Mga Hebreo 11, Bahagi 2
Pamumuhay nang may Pananampalataya kay Jesucristo
Naisip mo na ba kung paano nananatiling tapat ang ilang tao kahit nahaharap sila sa pinakamahihirap na pagsubok sa buhay? Ano ang nauunawaan nila tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na nakatutulong sa kanila na magtiis? Matapos ituro sa mga Banal na Hebreo ang tungkol sa pananampalataya, hinikayat sila ni Pablo na manampalataya kay Jesucristo tulad ng ginawa ng iba pang matatapat na tao. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na madagdagan ang iyong hangaring mamuhay nang may pananampalataya kay Jesucristo at makilala ang mga pagpapalang ibinibigay sa iyo ng Diyos dahil sa iyong pananampalataya.
Pagkilos nang may pananampalataya
Isipin ang mga indibiduwal sa mga banal na kasulatan o kasaysayan ng Simbahan o ang mga taong kilala mo na pinagpala ng Diyos dahil nanampalataya sila kay Jesucristo. Ang mga sumusunod na larawan ay maaaring makatulong sa iyo na maalala ang ilan sa mga salaysay na ito.
-
Ano ang pinakanapansin mo sa kuwento ng taong ito?
-
Paano tayo naiimpluwensyahan kapag nakaririnig o nagbabahagi tayo ng mga kuwento ng pananampalataya? Bakit?
Sa nakaraang lesson, nalaman mo kung ano ang ibig sabihin ng manampalataya kay Jesucristo. Isipin kung paano makapagpapalakas sa iyo ang ibayong pananampalataya sa Kanya sa mga aspeto ng iyong buhay kung saan ka maaaring mahina at madaling maimpluwensyahan. Maaaring makatulong na isulat ang mga impresyong ito sa iyong study journal. Habang nag-aaral ka ngayon, pagnilayan kung paano mo madaragdagan ang iyong hangarin at kakayahang manampalataya.
Ang mga nabubuhay “sa pananampalataya”
Tulad ng nakatala sa Mga Hebreo 11, nagbahagi si Pablo ng maraming halimbawa ng mga indibiduwal sa Lumang Tipan na namuhay “sa pananampalataya” at “sa pamamagitan ng pananampalataya.” Maaaring mapansin mo na inulit nang maraming beses ang mga pariralang ito sa Mga Hebreo 11. Habang pinag-aaralan mo ang ilan sa mga halimbawang ibinahagi ni Pablo sa mga Banal na Hebreo, isipin kung paano naipakita ang pagmamahal at kabaitan ng Diyos sa mga gantimpala at pagpapalang ipinagkaloob Niya sa mga kumilos nang may pananampalataya.
Gumawa ng chart na may dalawang column sa iyong study journal na katulad ng sumusunod. Tiyaking mag-iwan ng malaking espasyo sa ibaba ng bawat heading.
Paano nanampalataya |
Paano ginantimpalaan ng Diyos ang pagiging matapat |
---|---|
Pag-aralan ang kahit isa sa mga sumusunod na hanay ng mga talata. Habang nag-aaral ka, isulat ang iyong mga nalaman sa chart sa iyong study journal.
Sa pamamagitan ng matatapat na halimbawang ibinahagi ni Pablo, matututuhan natin ang maraming katotohanan tungkol sa pananampalataya, sa Diyos, at sa ating sarili. Isa sa mga katotohanang inilarawan sa buong kabanatang ito ay itinuturo sa Mga Hebreo 11:6: Ginagantimpalaan ng Diyos ang sumasampalataya kay Jesucristo. Kung hindi mo pa ito nagagawa, maaari mong markahan ang “siya ang tagapagbigay-gantimpala sa mga masigasig na humahanap sa kanya” sa talata 6.
-
Paano magiging paraan ang masigasig na paghahanap sa Diyos upang manampalataya?
-
Sa iyong palagay, bakit nalulugod ang Ama sa Langit kapag nananampalataya tayo?
Pamumuhay nang may pananampalataya
Bukod pa sa pagpapala sa maraming tao noon dahil sa pananampalataya sa Kanya, ang Diyos din ay “tagapagbigay-gantimpala sa mga masigasig na humahanap sa kanya” (Mga Hebreo 11:6) sa ating panahon.
Kung maaari, panoorin ang “Pure and Simple Faith” (5:21), matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org. Habang pinanonood mo ang video, alamin kung paano pinagpala ng Diyos ang isang dalagita at kanyang pamilya nang manampalataya sila kay Jesucristo. Isipin mo rin kung paano ka pinagpala ng Diyos nang manampalataya ka sa Kanya.
Mag-isip ng isang pagkakataon kung kailan mo natanggap o ng isang taong kilala mo ang mga pagpapala ng Diyos dahil sa pananampalataya kay Jesucristo.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
Lahat ng mabuti sa buhay—lahat ng pagpapala na maaaring matamo na may walang-hanggang kahalagahan—ay nagsisimula sa pananampalataya. Ang tulutan ang Diyos na manaig sa ating buhay ay nagsisimula sa pananampalataya na handa Niya tayong gabayan.
(Russell M. Nelson, “Si Cristo ay Nagbangon; Ang Pananampalataya sa Kanya ay Makapagpapalipat ng mga Bundok,” Liahona, Mayo 2021, 102)
Pagnilayan ang natutuhan mo at ang nadama mo nang pag-aralan mo ang tungkol sa pananampalataya sa Mga Hebreo 11. Ano ang nadama mong dapat mong gawin dahil sa pinag-aralan mo? Ano ang maaari mong gawin upang makakilos nang may higit na pananampalataya kay Jesucristo? Isulat ang mga saloobin at impresyon mo sa iyong study journal.
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Paano ako nakatatanggap ng mga pagpapala mula sa Diyos?
Itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Karamihan sa mga pagpapala na nais ibigay sa atin ng Diyos ay nangangailangan ng pagkilos natin—pagkilos na batay sa ating pananampalataya kay Jesucristo. Ang pananampalataya sa Tagapagligtas ay alituntunin ng pagkilos at ng kapangyarihan. Una tayo ay kumikilos nang may pananampalataya; pagkatapos ay darating ang kapangyarihan—ayon sa kalooban at panahon ng Diyos. Ang pagkakasunud-sunod ay napakahalaga. Ang ipinagagawa sa atin, gayunpaman, ay palaging maliit kung ikukumpara sa mga pagpapala na matatanggap natin sa huli [tingnan sa Mosias 2:24–25].
(Dale G. Renlund, “Mananagana sa Pagpapala,” Liahona, Mayo 2019, 70)
Ano ang matututuhan ko mula sa mga halimbawa ng matatapat na miyembro ng Simbahan ngayon?
Ang sumusunod na video ay naglalahad ng mga halimbawa ng indibiduwal na nanampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Isipin kung paano makaiimpluwensya sa iyo ang kanyang mga halimbawa upang mas manampalataya ka sa iyong buhay. Ang mga video na ito ay makukuha sa ChurchofJesusChrist.org.
-
Video: “My New Life” (8:20)
-
Video: “Sealed Together: The Manaus Temple Caravan” [14:14]
-
Video: “Living beyond ‘What If?’: Cambry Kaylor” [14:47]
-
Hango sa video: “Ang Pananampalataya ay Hindi Matatamo Kung Wala Munang Pagpiling Gagawin” [10:49–14:13]
Kung hindi ako makatanggap ng mga sagot o pagpapala, hindi ba sapat ang aking katapatan?
Itinuro ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Sagana ang mga himala, tanda, at kababalaghan sa mga alagad ni Jesucristo ngayon, sa inyong buhay at sa akin. …
… Hindi ito palaging naaayon sa ating hinihiling o inaasahan, ngunit kapag nagtiwala tayo sa Panginoon, paroroon Siya, at magiging tama Siya. Iaakma Niya ang himala sa sandaling kailangan natin ito. …
May mga pagkakataon na umaasa tayo sa isang himalang mapagaling ang isang mahal sa buhay, na maitama ang isang kawalang-katarungan, o lumambot ang puso ng isang kaluluwang nasasaktan o dismayado. Sa pagtingin sa mga bagay gamit ang mortal na mga mata, nais nating mamagitan ang Panginoon, na ayusin ang nasira. Sa pamamagitan ng pananampalataya, darating ang himala, bagama’t maaaring hindi ayon sa ating takdang panahon o sa ipinasiya natin. Ibig bang sabihin niyan ay hindi tayo gaanong matapat o hindi tayo nararapat sa Kanyang pamamagitan? Hindi. Tayo ay pinakamamahal ng Panginoon. Ibinigay Niya ang Kanyang buhay para sa atin, at patuloy tayong pinalalaya ng Kanyang Pagbabayad-sala mula sa mga pasanin at kasalanan kapag nagsisisi tayo at lumalapit sa Kanya.
Ipinaalala na sa atin ng Panginoon, “Ni ang inyong mga pamamaraan ay aking mga pamamaraan” [Isaias 55:8]. Ang alok Niya, “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan” [Mateo 11:28]—kapahingahan mula sa pag-aalala, pagkasiphayo, takot, pagsuway, pag-aalala sa mga mahal sa buhay, sa nawala o nasirang mga pangarap. Ang kapayapaan sa gitna ng pagkalito o kalungkutan ay isang himala. Alalahanin ang mga salita ng Panginoon: “Hindi nga ba’t ako ay nangusap ng kapayapaan sa iyong isipan hinggil sa bagay na ito? Ano pang mas higit na katibayan ang iyong matatamo kundi ang mula sa Diyos?” [Doktrina at mga Tipan 6:23]. Ang himala ay na si Jesucristo, ang Dakilang Jehova, ang Anak ng Kataas-taasan, ay tumutugon nang may kapayapaan.
(Ronald A. Rasband, “Masdan! Ako ay Diyos ng mga Himala,” Liahona, Mayo 2021, 109, 111)