Efeso 2
Jesucristo, ang Pangulong Batong Panulok
Maaaring nadama ng mga Banal na naninirahan sa Efeso na dating mga Gentil bago sila nagbalik-loob na sila ay tila “mga dayuhan at banyaga” (Efeso 2:19) habang sumasamba sila kasama ng mga Kristiyanong Judio. Ipinaalala ni Pablo sa mga Banal sa Efeso na sila ay nagkakaisa sa pamamagitan ni Jesucristo bilang “mga kapwa mamamayan … ng sambahayan ng Diyos” (Efeso 2:19). Ang simbahang kinabibilangan nila ngayon ay itinatag sa saligan ni Cristo at ng Kanyang mga apostol at propeta, at may kapangyarihan itong pagpalain sila nang magsama-sama sila nang may pananampalataya kay Jesucristo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na tukuyin at hangarin ang mga pagpapalang matatamo dahil pinamumunuan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan ngayon sa pamamagitan ng mga propeta at apostol.
Pakiramdam na kabilang
-
Bakit maaaring madama ng isang tao na tila hindi siya nabibilang bilang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw?
-
Kung tila nadarama ng isang tao na hindi siya kabilang sa Simbahan, anong payo ang ibibigay mo sa kanya?
Isipin kung ano ang nadarama mo tungkol sa Simbahan ng Panginoon. Kailan mo nadama na talagang kabilang ka sa Simbahan? May mga pagkakataon ba na nadama mong tila hindi ka kabilang? Ano sa palagay mo ang mga pagpapalang matatamo bilang miyembro ng Simbahan ni Cristo? Sa pag-aaral mo ng lesson na ito, alamin ang mga katotohanan tungkol sa ginawa ng Panginoon para sa atin na makapagdudulot ng pagkakaisa natin bilang mga miyembro ng Kanyang Simbahan.
Paggiba sa mga harang
Noong panahon ni Apostol Pablo, maaaring nadama ng mga hindi Judio na nagbalik-loob sa Kristiyanismo (o yaong mga dating Gentil) na hindi sila kabilang sa iba pang miyembro ng Simbahan at maaaring nadama nila na sila ay “mga dayuhan at banyaga” (Efeso 2:19). Halimbawa, sa templo sa Jerusalem, hindi sila maaaring lumampas sa “pader ng alitang humahati” (Efeso 2:14) patungo sa mga mas sagradong lugar ng templo kung saan ang mga Judio lamang, kabilang ang mga Kristiyanong Judio, ang makakapunta. Dagdag pa rito, hindi nabigyan noon ang mga Gentil ng mga pagpapala ng ebanghelyo hanggang sa magbigay ng paghahayag ang Ama sa Langit kay Pedro (tingnan sa Mga Gawa 10).
Sumulat si Pablo sa mga Banal sa Efeso, na marahil ay mga bagong binyag. Basahin ang Efeso 2:12–14, 18–21, at alamin kung paano pinagpala ng Panginoon ang mga taga Efeso. Maaaring makatulong na malaman na nagsimula ang mga talatang ito sa pag-anyaya ni Pablo sa mga Banal na ito na alalahanin ang kanilang buhay bago sila nagbalik-loob. Ang “sambahayan ng Diyos” (talata 19) na binanggit ni Pablo ay tumutukoy sa Simbahan ni Jesucristo.
Kung gusto mong mapanood ang paglalarawan sa video ng Efeso 2:10–22, maaari mong panoorin ang “Ye Are No More Strangers” (2:27), matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.
-
Paano pinagpala ng Panginoon ang mga taga Efeso?
Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, inalis ni Jesucristo ang lahat ng hadlang na naghihiwalay sa mga Judio mula sa mga Gentil at naghihiwalay rin sa mga Gentil mula sa Diyos. Hindi na kinailangan ng mga Gentil na maging mga Judio, ipamuhay ang batas ni Moises, o magpatuli para makasapi sa Simbahan. Nang lumapit sila kay Jesucristo at tanggapin nila ang Kanyang ebanghelyo, sila ay naging kabilang sa “sambahayan ng Diyos” (Efeso 2:19)—bahagi ng mga pinagtipanang tao ng Diyos.
-
Sa anong mga paraan giniba ng Tagapagligtas ang mga harang sa pagitan natin at ng ibang mga tao?
-
Ano ang nadarama mo dahil “makakalapit … sa Ama” ang lahat (talata 18) sa pamamagitan ng “dugo ni Cristo” (talata 13)?
-
Paano mo ibubuod ang mga pagpapala sa talata 19–21 sa isang taong nadaramang hindi siya nabibilang sa Simbahan ng Panginoon?
-
Sa iyong palagay, bakit inihambing ni Pablo ang Simbahan sa isang sambahayan o pamilya?
Ang pangulong batong panulok
Noong panahon ni Pablo, ang pangulong batong panulok ay isang malaking bato na nakalagay sa sulok ng pundasyon. Sinusuportahan ng bawat batong panulok ang halos lahat ng bigat ng istruktura at pinagdudugtong ng mga ito ang mga pader. Ang anggulo at paglalagay ng lahat ng iba pang bato ay sinukat mula sa pangulong batong panulok.
Magdrowing ng representasyon ng inilarawan sa Efeso 2:19–21. Maaari mong lagyan ng label ang idinrowing mo gamit ang mga kataga mula sa scripture passage.
-
Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa paraan kung paano itinatag ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan?
Ang iyong saligan
Habang ginagawa mo ang ilan sa mga sumusunod na aktibidad, isipin ang mga tanong na ito:
-
Ano ang ginagawa ko upang maitayo ang aking buhay sa saligan ng mga propeta at apostol, na si Jesucristo ang pangulong batong panulok? Anong mga pagpapala ang naranasan ko?
-
Sa anong mga paraan nanaisin ng Panginoon na lubos kong maitayo ang aking buhay sa saligang ito?
Ano ang natutuhan mo?
Upang tapusin ang lesson na ito, pag-isipan ang natutuhan mo. Isipin kung paano ka naging kabilang sa “sambahayan ng Diyos” (Efeso 2:19) sa pagtatayo mo ng iyong buhay sa saligan ng mga propeta at apostol, na si Jesucristo ang pangulong batong panulok. Isipin kung paano mo pa lubos na itatayo ang iyong buhay sa saligan ng mga propeta at apostol, na ang Tagapagligtas ang pangulong batong panulok.
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Efeso 2:14. Ano ang “gitnang pader ng alitang humahati” na binanggit ni Pablo?
Ang templo sa Jerusalem ay naglalaman ng ilang hukuman o lugar, at may ilang partikular na uri lamang ng mga tao ang maaaring makapasok sa bawat hukuman. Ang mga Gentil ay pinayagang umakyat sa bundok ng templo at makapasok sa panlabas na hukuman, na tinatawag na Hukuman ng mga Gentil. Gayunman, ang pinakaloob na bahagi ng templo ay hindi pwedeng pasukin ng mga Gentil dahil nahaharangan ito ng isang pader na mga isang metro ang taas. Kapag lumampas ang isang Gentil sa pader na ito, maaari siyang ipapatay. Natuklasan ng mga arkeologo ang dalawa sa mga marmol na bloke na bumubuo sa harang na pader na ito, at mababasa sa mga ito ang inskripsyon sa wikang Griyego at Latin: “Walang dayuhan ang lalampas sa mga harang na nakapalibot sa santuwaryo. Ang sinumang mahuling gumawa nito ay walang ibang sisihin kundi ang kanyang sarili para sa kanyang kamatayan na ipapataw sa kanya” (Richard Neitzel Holzapfel, Eric D. Huntsman, Thomas A. Wayment, Jesus Christ and the World of the New Testament [2006], 160).
Kasunod ng ikatlong paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, pinaratangan si Pablo ng ilang Judio sa Jerusalem ng pagdadala ng mga Gentil nang lampas sa harang, na humantong sa kaguluhan at kalaunan sa pagdakip kay Pablo (tingnan sa Mga Bilang 1:51; Mga Gawa 21:27–29).
Efeso 2:20. Bakit nakasalig ang Simbahan ni Jesucristo sa mga apostol at propeta, na si Cristo ang pangulong batong panulok?
Ganito ang sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa saligan ng Simbahan ni Cristo:
Sa panahon ng Bagong Tipan, sa panahon ng Aklat ni Mormon, at sa makabagong panahon ang mga opisyal na ito ang bumubuo ng saligang bato ng totoong Simbahan, na nakapaligid at tumatanggap ng lakas mula sa pangulong bato sa panulok, na “bato ng ating Manunubos, na si [Jesu]cristo, ang Anak ng Diyos” [Helaman 5:12]. … Ang gayong pagsalig kay Cristo ay mananatiling proteksyon sa mga panahon na “kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, oo, ang kanyang mga palaso sa buhawi, oo, kapag ang lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa inyo.”
(Jeffrey R. Holland, “Mga Propeta, Tagakita, at Tagapaghayag,” Liahona, Nob. 2004, 7)