Efeso 6:10–24
“Isuot Ninyo ang Buong Kasuotang Pandigma ng Diyos”
Tayo ay nasa digmaan para sa mga kaluluwa ng sangkatauhan. Binigyang-inspirasyon ng Ama sa Langit si Pablo na ituro kung paano natin madaraig ang mga pag-atake ni Satanas. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang maunawaan kung ano ang ibinigay ng Diyos upang protektahan ka laban sa mga kasamaan ng mundo, suriin ang iyong kasalukuyang espirituwal na paghahanda, at gumawa ng plano na palakasin ang iyong mga espirituwal na proteksyon.
Si Satanas ay agresibo sa kanyang mga taktika
-
Ano sa palagay mo ang pinakamalaking pagkakaiba ng nararanasan mo bilang tinedyer at ng naranasan ng iyong mga magulang noong nasa edad mo sila?
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Robert D. Hales (1932–2017) ng Korum ng Labindalawang Apostol, at maghanap ng isang pagkakaiba na binigyang-diin niya:
Hindi kailanman naranasan ng inyong mga ama at lolo na maharap sa mga tuksong karaniwang kinakaharap ninyo. Nabubuhay kayo sa mga huling araw. Kung nais ng mga tatay ninyo na matukso noon, kailangan pa niyang lumabas at hanapin iyon. Hindi na ngayon! Ang tukso na ngayon ang naghahanap sa inyo! Tandaan ninyo iyan! Gusto ni Satanas na maangkin kayo, at “nag-aabang ang kasalanan sa pintuan” [Moises 5:23]. Paano ninyo malalabanan ang kanyang agresibong taktika?
(Robert D. Hales, “Tumayo nang Hindi Natitinag sa mga Banal na Lugar,” Liahona, Mayo 2013, 48–49)
-
Ano ang mga paraan na mahahanap tayo ng tukso ngayon sa halip na tayo ang naghahanap nito?
Isipin ang mga sumusunod na tanong, at isulat ang mga sagot mo sa iyong study journal.
-
Ano ang ilang paraan na personal kang sinusubukang tuksuhin ni Satanas?
-
Ano ang ginagawa mo upang humingi ng tulong sa Panginoon para mapaglabanan ang mga tukso ni Satanas? Ano ang nagawa mo nang mabuti? Ano ang kailangan mong gawin upang mas magpakabuti pa?
Sa pag-aaral mo ng lesson na ito, hingin ang patnubay ng Espiritu Santo upang matulungan kang malaman kung paano mo mahahanap at mas lubos na matatanggap ang proteksyon ng Tagapagligtas sa iyong buhay laban sa mga pag-atake ni Satanas.
Ang proteksyon ng Panginoon
Basahin ang Efeso 6:10–13, at alamin kung ano ang sinabi ni Pablo na nilalabanan ng mga Banal sa kanyang panahon.
-
Anong mga pagkakatulad ang nakikita mo sa nilalabanan ng mga Banal sa Efeso sa kanilang panahon at sa nilalabanan natin ngayon?
-
Bakit nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na maprotektahan tayo laban sa kasamaan? Ano ang itinuturo sa atin ng hangaring ito tungkol sa Kanila?
-
Ano ang ipinagawa ni Pablo sa Efeso upang mapaglabanan ang mga kasamaang ito?
Mula sa Efeso 6:10–13, nalaman natin na kung isusuot natin ang kasuotang pandigma ng Diyos, mapaglalabanan natin ang kasamaan.
Ang kasuotang pandigma ng Diyos ay isang metapora o simbolo para sa proteksyong ibinibigay sa atin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Sa digmaang kinakaharap natin, ang kasuotang pandigma ng Diyos ay espesyal na ginawa para sa iyo at sa mga panganib sa iyong buhay. Upang matulungan kang maunawaan ang banal na proteksyong ito, maaari mong kopyahin ang sumusunod na larawan sa iyong study journal o i-print ito. Isulat sa diagram ang iyong mga sagot sa sumusunod na aktibidad:
Basahin ang Efeso 6:14–18 upang matukoy ang bawat bahagi ng kasuotang pandigma o baluti ng Diyos, o panoorin ang “The Armor of God” (2:01), matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org. Isulat sa iyong diagram ang kinakatawan ng bawat piraso ng baluti. Maaaring makatulong na malaman na ang “nakasuot sa inyong mga paa” (Efeso 6:15) ay tumutukoy sa pagsusuot ng pamprotektang pantakip sa mga paa.
Palalimin ang iyong pag-unawa sa mga piraso ng baluti ng Diyos sa pamamagitan ng paggawa sa sumusunod na aktibidad.
Pagsusuot ng buong baluti ng Tagapagligtas
Binigyang-diin ni Pablo at ng Tagapagligtas ang pagsusuot ng buong baluti o kasuotang pandigma ng Diyos (tingnan sa Efeso 6:11, 13; Doktrina at mga Tipan 27:15).
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Ano ang kahalagahan ng mga bahagi ng katawan na pinoprotektahan ng baluti ng Tagapagligtas?
Ipinahayag ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973):
Mayroon tayong apat na bahagi ng katawan na sinabi ni Apostol Pablo na pinakamadaling punteryahin ng mga kapangyarihan ng kadiliman. Ang balakang, na sumisimbolo sa karangalan, kalinisang-puri. Ang puso na sumisimbolo sa ating pag-uugali. Ang ating mga paa, ang ating mga mithiin o layunin sa buhay at sa huli ay ang ating ulo, ang ating mga pag-iisip.
(Harold B. Lee, “Feet Shod with the Preparation of the Gospel of Peace,” Brigham Young University Speeches of the Year [Nob. 9, 1955], 2)
Ano ang magagawa ko upang maisuot ang buong baluti ng Diyos?
Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell (1926-2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Sa paghuhubad ng likas na tao maisusuot na ang buong baluti ng Diyos, na hindi magkakasya noon! (tingnan sa Efeso 6:11, 13).
(Neal A. Maxwell, “Plow in Hope,” Ensign, Mayo 2001, 60)
Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Gusto kong isipin na ang espirituwal na baluting ito ay hindi isang buong piraso ng bakal na ginawa para magkasya sa katawan, kundi isang pinagdugtung-dugtong na mga kadena. Ang kadenang ito ay binubuo ng dose-dosenang maliliit na piraso ng bakal na magkakabit-kabit upang mas makagalaw ang nagsusuot nang hindi nababawasan ang proteksyon. Sinasabi ko ito dahil sa aking karanasan ay walang iisang dakila at malaking bagay na maaari nating gawin upang maprotektahan ang ating mga sarili sa espirituwal na paraan. Ang tunay na espirituwal na kapangyarihan ay nasa maraming maliliit na gawain na pinagsama-sama upang maging espirituwal na muog na nagpoprotekta at sumasangga laban sa lahat ng kasamaan.
(M. Russell Ballard, “Be Strong in the Lord,” Ensign, Hulyo 2004, 8)
Paano nauugnay ang mga temple garment sa baluti ng Diyos?
Ipinaliwanag ni Elder Carlos E. Asay (1926–99) ng Panguluhan ng Pitumpu:
Gayunman, may isa pang bahagi ng baluti na karapat-dapat nating isaalang-alang. Ito ang espesyal na kasuotang panloob na kilala bilang temple garment, o garment ng banal na priesthood, na isinusuot ng mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na tumanggap ng kanilang endowment sa templo. Ang garment na ito, na isinusuot sa araw at gabi, ay may tatlong mahahalagang layunin: ito ay paalala sa mga sagradong tipang ginawa sa Panginoon sa Kanyang banal na bahay, isang nagpoprotektang pantakip sa katawan, at isang simbolo ng pagkadisente ng pananamit at pamumuhay na dapat maglarawan sa buhay ng lahat ng mapagpakumbabang tagasunod ni Cristo.
(Carlos E. Asay, “The Temple Garment: ‘An Outward Expression of an Inward Commitment,’” Ensign, Ago. 1997, 20)