Filipos 3
“Tiniis Ko ang Kalugihan ng Lahat ng mga Bagay … Upang Makamit Ko si Cristo”
Ano ang handa mong isakripisyo upang sundin si Jesucristo at maging Kanyang disipulo? Maraming isinakripisyo si Apostol Pablo nang piliin niyang sundin ang Tagapagligtas, kabilang na ang kanyang maimpluwensyang katayuan sa lipunan ng mga Judio bilang isang Fariseo (tingnan sa Filipos 3:5). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang kahalagahan ng pagsasakripisyo upang makilala si Jesucristo.
Ano ang isasakripisyo mo?
Basahin ang sumusunod na salaysay ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan tungkol sa isang binata na nagbahagi kay Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ng mga sakripisyong handa niyang gawin upang maging miyembro ng Simbahan.
Maraming taon na ang nakalipas, sa ganitong kumperensya narinig ng mga tao ang kuwento tungkol sa isang binatang natagpuan ang ipinanumbalik na ebanghelyo habang nag-aaral siya sa Estados Unidos. Noong naghahanda nang umuwi ang binatang ito sa kanyang bayang sinilangan, tinanong siya ni Pangulong Gordon B. Hinckley kung ano ang mangyayari kapag umuwi siyang Kristiyano na. “Malulungkot ang pamilya ko,” sagot ng binata. “Maaaring itakwil nila ako at ituring na patay na. Tungkol naman sa hinaharap at trabaho ko, maaaring ipagkait sa akin ang lahat ng oportunidad.” “Handa ka bang magpakasakit para sa ebanghelyo?” tanong ni Pangulong Hinckley.
(Dallin H. Oaks, “Sakripisyo,” Liahona, Mayo 2012, 21)
-
Sa iyong palagay, ano ang isinagot ng binata? Bakit?
-
Ano ang maaaring maghikayat sa isang tao na magsakripisyo nang labis upang sundin si Jesucristo?
Habang pinag-aaralan mo ang Filipos 3, isipin kung ano ang isinakripisyo mo para sa ebanghelyo ni Jesucristo at kung paano ka napagpala sa paggawa nito. Sa kabilang banda, ang pagsasakripisyo upang mas mapalapit sa Tagapagligtas ay maaaring hindi pamilyar na konsepto sa iyo. Anuman ang iyong sitwasyon, nais ng Tagapagligtas na tulungan kang umunlad. Sa buong lesson, bigyang-pansin ang mga impresyon at damdamin mula sa Espiritu Santo na makatutulong sa iyo na maunawaan ang papel na dapat gampanan ng sakripisyo sa iyong buhay.
Sulit ang bawat sakripisyo sa ebanghelyo ni Jesucristo
Alalahanin na bago ang pagbabalik-loob ni Pablo kay Jesucristo sa daan patungong Damasco (tingnan sa Mga Gawa 9), siya ay isang Fariseo, isang taong mataas ang katayuan sa relihiyon at lipunan sa mga Judio (tingnan sa Filipos 3:5). Dahil pinili niyang sundin si Jesucristo at gugulin ang kanyang buhay sa pangangaral ng ebanghelyo, nakaranas si Pablo ng matinding pag-uusig, paghihirap, pisikal na sakit, at alalahanin (tingnan sa 2 Corinto 11:23–28). Nabasa natin sa Filipos 3:7–17 ang nadama ni Pablo tungkol sa pagtalikod sa kanyang dating buhay upang sundin si Jesucristo at ang mga pagpapalang dumating dahil dito.
Basahin ang Filipos 3:7–14, at alamin kung ano ang handang isakripisyo ni Pablo upang makilala at sundin si Jesucristo. Tandaan na ang salitang matulad sa talata 10 ay nangangahulugang sang-ayon, ang pariralang “nagpapatuloy” sa talata 12 ay nangangahulugang sumusulong, at ang salitang maabot sa talata 12 ay nangangahulugang matamo.
Ang isang alituntunin na matututuhan natin mula sa halimbawa ni Pablo ay kung isasakripisyo natin ang lahat ng maaaring hilingin sa atin upang sundin si Jesucristo at magpapatuloy nang may pananampalataya, makikilala natin Siya at matatamo natin ang buhay na walang hanggan. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa iyong mga banal na kasulatan o study journal.
Pagnilayan sandali kung paano maaaring nauugnay sa iyo ang alituntuning ito.
-
Ano ang iyong mga naiisip, tanong, o nadarama?
Personal na sakripisyo
Alalahanin ang tanong na ibinigay ni Pangulong Hinckley sa simula ng lesson hinggil sa kahandaan ng binata na magsakripisyo nang labis para sa ebanghelyo. Basahin ang natitirang bahagi ng kuwento na ibinahagi ni Pangulong Dallin H. Oaks.
Lumuluhang sumagot ang binata, “Totoo ang ebanghelyo, di po ba?” Nang iyon ay pinatotohanan, sagot niya, “Kung gayon, may iba pa bang mas mahalaga?” Iyan ang diwa ng pagsasakripisyo ng marami sa ating mga bagong miyembro.
(Dallin H. Oaks, “Sakripisyo,” Liahona, Mayo 2012, 21)
-
Ano ang hinangaan mo tungkol sa binatang ito?
-
Paano naging pinakadakilang halimbawa ng sakripisyo ang buhay, ministeryo, at Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas?
-
Ano ang mga naiisip o nadarama mo habang pinagninilayan mo ang handang isakripisyo ni Jesucristo para sa iyo?
Opsiyonal: Gusto mo bang may matutuhan pa?
Filipos 3:14. Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang sabihin niyang, “nagpapatuloy ako tungo sa mithiin”?
Itinuro ni Elder Edward Dube ng Pitumpu ang sumusunod.
Ang pagpapatuloy tungo sa mithiin ay tapat na pagsulong sa “makipot at makitid na landas na patungo sa buhay na walang hanggan” [2 Nephi 31:18] kapiling ang ating Tagapagligtas at ang ating Ama sa Langit. Itinuring ni Pablo ang kanyang mga pagdurusa na “hindi karapat-dapat maihambing sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin” [Roma 8:18; tingnan din sa 2 Corinto 1:3–7]. Ang liham ni Pablo sa mga taga-Filipos na isinulat niya noong nakakulong siya sa bilangguan ay isang liham ng nag-uumapaw na kagalakan at kasiyahan at panghihikayat sa ating lahat, lalo na sa mahirap na panahong ito ng walang katiyakan. …
Nakawiwiling isipin na hinihikayat tayo ni Pablo na magpatuloy sa pagsulong habang nananawagang kalimutan natin ang mga bagay na nakaraan na—ang dati nating mga takot, dating mga pinagtuunan ng pansin, pinagdaanang mga kabiguan, at nakalipas na mga kalungkutan.
(Edward Dube, “Pagpapatuloy tungo sa Mithiin,” Liahona, Mayo 2021, 90, 91)
Paano ko malalaman kung anong mga sakripisyo ang kailangan kong gawin upang mas mapalapit kay Jesucristo?
Itinuro ni Elder Larry R. Lawrence ng Pitumpu na ang magandang panahon upang mapitagang pag-isipan kung anong mga sakripisyo ang magagawa natin para sa Panginoon ay sa oras ng ordenansa ng sakramento.
Sa mapitagang kapaligiran na ito, habang ang ating isipan ay nakatuon sa langit, marahang masasabi sa atin ng Panginoon ang susunod nating gagawin. Tulad ninyo, nakatanggap ako ng maraming mensahe mula sa Espiritu sa paglipas ng mga taon na nagpapakita sa akin kung paano ko pa mapagbubuti ang sarili ko. …
Marahil sasabihin ng Espiritu na kailangan mong patawarin ang isang tao. O makakatanggap ka ng mensahe na maging mas mapili tungkol sa pelikulang pinanonood mo o sa musikang pinakikinggan mo. Maaaring maramdaman mo na dapat kang maging mas tapat sa pakikitungo mo sa negosyo o magbigay ng mas malaki sa iyong handog-ayuno. Maraming posibleng gawin.
(Larry R. Lawrence, “Ano Pa ang Kulang sa Akin?” Liahona, Nob. 2015, 34–35)
Ano ang ilang sakripisyo na ginagawa ng mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw upang sundin ang Tagapagligtas?
Naglista si Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan ng maraming sakripisyong ginagawa ng mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon. Maaari mong basahin ang kanyang mensaheng “Sakripisyo,” Liahona, Mayo 2012, 19–22, matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.