Colosas 1–2
“Nakaugat at Nakatayo sa Kanya”
Tulad ng mga puwersa ng kalikasan na maaaring bumunot o sumira ng puno, may mga puwersang nagtatangkang bumunot sa bawat isa sa atin mula sa ating mga espirituwal na saligan kay Jesucristo (tingnan sa Helaman 5:12). Isinulat ni Pablo ang kanyang sulat sa mga taga Colosas dahil ang kanilang pananampalataya ay nanganib dahil sa mga maling turo at gawi. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na matukoy ang mga puwersang nagbabanta sa iyong pananampalataya at ang mga paraan na maaari kang maging mas matatag kay Jesucristo.
Paano ka natutulad sa isang puno?
Ginamit ni Pablo ang simbolo ng puno upang tulungan ang mga Banal sa Colosas na makita nang mas malinaw ang kahalagahan ng kanilang ugnayan kay Jesucristo. Ginamit din niya ito upang palakasin sila laban sa mga maling turo at gawi na nagbabanta sa kanilang pananampalataya kay Jesucristo. Humingi ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo upang mas maunawaan ang mga salita ni Pablo at sikaping ipamuhay ang mga ito.
Mga bunga ng puno
Isipin ang bunga na nagmumula sa punong idinrowing mo at kung bakit mo ito gusto.
Basahin ang Colosas 1:10–22. Hanapin ang “mga bunga” (o mga pagpapala) na inilarawan ni Pablo, at isipin kung bakit hinahangad mo ang mga bungang ito. Magdrowing ng mga bunga sa iyong puno at lagyan ng label ang mga ito ng mga turo ni Pablo.
-
Anong mga bunga o pagpapala ang tinukoy ni Pablo?
-
Alin sa mga bungang ito ang kasalukuyan mong tinatamasa?
-
Alin ang nais mong matamasa? Bakit?
Isulat sa iyong study journal ang sumusunod na pahayag, at isama ang iyong mga sagot sa naunang tanong sa unang patlang:
-
Kung gusto ko ng , kailangan kong .
Basahin ang Colosas 1:23, at alamin ang sinabi ni Pablo na kailangan upang matanggap natin ang mga bungang ito. Punan ang pangalawang patlang ng nalaman mo.
-
Paano mailalarawan ang “nagpapatuloy na matatag at matibay sa pananampalataya”? (Colosas 1:23).
-
Ano ang alam mo tungkol kay Jesucristo na naghihikayat sa iyo na magpatuloy na matatag at matibay sa Kanya?
-
Anong mga karagdagang katotohanan tungkol sa Kanya ang nakita mo sa mga talatang ito na nagpapaibayo sa iyong tiwala o hangaring maging matatag at matibay sa Kanya?
Basahin ang Colosas 2:6–7, at alamin ang itinuro ni Pablo tungkol sa mga ugat ng ating puno. Lagyan ng label ang lupa sa paligid ng iyong puno batay sa sinasabi niya.
-
Saan itinuro ni Pablo na kailangan nating itanim ang ating mga ugat?
-
Sa iyong palagay, ano ang ibig sabihin ng “nakaugat” kay Cristo?
-
Paano tayo tinutulungan na maging matatag at matibay ng pagiging nakaugat ng ating sarili kay Jesucristo? Paano ito mailalarawan?
Isipin ang isang taong kakilala mo na nagpapakita ng pagiging matatag, matibay, at nakaugat kay Cristo.
Ang sumusunod ay dalawang halimbawa ng mga taong nakaugat kay Cristo. Ibinahagi ni Young Men General President Steven J. Lund ang isang halimbawa ng kanyang anak na may malubhang sakit na patuloy na ginagampanan nang tapat ang kanyang mga tungkulin sa priesthood. Kung maaari, panoorin ang “Paghahanap ng Kagalakan kay Cristo” mula sa time code na 0:09 hanggang 3:57 upang marinig ang kuwentong ito.
Si Brother M. Joseph Brough, na naglingkod sa Young Men General Presidency, ay nagkuwento tungkol sa kanyang tinedyer na anak na babae na tapat na nagtitiis sa mga hamon ng paglipat sa isang bagong lugar at pagpiling magmisyon. Kung maaari, panoorin ang “Itaas Mo ang Iyong Ulo at Magsaya” mula sa time code na 5:48 hanggang 7:48 upang marinig ang kanyang kuwento.
Magdrowing ng malalalim at matitibay na ugat para sa iyong puno. Lagyan ng label ang ilan sa mga ugat na may mga katangian o gawa ng mga taong ito na sa pakiramdam mo ay matibay na nag-uugnay sa kanila kay Jesucristo.
Rebyuhin ang Colosas 1:23; 2:6–7. Pagkatapos ay basahin ang Colosas 2:8, 12 at ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan. Lagyan ng label ang mga ugat ng iyong puno ng mga karagdagang paraan na mas matibay nating maiuugnay ang ating sarili sa Tagapagligtas.
Kailangan nating hangaring maging matibay na nakaugat at nananampalataya sa ebanghelyo ni Jesucristo (tingnan sa Colosas 2:6–7). Nakakamtan natin ang pagbabagong-loob na ito sa pagdarasal, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, paglilingkod, at regular na pakikibahagi ng sakramento para mapasaatin tuwina ang Kanyang Espiritu. Kailangan din nating hangarin ang malaking pagbabago ng puso (tingnan sa Alma 5:12–14) na pumapawi sa masasamang hangarin at mga makasariling mithiin at napapalitan ito ng pag-ibig sa Diyos at ng hangaring paglingkuran Siya at ang Kanyang mga anak.
(Dallin H. Oaks, “Ang Talinghaga ng Manghahasik,” Liahona, Mayo 2015, 35)
-
Paano maiiba ang iyong buhay kung ikaw ay mas lubos na matatag at matibay kay Cristo?
Maraming tao ang maaaring gumawa ng mga pagpili na makapagpapalalim sa kanilang mga ugat kay Cristo, ngunit ang paraan ng pagsunod nila sa mga pagpiling iyon ay hindi talaga nagbubunga ng mga makabuluhang resulta. Halimbawa, maaaring nagbabasa ng mga banal na kasulatan ang isang tao araw-araw pero hindi naman siya nag-uukol ng oras upang matukoy, mapagnilayan, at maipamuhay ang mga katotohanan mula sa mga banal na kasulatan. Isipin kung paano mo isasagawa ang iyong mga pinili at kung kinakailangan mong gumawa ng mga pagbabago.
Pagdaig sa mga puwersang nagpapabagsak
Tulad ng mga puwersa ng kalikasan na maaaring bumunot o sumira ng puno, may mga puwersang nagtatangkang bumunot sa atin mula sa ating mga espirituwal na saligan kay Jesucristo.
Sa paligid ng iyong puno, magdrowing ng mga hangin o unos na maaaring bumunot sa iyong puno. Lagyan ng label ang mga hangin at unos na ito ng mga puwersa na maaaring espirituwal na makapagpabagsak sa iyo mula sa pagiging matatag at matibay kay Jesucristo. Maaari mong basahin ang Colosas 2:4, 8 upang makita ang ilan sa mga puwersang naranasan ng mga Banal sa Colosas.
-
Paano makatutulong sa iyo ang mga ugat na natukoy mo ngayon upang matanggap ang kapangyarihan ng Tagapagligtas na maging matatag at matibay laban sa mga puwersang natukoy mo?
Kung maaari, panoorin ang “Mga Espirituwal na Buhawi” (2:24). Alamin kung paano makatutulong sa iyo ang pagiging matatag at matibay kay Cristo.
Hingin ang tulong ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo upang matukoy kung ano ang mahusay mong nagagawa at kung ano ang mas magagawa mo pa upang maging mas matatag at mas matibay kay Jesucristo. Isulat ang iyong mga ideya at impresyon sa iyong study journal, at mangakong susundin ang mga ito.
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Bakit kailangang nakaugat tayo kay Cristo?
Ipinaliwanag ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Dahil sa mga pangyayari at sitwasyon sa mga huling araw, kailangan natin bilang mga miyembro ng Simbahan na maging mas matatag, mas nakaugat, mas nakasalig, at mas matibay (tingnan sa Colosas 1:23; 2:7; 2 Pedro 1:12). Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo, “matibay ninyong ipasiya ito sa inyong puso, na gagawin ninyo ang lahat ng bagay na aking ituturo sa inyo, at iuutos sa inyo” [Joseph Smith Translation, Luke 14:28]. Kung hindi matibay, magiging matindi ang pag-uga. Kung matibay, hindi tayo “tinatangay-tangay” [Efeso 4:14], sa mga sabi-sabi, mga maling doktrina, o sa mga pag-uugali at intelektuwal na paraan ng mundo. …
Gayunpaman, hindi tayo magiging matibay sa paggawa ng iniutos ni Jesus maliban kung tayo ay maging matibay muna sa Kanya. … Ang ating gawain, samakatuwid, ay “makipagkasundo [tayo] sa kalooban ng Diyos, at hindi sa kagustuhan ng … laman” (2 Nephi 10:24).
(Neal A. Maxwell, “Overcome … Even As I Also Overcame,” Liahona, Mayo 1987, 70)
Maaari mo ring panoorin ang “Paghanap ng Kanlungan mula sa mga Unos ng Buhay” mula sa time code na 0:00 hanggang 3:49 upang marinig ang mga karagdagang ideya ni Elder Ricardo P. Giménez.
Colosas 2:13–15. Ano ang itinuro ni Pablo sa mga Banal sa Colosas tungkol sa simbolismo ng Pagpapako sa Tagapagligtas sa Krus?
Ipinaalala ni Pablo sa mga Banal sa Colosas na pinatawad na sila ng Diyos (tingnan sa Colosas 1:14, 20, 22). Ang matalinghagang paglalarawan na ginamit ni Pablo sa Colosas 2:14–15 ay nagbibigay-diin kung paano ginawang posible ng Pagbabayad-sala ni Cristo para mapatawad ang ating mga kasalanan. Noong panahon ni Pablo, kaugalian ng mga Romano na isulat sa isang placard ang mga krimen na ginawa ng isang taong nahatulan na. Kapag ang nagkasala ay ipinako sa krus, ang placard ay ipinapako rin sa krus para makita ng lahat ng taong dumaraan (tingnan sa Juan 19:19–22). Ginamit ni Pablo ang matalinghagang paglalarawan na ito sa talata 13–15 upang ituro sa mga taga Colosas na sila ay napatawad na. Ito ay parang listahan ng lahat ng espirituwal na paratang at akusasyon laban sa mga Banal sa Colosas na inilagay sa isang placard at ipinako sa krus. Sa pamamagitan ng Pagpapako kay Jesucristo sa Krus, ang mga ito ay binura o inalis.