Efeso 2–5
Paghahanap ng mga Walang-Hanggang Katotohanan
Gaano kalaki ang kumpiyansa mo sa kakayahan mong hanapin ang katotohanan sa mga banal na kasulatan? Itinuturo ng mga propeta ang mga katotohanang nagmumula sa Ama sa Langit para sa ating kapakinabangan. Halimbawa, itinuro ni Pablo sa mga Banal sa Efeso ang mga katotohanan tungkol sa pagdaig sa sanlibutan at pagiging higit na katulad ni Jesucristo. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang matutuhan kung paano maghanap ng mga katotohanan mula sa mga banal na kasulatan na tutulong sa iyo sa buhay mo at mas maglalapit sa iyo sa Tagapagligtas.
Paghahanap ng kahalagahan
Ang video na “Flecks of Gold” (3:15) ay tungkol sa dalawang lalaki na naghahanap ng ginto. Basahin ang kuwento o panoorin ang video, matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 0:00 hanggang 2:26. Pag-isipan ang anumang espirituwal na aral na matututuhan mo mula rito.
Kadalasan katulad tayo ng bata pang mangangalakal mula sa Boston, na noong 1849, ayon sa kuwento, ay nakibahagi sa kainitan ng California gold rush. Ipinagbili niya ang lahat ng kanyang ari-arian upang hanapin ang kanyang kapalaran sa mga ilog ng California, na sinabi sa kanya na puno ng tipak-tipak na gintong napakalalaki para buhatin ng isang tao.
Sa pagdaan ng mga araw, isinasalok ng binatang ito ang kanyang sisidlan sa ilog at wala namang nakukuha. Ang tanging nakuha niya ay santambak na malalaking bato. Dahil nawawalan na ng pag-asa at wala na ring pera, handa na siyang sumuko hanggang sa isang araw sinabi sa kanya ng isang matandang tagasuri na bihasa sa mamahaling bato, “Santambak na ang nakuha mong malalaking bato, iho.”
Sagot ng binata, “Wala hong ginto [r]ito. Uuwi na lang po ako.”
Nilapitan ng matandang tagasuri ang tambak ng mga bato, at sinabing, “Aba, may ginto nga. Dapat mo lang alamin kung saan ito makikita.” Dumampot siya ng dalawang bato at pinagsalpok ang mga ito. Isa sa mga bato ang nabiyak, at nalantad ang ilang butil ng ginto na kumikinang sa sikat ng araw.
Nang mapansin ang maumbok na supot na nakatali sa baywang ng tagasuri, sabi ng binata, “Naghahanap ako ng mga tipak na gaya ng nasa supot ninyo, hindi lang maliliit na butil.”
Iniabot ng matandang tagasuri ang kanyang supot sa binata, na tumingin sa nilalaman nito, umaasang makakita ng ilang malalaking tipak ng ginto. Nagulat siyang makita na puno ng libu-libong butil ng ginto ang supot.
Sabi ng matandang tagasuri, “Iho, tila abalang-abala kang maghanap ng malalaking tipak kaya hindi mo mapuno ng mahahalagang butil ng ginto ang supot mo. Ang matiyagang pagtitipon ng maliliit na butil na ito ang nagpayaman sa akin nang husto.”
(M. Russell Ballard, “Pagkakaroon ng Kagalakan sa Mapagmahal na Paglilingkod,” Liahona, Mayo 2011, 46)
-
Paano nauugnay ang kuwentong ito sa paghahanap ng mga katotohanan sa mga banal na kasulatan?
Basahin ang mga sumusunod na pahayag, at i-rank mula sa isa hanggang lima kung gaano katotoo para sa iyo ang mga ito (isa = hindi totoo para sa akin kailanman; lima = palaging totoo para sa akin)
-
May kumpiyansa ako sa kakayahan ko na mahanap ang mga walang-hanggang katotohanan sa mga banal na kasulatan sa tulong ng Espiritu Santo.
-
Ang paghahanap ng mga katotohanan sa mga banal na kasulatan ay isang pagpapala sa buhay ko at tumutulong sa akin na mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Paghahanap ng mga katotohanan sa mga banal na kasulatan
Ang ilang katotohanan sa mga banal na kasulatan ay mas mahirap hanapin kaysa sa iba. Hangarin ang tulong ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo upang matulungan kang matukoy ang mga katotohanan sa mensahe ni Pablo sa mga Banal sa Efeso. Tutulungan ka ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa iyo ng mga katotohanang ito (tingnan sa Moroni 10:5; Juan 16:13).
Habang si Pablo ay nakabilanggo sa bahay sa Roma, sumulat siya sa mga taga Efeso upang hikayatin at payuhan sila tungkol sa kung paano patuloy na lumapit kay Jesucristo at kung paano madaraig ang mga espirituwal na pag-atake ng diyablo. Magsanay na tumukoy ng mga katotohanan mula sa ibinahagi ni Pablo sa mga Banal na ito.
Ang sumusunod ay isang paraan na makakapaghanap ka ng mga walang-hanggang katotohanan habang pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan. Basahin ang Efeso 2:4–10, at gawin ang mga sumusunod na hakbang:
-
Hanapin ang mga salita, parirala, o talata na tila napakahalaga. Maaari mong markahan ang mga ito sa iyong banal na kasulatan.
-
Ibuod ang pangunahing ideya ng mga salita, parirala, o talatang ito. (Halimbawa, maibubuod mo ba ang sinabi ni Pablo tungkol sa biyaya sa talata 8?)
-
Bumuo ng pahayag ng katotohanan na maipamumuhay mo mula sa natutuhan mo.
Magsanay na tumukoy ng mga katotohanan
Gamitin ang mga hakbang na inilista kanina. Pumili ng isa o dalawa sa mga sumusunod na hanay ng mga talata, at maghanap ng mga walang-hanggang katotohanan sa mga ito.
-
Efeso 4:20–32, kabilang ang Pagsasalin ni Joseph Smith para sa talata 26 na nasa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia (Makatutulong na malaman na ang “dating pagkatao” sa mga talatang ito ay sumisimbolo sa dating mga makasalanang pag-uugali at ang “bagong pagkatao” ay sumisimbolo sa pamumuhay nang matwid sa pamamagitan ni Jesucristo.)
Pumili ng isa sa mga katotohanang nahanap mo, at isipin kung paano ito makatutulong sa iyo na madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa iyo o paano ito makatutulong sa iyo na maging higit na katulad Nila.
Pagninilay sa paghahanap ng mga katotohanan
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Efeso 2:4–9. Ano ang biyaya at ano ang ginagawa nito para sa akin?
Habang naglilingkod bilang miyembro ng Unang Panguluhan, binigyang-kahulugan ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ang biyaya ng Diyos bilang “banal na pagtulong at pagkakaloob ng lakas na lumago mula sa pagiging mga nilalang na may kapintasan at limitado tungo sa kadakilaan sa ‘katotohanan at liwanag, hanggang sa [tayo] ay maluwalhati sa katotohanan at malaman ang lahat ng bagay’ [Doktrina at mga Tipan 93:28]” (“Ang Kaloob na Biyaya,” Liahona, Mayo 2015, 107). Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa biyaya, isiping basahin ang buong mensahe, matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.
Para sa mga karagdagang kaalaman tungkol sa biyaya ng Tagapagligtas, basahin ang Mosias 2:20–24 at Filipos 2:12–13.
Efeso 4:22. Ano ang ibig sabihin ng “alisin … ang dating pagkatao”?
Itinuro ni Pablo na kapag pinili nating tanggapin ang ordenansa ng binyag, nakikipagtipan tayo na wakasan ang mga dati nating gawi (o “alisin … ang dating pagkatao” [Efeso 4:22]) at magsimula ng bagong buhay bilang mga tagasunod ni Jesucristo (tingnan sa Roma 6:1–6; Doktrina at mga Tipan 20:37). Kabilang dito ang pagwaksi sa ating mga kasalanan at anumang bagay na hahadlang sa atin upang mas mapalapit sa Ama sa Langit. Hindi natin maisasakatuparan ang prosesong ito nang mag-isa. Nangyayari lamang ito dahil kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala at sa nakapagpapabanal na impluwensya ng Espiritu Santo.