka nakaranas ng mga dibisyon o pagtatalo sa iyong ward, pamilya, o komunidad.
-
Ano ang ilang kahihinatnan ng mga pagkakahati-hati at pagtatalo?
Basahin ang 1 Corinto 1:10–13 at 1 Corinto 3:3–9, at alamin kung paano sinubukan ni Pablo na tulungan ang mga tao na magtayo ng saligan kay Jesucristo.
-
Ano ang nakita mo sa mga talatang ito na makatutulong sa mga tao na madaig ang mga pagkakabaha-bahagi at pagtatalo?
-
Sa palagay mo, bakit nakatutulong sa iyo ang pagtatayo ng iyong buhay kay Jesucristo para makiisa at hindi makipagtalo sa mga tao sa paligid mo?
Opsiyon B: Ang karunungan ng sanlibutan
Pinahalagahan ng maraming taga Corinto ang karunungan ng sanlibutan. Hindi naunawaan ng maraming Judio at Gentil ang mensahe ng ipinakong Mesiyas. Sa mga tao sa Roma, ang parusang pagpapako sa krus ay simbolo ng kahihiyan at pagkatalo. Ang ideyang ang isang tao ay handang magdusa para sa iba ay “kahangalan” para sa mga Griyego (1 Corinto 1:23). Para sa mga Judio, ang isang Mesiyas na namatay sa isang krus ay isang “katitisuran” (1 Corinto 1:23) dahil inasahan nilang lulupigin ng Mesiyas ang kanilang mga kaaway.
Basahin ang 1 Corinto 1:17–25, at alamin kung paano tumugon si Pablo sa ganitong mga pag-uugali.
Saanman sa tabi ng idinrowing mong bahay, maglista ng mga paraan kung paano maaaring maapektuhan o hamunin ng karunungan ng sanlibutan ang iyong patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.
-
Bakit maaaring hindi maunawaan o mapahalagahan ng ilang tao ngayon si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala?
-
Anong mga pagbabago ang maaaring mangyari kapag nalaman o nadama ng isang tao na may tunay na kapangyarihan ang Tagapagligtas sa kanyang buhay? (tingnan sa 1 Corinto 1:24).
-
Paano makatutulong sa iyo ang pagtatayo ng iyong buhay kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo kapag nahaharap ka sa mga mapanghamong ideya ng mundo?
Pagsalig ng ating buhay kay Jesucristo
Suriin nang ilang minuto ang sarili mong buhay. Paano mo naitayo ang iyong saligan kay Jesucristo? Sa anong mga paraan mo gustong magpakabuti? Paano makatutulong sa iyo ang lalo pang pagsalig ng iyong buhay sa Tagapagligtas na si Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo upang maharap ang mga hamon at negatibong impluwensya sa iyong buhay? Maaari mong isulat ang iyong mga naisip at mithiin sa iyong study journal.
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Bakit ko dapat itayo ang aking saligan kay Jesucristo?
Ipinahayag ni Elder Chi Hong (Sam) Wong ng Pitumpu:
Kung itatayo natin ang ating saligan kay Jesucristo, hindi tayo babagsak! Kapag nagtiis tayo hanggang wakas nang buong tapat, tutulungan tayo ng Diyos na itayo ang ating buhay sa Kanyang bato, “at ang mga pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig sa [atin]” (Doktrina at mga Tipan 10:69). Maaaring hindi natin mababago ang lahat ng mangyayari sa hinaharap, ngunit mapipili natin kung paano maghanda para sa mga mangyayaring iyon.
(Chi Hong [Sam] Wong, “Hindi Sila Mananaig; Hindi Tayo Babagsak,” Liahona, Mayo 2021, 98)